You are on page 1of 4

Ang Alamat ng Rambutan

Ni Tama Ansay

Sa isang malayong pook sa Pilipinas nakatira ang mag-asawang sina Mang Kandoy at Aling
Pising.Malapit ang pook na ito sa bundok ng Rabba. Araw- araw nangangahoy si Mang Kandoy
sa kagubatan para gawing uling. Si Aling Pising naman ay nagpupunta sa bayan upang ipagbili
ang mga nagawang uling. Walang anak sina Mang Kandoy kayat ganoon na lamang ang dasal
nila sa Panginoon upang mabigyan sila ng anak.
Isang araw, habang nangangahoy si Mang Kandoy, nakakita ito ng isang kweba sa gitna ng
kagubatan.
Tila ngayon ko lang napansin ang kwebang ito wika niya sa kanyang sarili
Kahit may konting takot sa kanyang kalooban ay minabuti niyang tignan kung ano ang nasa loob
ng kweba. Nagulat siya ng makita niya ang isang usa na malapit ng kainin ng isang tigre.
Naramdam ng pagkaawa si Mang Kandoy kayat agad niyang binato ng isang piraso ng matigas
na kahoy ang tigre upang malihis ang atensyon nito sa usa. Nagalit ang tigre at dali-dali nitong
sinunggaban si Mang Kandoy. Kaagad namang nakuha ng mangangahoy ang kanyang palakol
kayat nasugatan nito ang tigre sa leeg nito. Walang humpay ang pagdudugo ng sugat ng tigre
kaya agad agad itong kumaripas ng takbo palayo sa kweba.
Nagulat si Mang Kandoy sapagkat ang kulay ng dugo ng tigre ay abo.
Ngayon lamang ako nakakita ng dugo na kulay abo wika nito sa sarili.
Agad na natuyo ang dugo hanggang sa naging abo ito at humalo sa lupa.
Napansin niya ang takot na takot na usa kayat nagpasya ito na puntahan ito. Nagitla siya nang
bago pa makalapit ay nagpalit anyo ito. Ang dating kawawang usa a naging isang
napakagandang diwata subalit hindi na rin natago ang mga sugat nito. Napansin ni Mang Kandoy
na ang dugo ng diwata ay puti.
Dahil sa pagkabigla at pagkatakot, nagpasya ang matanda na tumakbo na lamang pauwi pero
pinigilan siya ng diwata.
Salamat sa iyo kaibigan, nailigtas mo ako sa kamay ng itim na salamangkera. Ako si Rodona
ang diwata ng budok na ito. Matagal na kitang nakikitang namumulot ng mga kahoy sa gubat na
ito. Alam ko ang kabutihan ng iyong kalooban sabi ng diwata
Hindi pa rin makapagsalita si Mang Kandoy.
Ang tigre na iyong nakita ay si Matesa, nais niyang makuha ang bundok na ito upang dito
gawin ang kaniyang salamangka. Gusto niya akong patayin at kunin ang aking puso para
magkaroon ng kapangyarihan sa mga puno at hayop na naninirahan sa aking lupain. ani Rodona

