You are on page 1of 9

MODULE 1: ANG HEOGRAPIYANG PISIKAL NG DAIGDIG

Learning Competency: Nasusuri ang katangiang pisikal ng daigdig.

Katuturan at Saklaw ng Heograpiyang Pisikal Ang HEOGRAPIYA ay galing sa dalawang salitang Griyego
na"GEO" na ang ibig sabihin ay mundo at "GRAPHIEN" na ang ibig sabihin ay paglalarawan. Ito rin ay
ang pag-aaral ng katangiang pisikal ng daigdig o mundo at ng interaksyon ng tao sa kaniyang kapaligiran.
Ang Griyegong si Herodotus ang tinaguriang Ama ng Heograpiya.

LIMANG TEMA NG HEOGRAPIYA

1.) LOKASYON - Tumutukoy sa kinaroroonan ng mga lugar sa daigdig. May 2 paraan para malaman ang
kinaroroonan ng isang lugar:

Relatibong Lokasyon na ang batayan ay ang mga lugar at bagay na nasa paligid nito tulad ng anyong
lupa, anyong tubig, at mga istrukturang gawa ng tao .

Lokasyong Absolute na gamit ang mga imahinasyong guhit tulad ng latitud at longhitud.

2.) LUGAR - Tumutukoy sa mga katangiang natatangi sa isang pook

*Katangian ng kinaroroonan tulad ng klima, anyong lupa, anyong tubig, at likas na yaman

*Katangian ng mga taong naninirahan tulad ng wika, relihiyon, densidad, kultura, at mga sistemang
pulitikal

3.) REHIYON - Bahagi ng daigdig na pinagbubuklod ng magkakatulad na katangiang pisikal o kultural.

4.) INTERAKSIYON NG TAO AT KAPALIGIRAN - Ang kaugnayan ng tao sa pisikal na katangiang


taglay ng kaniyang kinaroroonan. Ang kapaligiran bilang pinagkukunan ng pangangailangan ng tao
gayundin ang pakikiayon ng tao sa mga pagbabagong nagaganap sa kaniyang kapaligiran.

5.) PAGGALAW - Tumutukoy ito sa paglipat ng tao mula sa kinagisnang lugar; kabilang din dito ang
paglipat ng mga bagay at likas na pangyayari tulad ng hangin at ulan. May tatlong (3) uri ng distansiya
ang isang lugar:  Linear-gaano kalayo ang isang lugar  Time-gaano katagal ang paglalakbay 
Psychological-paano tinitignan ang layo ng lugar.

Ang Katangiang Pisikal ng Daigdig

Lokasyon

Mga kagamitan upang mailarawan ang lokasyon ng iba’t ibang lugar sa mundo:

Globo - eksaktong modelo ng mundo


Mapa - patag na representasyon ng mundo na ginagamit upang ilarawan ang isang lugar

Mga Linya sa Globo at Mapa:

1. Parallel - ang tawag sa mga imahinaryong guhit pahiga na matatagpuan sa globo/mapa.

2. Meridian - ang tawag sa mga imahinaryong guhit patayo na matatagpuan sa globo/mapa.

3. Latitud - ang distansiyang angular na natutukoy sa pagitan ng dalawang parallel.

4. Longhitud- ang distansiyang angular na natutukoy sa pagitan ng dalawang meridian.

5. Ekwador- ang imahinaryong guhit pahiga na humahati sa hilaga at timog hemisperyo ng mundo. Ito ay
nasa zero degree latitude

6. Prime Meridian – ang pinakagitnang imahinaryong guhit patayo na humahati sa silangan at kanluran
ng globo. Ito ay nasa zero degree longhitud.

