You are on page 1of 6

BUOD NG NOBELANG

MGA IBONG MANDARAGIT

Sa kabundukan ng Sierra Madre, 1944, kumatok sa pinto ni Tata Matyas ang guerilyang si Mando
Plaridel kasama ang mga kasamang sina Martin at Karyo. Si Tata Matyas, na dating
rebolusyonaryo at nanirhan sa isang kubo sa bulubundukin ng Sierra Madre, ay ang puntahan at
tuluyan ng mga guerilyang lumalaban sa mga Hapon katulad ni Mando. Doon sa kubo nalaman
ni Mando na totoo ang mga pangyayari at katauhan sa mga nobela ni Rizal na Noli Me Tangere
at El Filibusterismo. Dahil kay Tata Matyas, nalaman din ni Mando na totoo rin ang kayamanan
na inilubog ni Pari Florentino sa Dagat Pasipiko. Hinimok ng matanda na kuhanin nina Mando
ang nasabing mga kayamanan upang hindi ipantustos para sa sarili ngunit ipantustos sa
pagbangon ng bansa pagkatapos ng digmaan.
Nagpatuloy sina Mando, Martin at Karyo sa paglalakbay upang kunin naman ang nasabing
kayamanan ni Simoun. Sa kanilang paglalakbay, nakilala nila sa Magat na pinuno ng isang grupo
ng mga guerilya. Doon nila napagtanto ang kanilang pagkakatulad na magbubuklod sa kanila.
Nagpatuloy sila sa paghahanap sa kayamanan at napadpad sa tirahan noon ni Pari Florentino.
Natanaw nila ang karagatang Pasipiko at kanila itong sinisid. Naiwan sa bangka si Martin dahil di
ito marunong lumangoy habang sina Mando at Karyo ang sumisid sa dagat. Ilang sandali ang
lumipas, napansin ni Martin na namula ang dagat dahil sa dugo. Sinalakay pala sina Mando at
Karyo ng isang pating at sila’y nakipagbuno rito. Malubhang nasugatan si Karyo na kanya ring
ikinamatay. Inilibing siya sa mga kagubatan ng Atimonan. Natigil din pansamantala ang kanilang
pagsisid sa kayamanan.
Nakalipas ang ilang araw, nagpatuloy sila sa paghahanap. Hindi naman sila nabigo. Matapos ang
kanilang kasawiang sinapit, bumungad sakanila ang isang baul na naglalaman sa kayamanan ni
Simoun. Puno ito ng mga alahas at iba pang kayamanan ng mag-aalahas. Pero mapaglaro ang
tadhana, sinunggaban ni Martin si Mando. Inundayan ito ng taga sa iba’t ibang part ng katawan
at sa mukha pero nakipaglaban pa rin siya sa nagtaksil sa kanya. Napatay ni Mando si Martin na
gumuwa sa kanya ng pilat sa mukha na magpapaalala sa kanyang sinapit. Bumalik si Mando kay
Tata Matyas para ipakita ang kayamanang natipon sa baul. Naglalaman pala ito ng limpak-limpak
na alahas na nabanggit din sa mga nobela ni Rizal.
Matapos ang “V-Day,” muling nagkita sina Mando at Magat. Kasama ni Magat si Andres na nahuli
ng kanyang grupo. Si Andres ay isang lider-Makapili na laban sa mga Amerikano at kakampi ng
mga Hapon. Nagustuhan naman siya ni Magat dahil na rin sa kanyang paninindigan at
pagmamahal sa bayan kahit iba ang pakahulugan nila sa mga katagang ito. Napagdesisyunan
nila na magtayo ng isang pahayagan na gamit ang kayamanan ni Simoun upang tumulong sa
pagbabago sa lipunan. Pinangalanan nila itong Kampilan na may islogan na Katotohanan,
Katwiran at Hustisya. Ito’y pinamatnugutan ni Magat pangkahalatan, Andres sa editoryal at si
Mando ang publisista. Ginamit nila ang pahayagan upang maghatid ng balanseng at
makatotohanang balita na iba sa mga pahayagan na umiiral noon. Ginamit din nila ito upang
ilabas ang listahan ng mga politikong dawit sa “graft and corruption.” Ang unang edisyon nito ay
lubos na ikinagalak ni Tata Matyas.
