You are on page 1of 3

HOMILY

Kapistahan ng Banal na Mag-Anak


Disyembre 31, 2023

Walang sinuman po sa atin ang isinilang nang walang pamilya. Maaaring


talikdan po tayo ng sarili nating pamilya, pero lagi po tayong isinisilang sa
isang pamilya. Ang tao ay para sa pamilya at ang pamilya ay para sa
tao. Sa pamilya po tayo nagiging tao. Sa pamilya rin po tayo dapat
matutong magpakatao.

Sapagkat si Jesus ay isinilang, napabilang po Siya sa isang partikular na


pamilya na ang mga magulang ay si Jose at Maria. Sa pamilya po Siya
naging tao, sa pamilya rin po Siya natutong magpakatao. Si Jesus ay para
sa pamilya at ang pamilya ay para kay Jesus.

Ang pamilya n’yo po para kanino? Para kay Jesus po ba talaga? Baka para
kung kanino na po. Baka kaya walang pagkakasundo, pagmamalasakitan,
pagbibigayan, kasi wala na si Jesus sa pamilya ninyo.

Bakit po banal ang mag-anak ni Jesus, Maria, at Jose? Hindi po dahil


saserdote sa Templo si Jose. Hindi po dahil si Maria ay ipinaglihing walang
bahid-dungis. Hindi po dahil kay Jose at Maria. Kaya po banal ang mag-
anak ni Jesus, Maria, at Jose ay sapagkat naroroon si Jesus. Kung wala po
si Jesus sa pamilya ni Maria at Jose, maaari silang maging kahit na anong
klaseng mag-anak pero hindi banal.

Banal po ba ang pamilya ninyo? Baka masaya lang, pero hindi


banal. Baka mahilig lang kumain, mamasyal, magkatuwaan, pero hindi
nagdarasal, nagsisimba, sumasamba sa Diyos nang sama-sama. Baka po
kaya kanya-kanya na ang mga kasapi dahil maging sa pagsamba sa Diyos
kanya-kanya na rin. Maaaring bantog ang inyong pamilya, pero kung wala
po si Jesus sa inyo, bantog lang po kayo at hindi banal. Baka nga po kung
sa kung ano kayo kilalang-kilala – baka sa hindi kaaya-ayang
bagay. Puwede rin pong nakaluluwag sa buhay o kahit pa nakaririwasa
talaga ang pamilya ninyo, pero kung wala sa inyo si Jesus, dukha pa sa
daga ang inyong mag-anak.
Banal po ba ang pamilya ninyo? Nagsisikap po ba kayong maging isang
banal na mag-anak? Gusto po ba ninyong maging pamilyang
banal? Hanapin ninyo si Jesus sa inyong pagsasama. Ibalik n’yo si Jesus
sa inyong pamumuhay. Panatilihin po ninyo si Jesus sa inyong mag-anak.

Paano po?

Narinig po ba natin ang una’t ikalawang pagbasa ngayon? Sabi sa Aklat ni


Sirac, ang ating unang pagbasa, magbigay-galang, magbigay-dangal,
magbigay-kalingain, at magbigay-paumanhin tayo sa isa’t isa. Magbigayan
tayo.

Nakakalungkot po na minsan sa loob pa ng pamilya natin natututunan ang


hindi pagbibigayan. Nandyan po ang pag-aagawan sa mga materyal na
bagay, tulad ng mana, at pati na rin sa atensyon ng mga
magulang. Minsan pati mga anak, pinag-aagawan din ng mag-asawang
naghihiwalay. May mga anak ding mas mapagbigay pa sa mga kaibigan
kaysa sa sariling kapatid. Meron pa nga pong mga anak na ang galang-
galang sa mga magulang ng kanilang mga kaibigan, pero lapastangan
naman sa sariling ama at ina. At kung may pagbibigayan man sa pamilya,
minsan ang ibinibigay ay sama ng loob, hinanakit, pagmumura,
pagsisinungaling, pagtatakwil sa sariling ka-dugo. Hindi lang po
nakakalungkot, nakakahiya talaga, kung mag-away parang hindi
magkakapatid, parang hindi mag-ina, parang hindi mag-ama, parang hindi
mag-asawa.

Sabi ni San Pablo Apostol sa kanyang sulat sa mga taga-Colosas, ang


ikalawang pagbasa po natin, ang dapat daw nating ibigay sa isa’t isa ay
habag, ganda ng kalooban, kapakumbabaan, kabaitan, paumanhin,
kapatawaran, pag-ibig, pasasalamat, pagpapaalala, pagtuturo, at
pamumuhay nang ayon sa kung ano tayo sa pamilyang kinabibilangan
natin. Mga misis, pasakop daw po kayo sa inyong mister – at iyan daw po
ang kalooban ng Diyos. Ang “nang-u-under” ng mister, malinaw po,
nagkakasala sa Diyos. Mga mister, mahalin daw po ninyo ang inyong
misis: huwag ninyo silang sasaktan. Tao po ang misis mo, kuya, hindi
siya punching bag. Mga anak, ang paglapastangan sa magulang ay
napakabigat na kasalanan. At mga ama, easy lang po kapag mainit ang
ulo ninyo: huwag ibuhos ang galit sa mga anak n’yo at, ika ni San Pablo,
baka sila panghinaan ng loob.

Kung pagsisikapan po nating tupdin ang bilin ni Sirac sa unang pagbasa


ngayon at ni Apostol San Pablo sa ikalawa, si Jesus ay maaari ring lumaki
sa ating kani-kaniyang pamilya. Maaari rin Siyang magmula sa atin! Maari
po Niya tayong gamitin upang Siya ay makatagpo at maranasan ng marami
pang mga tulad ni Simeon at Ana sa Ebanghelyo na naghihintay,
naghahanap, at nananabik Siyang makita at makilala.

Nang isinilang si Jesus, hindi lamang po Siya napabilang sa isang pamilya;


bagkus, ang lahat po ng pamilya ay napabilang sa Kanya. Sa Kanyang
pagiging tao, iniangat ni Jesus ang ating pagkatao. Sa Kanyang pagiging
bahagi ng isang pamilya, pinagpala po Niya ang lahat ng mga
pamilya. Ang Diyos ay wala na lang sa langit; nasa mga pamilya na rin po
siya. Nadoon po ba Siya sa inyo?

You might also like