You are on page 1of 13

Lungsod-

lungsuran
Umaapaw
ang kalangitan

buong lungsod
lumalagok

walang nababasâ
walang nalulunod

lahat dala-dala
sari-sariling
pansalok
mumunting lalamunan

napupuno
ng katahimikan

1
Dito mo ako unang nakilala. Hindi pa ako ni hininga
noon ng anumang bulaklak, o ng anumang bumubukad.
Ni hindi pa dumarating sa aking hinagap ang mga
talulot, o ang mga tinik, bagaman makailang beses nang
dumugo ang dila ko sa pagtunghay lamang sa mga bagay
na nakasusugat. Iluluhog ng isang paslit sa harap mo ang
kaniyang kamay, at agad mong ilalayo ang iyo.Tingnan mo
ako—hindi ikaw kundi ang iyong tingin ang hinahabol ng
pulubing baliw. Ang patalim na nakatutok kapalit ng kung
ano, ang parating nauunang bumaong tákot. Ang kamay
na sasaklot sa iyong suso, ang hindi mo paghalinghing sa
kabila nito. Dito, walang dahilan ang mga kalsada, kanto,
eskinita, terminal, underpass. Dito, walang dahilan liban
sa pag-iral.

Maging ang nasa bingit, hinihinging makatapak pabalik sa


ligtas, o kaya’y sa wakas magpatihulog tungo sa lahat ng
kaniya nang binitiwan.

2
Pangako sa sumisilip na asul-abuhing langit: mananatili
ako sa araw na ito.

Panaginip ang makarating kaya natutulog kami sa lahat ng


sandali sa pagitan ng pagsakay at pagbaba. Kilala namin
ang isa’t isa: paa, hita, siko, braso, balikat. Madalas mas
mamumukhaan ang mga anit at mga batok. Ang mga
sapatos. Ngunit hindi ang mga mukha. Mananatiling
estranghero lalo ang mga mata. Pangarap ang makababa
kaya tumititig kaming lahat sa siyudad sa salaming bintana.
Malinaw ang tanawin kahit malabo pa kaming makarating.

3
Nakaumang ang mga mukha sa mga bintanang salamin,
lahat naghihintay mamukhaan, lahat naghihintay
mapangalanan, lahat, naghihintay. Minsan na akong
inabutan ng ulan sa lugar na ito, at wala akong nagawa
kundi sumilong kasama ang buong lungsod. Nakalulusaw
ang ulan kung tatanawin mula sa bintana. Nakalulusaw
ang init ngunit lalo ang pagkainip. Nakalulusaw kahit ang
hangin kung tatalunin mula sa pinakamataas na palapag ng
gusali. Ang paglipas ng panahon sa mga pila, ang pagtanda
sa paglalakad.

Ang makilala ka sa maghapon. Ang magbalik sa sarili sa


magdamag.

4
Dahong nalalagas ang lahat, marahang humahalik sa lupa.
Pagkaraan, ang mga bulong na naglalaho sa alulong ng
mga naaagnas: lahat ng walang pangalan, lahat ng hindi
mamukhaan.

Kasingtanda mo ang pagnanais na makilala, maalala,


mahagkan. Hindi na baleng madalas, pakiramdam mo,
hindi iyo ang pangalan. Tulad ng hindi iyo ang mukha,
hindi iyo ang katawan. Di bale. Ang mahalaga’y makilala sa
kinilalang pangalan, maalala sa kinagisnang mukha. Di bale.
Higit ang pangangailangang mahagkan sa kinasanayang
katawan.

5
Mga gabing kayhaba at di makauwi ang sarili
sa sarili

Matagal na siyang hindi nagigising sa mundong ito.


Araw-araw bumabangon siyang katawan lamang, hindi
matagpuan liban sa mga librong minsan niyang hiniram,
liban sa mga papel na nilagdaan niya ng kaniyang ngalan,
liban sa mga sandali ng pagkaalala sa kaniya ng kung
sinong kaibigan. Hindi matagpuan pagkat hindi hinahanap
pagkat nariyan. Nariyan pagkat hindi hinahanap pagkat
hindi matagpuan.

6
May mga umagang nalilimot mo ang mundo, at lumalakad
kang ikaw lamang at ang sarili. Sa mga umagang ito,
nabubuhay kang walang pangalan, hindi mapangalanan
ng mundong ginagalawan, pagkat ano ba ang maitatawag
sa anumang pinipiling mag-isa? Kahit ang alikabok ay
kumakapit sa mga lumang libro, sa mga puwang ng daliri
ng munting piguring anghel, sa mga sulok ng silid na hindi
naaabot ng paningin.

Mga bulong na lumalakad nang nakatingkayad, makinig


kayo sa akin: Hindi kayo magiging mabibigat na yabag
kailanman.

7
Mga gabing kayhaba at di makauwi ang sarili
nang sarili

Hindi ba’t ikaw at ang takot ay iisa sa mga gabing


hinahamon mo ang hinalang nagtatago sa dilim marating
lamang ang santwaryo ng iyong silid? Ngunit naghuhunos
ang takot, at apoy na nagliliyab biglang-bigla ang itim ng
iyong mga mata, santelmo sa magdamag, tumatanglaw sa
lahat ng nilalang na may nilalang ng pangamba sa dibdib,
at biglang-bigla, umaamo ang mga hininga kasabay ng
pagpayapa ng lahat pagkat nagpapaubaya ang kalsada sa
iyong paglakad pagliyab pag-uwi. At ang pagkatupok sa
pagod, sa wakas, sa sandaling marating mo ang santwaryo
ng iyong silid—hindi ba panibagong pagningas ang
nakaumang na panaginip?

8
Dumarating ang mga araw na walang dapat ipagsigawan.
Walang dapat ibulong. Walang dapat ipagbuntonghininga.
Pahinga ang mga araw na ito. Hindi kita hinahanap ngunit
natatagpuan kita.

Dumarating ang mga gabing walang-imik. Maaari akong


manatili. Maaari akong magpaalam. Maaari kong damhin
ang aking sarili, ang aking mga kamay, ang lahat ng
kanilang pinanghahawakan.

9
Ang umagang ito, paalam sa kanina’y malalim, madilim
na himlayan ng panaginip, ngayo’y isa nang pangarap ng
pagbati ng mga ibon, pagsalubong ng silahis sa mga dahon,
paggising ng dalampasigan sa alat ng mga alon, paghalik ng
araw sa abot-tanaw.

Sa isang silid, nananatiling tuyo ang lahat sa kabila ng


ulan. Heto ang posibilidad ng sahig, dingding, bubong:
pagkabukod. Nakabukod ako, o maaaring nakakulong, sa
sandaling ito mula sa lahat ng bagay at nilalang na nababasa
ng ulan. Ito ang posibilidad ng ulan, ang pagkabuklod.
Hindi iisa ang mga halaman sa bakuran at magkakaibang
pares ng tsinelas ang naiwan sa may tarangkahan, at iba ang
hindi naipasok na sinampay ng umalis na kapitbahay sa
asong pinamamaluktot ng ampiyas sa kaniyang kulungan
ngunit sa sandaling ito, nabubuklod silang lahat ng ulan.

10
Ang hiling ko’y gabi. Kung hindi gabi, sikreto. Manatili
kang bulong, kung nais mong manatili.

11

You might also like