You are on page 1of 12

Ang Kalagayan at Pakikibaka ng Mangingisda sa ilalim ng Rehimeng US-Duterte

Introduksyon
Napakayaman ng pangisdaan ng Pilipinas ngunit nananatiling pinakamahirap na sektor ang mga
mangingisda. Bunga ito ng patuloy na paglawak ng monopolyong kontrol at pag-aari ng mga
komprador burgesya, panginoong maylupa at dayuhan sa pangisdaan ng Pilipinas. Nagdudulot ito ng
pagliit ng kita at nahuhuling isda ng mga mangingisda. Dagdag pa ang kainutilan at kawalang suporta
ng gubyerno para paunlarin ang antas ng kabuhayan ng mga mangingisda.
Ilang papet na rehimen na din ang nagdaan ang mga nangako nang reporma sa pangisdaan na sa
kalaunan ay lalo pang naglunod sa mangingisda sa matinding kahirapan at pang-aapi. Patuloy ang
pagka-alipin ng masang mangingisda sa iba’t ibang tipo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala
at monopolyo sa pangisdaan.
Ganito rin ang sinapit ng iba pang aping uri at sektor sa lipunan sa kamay ng rehimeng US-Duterte.
Tulad rin ng iba pang aping mga sektor, tumindi ang kahirapan at pagsasamantala sa masang
mangingisda dahil sa mga neoliberal na patakarang dikta ng dayuhan na nagsusulong ng
liberalisasyon, pribatisasyon, at deregulasyon sa industriya ng pangisdaan.
Walang ilusyon na magkakaroon ng makabuluhang pagbabago sa naghihikahos at aping kalagayan ng
masang mangingisda sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Katulad ng mga nagdaang rehimen, wala sa
adyenda ng kasalukuyang rehimen ang interes ng masang mangingisda. Sa halip, masugid na
ipinagtatanggol at matapat na pinaglilingkuran nito ang interes ng naghaharing uri, malalaking
panginoong maylupa, burgesya kumprador at mga imperyalistang bansa tulad ng Estados Unidos.
Ipinagpapatuloy lamang ng rehimeng US-Duterte ang kontra-mangingisdang mga batas, patakaran at
programa sa pangisdaan tulad ng Fisheries Code, taliwas ito sa kanyang pangakong pagbabago.
Pinasahol pa ni Duterte ang programa ng kumbersyon ng mga pook pangisdaan kung saan sa ilalim
ng programang “Build, Build, Build” (BBB) ay mas lumawak pa ang sinaklaw nitong pook
pangisdaan at baybaying dagat na magdudulot nang malawakang dislokasyon sa mga mangingisda at
maralita sa baybayin. Sinubasta rin ni Duterte ang mayamang pangisdaan ng West Philippine Sea sa
bansang Tsina. Sa panahong ang mga mangingisda ay nagtatanggol ng kanilang karapatan at
kabuhayan at tumututol sa mga kontra-mangingisdang programa ay dinadahas, inaaresto at
pinapaslang ng pasistang rehimen ni Duterte.
Ang praymer na ito ay naglalarawan sa napakasahol na kalagayan at ang hinaharap ng masang
mangingisda. Tatalakayin din sa praymer na ito ang ugat ng mga suliranin at pagsasamantala sa
masang mangingisda dahil sa mala-pyudal at mala-kolonyal na sistemang panlipunan at ang kaakibat
na mga tungkulin at pakikibaka sa gitna ng tumitinding atake ng imperyalismo, pyudalismo at
burukrata kapitalismo sa karapatan at kabuhayan ng masang mangingisda.
Layunin
1. Maipakita ang mayamang pangisdaan habang naghihirap at api ang kalagayan ng masang
mangingisda;
2. Mapalalim ang ugat ng mga suliranin ng masang mangingisda at maiugnay ito sa ugat ng
suliranin ng masang magsasaka at lipunang Pilipino;
3. Magkaisa sa mga panawagan, tungkulin at pakikibaka sa gitna ng papatinding atake ng
rehimeng US-Duterte sa masang mangingisda at sambayanang Pilipino;

4. Makatulong sa pagbubuo ng mga organisasyong mangingisda at pagpapataas ng


pampulitikang kamalayan ng mga mangingisda at suporta ng mamamayan.

