You are on page 1of 17

para sa mga hindi kayang iligtas

ng anumang uri ng pag-ibig at pananalig


-D-

Pito

Hindi pa man tapos ang tag-init,

nagsimula nang umulan noon sa ating bakuran.


Malamlam na ang dagitab ng mga damdaming
minsa’y naging kasing liwanag ng araw.

At saang hardin ba napadpad ang mga paruparong matagal din nating


inalagaan?

Hindi ko alam.
Hindi mo alam.
Hindi natin alam.
Basta nawala na lang, natapos na lang.
Maaari nga pala iyon,
ang basta-basta, ang isang iglap, ang kisapmata.

At bakit nga ba tayo nanalig sa ganoong uri ng pag-ibig? o ako lang ba?

dahil takot akong mag-isa,


takot na walang mabalingan ng mga alinlangan at pag-aalala,
takot na walang kasalo sa lungkot,
takot na walang mag-aampat sa mga sakit na dulot ng mga sugat

na minsa’y di tiyak kung saan nagmula.

Bakit ba ako nanalig sa ganoong uri ng pag-ibig?


Bakit ba ako nanalig sa ‘yo?

-1-
-C-

Abril

Nagtampo ang langit kahapon.


Marahil, napuno
sa milyon-milyong tao
na naghahangad
ng bendisyon.

Nakita kita, mag-isa,


nakamasid sa marahas
na pagpatak ng ulan.
Nadama ko
ang malakas na pagdaing
ng kalikasan,
ngunit, mas nabingi 'ata ako noon
sa katahimikang
dumadaloy sa titig mo.

Tinantiya mo ba
kung kaya mong suungin
ang baha?
Kung bakit kasi ganito
ang Maynila,
napakababaw ng damdamin,
kaunting dilig ng luha,
umaapaw na agad.

-2-
- C-

Siguro, dala na rin


ng napakaraming pangarap
na tinangay dito
ng mga probinsiya,
mga nangarap, naghanap,
at nawala,
kaya ngayon, tila
isinusuka na ng Lungsod.

Binalikan ulit kita ng tingin,


at mahigpit pa rin
ang yakap mo sa 'yong payong,
bigla-bigla,
parang nais kong hamunin
ang kalikasan.

Bakit kasi ngayon pa umulan?


tanong ko noon,
at handa na nga akong
lapitan ka,
ngunit masiyado 'ata
akong nagpaabala sa alinlangan
na di ko namalayan,
nakaalis ka na nga pala.

-3-
- C-

At bakit ba kasi ibig kitang


iligtas?
Sa ulan,
sa baha?

Gayong naalala ko,


isa ka nga palang ilog,
malaya,
dumadaloy nang may buong tapang
kaya 'di mapipigilan
ng anumang unos,

at ako nga pala'y gubat,


hangal na isinisigaw
ang pagsuyong
binabalik lang din ng alingawngaw.

-4-
-C-

Mga Tanong

Kumukupas ba ang kahulugan ng mga salita?


Nawawalan ba ng tunog ang mga damdamin?
Anong sukatan?
Paano tinitimbang?
Bakit ba laging nagtatanong ang nagmamahal?
Bakit hindi sagot ang hain ng pag-ibig?
Bakit balon?
Balong hindi maabot-abot ang kalaliman…

-5-
-C-

Kung dumating man ang araw

kung dumating man ang araw


na hindi na ikaw ang dahilan ng mga salita,
ang mga tula'y
ibang pangalan na ang awit,
lumihis nang landas ang lapis
at ibang mukha na ang guhit,

huwag na sanang matapos pa ang gabi.

-6-
-C-

Tugon

Walang diyos. Subalit


may mga panginoong nangangamkam ng lupa't
sumisipsip ng buhay. Ngunit,
hindi ka tanga. ‘Di ka tanga sa pag-iisip na maaari
ang paggapi sa ganitong mga pangbubusabos.
Hindi pa pangit ang daigdig,
para masilayan ang kanyang kagandahan,
‘di sapat ang pagmulat lang sa mga mata,
ibukas mo ang iyong puso't isip,
itaas ang kamao at yakapin ang laban ng masa.
Ibulsa na muna ang takot,
puwede kang umiyak,
sumigaw, pero hindi na kailanman aasa sa dasal.
Huwag na munang hangarin na masilayan ang langit,
dahil hindi pa tayo makakauwi.
Hangga't bala ang inaani ng mga magsasaka,
hindi pa tayo uuwi,
hangga't dugo ng mga pesante
ang idinidilig sa lupa,
hangga't itinataboy ang mga kapatid nating Lumad at Moro
sa kanilang tahanan,
hangga't patuloy na pinuputa si Pina
sa mga agila. Hindi pa tayo uuwi.
Dito na muna sa lansangan,
kung saan ang kanta'y
hinagpis ng ama at inang naghahangad ng katarungan,
kung saan ang gitara'y
armas kontra sa mga diktador at pasista.
Dito na muna tayo sa lansangan,
kung saan lantáy na pag-ibig ang paglaban.

-7-
-K-

Ka

Ang boses mo’y unti-unting binabasag ng pakikibaka,


ngunit kundiman mula sa matamis na nagdaan
ang mga bubog na tumagos sa akin.

Hindi ako nasugatan.


Mas pinalakas mo ang apoy ng damdaming
nagngingitngit ngunit umiibig.