Kung siya ay salamangkero, bakit hindi niya ginamit ang kapangyahiran niya sa akin? tanong
ni Mang Kandoy
Walang kapangyahihan si Matesa laban sa mga nilalang sa bundok na ito, maging sa hayop,
halaman, o kahit sa mga tao. Kapag nakuha na niya ang aking puso saka lamang siya
magkakaroon ng kapangyarihan sa mga nilalang dito.paliwanag ng diwata
Labis kang nasugatan, mabuti pa siguro ay sumama ka sa akin upang magamot ng aking asawa
ang iyong mga sugat. nag-aalalang sambit ng matanda.
Ang buhay ko ay hindi na magtatagal, habang ako ay may kapangyarihan pa, binibiyayaan ko
kayo ng iyong asawa ng isang anak. Hinihiling ko lang sana na sa aking pagpanaw ay kunin mo
ang aking puso, sunugin mo, at ilagay sa banga ang abo nito. Itago mo ito sa iyong bahay upang
maging proteksyon ninyo at ng lupain na ito laban kay Matesa.naghihingalong bilin ni Rodona
Pagkatapos nito, agad na binawian ng buhay ang diwata.
Sinunod ni Mang Kandoy ang bilin ni Rodona. Ikinuwento niya ang nangyari kay Aling Pising.
Makalipas ang siyam na buwan, isinilang ang isang napakalusog na batang babae. Labis na
ikinatuwa ng mag-asawa ang biyayang ito,pangalanan nila ang bata na Rabona, pinaghalo ang
pangalan ni Rodona at ang bundok ng Rabba.
Lumaking masayahin si Rabona. Halos nakalimutan na ng mag-asawa ang nangyari sa diwata.
Minabuti nilang ilihim nila ito sa kanilang anak. Nang maglalabing anim na taon na si Rabona ay
may nakita siyang isang pusa sa kagubatab. Medyo kakaiba ang pusang ito sapagkat makapal
ang kulay dalandan na balahibo. Iniuwi ni Rabona ang pusang iyon.
Nang sumapit ang ika-12 ng hating gabi. Nagpalit ng anyo ang kakaibang pusa. Siya pala si
Matesa. Nagsagawa ng ritwal si Matesa upang sumpain ang anak ng mag-asawa. Habang nagoorasyon nagising si Mang Kandoy dahil sa mga bulong ng salamangkera.
Layuan mo ang aking anak!sigaw ni Mang Kandoy
Hahaha! Wala ka ng magagawa Kandoy! Tignan mo ang ginawa mo sa akin. Maraming
salamangka ang aking pinag-aralan para lamang maghilom ang halos napugutan kong ulo nang
dahil sa pagtatanggol mo kay Rodona laban sa akin! sagot ni Matesa
Naalala ni Mang Kandoy ang abo ng puso ni Rodona na kanyang itinago. Agad niya itong kinuha
at isinaboy sa paligid ng salamangkera. Hindi nakagalaw si Matesa. Nabalot siya ng
kapangyarihan ng abo ni Rodona. Agad na kinuha ni Mang Kandoy ang kanyang itak at tinaga
ang mangkukulam. Nagliwanag ang buong paligid at naging abo ang katawan ni Matesa.
Nagising si Rabona at takot na takot na niyakap ang kaniyang mga magulang.
Napansin ni Rabona na kumakapal ang buhok nito sa katawan. Humahaba rin ang kaniyang
buhok.
Dala ito marahil ng sumpa sa iyo ni Matesa.sabi ng kaniyang ama
Agad silang nagpunta kay Tandang Isko, ang arbularyo sa katabing bayan.