Balangkas
I. Ang Mayamang Pangisdaan ng Bansa
II. Ang Naghihirap at Aping Kalagayan ng mga Mangingisda
III. Ang mga Tungkulin at Programa ng mga Mangingisda

I. ANG MAYAMANG PANGISDAAN NG PILIPINAS


Napakayaman ng pangisdaan ng Pilipinas. Ang yamang ito ay nagmumula sa napakalawak na pook
pangisdaan dahil sa pagiging archipelago o pulo-pulo ng Pilipinas. Napapalibutan ito ng napakalawak
na karagatan at katubigan na sumusukat sa 2.2 milyong kilometro kwadrado na may saklaw na 220
milyang notikal na exclusive economic zone (EEZ)at karagdagang 150 milyang notikal na extended
continental shelf (ECS).
Ang kabuuang sukat ng katubigan ng Pilipinas ay pitong beses ang laki kung ihahambing sa sukat ng
kalupaan. Sa isang tala, ang mahigit 30, 000 kilometrong haba ng baybayin ng Pilipinas ay doble kung
ikukumpara sa sukat ng baybayin ng U.S. at ikalima sa pinakamahabang baybayin sa buong mundo.
Ang pinakamalalim na bahagi ng karagatan na matatagpuan sa rehiyon ng Mindanao ay mas malalim
pa kung ihahambing sa sukat ng pinakamataas ng bundok sa buong mundo, ang Mount Everest.
FISHERY RESOURCES
A. Marine Resources
1. Total marine territorial area including EEZ 2,200,000 km2
a. Coastal 266,000 km2
b. Oceanic 1,934,000 km2
2. Shelf area (to 200m depth) 184,600 km2
3. Coral reef area (within the 10-20 fathoms where reef occur) 27,000 km2
4. Coastline (length) 36,289 kms
B. Inland Resources
1. Swamplands 246,063 has
a. Freshwater 106,328 has
b. Brackishwater 139,735 has
2. Other inland resources 250,000 has
a. Lakes 200,000 has
b. Rivers 31,000 has
c. Reservoirs 19,000 has
Source: BFAR
Matatagpuan sa Pilipinas ang “center of the center of marine biodiversity” (Lubang Island sa hangganan ng
Batangas at Mindoro). Ibig sabihin, isa ito sa may pinakamayamang marine ecosystem sa buong mundo.
Makikita dito ang 2,400 tipo ng isda, 900 klase ng gulaman at halamang dagat (Carageenan) at 400 na
tipo ng koral o bahura. 80-90% ng mga isda dito ay nakakain at ang halamang dagat naman ay
pangunahing ini-eksport para sa paggawa ng pagkain, gamot at iba’t ibang tipo ng produktong
kosmetiko.
Malaki ang naiaambag ng pangisdaan sa ekonomiya ng Pilipinas at sa pangangailangan sa pagkain ng
mamamayang Pilipino. Ang taunang produksyon ng pangisdaan ng Pilipinas ay nananatiling
pangalawa sa agricultural crops tulad ng palay at mais sa buong produksyon ng agrikultura sa bansa.
Noong 2015, nasa 17.8% o 128-milyong piso ang ambag ng pangisdaan sa buong produksyon ng
agrikultura at 1.7% naman ang ambag nito sa Gross Domestic Product (GDP). Ito din ang
nagsusuplay ng mahigit sa kalahati ng pangangailangan sa protina ng mamamayang Pilipino.
Batay sa datos ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), nasa 1.7 M ang rehistradong
mangingisda sa Pilipinas noong 2016 pero lubhang konserbatibo ang bilang na ito dahil marami pang
mangingisda ang hindi pa rehistrado.

Ambag sa Ekonomiya (2015)


