Ang naunang paksa ay tinalakay ang estandardisasyon ng wikang Filipino bilang bahagi
ng pagpapaunlad at pagpapalawak ng wikang Filipino. Maliban sa prosesong ito, may mas
malaking hakbang pa na kailangang maabot ng wikang Filipino, ang intelektwalisasyon. Nabanggit sa mga naunang paksa na upang manatiling buhay ang isang wika ay kailangan itong gamitin. Ang lipunan ang gumagamit ng wika kaya nararapat na magampanan ng wika ang kanyang tungkulin. Isa sa mga paraan upang lubusang maisakatuparan ito ay ang pagiging intelektwalisado. Sa bahaging ito ng modyul ay tatalakayin ang prosesong intelektwalisasyon, ang kahalagahan nito sa pag-unlad ng wikang Filipino at ang hakbang upang maging na intelektwalisado ang wika. Inaasahan na mas lalawak pa ang inyong kaalaman sa wika at sa tulong ng mga gawaing pampagkatuto ay mas lalalim pa ang inyong damdaming maka Filipino. Ang wikang ginagamit ay wikang buhay. Iyan ang ilan sa mga katangian ng wika na pinanghahawakan ng wikang Filipino upang manatili ito. Ngunit ang paggamit nito ay hindi sapat upang magampanan ang kanyang papel. Kinakailangang humakbang ito paitaas upang maabot ang iba pang tungkulin na dapat gampanan ng isang wika. Ito ay ang magamit sa iba’t ibang larangan at mas mataas na antas ng pagkatuto. Isa sa mga proseso na dapat pagdaanan ng wikang Filipino ay ang intelektwalisasyon. Ang intelektwalisasyon ayon sa Komisyon ng Wikang Filipino, ay ang proseso na pinagdadaanan ng wika upang ito ay magkaroon ng kakayahan na magamit sa iba’t ibang larang katulad ng agham, teknolohiya, pamahalaan, edukasyon, negosyo, industriya, batas at iba pa. Sa buong mundo, ang maituturing na intelekwalisadong wika ay ang Ingles, Russian, German, French at Japanese. Ang wikang Filipino ay hindi (pa) intelektwalisado. Hindi at hindi pa intelektwalisado sapagkat nasa proseso pa tayo tungo sa intelektwalisasyon. Tatlong Domeyn ng Wika (Sibayan, 1991) 1. Non-controlling domains (NCDs)
Ang domeyn na ito ay kinabibilangan ng mga nasa bahay na gumagamit ng karaniwang
wika. Hindi ito kontrolado sapagkat nakadepende ito sa wikang ginagamit ng pamilya at mga malalapit na kakilala. Pasalita man o pasulat ay maaaring gumamit ng kahit anong wika. 2. Semi-controlling domains (SCDs) Ito ay ang domeyn na may kaugnayan sa relihiyon, politika at panlibangan. Semi controlling dahil binibigyang konsiderasyon ng mga gumagamit ng wika ang pang-unawa ng mga tagapakinig o mga inaasahang awdyens. Mahigpit ito kung ihahambing sa non controlling domain sapagkat binibigyang halaga ang pormalidad at ang masa. 3. Controlling domains (CDs) Ito ay kinabibilangan ng gobyerno, edukasyon, propesyon, agham at teknolohiya, negosyo at panitikan. Ang domeyn na ito ay gumagamit ng wikang intelektwalisado. Sa tatlong domeyn, ang controlling domains ay gumagamit ng wikang Ingles. Dito sa Pilipinas, mapapansin ang paggamit ng wikang Ingles sa mga domeyn na ito sapagkat nagagampanan ng wikang Ingles ang mga pangangailangan sa mga sektor na nabanggit. Maging mga kagamitang sa pagtuturo ng Ingles ay mas madaling mahagilap kung ihahambing sa wikang Filipino kahit na nasa Pilipinas tayo. Sa pag-intelekwalisa ng wikang Filipino, nararapat na maging sanggunian ang Espanyol at Ingles sapagkat mahihirapan ang wikang Filipino kung sa Tagalog lamang ito magbabatay dahil sinakop tayo ng mga Kastila at Amerikano na kung saan ay natuto sayo ng kanilang wika at kultura. Malaking tulong din ang mga katutubong wika sa bawat rehiyon sapagkat taglay nito ang kultura ng bawat lugar. Samaktwid, upang maintelektwalisa ang wikang Filipino, kailangang magamit ito ng mga nasa controlling domain. Ibig sabihin,papalitan ng wikang Filipino ang Ingles ngunit upang ito ay magamit kailangang maging intelektwalisado ang wikang Filipino. Modelo ng Pag-unlad ng Wika SELEKSYON ESTANDARDISASYON DESIMINASYON KULTIBASYON (INTELEKWALISASYON)
Makikita sa inilahad na modelo na katulad din ng estandardisasyon, dumadaan sa proseso
ng pagpipili o seleksyon. Mabusisi ang prosesong ito sapagkat kinakailangang mabigyang pansin ang iba pang wika na maaaring makatulong sa intelektwalisasyon ng wika. Halimbawa sa Pilipinas, kailangang ikonsidera ang wikang Espanyol at Ingles sapagkat marami sa mga salita sa Filipino ang hango sa wikang ito. Ang ikalawang bahagi ay ang estandardisasyon. Ang proseso nito ay tinalakay na sa naunang paksa. Batid natin na mahaba ang prosesong ito sapagkat nangangailangan ng wasto at angkop na pagbuo ng tuntunin at gabay. Ang ikatlong bahagi ay ang desiminasyon. Ito ay ang pagbabahagi ng bagong kaalaman, mga tuntunin at gabay sa iba’t ibang ahensya, departamento at organisasyon katulad ng paaralan at mga sangay ng gobyerno. Ang panghuli ay ang kultibasyon na hahantong sa intelektwalisasyon. Ang paglilinang sa mga tuntunin at gabay ay isinasagawa sa bahaging ito. Sinisigurado na magagampanan ng wika ang tungkulin nito at magagamit sa kahit anong larangan. Batay sa inilahad na modela ng pag-unlad ng wika, mababatid natin na mahaba pa ang pagdadaanan ng wikang Filipino. Kailangan pang himay-himayin at pag-aralang mabuti ang bawat hakbang. Hindi ito magiging madali ngunit makakamit ito ng wika kung patuloy ang pagsasagawa ng mga gawain at proyekto na makakatulong upang umunlad ito.