You are on page 1of 5

Halina't Magbasa ng

Mga Alamat

Name
Alamat ng Ampalaya
Noong araw, sa bayan ng Sariwa naninirahan ang lahat ng uri ng gulay na
may kanya-kanyang kagandahang taglay.
Si Kalabasa na may kakaibang tamis, si Kamatis na may asim at malasutlang
kutis, si Luya na may anghang, si Labanos na sobra ang kaputian, si Talong na
may lilang balat, luntiang pisngi ni Mustasa, si Singkamas na may kakaibang
lutong na taglay, si Sibuyas na may manipis na balat, at si Patola na may
gaspang na kaakit-akit.
Subalit may isang gulay na umusbong na kakaiba ang anyo, siya si Ampalaya
na may maputlang maputlang kulay, at ang kanyang lasang taglay ay di
maipaliwanag.
Araw-araw, walang ginawa si Ampalaya kung hindi ikumpara ang kanyang
itsura at lasa sa kapwa niya gulay, at dahil dito ay nagbalak siya ng masama sa
kapwa niyang mga gulay.
Nang sumapit ang gabi kinuha ni Ampalaya ang lahat ng magagandang
katangian ng mga gulay at kanyang isinuot.
Tuwang-tuwa si Ampalaya dahil ang dating gulay na hindi pinapansin ngayon
ay pinagkakaguluhan. Ngunit walang lihim na hidi nabubunyag nagtipon-tipon
ang mga gulay na kanyang ninakawan.
Napagkasunduan nilang sundan ang gulay na may gandang kakaiba, at laking
gulat nila ng makita nilang hinuhubad nito isa-isa ang mga katangian na
kanilang taglay. Nanlaki ang kanilang mga mata ng tumambad sa kanila si
Ampalaya.
Nagalit ang mga gulay at kanilang iniharap si Ampalaya sa diwata ng lupain.
Isinumbong nila ang ginawang pagnanakaw ni Ampalya. Dahil dito nagalit ang
diwata at lahat ng magagandang katangian na kinuha sa mga kapwa niya
gulay.
Laking tuwa ni Ampalaya dahil inisip niya na iyon lamang pala ang kabayaran
sa ginawa niyang kasalanan. Ngunit makalipas ang ilang sandali ay nag-iba
ang kanyang anyo.
Ang balat niya ay kumulubot dahil ang kinis at gaspang na taglay ni upo at
kamatis ay nag-away sa loob ng kanyang katawan.
Maging ang mga ibat-ibang lasa ng gulay ay naghatid ng hindi magandang
panlasa sa kanya kung kaya’t pait ang idinulot nito. Ang kanyang kulay ay
naging madilim na luntian.
Ngayon, kahit masustansiyang gulay si Ampalaya, marami ang hindi
nagkakagusto sa kaniya dahil sa pait na kanyang lasa.
Alamat ng Pinya
Noong unang panahon may nakatirang mag-ina sa isang malayong pook.
Ang ina ay si Aling Rosa at ang anak ay si Pinang. Mahal na mahal ni Aling
Rosa ang kanyang bugtong na anak. Kaya lumaki si Pinang sa layaw.
Gusto ng ina na matuto si Pinang ng mga gawaing bahay, ngunit laging
ikinakatwiran ni Pinang na alam na niyang gawin ang mga itinuturo ng ina.
Kaya’t pinabayaan na lang niya ang kanyang anak.
Isang araw nagkasakit si Aling Rosa. Hindi siya makabangon at makagawa
ng gawaing bahay. Inutusan niya si Pinang na magluto ng lugaw.
Isinalang ni Pinang ang lugaw ngunit napabayaan dahil sa kalalaro. Ang
lugaw ay dumikit sa palayok at nasunog. Nagpasensiya na lang si Aling Rosa,
napagsilbihan naman siya kahit paano ng anak.
