Iaalay ko sa iyo ang aking puso nang taimtim Kailangan pa ba ng dahilan para ika’y mahalin? Ako’y hindi pa nakakalunok ng paru-paro Ngunit ang aking sikmura’y tila puno Tila ba’y nakakaramdam ng kiliti Tuwing ako’y tinatawag mo
Noo’y nagsawa sa mga awiting pag-ibig
Ngayo’y ang mga awiting pag-ibig na ang nagsasawa sa’kin Noo’y hindi ko mawari Ngayo’y ramdam ko na ang hiwagang pinapahiwatig
Ako’y nakulong sa munting sansinukob
Na nakakubli sa iyong mga mata Tila ba’y nababalot ng hiwaga ang bawat salita Na iyong binibitawan
Sana’y huwag kang mawala
Sapagkat lahat nang makikita’t mahahawaka’y Mawawalan ng kulay
Sa totoo’y ayaw kong mabuhay sa mundong
Walang kakulay kulay at musika Kahit ang mga anghel ay masisintunado sa pag-awit Kung ika’y lumisan
Ang damdamin ko’y totoo at iyong iyo
Tulad ka man ng bituin na mahirap abutin Ako’y matiyagang gagawa ng hagdan patungo sa iyo
Hinding hindi ako pipiglas sa yakap ng iyong hiwaga
Ayaw kong kumawala Kung pwede ay habang buhay mananatili Sa yakap ng iyong hiwaga
Oras ay hindi namamalayan tuwing ika’y aking kausap
Minsa’y hiniling na bumagal ang ikot ng mundo Makausap at makapiling ka lamang nang matagal Alam kong ang aking pagkauhaw ay walang humpay Ngunit ang pag-ibig sa’yo’y ganoon din
Lahat ng paraan ay aking hahanapin at gagawin
Makasama, makapiling, makausap ka lamang Tila ba’y para akong siraulo na nagkukuwento sa mga bituin Kung gaano ako nahulog sa iyo Nauunawaan kaya ng sansinukob ang bawat salitang sambit? Nauunawaan kaya nito ang ating pag-iibigan? Hiling ko’y di tayo paghiwalayin nito Tanging ikaw lang ang magiging laman ng tula Tanging ikaw lang ang himig ng mga kanta Ikaw at ikaw lamang ang laman ng puso’t isipan
Sana’y huwag mong maliitin ang nag uumapaw kong damdamin
Handa akong sungkitin ang buwan para sa iyo Handa akong hilingin ang pagsabog ng bawat bituin Kung ang kapalit nito’y makapiling ka habang buhay
Siguro nga ay maaga pa, at siguro’y di pa panahon
Para sa isang bagay na panghabang buhay Ngunit ako’y maghihintay At patuloy na iibigin ka