You are on page 1of 7

Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas

1016 Anonas, Sta. Mesa, Maynila, Kalakhang Maynila

Isang Repleksyong Papel

“Upuan” by Gloc 9 and Jeazell Grutas

2009

Rejano, Ana Mikaela S.

ABLCS 1-2

GEED 10033 Readings in Philippine History

Professor Jacinto R. Valila Jr.


“Mahirap kayo? Putang ina, magtiis kayo sa hirap at gutom, wala akong pakialam.”

- President Rodrigo Duterte

Isang masining na paglalarawan at mga mensaheng makatotohanang pangyayari ang


ipinalaganap sa kantang “Upuan” ni Gloc 9. Simula noong unang panahon, hindi man sa
bansang Pilipinas ngunit kung tatalakayin at huhukaying mabuti ang kasaysayan ng sariling
bansa ay magpahanggang ngayon tila hindi maitatangging mayroon pa ring kaugnayan ang
kanta sa mga Pilipino at mismong gobyerno nito. Ang mga katanungan ay siyang malinaw
subalit ang mga kasagutan ay siyang pilit na itinatago at hindi maipaliwanag ng mabuti, bagkus
hindi pa mulat ang lahat – na ang karamihan pa rin sa mga Pilipino ay tulog o hindi kaya’y
nagkakape habang ang mga ibinotong politiko na siyang nasa upuan ay hindi man lang tumayo
at bumaba sa kinauupuan upang asikasuhin ang sambayanan. Mananatili bang tahimik ang
mga Pilipino at sumunod sa kinauukulan kung sila ay mayroong sapat na kakayahang
ipaglaban ang sariling bayan? O hahayaan na lamang na patuloy na maulit ang kasaysayan?

Sa unang parte pa lamang ng kantang ito ay siya na ring malaking patama at


paglalarawan sa mga politiko at gobyerno ng Pilipinas. Wala itong halong kasinungalingan dahil
kung mayroon man, hindi magiging wasto at naaayon sa ating kinakahirap na kalagayan,
bagkus hindi lamang tayo ang nakakaranas dahil kung hindi natin pipiliin ang pagbabago sa
gobyerno na siyang isa sa sakit ng ating bansa ay mananatili tayong lugmok sa mga utang at
ang mayayaman ang silang mananatiling mayayaman at ang mahihirap ay mananatiling
mahirap. Sa katunayan, ipinakita sa mga salitang nasa kanta ang kahirapan at hindi
pagkakapantay-pantay ng mga tao. Masakit mang tanggapin ngunit hindi maitatanggi na mas
dominante ang mahihirap na Pilipino kaysa sa mayayaman at dahil dito, dominante rin ang
kapangyarihan ng mayayaman sa mahihirap.

“Ganito kasi yan eh


Tao po nandyan po ba kayo sa loob ng
Malaking bahay at malawak na bakuran
Mataas na pader pinapaligiran
At naka pilang mga mamahaling sasakyan”

Kung babasahin at susuriing mabuti ang isang parte sa kanta na “Upuan” ni Gloc 9,
malalaman na ang mga politikong ito ay nasa loob ng kanilang malaking bahay na mayroong
malawak na bakuran. Na kung titignan sa labas ay mayroong matataas na pader at nasa loob
ang mamahaling sasakyan na kanilang binili. Naririto na ang sagot sa ating mga harapan, ang
mata na lamang ang siyang buksan. Hindi malayong hindi nahahawakan ng mga politikong ito
at nang gobyerno ang kaban ng bayan na siyang pinaghihirapan katumbas ng dugo at pawis,
ang iilang mamamayan ay tanging buhay pa ang alay upang kumita ng malaki sa kadahilanang
mahirap ang buhay. Isa ring sampal sa mga namumuno na kaya nilang bumili ng mamahaling
mga gamit, kotse at bahay ngunit ang sariling kapwa ay hindi matulungan sa pag-angat sa
buhay.