Gross Domestic Agriculture Employment Export Import
Product (GDP)
1.7% 17.8% (128 1.7 million 252, 143 MT 448, 927 MT
million pesos) registered
municipal
fisherfolk (sa
ilalim ng
FishR) (2016)
Source: BFAR
Isa sa mga nangungunang bansa na may mataas na produksyon sa pangisdaan at may mahalagang
kontribusyon sa pandaigdigang produksyon ng isda at iba pang pagkaing dagat ang Pilipinas. Ang
produksyon nito ay sapat sa pangangailangan ng mamamayang Pilipino at nagagawa pa nitong mag-
eksport ng isda kada taon.
Ayon sa datos ng Food and Agriculture Organization (FAO), ika-walo ang Pilipinas sa
pandaigdigang produksyon ng isda noong 2014. Noong 2017, nasa kalahati ng pambansang
produksyon ay mula sa akwakultura (51.91%), sinundan ng munisipal na pangisda (26.12%) at ng
komersyal na produksyon (21.97%).
Kabuuang Produksyon
Sektor Dami at Porsyento (Metric Tons)
2015 2016 2017
Aquaculture 2.35 million MT 2.34 million MT 2.24 milion MT
(50.5%) (50.54%) (51.91%)
Municipal Fisheries 1.22 million MT 1.14 million MT 1.13 million MT
(26.20%) (26.13%) (26.12%)
Commercial Fisheries 1.08 million MT 1.02 million MT 947 thousand
(23.3%) (23.33%) MT (21.97%)
Total 4.6 million MT 4.5 million MT 4.3 million MT
Source: BFAR/PSA
Kapuna-puna ang pagliit ng produksyon ng munisipal na pangisda habang sumisirit naman ang
ambag sa produksyon ng industriya ng akwakultura.
Ito ay dahil tulad ng mga sinundang rehimen, wala sa programa ng rehimeng US-Duterte na
paunlarin at suportahan ang munisipal na mangingisda. Bagkus ay nakadiin ito sa produksyong pang-
eksport sa pamamagitan ng akwakultura na ang pangunahing makikinabang ay ang mga malalaking
burgesyang kumprador, mga may monopolyo sa dagat, at mga imperyalistang bansa tulad ng Estados
Unidos. Pinalawak pa ng gubyerno ang saklaw ng akwakultura mula sa mga fishponds sa kalupaan
(inland aquaculture) hanggang sa mga fishcages at fishpens sa karagatan (mariculture). Nagbunga ito
ng mabilis na pagkitid at pagkawasak ng mga pook pangisdaan ng mga maralitang mangingisda.
Nananatili ding isa sa pinakamalaking eksporter ng isda at halamang dagat ang Pilipinas, umabot ito
sa 252, 143 MT noong 2015. Malaking bahagi ng produksyon sa mga dekalidad na produkto ng
pangisdaan tulad ng tuna at sugpo ay napupunta sa pag-eeksport habang patuloy naman tayong nag-
iimport ng mga sarplas na produktong isda mula rin sa mga kapitalistang bansa. Sa mga bansa ring
ito pangunahing nanggagaling ang mga sarplas at pinaglumaan na mga imported na gamit sa
pangingisda. At ang kinikita dito ay napupunta lamang sa bulsa ng mga asendero-komprador at mga
kasabwat nito sa gobyerno.
DATOS NG IMPORT/EXPORT NG BANSA
YEAR 2015 2016
EXPORT 226, 821 MT P41.4-M 257, 219 MT P45.4-M
IMPORT 403, 840 MT P18.8-M 384, 165 MT 22.4-M
TOP 5 DESTINATIONS, FISHERY EXPORTS (2014)

Country/Destination Quantity (MT)

USA 60,588
Japan 27,981
China 26,261
Hong Kong 21,526
Germany 20,874
Source: BFAR

TOP 5 ORIGINS, FISHERY IMPORTS (2014)

Country/Destination Quantity (MT)