Mabuti na lamang at hindi natuloy ang sumpa. Maagapan natin ang walang humpay na paghaba
ng kaniyang buhok, subalit hindi na natin maibabalik ang normal na kapal nito wika ng
arbularyo
Naging mas makapal nga ang buhok ni Rabona. Laging sinusuklalyan ng kaniyang ina na si
Aling Pising ang kaniyang buhok. Bilin ni Aling Pising na lagi niyang aayusin ang kaniyang
buhok upang hindi maging sagabal sa kaniyang mga gawain at pag-aaral.
Dala marahil ng konting pagbabago sa kanyang buhok, unti-unting nagbago ang pag-uugali ni
Rabona. Naging tamad ito sa pag-aaral at sa mga gawaing bahay. Ayaw na rin niyang ayusin ang
kaniyang sarili. Natuto siyang lumaban sa kaniyang mga magulang.
Nay, ikaw na lang magsaing. Ayoko magtrabaho sa bahay sapagkat naiinis ako sa buhok na ito.
Dapat niyo akong pagsilbihan dahil dito sambit ni Rabona
Anak, huwag kang mawalan ng pag-asa, dapat kang magpatuloy sa buhay mo at gumawa ng
paraan upang malampasan ang mga pagsubok pagsusumamo ng kaniyang ina.
Ah basta, ayoko na! Umalis ka na sa harapan ko at ipaghanda mo ako ng pagkain. Kayo ang
may kasalanan kung bakit nagkaganito ang buhok ko!hinanakit ng suwail na anak
Pasensya ka na anak, ang lahat ng ginagawa namin ng iyong ama ay para sa iyo. Sige
maghahanda na ako ng pagkain.malungkot na tugon ni Aling Pising
Isang gabi, naisipan ni Rabona na sunugin ang bahay nila habang natutulog ang mga magulang
niya.
Maingat niyang sinalansan ang mga tuyong kahoy sa ilalim ng kanilang bahay upang huwag
magising ang kaniyang mga magulang. Nang akmang sisindihan na niya ang mga tuyong kahoy
para magliyab, nagliwanag ang kaniyang paligid, lumipad ang bawat butil ng lupa at umikot sa
kanya at nabalutan ng lupa ang kaniyang katawan. Nakita niya ang isang magandang babae sa
kaniyang harapan.
Ako si Rodona ang wika ng babae
Hindi nga bat ikaw ay patay na? nagulat na tanong ni Rabona
Oo, namatay na ako subalit nananatili ako sa puso ng iyong mga magulang. Ako ay may
kaugnayan sa iyo sapagkat ako ang nagbiyaya sa iyong mga magulang upang ikaw ay isilang
dahil sa kanilang busilak na kalooban. Ako ay nanatili sa iyong pagkatao subalit nagpadala ka
mga pagsubok. Ang tunggalian namin ni Matesa ay hindi nagtapos ng ako ay mamatay sa kweba
sa bundokng Rabba. Nagpatuloy iyon sa iyong puso. Nang dahil sa mga mumunting pagsubok,
ikaw ay nagbago. Naisipan mo pang gawan ng masama ang iyong mga magulang Dapat sanay
ikaw ay magsisilbing regalo sa kanila, subalit pinagtangkaan mo pa ang kanilang buhay! galit
na sabi ni Rodona
Nakonsiyensya ang dalaga sa sinabi ng diwata.

Patawarin niyo po ako, nagpadala ako sa mga pagsubok. Hindi na po mauulit. Tatanggapin ko
po ang anumang kaparusahan. Ayoko na pong maging pabigat sa kanila. Sana po ay maibalik ko
pa ang panahon upang mabigyan sila ng kasiyahan. pagsusumamo ni Rabona
Huli na ang lahat. Mula sa gabing ito ay lalamunin ka na ng lupa. Ngunit nang dahil sa iyong
pagsisisi ay hindi ka pa tuluyang mawawala sa kanila. Patunayan mo na hindi ka magiging
perwisyo sa kanila sabi ng diwata
At tuluyang nagliwanag ang buong paligid at nawala ang dalawa.
Kinaumagahan ay wala na sa bahay nina Mang Kandoy si Rabona. Napaiyak si Aling Pising ng
makita ang mga tuyong kahoy at posporo sa ilalim ng kanilang bahay. Naisip nilang tinangka ng
kanilang anak na sunugin ang kanilang bahay. Sa tapat ng posporo ay may nakita silang halaman
na may kakaibang dahon.
Ngayon ko pa lamang nakita ang halaman na ganito sabi ni Mang Kandoy
Inalagaan ng mag-asawa ang halaman at nang lumaki ay nagkabunga. Napaluha si Aling Pising
nang makita niya ang bunga nito. Makapal ang tila buhok sa balat nito. Tinikman nila ang hinog
na bunga at natuwa sa tamis at sarap nito.
Ito marahil si Rabona wika ni Mang Kandoy
Kahit paanoy may alaala pa rin siya sa atin. Salamat at hindi siya nawala
Tinawag na Rabona ang bunga ng puno, hanggang maging rabonan nang malaunan tinawag na
rambutan. Ngayon ang rambutan ay isa sa masasarap na prutas na makikita natin sa ating bansa.
Lagi nating isipin na ang mga pagsubok sa buhay ay hindi dapat maging hadlang upang
maipagpatuloy ang ating buhay. Lagi tayong gumawa ng mabuti sa ating kapwa lalo na sa ating
mga magulang.

You might also like