“Mga patay na laging bulong ng bulong


Wala namang kasal pero marami ang naka barong
Lumakas man ang ulan ay walang butas ang bubong
Mga plato't kutsara na hindi kilala ang tutong”

Ang mga nakaupong tao o sabihin nating ang mga taong may posisyon ay sila rin ang
pinagsisilbihan at napakaimportanteng tao na animo’y mga hari at reyna, ngunit kung tutuusin
ay dapat pantay-pantay ang tingin ng bawat isa sa sinuman. Ipinaparating ng kanta na kahit
bagyuhin o kahit ano mang unos ang harapin ng mga nasa itaas na posisyon at nakaupo sa
kanilang mga upuan ay ligtas ang mga ito dahil isa sila sa mayroong prayoridad na mauna at
hindi mahihirapan dahil mayroon silang pribilehiyo sa kanilang mga kamay. Sa kabilang banda,
hindi man pareho ang ating estado sa buhay, tayong lahat ay nagiging pantay-pantay sa
anumang problema na ating haharapin. Karagdagan rito ay ang pag-usbong ng patuloy na
malnutrisyon sa mga mamamayan, karamihan ay sa mga bata na ang isa sa tatlong bata simula
sa edad na limang taon at pababa ay hindi naaayon ang tangkad at pangangatawan ayon sa
UNICEF. Ang resulta nito ay ang mayayaman ang nakakakain ng masasarap, nagkakaroon ng
natatanging pribilehiyo at bumababa sa pagkukulang pagdating sa mamamayang Pilipino.

“At ang kanin ay simputi ng gatas na nasa kahon


At kahit na hindi pasko sa lamesa ay may hamon
Ang sarap sigurong manirahan sa bahay na ganyan
Sabi pa nila ay dito mo rin matatagpuan
Ang tao na nagmamay-ari ng isang upuan
Na pag may pagkakatao'y pinag-aagawan
Kaya naman hindi niya pinakakawalan
Kung makikita ko lamang siya ay aking sisigawan”

Sa kalagitnaan ng kanta ay mapapansing mas nagiging malalim ang kahulugan ng


karangyaan na siyang tinatamasa ng mga nakaupo. Sa masarap na buhay ay tila ba
mararamdaman ng mahihirap na ipinagkait sa kanila na matamasa ang saya at ginhawa,
sapagkat kung ako ang tatanungin ay hindi kakailanganing tumakbo sa isang mataas na
posisyon kung ikaw ay may hangarin na makatulong sa iyong kababayan at sariling bayan.
Bagkus ipinapakita at sinasalamin ng ating panahon ngayon kung ano ang tunay na kulay ng
mga tumatakbo para mag-unahan sa isang puwesto at iyon ay ang upuan na nasa itaas. Na sila
ay lumalabas lamang sa kanilang malalaking bahay kung kailan panahon ng eleksyon o hindi
kaya ay may haharaping isyu patungkol sa kanila na siyang sumisira sa kanilang mga plano.
Ano kaya ang mga planong ito? Tungkol ba sa ikabubuti ng bayan at paglago nito? O mga
sikretong plano na silang makakasira sa ating bansang sinilangan? Ang kasagutan sa mga
tanong na nakalagay sa aking papel ay nasa atin din. Walang sinumang makakasagot nito
kundi tayo lang na mga Pilipino. Mahalaga na malaman ang sariling atin sa pagpapalago at
hindi ang pangungunsinti na dapat ituwid sa kasamaang binabalak ng mga taong nasa itaas.

“Mawalang galang na po
Sa taong naka upo
Alam niyo bang pantakal ng bigas namin ay di puno
Ang ding-ding ng bahay namin ay pinagtagpi-tagping yero”