China 120, 807


Vietnam 37, 736
Taiwan 30, 157
Japan 21, 200
USA 13, 788
Source: BFAR
Sa mga nabanggit na datos at pag-aaral, masasabing napakayaman nga ng pangisdaan ng bansa
subalit ang masang mangingisda ang pinakamahirap na sektor sa ating bansa. Ayon sa pinakabagong
datos ng Philippine Staitstics Authority (PSA) noong 2016, pumapangalawa ang sektor ng
mangingisda sa pinakamahirap na sektor sa buong bansa; mayroong 34% insidente ng kahirapan,
sunod sa sektor ng magsasaka na mayroong 34.3%. Isang kabalintunaan na marami sa masang
anakpawis na direktang lumalahok sa produksyon ng pagkain ang nasasadlak sa matinding kahirapan
at kagutuman.
II. ANG KALAGAYAN NG MGA MANGINGISDA
Ang ugat ng paghihirap ng mangingisda ay ang kontrol at monopolyo sa pangisdaan ng iilang
malalaking asendero at negosyante. Kontrolado at pag-aari nila ang malalaking komersyal na palakaya
na sumusuyod sa karagatan pati na ang malalawak na palaisdaan na nagbabakod sa mga pook
pangisdaan. Nariyan din ang mga dayuhang korporasyong kasabwat nila at ng gobyerno na may
malawak na kontrol at monopolyo sa pangisdaan ng bansa. Nangunguna dito ang imperyalistang US,
Japan, at Tsina.
Dahil monopolyado nila ang naglalakihang barkong pangisda at malalawak na palaisdaan, sila ang
nagkakamal ng malalaking pakinabang mula sa pangisdaan. Ang malaking pakinabang na ito ay
nagmumula sa pagmomonopolyo nila sa pangisda at sa pagsasamantala sa mga mangingisda sa
pamamagitan ng pagkuha ng malaking sarplas na produkto sa anyo ng mababang parte at pasahod sa
masang mangingisdang kalahok sa produksyon.
Kontrol at monopolyo ng iilan sa pangisdaan
Umaabot sa halos 80% ng kabuuang produksyon ng pangisdaan ay monopolyado ng komersyal na
pangisda at ng malawak na palaisdaang pinaghaharian ng mga asendero at komprador.
Sa larangan ng pangingisda, nangunguna rito ang mga barkong pangisda ng Frabelle Fishing
Corporation, Ocean and Light Fishing, Mar Fishing Corporation, Irma Fishing Corp., at RBL
Fishing Corporation na nabibilang sa mga nangungunang korporasyon sa Pilipinas. Kalakhan dito ay
may ayuda o pinatatakbo sa paraang sosyohan sa dayuhan o ng iskemang joint venture.
Ang malalawak na palaisdaan ay nasa kontrol at pag-aari rin ng iilang malalaking pamilya sa bansa at
mga dayuhan. Nangunguna ang mga bantog na korporasyong tulad ng Dole Phils (US), San Miguel
Corp., Victorias Corp. Sumusunod dito ang mga kilalang pamilya sa pangingisda tulad nina Martin
Tan, Francis Tiu Laurel, Bobby del Rosario, Jaime Lao, Gozon, at Yanson Family.
Kapitalista Kumpanya sa Pangisdaan Pag-aari
Francis Tiu Laurel Frabelle Fishing Corp.  700 ektarya ng fishpen
sa Lawa ng Laguna
(Binangonan, Rizal)
 Pabrika sa Navotas City
 Mahigit isang daang
malalaking barkong
palakaya
Bobby del Rosario IRMA Fishing Corp.  Fisher Mall
 700 ektaryang fishpen
sa Lawa ng Laguna
(Binangonan, Rizal)
Gozon Family  700 ektarya ng fishpen
sa Lawa ng Laguna
(Cainta, Rizal)

Walang habas nilang binabakuran ang mga pook pangisdaan ng mga maralitang mangingisda para
tayuan ng malalawak na palaisdaan. Pinakikitid at winawasak nito ang mga pook pangisdaan ng mga
maralitang mangingisda.
Pagsasamantalang pyudal at malapyudal sa mangingisda
Dahil monopolyado ng mga asendero at komprador sa pangisdaan ang buong produksyon,
naididikta nila ang relasyon sa pangisdaan na mapagsamantala sa masang mangingisda.
Ang pyudal at malapyudal na pagsasamantalang ito ay nasa anyo ng hindi pantay na partehan ng isda
at mababang pasahod sa mga mangingisda. Sa ganitong sistema, malaking sarplas na produkto at kita
mula sa pangingisda ay napupunta lamang sa mga asendero at komprador.
Sa pag-aaral ng PAMALAKAYA sa ganitong sistema, umaabot sa 70-85% ng kabuuang huling isda
o kita ay napupunta lamang sa may-ari ng palaisdaan at komersyal na palakaya. Ang 10-20% naman
ay napupunta sa katiwala o operator ng mga palaisdaan at komersyal na palakaya. Kung kaya’t halos
5-10% na lamang ang natitirang pinaghahatian ng mga mangingisda.
Dagdag pang nagpapahirap sa masang mangingisda ang iba pang tipo ng pagsasamantala tulad ng
pandaraya at pambabarat sa presyo ng huling isda at mataas na interes sa usura.
Sinasamantala ng mga usurero ang paghihirap ng mga mangingisda upang maglako ng pautang na
may mataas na interes mula 10-20%. Ang mga usurerong ito sa kalakhan ay siya na ring mga
komersyanteng bumibili ng produkto ng mga mangingisda. Isang kundisyon sa pagpapautang ay
tinatali nila ang mga mangingisda na sa kanila na rin magbenta ng isda.
Sa sistemang bulungan ng mga konsignasyon at fishport, kinakaltasan agad ng 7-11% ang kita ng
mangingisda bilang bayad sa pagbebenta ng isda sa fishport at konsignasyon. Umaabot sa 50-75%
ang nawawala sa dapat ay kikitain ng mga mangingisda bunga ng pandaraya at pambabarat ng mga
komersyante sa presyo ng isda.
Ang malalaking usurero at komersyante sa kalakhan ay siya ring mga asendero sa kanayunan o mga
ahente nila. Sa kaso ng malalaking fishport, namumuhunan din dito ang mga negosyo sa pangisdaan
tulad ng Frabelle Fishing Corp. sa Navotas Fishport.
Atrasado, hiwa-hiwalay at maliitang produksyon
Ang ganitong paghihirap ng masang mangingisda ay pinananatili ng isang pyudal at malapyudal na
kaayusan sa kanayunan at sa bansa. Ang katangian nito ay atrasado, hiwa-hiwalay at maliitan. Ang
malalaking operasyon sa pangisdaan ay konsentrado lamang sa iilang malalaking asendero at
komprador sa pangisdaan.
Hindi pinauunlad ng mga nakaraan at kasalukuyang rehimen ang buong produksyon sa pangisdaan.
Ang itinataguyod lamang nito ay ang operasyon sa pangingisda na matatagpuan lamang sa malalawak
na palaisdaan at komersyal na palakaya habang ang produksyon ng mahigit isang milyong
mangingisda ay kanilang inabandona.
Sa tala ng BFAR, 38% lamang ng bangkang rehistrado sa munisipal na antas ang may motor at
kalakhan pa ay mahihinang klase ng motor mula 4-16 horsepower. Kung isasama pa rito ang marami
pang hindi rehistrado, liliit pa ang porsyentong ito. Ang 62% ng bangkang walang motor ay mga
bangkang de-sagwan, de-layag at baroto o lunday.
Umaabot naman sa 53% ang walang pag-aaring bangka at kagamitan, kung meron man ay maliliit at
simple tulad ng pana, kawil, bubo at maliliit na lambat. Kalakhan ng walang kagamitan ay nagbebenta
ng kanilang lakas paggawa sa mga komersyal na palakaya at palaisdaan.
KABUUANG BILANG NG MGA MANGINGISDA (2002)

