Kaligirang Kasaysayan ng El Filibusterismo
Ang El Filibusterismo ang pangalawang nobela ni Jose Rizal at pagpapatuloy ng Noli Me Tangere.
Naganap ito labintatlong taon makaraan ang huling pangyayari sa Noli na pagpanaw nina Elias at Sisa
at magkatuwang na paglilibing sa kanila nina Crisostomo Ibarra at Basilio. Sa El Filibusterismo,
nagbalik si Ibarra bilang si Simoun, isang mag-aalahas na ginagamit ang kaniyang yaman at
impluwensiya upang pasidhiin ang pagpapahirap ng mga mananakop sa mga Pilipino sa layuning
maudyukan ang huli na mag-alsa. Inialay ni Rizal ang nobela sa tatlong paring martir na sina Mariano
Gomes, Jose Burgos, at Jacinto Zamora. Sa pag-aalay niya sa nobela, sinabi ni Rizal na kahina-hinala
ang naging partisipasyon ng tatlong pari sa pag-aalsa sa Cavite at umaasa siyang darating ang
panahon na lilinisin ng Espanya ang kanilang mga pangalan (de Viana, 2011)
Sinimulang isulat ni Rizal ang kaniyang pangalawang nobela sa Calamba, Laguna noong Oktubre 1887
at ipinagpatuloy ito sa London, Inglatera noong 1888. Nakarating pa ang nobela sa iba’t ibang bansa
sa Europa nang isulat ni Rizal ang mga kasunod na kabanata nito sa Paris, Pransya at Madrid,
Espanya. Sa Biarritz, Germany nakompleto ni Rizal ang manuskrito ng nobela noong ika-29 Marso
1891 makaraan ang tatlong taon pag-aakda dito. Habang nasa Belgium, minabuti ni Rizal na manatili
sa Ghent na mas mura ang mga bilihin. Sinikap niyang magtipid nang husto upang mairaos ang
kaniyang buhay habang pinag-iipunan ang pampalimbag ng kaniyang pangalawang obra maestra.
Isinanla ni Rizal ang lahat ng kaniyang alahas upang makalikom ng pondong pampalimbag ng El
Filibusterismo. Idinagdag na rin niya ang natirang kita sa pagbebenta ng kaniyang mga anotasyon sa
Sucesos de las Islas Filipinas ni Antonio de Morga na nagkakalahaga ng P 200 at ang ambag ng
kaibigang negosyanteng si Jose Maria Basa na nakabase sa Hong Kong. Dinala ni Rizal ang manuskrito
ng El Filibusterismo sa F. Meyer-Van Loo Press na nasa No. 66 Viaandern Street, isang imprentahan
na pumayag ilimbag ang aklat ni Rizal kahit hulugan ang pagbabayad. Gayunman, natigil ang
paglilimbag noong ika-6 ng Agosto nang matigil din ang pagbabayad ni Rizal. “Walang-wala siya
noong mga panahong iyon at gaya ng pinagdaanan niya sa Noli Me Tangere, sumagi sa isip niyang
sunugin na lamang ang manuskrito (de Viana, 2011).” Mabuti na lamang at sumaklolo si Valentin
Ventura, isang Pilipinong nasa Europa rin upang isulong ang mga kinakailangang reporma sa Pilipinas.
Nag-ambag siya ng salaping padala ng kaniyang pamilya na naging daan upang tuluyang mailimbag
ang El Filibusterismo noong ika-18 ng Oktubre 1892.
Hindi tulad ng Noli Me Tangere na may 64 na kabanata, kapansin-pansin ang kanipisan ng El
Filibusterismo na mayroon lamang 39 na kabanata. Ibinigay ni Rizal ang orihinal na manuskrito ng
pangalawa niyang nobela kay Ventura at isa pang nakalimbag na kopya na may lagda niya. Nagpadala
rin siya ng dalawang kopya sa Hong Kong, isa para kay Basa at isa para kay Sixto Lopez. Nagbigay rin
siya ng mga sipi ng nobela kina Ferdinand Blumentritt, Mariano Ponce, Graciano Lopez Jaena,
Trinidad H. Pardo de Tavera, Antonio Luna, Juan Luna, Marcelo H. del Pilar, at iba pang mga kaibigan.
Ipinadala na ang mga natirang kopya sa Hong Kong upang ipuslit sa Maynila. Gayunman, halos lahat
ng kahon na naglalaman ng nobela ay nakumpiska ng mga awtoridad at hindi na nakita (de Viana,
2011). Samantala, dahil sa halagang pangkasaysayan ng orihinal na manuskrito ng El Filibusterismo,
binili ito ng Gobyerno ng Pilipinas kay Ventura sa halagang P10 000. Nasa pag-iingat ngayon ng
Pambansang Museo ang nasabing kopya.
Pinuri ng samahang repormista sa Barcelona ang pangalawang nobela ni Rizal at sinabing
maihahalintulad ito sa “The Count of Monte Cristo” ni Alexander Dumas, ang akdang pinaghugutan
nito ng inspirasyon (de Viana, 2011).