Nagtagal ang sakit ni Aling Rosa kaya’t napilitan si Pinang na gumagwa sa
bahay. Isang araw, sa kanyang pagluluto hindi niya makita ang posporo.
Tinanong ang kanyang ina kung nasaan ito. Isang beses naman ay ang
sandok ang hinahanap.
Ganoon ng ganoon ang nangyayari. Walang bagay na di makita at agad
tinatanong ang kanyang ina. Nayamot si Aling Rosa sa katatanong ng anak
kaya’t nawika nito:
“Naku! Pinang, sana’y magkaroon ka ng maraming mata upang makita mo
ang lahat ng bagay at hindi ka na tanong nang tanong sa akin.”
Dahil alam niyang galit na ang kanyang ina ay di na umimik si Pinang. Umalis
siya upang hanapin ang sandok na hinahanap. Kinagabihan, wala si Pinang
sa bahay. Nabahala si Aling Rosa. Tinatawag niya ang anak ngunit walang
sumasagot. Napilitan siyang bumangon at naghanda ng pagkain.
Pagkaraan ng ilang araw ay magaling-galing na si Aling Rosa. Hinanap niya
si Pinang. Tinanong niya ang mga kapitbahay kung nakita nila ang kanyang
anak. Ngunit naglahong parang bula si Pinang. Hindi na nakita ni Aling Rosa
si Pinang.
Isang araw, may nakitang halaman si Aling Rosa sa kanyang bakuran. Hindi
niya alam kung anong uri ang halaman iyon. Inalagaan niyang mabuti
hanggang sa ito’y magbunga. Laking pagkamangha ni Aling Rosa ng makita
ang anyo ng bunga nito. Ito’y hugis-ulo ng tao at napapalibutan ng mata.
Biglang naalaala ni Aling Rosa ang huli niyang sinabi kay Pinang, na sana’y
magkaroon ito ng maraming mata para makita ang kanyang hinahanap.
Tahimik na nanangis si Aling Rosa at laking pagsisisi dahil tumalab ang
kanyang sinabi sa anak.
Inalagaan niyang mabuti ang halaman at tinawag itong Pinang. Sa palipat-
lipat sa bibig ng mga tao ang Pinang ay naging Pinya.
Alamat ng Rosas
Noong unang panahon sa isang malayong nayon, ay may isang dalaga
na nagngangalang Rosa na kilala dahil sa natatangi nitong ganda at
dahil na rin sa kanyang mapupulang mga pisngi, kung kaya’t
pinagkakaguluhan si Rosa ng mga kalalakihan.
Isang araw nang dumating ng bahay si Rosa ay nakita niya ang isa sa
kanyang mga manililigaw na si Antonio na kausap ang kanyang mga
magulang at humihing ng pahintulot na manligaw kay Rosa kung saan
ay masaya naman siyang pinayagan ng mga magulang ni Rosa at dahil
na rin sa rason na si Antonio lamang ang lalaking unang umakyat ng
ligaw sa kanila.
Ang kinakailangan lang naman na gawin ni Antonio ay ang
mapatunayan ang sarili kay Rosa at pasiyahin ito.
Iyon ang naghimok kay Antonio kaya naman ay pinagsilbihan niya ang
pamilya ni Rosa sa pamamagitan ng dote. Lubos namang natuwa ang
mga magulang ni Rosa, lalong-lalo na ang dalaga na unti-unti ay
nahuhulog na ang loob sa masugid na binata.
Sa araw na kung saan ay dapat sanang sagutin ni Rosa ang kanyang
manliligaw ay doon rin siya labis na nagtaka kung bakit wala pa ito.
Doon din niya nalaman na pinaglalaruan lang pala siya ni Antonio nang
marinig niya ito habang kausap ang kanyang mga kaibigan.
Parang pinagsakluban ng langit at lupa si Rosa sa kanyang narining.
Nadurog ang kanyang puso sa kanyang unang pag-ibig.