SEKTOR BLG. NG MANGINGISDA PORSYENTO


(OPERATOR)
Munisipal 1, 371, 676 84.97%
Kumersyal 16, 497 1.02%
Akwakultura 226, 195 14.01
TOTAL 1, 614, 368 100%
Source: BFAR
Base sa datos ng BFAR sa taong 2017, mayroong kabuuang 1.8 milyong rehistradong munisipal na
mangingisda sa buong bansa ayon sa Fish Registration o FishR.
Ang ugat ng kahirapang ito ng mga mangingisda ay tumitindi pa sa ilalim ng kasalukuyang rehimen.
Inaasahan nating mas titindi pa ito bunga ng sagad-sagaring pagpapakatuta ng rehimeng Duterte sa
mga maka-imperyalistang kasunduang pang-ekonomiya tulad ng World Trade Organization (WTO).
Fisheries Code at mga amyenda nito
Pinalawak, niligalisa at ininstitusyunalisa ng Fisheries Code of 1998 ang monopolyong paghahari ng
mga asendero, komprador, at dayuhang kapitalista sa buong pangisdaan ng bansa. Habang ang mga
maralitang mangingisda ay tinutulak ng batas na ito na iwanan na ang pangisdaan.
Sa ilalim ng Fisheries Code, higit pang ibinukas ang munisipal na pangisdaan sa mga asendero-
komprador. Mula sa dating 15 kilometro, ibinaba ito sa 10 kilometro upang tiyakin ang pagpasok ng
mga komersyal na pangisda sa munisipal na pangisdaan. Subalit sa totoo lang, maaari pang bumaba
ito sa 10 km dahil sinasabi din sa batas na papayagan ang mga komersyal na pangisda sa mga pook
pangisdaang may 7 dipa ang lalim. Dahil ang karagatan ng Pilipinas ay kantilado, maraming lugar na
wala pang 4-5 km o mas mababa pa rito ay 7 dipa na ang lalim.
Ibayo ring pinahigpit at pinalawak pa ang pagmamay-ari ng malalaking asendero at dayuhang
korporasyon sa mamamalawak na palaisdaan. Maaari nang panatilihin ang pagmamay-ari sa
palaisdaan sa loob ng 50-75 taon sa pamamagitan ng Fishpond Lease Agreement at Foreshore Lease
Agreement (FLA).
Sinuhayan din ng batas na ito ang pandarambong ng dayuhan sa pangisdaan. Sinusugan nito ang
sistema ng joint venture para sa dayuhang pamumuhunan sa pangisdaan ng bansa.
Sa kabila ng mga pagtutol ng mga mangingisda sa Fisheries Code, ay pinalala pa ito bunga ng
pinakahuling amyenda nito. Hindi na ito kataka-taka dahil mismong ang gumagawa ng batas tulad ng
kongreso ay may malalaking interes at negosyo sa pangisdaan. Pinangunahan ito ng sponsor ng
Fisheries Code na si Cong. De Venecia at Cong. Chiongbian na parehong may negosyo sa
pangisdaan. Habang ang amyenda naman nito ay niratsada ng mga mambabatas na may interes sa
pangisdaan tulad nina Cong. Benhur Salimbangon, Cong. Toby Tiangco (Trans Pacific Journey
Fishing Corp.), Cong. Arthur Yap, at Cong. Mark Villar.