7. Polong Hilaga - ang itaas na hilagang bahagi ng mundo.

8. Polong Timog - ang ibabang timog na bahagi ng mundo.

9. Tropiko ng Kanser- ay guhit na nasa 23 ½ digri hilagang ekwador.

10. Tropiko ng Kaprikorn - ay guhit na nasa 23 ½ digri timog ng ekwador


Ang Klima

Ang daigdig ang tanging planeta sa solar system na kayang makapagpanatili ng buhay. Ang malaking
bahagi ng ating planeta ay may kaaya-ayang kapaligiran o atmospera at sapat na sinag ng araw, init at
tubig upang matustusan ang pangangailangan ng mga halaman at hayop sa balat ng lupa. Mahalaga ang
papel ng klima, ang kalagayan o kondisyon ng atmospera sa isang rehiyon o lugar sa matagal na panahon.
Pangunahing salik sa pagkakaiba-iba ng mga klima sa daigdig ang natatanggap na sinag ng araw ng isang
lugar depende sa latitude at gayon din sa panahon, distansiya mula sa karagatan, at taas mula sa sea
level. Ang mga lugar na malapit sa equator ang nakararanas ng pinakasapat na sinag ng araw at ulan na
nararanasan sa buong daigdig. Dahil dito, maraming habitat o likas na tahanang nagtataglay ng iba’t
ibang species ng halaman at hayop ang matatagpuan sa mga lugar na ito. Kabilang sa mga ito ay ang mga
rainforest, coral reef, at mangrove swamp. Kapag bihira naman ang pag-ulan at napakainit ng panahon
sa isang pook, tulad ng disyerto, kakaunti ang maaaring mabuhay na mga halaman at hayop dito. Ganito
rin ang maaaring asahan sa mga lugar na lubhang napakalamig ng panahon.

Mga Anyong Tubig

Topograpiya ang tawag sa pisikal na katangian ng isang lugar o rehiyon. Kung gusto ng tao na mabuhay,
dapat siyang matutong makiangkop sa kanyang kapaligiran. Kung iyong mapapansin, sa kasaysayan ng
sangkatauhan, ang mga kauna-unahang kabihasnan ng daigdig ay umusbong malapit sa mga lambak-ilog.
Kabilang dito ang mga lambak ng Tigris-Euphrates, Indus, Huang Ho sa Asia, at lambak-ilog ng Nile sa
Africa. Samantala, ang mga bulubunduking lugar ay kadalasang nagtataglay lamang ng maliit na
populasyon. Kapansin-pansing ang pinakamataas na bundok sa buong daigdig ay matatagpuan sa Asia,
tulad ng Everest (29,028 talampakan o 8,848 metro). Sa Africa, pinakamataas ang Kilimanjaro (19,340
talampakan o 5,895 metro) at sa Europe, ang Elbrus sa Russia (18,510 talampakan o 5,642 metro). Isa
lang ang pandaigdigang karagatan na may malawak na katawan ng tubig na sumasaklaw sa 71 porsyento
ng mundo na nahahati sa heograpiya sa natatanging mga rehiyon. Ang mga hangganan sa pagitan ng mga
rehiyon na ito ay nagbago sa paglipas ng panahon dahil sa iba't ibang mga makasaysayang kultura,
heograpiya, at pang-agham na rason o dahilan. Noong 2000 itinakda ng International Hydrographic
Organization ang isang panibagong karagatan na pumapalibot sa Antarctica: ang Southern Ocean na
umaabot hanggang 60ºS latitude. Kaya, nadagdagan ng isa ang apat na karagatan na kinilala sa daigdig:
Pacific, Atlantic, Indian, at Arctic. Matatagpuan sa mga karagatan ang ilang pinakamalalim na bahagi
ng daigdig, pangunahin sa talaan ang Challenger Deep sa Mariana Trench na nasa kanlurang bahagi ng
Pacific Ocean. Iba pang malalim na trench ay ang Puerto Rico Trench sa Atlantic Ocean, Java Trench
sa Indian Ocean, at Eurasia Basin sa Arctic Ocean.Marami pang dagat na matatagpuan sa daigdig na
kadalasang bahagyang napaliligiran ng mga lupain. Pinakamalalaking dagat sa daigdig ang South China
Sea, Caribbean Sea, at Mediterranean Sea.

Mga Uri ng Anyong Tubig

Ating balikan ang iba’t ibang uri ng anyong tubig upang mas lalo nating maunawaan kung paano sila
nakakaapekto sa kasaysayan ng daigdig.

Karagatan - Ito ay ang pinakamalawak at pinakamalalim na anyong-tubig. Maalat ang tubig nito.
(Kabilang sa mga kilalang karagatan ay ang Karagatang Pasipiko, Karagatang Atlantiko, Karagatang
Indian, Karagatang Artiko, at ang Karagatang Southern.)