-8-
-K-

Sampa

kinakapos ng hininga,
‘pag napapatitig sa iyong mga matang
kulay tsokolate,
ngunit luntian ang hain,
parang bundok—
na aking
inaakyat.

-9-
-K-

Tula para sa ‘yong paglisan. Bago ka pa man


dumating.

Ginising ako ng iyong haplos. Madilim pa.


Hindi ko naaninag ang kayumangging kulay ng iyong mga mata.
Baka iyon na nga ang araw ng huli nating pagkikita.

Nais kitang yapusin, pigilan ng tingin, ngunit—


markahan ko man ng halik ang lahat ng bahagi ng iyong katawan,
kailanman, hindi ka maaangkin.

“Sigurado ka na ba?” tanong ko pa. Kahit dati ko pa natanaw


sa iyong anino, ang buong kabundukan.

- 10 -
-J-

Ika-28 ng Pebrero, 2020

Kumusta?

Una, paumanhin kong sa mga panahong ito ay ikaw ang iniisip. Sadyang
may mga baha lang talaga sa buhay na hindi kayang igpawan, kahit
gaano man katindi ang ating pananalig, kahit gaano man kalalim ang
ating dasal.

Paumanhin ulit. Hindi na pala ako nagdadasal. Matagal na. Marami-rami


na kasing dilim na sinuong, at napakarami pang babakahin, ngunit hindi
kailanman nakasalubong man lang ang Diyos na pareho nating
inakalang sasagot sa mga panalangin na inusal. Subalit, huwag sanang
mamali ng intindi sa aking nais ipakahulugan. Ang pagkitil sa pananalig
sa mga sinasabing pinaka-makapangyarihan ay hindi pagsuko, lalong-
lalong hindi ito kahinaan. Sa katunayan, higit na mas malakas ako
ngayon kaysa sa ako noon, bago kita makilala.

Saglit, nakilala ba kita? O nakasalubong lang? Para kang nagtanong lang


ng direksyon sa daan, at ako lang itong may kahandaang tumigil nang
mas matagal para hindi lang sana ang iyong pupuntahan ang iyong
naging tunguhin. Hindi tayo nagkasabay. Hindi tayo magkasabay.
Maaaring kasalanan ko na naman ito. Kung bakit kasi hindi pa tumawid
noong mga panahong malapit-lapit pa ang kasalda patungo sana sa ‘yo.

Hanggang dito na lang siguro muna. Patuloy na susubok sa pag-igpaw sa


baha na dulot ng hindi maabot-abot na pag-ibig.

P.S.
Nasa isip ka hanggang sa panahong hindi na dapat.

- 11 -
-M-

Bente Cinco

Hinabol natin ang mga paruparo dati.


Ang sabi mo,

“Mga diwata sila.


Tutulungan nila tayong pigilan
ang paglubog ng araw.”

Napagod lang sa pagtakbo ang mga munti nating paa


dahil higit na malawak ang mga hakbang ng oras,
niyakap ng dilim ang paligid, at natuldukan
ang maghapon nating paglalaro.

Hindi ko naintindihan noon ang kasabikan mo


sa pagtangkang pagpigil sa paglipas ng panahon.
Ngayon lang. Kung kailan napako na ang edad mo
sa labing-siyam.

- 12 -
Ang Nagmamasid

Heto na naman tayo. Nagmamasid


sa bawat pag-indak ng mga ilaw sa lungsod,
Mga maririkit at mumunting dagitab,
na sa ati’y pansamantalang humahalina.

Ano ba’t hanggang ngayon,


ang buhay nati’y isang daluyong pa rin,
ng mga kawalang-katiyakan at pag-aalala,
At ang mga hinahangad na bituin,
hindi pa rin batid, kung kailan, at saan
masusumpungan.

“Kung bakit kasi dito’y kay hirap hagilapin


ng mga talà,”
sasabihin ko,
saka pipisilin ng iyong kamay
ang aking palad. Susubukan kong pagmasdan
ang kalmado mong mukha,
ngunit masusundan ito ng buntong-hininga
na pagkadismaya, sa paulit-ulit na handog,
nitong buhay.

At muli, babanggitin ko
ang mga bituin, “Nasaan ba sila?”
At ngingiti ka lamang. Dahan-dahan,
ako’y iyong hahagkan,
at pagkatapos, iyong ibubulong,
“Heto ako, ang araw at buwan.”

- 13 -
Hiwaga

Sa pag-apaw ng kadiliman, nagsasabog


ng katahimikan ang mapayapang mundo,
dadagundong ang bawat paghinga,
mabibingi sa bawat pagyapak ng oras,
at ang mga bulong ng kuliglig,
magiging sigaw na magtatawag muli,
sa mga alaalang akala mo’y matagal nang
naisuksok,
sa pagitan ng tamis at pait ng panahon,
kayâ ipipikit mo na lamang
ang iyong mga mata,
susubukang manalangin,
sapagkat hindi na maaampat,
ang lumalalim pang
dilim,
ngunit lumalakas ang pagkanta
ng marahas na hangin,
maaantala ang dasal,
at hahayaang makumutan
ng mga tanong at ‘sana,’
sa iyong isip, sabay-sabay na sumasayaw
ang mga nagdaang sandali,
sinasamahan ng mga dating ngiti
na madalas umaalingawngaw ng pag-ibig at ligaya,
at bigla-bigla,
ika’y maluluha’t itatanong sa sarili,
“Paanong nandito ako
subalit, napakalayo?”

- 14 -

You might also like