Agricultural and Fisheries Modernization Act (AFMA)


Todo-todong liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon sa agrikultura at pangisdaan ang hatid ng
AFMA. Batay sa AFMA, ito daw ang magsisilbing safety nets ng agrikultura sa loob ng WTO na may
layuning imodernisa ang buong agrikutura at pangisdaan, pero ang naganap ay ang paglawak ng
monopolyo ng iilan sa mga akwakultura.
Walang modernisasyon na naganap sa pangisdaan. Sa ilalim ng Strategic Agriculture and Fisheries
Development Zones (SAFDZ) ng AFMA, nagdeklara ng mga lugar na ilalaan sa pagkukultura ng
isda para sa eksport. Halimbawa nito ay ang target na 34,000 ektaryang pook pangisdaan sa
Camarines Sur.
Inalis ang gamumong serbisyo at pautang sa agrikultura at pangisdaan kung mayroon man.
Ipapailalim ang lahat ng ito sa Credit Financing Program at ang direksyon pautang ay para sa
pribadong sektor o mga negosyanteng namumuhunan sa agrikultura at pangisdaan.
Patakaran ng reklamasyon, pribatisasyon, at kumbersyon ng pangisdaan
Pinatindi pa ang naghihikahos na kalagayan at malawakang dislokasyon sa mga mangingisda bunga
ng walang humpay na pagkukumbert at pagsasapribado ng mga pook pangisdaan.
Binabakuran ang mga karagatan at hinahawan ang mga bakawanan at baybaying dagat para
pagtayuan ng malalawak na palaisdaan. Pwersahang pinalalayas ang mga mangingisda sa kanilang
mga pook pangisdaan at komunidad. Malinaw na nakatuon ngayon ang programa ng rehimen sa
pagpapalawak ng mga akwakultura sa ilalim ng niraratsada ngayong National Mariculture Program sa
Kongreso.
Sa tabing ng mga proyektong ekoturismo at marine sanctuary ay isinapribado ang mga pook
pangisdaan. Ipinagbawal ang lahat ng tipo ng pangingisda sa mga lugar na saklaw ng marine
sanctuary na lumaon ay ginagamit naman sa ekoturismo, beach resort at scuba diving area.
Inilabas ng Philippine Reclamation Authority (PRA) ang National Reclamation Plan (NRP) na
naglalaman ng mahigit isang daang proyektong reklamasyon na may kabuuang sukat na mahigit
40,000 ektaryang katubigan sa buong kapuluan. 70% o 42 ng NRP ay matatagpuan sa Manila Bay na
may kabuuang sukat na 29, 929.56 ektarya ng katubigan.

SECTOR NO. OF PROJECTS AREA (HECTARES)