Dagat – Ito ay malawak na anyong-tubig na mas maliit lamang ang sukat sa karagatan. Maalat ang tubig
ng dagat sapagkat nakadugtong ito sa karagatan. (Nabibilang sa mga dagat sa Pilipinas ang West
Philippine Sea, Dagat Pilipinas, Dagat Sulu, Dagat Celebes, Dagat Mindanao at Dagat llapitan.)

Ilog – Ang ilog ay isang mahaba at makipot na anyong tubig na umaagos patungong dagat. Nagmula ito
sa maliit na sapa o itaas ng bundok o burol.

Look – Ang look ay anyong-tubig na nagsisilbing daungan ng mga barko at iba pang sasakyang pandagat.
Maalat din ang tubig nito sapangkat nakadugtong ito sa dagat o sa karagatan. (Ang Look ng Maynila,
Look ng Subic, Look ng Ormoc, Look ng Batangas, at Look ng Iligan ay halimbawa ng mga look sa
Pilipinas.

Golpo – Ito ay bahagi ng dagat.

Lawa – Ito ay isang anyong tubig na napaliligiran ng lupa.

Bukal – Ito ang tawag sa anyong tubig na nagmula sa ilalim ng lupa.

Kipot – Ito ay makitid na daang-tubig na nag-uugnay sa dalawang malaking anyong tubig tulad ng dagat
o karagatan. May kabuuang 200 ang kipot sa Pilipinas dahil sa pagiging arkipelago nito.

Talon – Ito ay anyong tubig na bumababa sa isang sapa

Batis – Ito ay ilug-ilogan o saluysoy na patuloy na umaagos. Sapa – Ito ay anyong tubig na dumadaloy.

Mga Anyong Lupa

Bumubuo lamang ang kalupaan ng 29.2 bahagdan ng kabuuang daigdig at nahahati-hati ito sa apat na
malalaking rehiyon: EurAsia-Africa - tripleng kontinente ng Europa, Asia, at Africa; America - dobleng
kontinente ng North at South America; Antarctica; at Australia kasama ang Oceania. Ang mga
nabanggit na apat na rehiyon ay bumubuo ng 93 bagagdan ng 53.28 milyong milya kwadrado ng
kalupaan. Bunga ng distribusyon ng mga nabanggit na masa ng lupa, nahiwa-hiwalay nila ang katubigan sa
tatlong pangunahing rehiyong katubigan: Pacific Ocean; Atlantic Ocean at maliit na karagatang Arctic,
at Indian Ocean. Para sa mga oceanographer o mga siyentista na nag-aaral tungkol sa karagatan ng
daigdig, tatlo lamang ang matatawag na karagatan: ang Atlantic, Pacific, at ang Indian. Ang Pacific ang
pinakamalawak at sumasakop sa halos ikatlong bahagi (1/3).
Mga Uri ng Anyong Lupa Balikan natin ang iba’t ibang uri ng anyong lupa para mapalalim natin ang
ating pang-unawaan sa kasaysayan ng daigdig.

Kapatagan — Ito ay isang lugar kung saan walang pagtaas o pagbaba ng lupa, patag at pantay ang lupa
rito. Maaaring itong taniman ng mga palay, mais, at gulay.

Bundok — Ito ay isang pagtaas ng lupa sa daigdig, may matatarik na bahagi at hamak na mas mataas
kaysa sa burol. Halimbawa nito ang Bundok Banahaw at Bundok Apo.

Bulkan — Ito ay isang uri ng bundok sa daigdig na kung saan ang tunaw na bato ay maaaring lumabas
dito mula sa kailaliman ng daigdig. May dalawang uri ng bulkan, una ang tinatawag na tahimik na kung
saan matagal na hindi ito sumasabog, tulad ng Bulkang Makiling na matatagpuan sa lalawigan ng Laguna;
at ang ikalawang uri naman ay aktibo na kung saan maaari itong sumabog anumang oras. Mapanganib ang
ganitong bulkan. Maaari itong sumabog at magbuga ng kumukulong putik at abo. Halimbawa nito ay ang
Bulkang Pinatubo.

Burol — Higit na mas mababa ito kaysa sa bundok at ang halimbawa nito ay ang tanyag na Chocolate
Hills ng Bohol sa Pilipinas. Pabilog ang hugis nito at tinutubuan ng mga luntiang damo sa panahon ng tag-
ulan at kung tag-araw ay nagiging kulay tsokolate.