Ang patuloy na kakulangan sa trabaho ay ang nagiging dahilan sa pagkakaroon nang


pagkukulang sa pagbuhay sa isang pamilya na siyang nangyayari sa bansang Pilipinas. Higit pa
rito ay ang pagdami ng populasyon ng Pilipinas, ang pagdami ng mga batang ipinapanganak
taon-taon ngunit sa kabilang banda ay maaari itong masolusyunan kung mayroong pakialam sa
bayan ang nasa itaas at kung naririnig ba ng mga ito ang mga alalahanin at suliranin na
kinakaharap ng kapwa Pilipino. Samakatuwid, iilan lamang ang naipapatupad katulad ng mga
pagpapatayo ng bagong riles at kalsada. Ngunit kung susuriing mabuti, ang pagpapalakas sa
healthcare system ng bansang Pilipinas, pagpapatibay at pagbibigay ng trabaho sa
mamamayang Pilipino, ang pagtutok sa tamang edukasyon, at ang pagkakaroon ng tamang
sahod ay unti-unting lalakas ang ekonomiya ng bansa at mareresolba rin ang mga problema
kung magkakaisa ang buong sambayanan.

“Sa gabi ay sobrang init na tumutunaw ng yelo


Na di kayang bilhin upang ilagay sa inumin
Pinakulong tubig sa lumang takuring uling-uling
Gamit lang panggatong na inanod lamang sa istero”
“Na nagsisilbing kusina sa umaga'y aming banyo
Ang aking inay na may kayamanan isang kaldero
Na nagagamit lang pag ang aking ama ay sumweldo
Pero kulang na kulang parin”

Ang paglahad ng kamay na tutulong sa kapwa ay hindi isang kasalanan na dadalhin


habambuhay ngunit isang kasalanan ang pagpatay at hindi pagtulong sa kapwa kung alam
mong ito ay nahihirapan na sa kanyang pamumuhay. Oo, hindi responsibilidad ng bawat isa
ang problema ng isa subalit kung mayroon kang kakayahan at ikaw ay nakaupo sa isang
puwesto, ang pagtulong ay hindi magiging labag sa iyong kalooban. Sinabi sa mga salitang
nasa itaas na hindi sapat ang suweldo dahil sa pagtagal ng panahon ay nagmamahal ang mga
bilihin sa palengke at dumadami ang bayarin hindi lamang sa kabahayan ngunit pati na rin sa
eskwela ng mga anak at personal na pangangailangan ng bawat isa. Nakakalungkot mang
isipin, hindi maipagkakailang ang mahihirap ay silang nagtatrabaho para sa mayayaman at ang
mayayaman ay ang siyang totoong patuloy na yumayaman.

“Ulam na tuyo't asin


Ang singkwenta pesos sa maghapo'y pagkakasyahin
Di ko alam kung talagang maraming harang
O mataas lang ang bakod
O nagbubulag-bulagan lamang po kayo
Kahit sa dami ng pera niyo
Walang doktor na makapagpapalinaw ng mata niyo kaya”

Sana balang araw ay wala ni isang pamilyang Pilipino ang maghahain sa kanilang mga
anak ng tuyo at asin, na ang sinaing ay tinipid pa para sa kanilang anim na magkakapatid. Ang
mga salitang ito sa kanta ay siyang dapat itapat sa mayayamang uri ng tao at sa mga taong
nakaupo sa itaas. Nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan ang mga taong nasa itaas dahil
kung sila ay tapat, ang masaya, maginhawa, at simpleng pamumuhay ay makakamtan ng
bawat pamilyang Pilipino. Ginagawa nila ang pang-aabuso sa kanilang mga sariling upuan at
huwag magalit ang masyadong halata, sabi nga sa huling lyrics nito. Ramdam sa kahit saan
mang panig ng Pilipinas ang kahirapan – walang relihiyon, pagkakaiba ng kulay o pagkakaiba
ng paniniwala, bagkus ang karamihan ay nakakaramdam ng kahirapan, hindi sila nagpapatalo
at nananatiling nagpapatuloy sa buhay. Samakatuwid, hindi pa rin dapat tayo manatili sa
ganitong posisyon, nararapat na mayroon at hindi lamang ang pagboto sa nararapat na lider
ang ating asikasuhin, karagdagan dito ay ang pagpapalago muna sa ating sarili, ang pagbukas
ng mga mata sa katotohanan at doon, hindi tayo madadaan sa kanilang matatamis na salita at
mga pangakong hindi malabo’y mapapako hindi kalaunan sa kanilang pamumuno.
Kung maitatanong ay bakit ko ito isinulat sa wikang Filipino? Unang-una sa lahat ay
isang karangalan sa mga kapwa mananaliksik ang makahanap at makapagbasa ng naaayon sa
kanilang naiintindihan at makikita ang importansya ng pagsusulat sa Filipino na hindi lamang
kapwa mananaliksik, estudyante, at Pilipino ang maaaring magbasa ng ganitong repleksyon na
papel. Maliban dito ay matututunan ng mga mag-aaral sa wikang Filipino, mapa internasyonal
man o lokal, o saan man sa mundo kung paano magsulat sa ating sariling wika, dagdag pa ang
kasaysayan – kasama na rito ang mga pangyayari sa bansang Pilipinas, noon man o ngayon.
Sumunod ay ang pagsusulat sa wikang Filipino ay nakatutulong kung paano ito maipapakalat
na maaari itong gamitin sa isang akademikong papel. Ayon kay Ramon Guillermo (2016) ang
paggamit ng wikang ito ay posibleng tumungo sa higit na demokratisasyon at paglapit ng
agham panlipunan sa mga paksain at usaping may kabuluhan sa sambayanan. Maaari itong
palalimin at palawakin sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga kabataan kung anong mayroon sa
bansang Pilipinas at kung paano natin mapapanatili ang sariling atin.