MANILA BAY 42 29, 929.56
VISAYAS 7 6, 000
MINDANAO 7 238
OTHER SECTOR 50 5, 800
TOTAL 106 41, 967.56

Ang ilan sa mga proyektong ito ay tapos na habang ang ilan ay inuumpisahan na. Daan-daang libong
mangingisda at mamamayan sa baybayin ang nakaambang palayasin kapalit ng mga proyektong
reklamasyon. Nanganganib rin ang tuluyang pagkasira ng mga bahura, bakawanan, at iba pang
yamang dagat dahil sa mga grandyosong imprastrakturang itatayo sa ibabaw ng mga katubigan at sa
baybayin.
Saan nakabalangkas ang programa at patakaran sa pangisdaan ng gobyerno?
Naisabatas ang kontra-mangingisdang Fisheries Code of 1998 matapos maging bahagi ang Pilipinas
ng maka-imperyalistang World Trade Organization at General Agreement on Tariffs and Trade
(GATT) kung saan isinulong ng mga nabanggit na kasunduang pang-ekonomiya ang malayang
kalakalan at pagtatakda ng pook-pangisdaan bilang pangunahing larangan ng dayuhang
pamumuhunan, negosyo, at ayuda.
Pinatindi ang oryentasyong export-import ng pangisdaan sa ilalim ng imperyalistang globalisasyon at
mga patakaran at kasunduan sa WTO.
Habang sa pangalawang pagkakaton, tulak pa rin ng dikta ng dayuhan ang pagkakaamyenda ng
kontra-mangingisdang Fisheries Code upang gipitin ang malayang pangingisda ng mga maliliit na
Pilipinong mangingisda habang malayang ibinubuyangyang ang ating pangisdaan sa mga dambuhala
at dayuhang palakaya at akwakultura. Sa takot na permanenteng ipagbawal ang mga produktong isda
ng Pilipinas sa merkado ng Europa, nagkumahog ang noo’y papet na rehimeng US-Aquino na
higpitan ang tinagurian nilang illegal, unreported, unregulated (IUU) fishing kung saan maging ang
mga tradisyunal at pasibong paraan ng pangingisda ay itinuring na iligal.
Isinisisi ng mga nagdaang rehimen hanggang sa kasalukuyang rehimeng US-Duterte ang krisis sa
pangisdaan sa simpleng overfishing na hinalaw sa konsepto ng dayuhang IUU fishing. Nais din
nitong pagtakpan ang mapagsamantalang relasyon sa pangisdaan na idinidikta ng mga naghahari sa
pangisdaan na siyang pinaka-ugat ng kahirapan ng masang mangingisda.
Tungtungan naman ng mga proyektong eko-turismo na nagtatago sa sinasabing “kaunlaran” ang Blue
Economy, isang bagong anyo ng imperyalistang pandarambong na nakatuon sa pangisdaan at iba pang
yamang dagat. Ipinangangalandakan ng Blue Eocnomy ang sustenableng pangingisda habang
pinangangalagaan ang ekosistema at yamang-dagat, ngunit ang nasa likod ay ang lantarang
pagbuyangyang ng mga rekursong dagat sa mga ganid na kapitalistang mandarambong. Binigyang
diin ng Blue economy ang produksyon ng akwakultura.
Iniluwal naman ng Public-Private Partnership (PPP) ang NRP kung saan hayagang ibinenta sa mga
lokal at dayuhang mamumuhunan ang mga karagatan at pook-pangisdaan ng bansa. Ngayon naman
ay sa ilalim ng Build, Build, Build (BBB) ng rehimeng US-Duterte, ipinagpatuloy at pinalawig pa ang
NRP na mas lalong magbibigay karapatan sa dayuhang pagmamay-ari ng katubigan sa ilalim ng
isinusulong na Charter Change (Chacha).
Pasismo ang sagot ng rehimeng US-Duterte sa lehitimong pakikibaka ng mga mangingisda para sa
kanilang mga batayang karaptan at laban sa mga kontra-mangingisdang programang ito. Sa
katunayan ay tatlo na ang biktima ng extra-judicial killing (EJK) sa sektor ng mangingisda, habang libu-
libo na ang biktima ng iba’t-ibang paglabag sa karapatang pantao tulad ng pagsasampa ng mga gawa-
gawang kaso, demolisyon, militarisasyon atbp.
Malinaw na ang lahat ng mga patakaran at programa sa pangisdaan ay tulak at dikta ng mga
imperyalistang bansa upang pigain ang yaman ng ating pangisdaan sa kapinsalaan ng milyun-milyong
mangingisda na umaasa rito bilang kabuhayan at ng mamamayang Pilipino.