Hindi tumigil sa pag-iyak si Rosa habang siya ay pabalik sa kanilang
bahay. Nag-aalala naman siyang tinanong nang kanyang mga magulang
pero hindi sumagot ang dalaga.
Kinabukasan ay hindi na nakita si Rosa at pati na rin sa mga sumunod
na araw.
Isang araw ay nabalitaan na may kakaibang halaman na tumubo sa
dapat sanang tagpuan nina Rosa at Antonio.
Tinawag ang halaman na rosas dahil ang pulang kulay nang bulaklak ay
nagsisilbing paalala sa mga mapupulang pisngi ni Rosa. Ang naiiba
lamang ay ang tinik na napapalibot sa halaman na pinapaniwalaan na si
Rosa na nagsasabing wala sinuman ang makakakuha sa magandang
bulaklak na hindi nasasaktan.
Alamat ng Sampaguita
Sa isang malayong bayan sa Norte ay may isang napakagandang dalaga na
Liwayway ang pangalan.
Ang kagandahan ni Liwayway ay nakarating hanggang sa malalayong bayan.
Hindi naging kataka-taka kung bakit napakarami ng kanyang naging mga
manliligaw.
Mula sa hilaga ay isang grupo ng mga mangangaso ang nagawi sa lugar nina
Liwayway. Sa kasamaang palad, si Tanggol, isa sa mga ito ay inatake ng
baboy-ramo. Ang binata ay dinala sa ama ni Liwayway para mabigyan ng
pangunang lunas. Iyon ang naging daan ng paglakalapit nila.
Umibig sina Liwayway at Tanggol sa isa’t-isa sa maikling panahon ng
pagkikilala.
Nang gumaling si Tanggol ito ay nagpaalam kay Liwayway at sa mga
magulang niya. Anang binata ay susunduin ang ama’t ina upang pormal na
hingin ang kamay ng dalaga.
Puno ng pangarap si Liwayway nang ihatid ng tanaw si Tanggol.
Subalit dagling naglaho ang pag-asa ni Liwayway na babalik si Tanggol tulad
ng pangako. Ilang pagsikat na ng buwan mula nang umalis ito ngunit ni balita
ay wala siyang natanggap.
Isang dating manliligaw ang nakaisip siraan si Tanggol. Ikinalat nito ang balita
na hindi na babalik si Tanggol dahil may asawa na ito.
Tinalo ng lungkot, pangungulila, sama ng loob at panibugho ang puso ni
Liwayway. Nagkasakit siya. Palibhasa ay sarili lang ang makagagamot sa
karamdaman kung kaya ilang linggo lang ay naglubha ang dalaga at
namatay.
Bago namatay ay wala siyang nausal kundi ang mga salitang, “Isinusumpa
kita! Sumpa kita…”
Ang mga salitang “Isinusumpa kita! Sumpa kita…” ang tanging naiwan ni
Lwayway kay Tanggol.
Ilang araw makaraang mailibing si Liwayway ay dumating si Tanggol kasama
ang mga magulang. Anito ay hindi agad nakabalik dahil nagkasakit ang ina.
Hindi matanggap ng binata na wala na ang babaing pinakamamahal.
Sa sobrang paghihinagpis, araw-araw ay halos madilig ng luha ni Tanggol ang
puntod ni Liwayway. Hindi na rin siya bumalik sa sariling bayan upang
mabantayan ang puntod ng kasintahan.
Isang araw ay may napansin si Tanggol sa ibabaw ng puntod ni Liwayway.
May tumubong halaman doon, halaman na patuloy na dinilig ng kanyang mga
luha. Nang mamulaklak ang halaman ay may samyo iyon na ubod ng bango.
Tinawag iyong ‘sumpa kita’, ang mga huling salitang binigkas ni Liwayway
bago namatay. Ang ‘sumpa kita’ ay ang pinagmulan ng salitang ‘sampaguita’.

You might also like