Mga Pangyayari sa Pilipinas sa Panahon ng Pagkasulat ng El Fili
Kung ihahambing ang El Filibusterismo sa Noli Me Tangere, masasabing ito’y higit na malagim. Ang
Noli Me Tangere ay kababakasan pa ng optimismo. Ang pangunahing tauhan nito na si Ibarra ay
larawan ng isang kabataang may sariwang talino na may magagandang pangarap para sa bayan. Sa El
Filibusterismo, nagbalik si Ibarra na isa nang antagonistang may matigas na puso. Pinakilos niya ang
kaniyang yaman upang makapagluklok sa puwesto ng isang pinuno na magsisilbi niyang tau-tauhan.
Sinulsulan niya ang makakapangyarihang tao sa lipunan at pamahalaan na pasidhiin ang
pagpapahirap sa bayan upang umano’y magising ang mga Pilipino at maudyukang lumaban. At
bagama’t dakila ang kaniyang layunin na pakilusin ang mga katutubo upang ipagtanggol ang kanilang
sarili, sa huli, nakilala pa rin ang pagkamakasariling nagtatago sa kaniyang kaibuturan dahil
pinagbangga niya ang pamahalaan at bayan upang habang nagkakagulo ang dalawa ay maitakas niya
ang nag-iisang mahal at maging maligaya.
Sa kanilang aklat na “Rizal’s Life, Works and Writings: Their Impact on our National Identity” (2005),
tinalakay nina Diosdado G. Capino, Ma. Minerva A. Gonzalez, at Filipinas E. Pineda ang kaligirang
kasaysayan ng pagkasulat ng El Filibusterismo. Anila, apat na taon ang pagitan ng pagkalimbag ng
Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Marso 1887 nang mailabas ang unang nobela ni Rizal
samantalang Setyembre 1891 naman nang ilabas ang kasunod nito. Sa loob umano ng apat na taon
na iyon ay lumalim na ang kaisipan ni Rizal na nahubog ng mga pangyayaring nasaksihan niya sa
Pilipinas sa sandaling panahong pagbalik niya rito. Sa huli niyang pagbisita sa kaniyang pamilya bago
ang pagkalimbag ng El Filibusterismo, nakita niya ang kaapihang dinanas ng mga ito sa kamay ng mga
Espanyol. Pinalayas ang kaniyang ama sa bayan, inilit ang kanilang tahanan, at ang kanilang mga
kasangkapan ay iniwan sa kalsada; ilang kaanak niya ang ipinatapon sa malalayong pook; at isang
bayaw pa niya ang pinagkaitan ng marangal na libing. Dinurog ng mga pangyayaring ito ang puso ni
Rizal ngunit lalong pinagningas ang kaniyang damdamin.
Nang matapos na ang kaniyang pangalawang nobela, masayang ibinalita ni Rizal ang pangyayari sa
kaibigang si Dr. Ferdinand Blumentritt. Aniya, hindi niya inilimbag ang aklat bilang ganti sa kaniyang
mga kaaway. Isinulat niya ito upang mapabuti ang kalagayan ng mga nagdurusa; upang ipagtanggol
ang lahing Tagalog na bagama’t kayumanggi at maaaring hindi sing-inam ang hitsura ng kanilang mga
mananakop ay may mga karapatan. Ipinaliwanag din ni Rizal sa liham ang etimolohiya ng pamagat ng
kaniyang nobela. Ang salitang “filibusterismo” ay hindi pa raw gaanong kilala sa Pilipinas noong
panahong isulat niya ang kaniyang akda. Hindi ito umano alam ng masa. Una niya itong narinig noong
ika-17 ng Pebrero 1872 habang ginagarote ang tatlong paring martir na sina Gomes, Burgos, at
Zamora sa Cavite. “Filibustero” umano ang ipinambansag ng mga Espanyol at ng mga peryodiko sa
Maynila sa sinumang Pilipino na pinaghinalaan ng pamahalaan na nagtatangkang magpabagsak dito.
Kinatakutan ng mga aral na Pilipino ang kahulugan ng salitang ito dahil hindi lang ito simpleng
pumatungkol sa isang tulisan kundi maging sa sinumang makabayan na kapag nagtanggol sa bayan ay
mahahatulan ng kamatayan. Dahil sa takot na matawag na “filibustero” at mahatulan ng pagbitay,
iniwasan ng nakatatanda ang pagbanggit ng salita, lalo na ang paggawa ng anumang bagay na
maituturing na pagpipilibustero.
Inialay ni Rizal ang kaniyang pangalawang nobela sa tatlong paring martir na itinuring niyang mga
biktima ng isang kasamaang ipinangako niyang lalabanan. Nawa’y magsilbi umano pagpupugay ang
akda sa tatlong makabayan habang hinihintay ang araw na ibalik ng Espanya ang kanilang nasirang
dangal.