III. Ang Tungkulin at Pakikibaka ng mga Mangingisda

Pukawin, organisahin at pakilusin ang masang mangingisda


Walang maaasahan ang masang mangingisda sa kasalukuyang papet at pasistang rehimeng US-
Duterte dahil ipinagpapatuloy pa nito ang pang-aapi at pagsasamantala sa masang mangingisda at
sambayanang Pilipno.
Sa ganitong kalagayan, kailangang higit pang pasiglahin at palawakin ang pagpupukaw, pag-oorganisa
at pagpapakilos sa masang mangingisda upang ipagtanggol ang kanilang karapatan at kabuhayan sa
pangisdaan.
Pukawin at abutin ng inilulunsad na propaganda at edukasyon ang malaking bilang ng masang
mangingisda. Ilunsad ang mga talakayan at pag-aaral sa mga isyu at problemang kinakaharap ng
sektor na naglilinaw sa mga ugat ng suliraning ito.
Organisahin ang pinakamalawak na bilang ng masang mangingisda. Ipaloob sila sa mga samahang
mangingisda. Ang mga samahang ito ang mangunguna sa pakikibaka ng sektor sa lehitimong
karapatan sa lupa, panirahan, at kabuhayan.
Pakilusin at palahukin ang mga mangingisda sa ilulunsad na mga pakikibakang masa laban sa kontra-
mangingisdang programa ng rehimen at upang salagin at labanan ang marahas na atake nito sa mga
mangingisda.
Buuin ang mahigpit na pakikipagkaisa at pakikipag-alyansa pangunahin sa uring magsasaka at iba
pang pinagsasamantalahan at aping sektor sa lipunan.
Ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa at pangisdaan
Nakaugat ang suliranin ng mangingisda sa pyudal at malapyudal na kaayusan sa kanayunan na
pinaghaharian ng malalaking panginoong maylupa at komprador burgesya. Dahil dito, bahagi ng
pakikibakang agraryong isinusulong sa kanayunan ng mga magsasaka ang pakikibaka ng masang
mangingisda.
Nilalaman nito ang iba’t ibang tipo ng militanteng pakikibaka para wakasan ang matagal nang
paghahari ng malalaking asendero at komprador sa kanayunan at igiit ang pangunahing karapatan ng
mga mangingisda sa pangisdaan. Nakabalangkas ito sa pakikipaglaban para sa tunay na reporma sa
lupa at pangisdaan.
Prinsipal na nilalaman nito ay buwagin ang monopolyo at kontrol ng malalaking asendero at
komprador at dayuhan sa malalawak na lupain at akwakultura, pook pangisdaan at mga kagamitan sa
produksyon sa layunin nitong ipamahagi sa mga organisasyon at kooperatiba ng mga mangingisda.
Kasabay nitong pinapawi ang iba’t ibang tipo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa
kanayunan tulad ng pagpapataas ng parte at sahod ng mga mangingisda sa produksyon.
Partikular sa pangisdaan ay target nito ang malalaking asendero at komprador sa pangisdaan na
nagmomonopolyo sa pangingisda at malalawak na palaisdaan. Maglalaan ng suporta at serbisyo sa
mga maralitang mangingisda para itaas ang antas ng produksyon nito. Ang pagtataas ng antas ng
produksyon ay pangunahing itutuon sa pangangailangan ng mamamayang Pilipino.
Ito ay nasa direksyon ng industriyalisasyon ng buong pangisdaan. Ang pagtataas ng antas ng
produksyon at industriyalisasyon ng buong pangisdaan ay isasakatuparan ng may pagsasaalang-alang
sa balanseng paggamit ng buong rekurso ng pangisdaan.
Bahagi ng pakikibakang agraryo ang anti-pasistang pakikibaka. Ang pakikibakang ito ay para labanan
at salagin ang pandarahas at panunupil ng estado na siyang nagsisilbing instrumento ng estado para
panatilihin ang paghaharing pyudal sa kanayunan.
Ang pakikibaka sa kanayunan ay mahigpit na nakakawing sa pakikibakang anti-imperyalista. Layunin
nitong labanan ang lahat ng anyo ng imperyalistang pandarambong at pagsasamantala sa kanayunan
at sa bansa.
Makibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya
Sumasalamin ang suliranin ng masang mangingisda sa pangkabuuang suliranin ng lipunang Pilipino.
Itinatakda ito ng isang lipunang malapyudal at malakolonyal na itinataguyod ng kasalukuyang
rehimen.
Ito ay pinaghaharian ng imperyalismong US kasabwat ang mga lokal na naghaharing uri ng mga
panginoong maylupa at burgesya komprador na kinakatawan ng buong paghahari ng papet, pasista at
pahirap na gobyerno.
Kailangang makipagkaisa ng masang mangingisda at magsasaka sa kanayunan sa mga manggagawa at
iba pang api at pinagsasamantalahang sektor sa lipunang Pilipino upang makibaka laban sa lahat ng
tipo ng pagsasamantala at pandarambong ng mga panginoong maylupa, burgesya komprador at
imperyalistang US.
Ito ay sa landas ng pambansa demokratikong pakikibaka. Pakikibakang naglalayon ng pagpapalaya ng
sambayanan mula sa dayuhang pandarambong at laban sa paghahari ng malalaking panginoong
maylupa at komprador na kinakatawan ng rehimen.

You might also like