Lambak — Ito ay isang kapatagan ngunit napaliligiran ng mga bundok. Marami ring mga produkto tulad
ng gulay, tabako, mani, mais, at palay ang maaaring itanim dito.

Talampas — Ito ay patag na anyong lupa sa mataas na lugar na pwedeng gawing taniman. Bulubundukin
— Ito ay matataas at matatarik na bundok na magkakadikit at magkasunud-sunod.

Pulo — Ito ay mga lupain na napalilibutan ng tubig.

Tangway — Ito ay pahaba at nakausling anyong lupa na naliligiran ng tubig.

Tangos — Ito ay mas maliit sa tangway.

Disyerto — Ito ay mainit na anyong lupa gaya ng tanyag na Sahara Desert sa Africa.

Ang mga Kontinente

Tinatawag na kontinente ang pinakamalawak na masa ng lupa sa ibabaw ng daigdig. May mga
kontinenteng magkakaugnay samantalang ang iba ay napapalibutan ng katubigan. Ayon kay Alfred
Wegener, isang German na nagsulong ng Continental Drift Theory, dati ng magkakaugnay ang mga
kontinente sa isang super kontinente na Pangaea. Dahil sa paggalaw ng continental plate o malaking
bloke ng bato kung saan nakapatong ang kalupaan, nagkahiwa-hiwalay ang Pangaea at nabuo ang
kasalukuyang mga kontinente. Mayroong pitong (7) kontinente na bumubuo sa daigdig.

ASYA

Pinakamalaking kontinente sa mundo ang Asia. Sinasabing ang sukat nito ay mas malaki pa sa
pinagsamang lupain ng North at South America, o sa kabuuang sukat ng Asia ay tinatayang sangkatlong
(1/3) bahagi ng kabuuang sukat ng lupain ng daigdig. Nasa Asia rin ang China na may pinakamalaking
populasyon sa daigdig at ang Mt. Everest na pinakamataas na bundok sa pagitan ng Sagamartha Zone
sa Nepal at Tibet.
AFRICA

Nagmula sa Africa ang malaking suplay ng ginto at diyamante. Naroon din ang Nile River na
pinakamahabang ilog sa buong daigdig at ang Sahara Desert na pinakamalaking disyerto. Ang Africa
ang nagtataglay ng pinakamaraming bansa kung ihahambing sa ibang mga kontinente.

NORTH AMERICA

Ang North America ay may hugis na malaking tatsulok subalit mistulang pinilasan sa dalawang bahagi
ng Hudson Bay at Gulf of Mexico. Dalawang mahabang kabundukan ang matatagpuan sa kontinenteng
ito – ang Applachian Mountains sa silangan at Rocky Mountains sa kanluran.
SOUTH AMERICA

Ang South America ay hugis tatsulok na unti-unting nagiging patulis mula sa bahaging equator
hanggang sa Cape Horn sa katimugan. Ang Andes Mountains na may habang 7,240 km (4,500 milya) ay
sumasakop sa kabuuang baybayin ng South America.

ANTARCTICA

Ang Antarctica ang tanging kontinenteng natatakpan ng yelo na ang kapal ay umaabot ng halos 2 km.
(1.2 milya). Dahil dito, walang taong naninirahan sa Antarctica maliban sa mga siyentistang
nagsasagawa ng pag-aaral tungkol dito. Gayunpaman, sagana sa mga isda at mammal ang karagatang
nakapalibot dito.
EUROPE

Ang laki ng Europe ay sangkapat (1/4) na bahagi lamang ng kalupaan ng Asia. Ito ang ikalawa sa
pinakamaliit na kontinente ng daigdig sa lawak na halos 6.8% ng kabuuang lupa ng daigdig.

AUSTRALIA

Ang Australia at Oceania ay ang kontinenteng pinakamaliit sa daigdig. Napalilibutan ito ng Indian
Ocean at Pacific Ocean, at inihihiwalay ng Arafura Sea at Timor Sea. Dahil sa mahigit 50 milyong
taong pagkakahiwalay ng Australia bilang isang kontinente, may mga bukod tanging species ng hayop at
halaman na sa Australia at Oceania lamang matatagpuan. Kabilang dito ang kangaroo, wombat, koala,
Tasmanian Devil, platypus, at iba pa.

You might also like