Nang maaalala ang kantang ito na siyang ilalagay sa isang repleksyong papel ay
naalala ko kung paano kami minulat ng isa naming guro noon sa junior high school. Sa
pagkakatuwa ay ang kanta ring ito ang aming ginawang bidyo bilang proyekto sa kanyang
asignatura. Simula noon ay marami na ang natuto sa amin at ang pagmulat ng mga mata ay
ang siyang nararapat na gawin sapagkat kasalanan ang pagpikit.

Bilang konklusyon sa repleksyong papel na ito, naiintindihan ko na kung saan


nagmumula ang mga mensahe na nakapaskil o nakalagay sa unang pahina nang aming course
guide sa asignaturang Readings in Philippine History. Minsan na rin itong nabanggit ng aming
propesor na si Ginoong Jacinto Valila Jr. Mula roon ay aking inilagay ang sinabi ng Pangulong
Rodrigo Duterte na may kinalaman sa mga jeepney drivers ng Pilipinas. Bilang isang Pangulo
ng isang bansa, hindi nararapat na pagsabihan ng ganito ang iyong kababayan na siyang
bumoto sa iyo upang makaupo ka sa pinakamataas na puwesto sa gobyerno. Bukod pa dito,
ang kapwa mo Pilipino ang siya ring nagpapatuloy sa pagpapaunlad ng bansang Pilipinas at
ang magsalita ng ganoon ay hindi nararapat, hindi dahil bilang isang Presidente, ngunit bilang
isang tao na mayroong pangtaong ugali at pagmamalasakit. Ang nararapat na gawin ay
tulungan silang bumangon at tulungan sa pagaayos ng kanilang mga sasakyan, sa ganitong
paraan ay nagkaroon pa nang pagkakaunawaan sa magkabilang panig.

Ang respeto at pagmamahal ang siyang dapat hindi nawawala dahil ito na rin ay iyong
pagrespeto sa sarili, kapwa, at bansa. Muli, mabuhay ang Pilipinas!
MGA SANGGUNIAN

Gloc 9 - Upuan ft. Jeazell Grutas https://www.youtube.com/watch?v=yvWVfYwpMD0

Ranada, P. (2017, October 17). Duterte to jeepney drivers, operators: Modernize by year-end or

get out. RAPPLER. https://www.rappler.com/nation/185600-duterte-jeepney-drivers-

modernize-get-out/

Guillermo, R. (2016). Sariling atin: Ang nagsasariling komunidad na pangkomunikasyon sa

disiplinang Araling Pilipino. Social Science Diliman, 12(1).

UNICEF: Many children and adolescents in the philippines are not growing up healthily. (2019,

October 16). Unicef.Org. https://www.unicef.org/philippines/press-releases/unicef-many-

children-and-adolescents-philippines-are-not-growing-healthily

You might also like