Itinampok ng pahayagan ang ginawang pagmamalupit sa mga magsasaka ng Asyenda Montero.
Hindi raw makatwiran ang pagtrato ng mga may-ari nito na si Don Segundo Montero sa kanila
lalo na ang hatian sa kita at mismong lupa. Si Don Segundo ay asawa ni Donya Julia at ama ni
Dolly. Si Dolly naman, na naging kalaguyo ng isang heneral na hapon, ay nagpalaglag sa Hong
Kong (habang nagbabakasyon kasama ang ina) ng anak niya sa Amerikanong sundalong iniwan
siya para sa isang misyon sa Hapon. Sa Pilipinas, sinuway ni Pastor ang utos ng Don na ibalik
ang mga patakaran na hindi napatupad noong kasagsagan ng giyera katulad na lang ng ‘di
makatwirang hatian sa kita ng saka. Dahil dito, tinanggal sa puwesto si Pastor. Dinalaw naman
ng kawani ng Kampilan si Pastor at mga kasamang magsasaka sa bahay nito upang mapag-
alaman ang mga pangyayari sa asyenda. Nagpetisyon kasi ang unyon ng magsasaka sa
gobernador ng probinsiya ukol pa rin sa mga pagmamalabis ng may-ari nito sa kanila. At upang
malinawan ang mga obrero sa kanilang hakbang, sa hiling ni Mando, dinalaw ni Dr. Sabio,
patnugot ng Freedom University, ang mga magsasaka. Napag-usapan nila ang balak ni Dr. Sabio
na bilhin ang asyenda upang gawing laboratoryo ng pag-aaral ng mga mag-aaral ng pamantasan
at upang magkaroon ng patas na hatian sa lupa. Napag-usapan din nila ang mabuting uri ng
ekonomiya (pamamahala) sa Pilipinas kung Kapitalista, Sosyalista o Komunista ba. Bago lumisan
ang grupo ni Mando, ipinangako niya kay Pastor at sa anak nitong si Puri na ibibigay niya ang
kahon na naglalaman ng tagubilin ng naglayas na kaanak na si Andoy. Si Andoy, na si Mando
kinalaunan, ay nanilbihan at pinag-aral ni Don Segundo ngunit nilyasan niya ito ng sumanib sa
guerilya. Ikinagalit ito ng Don.
Mga ilang araw ang lumisan, bumalik si Mando dala ang kahon ni Andoy na naglalaman ng sulat
para sa amaing si Pastor at ng singsing para sa pinsang si Puri. Pagkatapos nito, umalis si Mando
pa-Europa. Nilibot ng dating guerilya ang mga historikal na lugar sa Espanya, Britanya at Pranses
pati na rin ang mga pinuntahan ni Rizal at ang imprentahan ng La Soli. Naroon si Mando upang
bumili rin ng rotero para sa mabilisang pag-imprenta ng kanyang tinutustusang pahayagan at
upang ihahente ang mga alahas ni Simoun. Doon nakilala ni Mando sina Helen, Mike at Heneral
Mosca na naghahente sa kanya at naglibot pa sa iba’t ibang lugar sa Europa at Latin Amerika.
Sa isang nightclub sa Paris, nakita niya si Dolly na kinakaladkad ng isang Pranses. Iniligtas ni
Mando ang dating pinagsisilbihan at dahil dito napaibig niya si Dolly. Ginamit ni Mando ang
pagkakataon, hangga’t di pa siya nakikilala bilang Andoy, upang maghiganti sa mga Montero
dahil sa lupit na naranasan.
Habang nasa Europa si Mando, patuloy pa rin ang mga operasyon ng Kampilan. Kanilang ibinalita
ang mga pangyayari sa loob ng Kongreso hanggang sa simpleng istorya katulad ng isang inang
pinatay ang mga anak dahil sa sobrang hirap. Patuloy rin ang mga batikos ng pahayagan laban
sa Mga Ibong Mandaragit. Samantala, ang ilang mataas na opisyales at maiimpluwensyang tao
ay nagtipon sa bahay ni Gobernador Doblado (gobernador ng mga magsasaka). Kasama sina
Senador Botin, Obispo Dimas, Huwes Pilato, Heneral Bayoneta at Don Segundo Montero,
naglaro sila ng poker sa isang air-conditioned room sa loob pa rin ng bahay ng gobernador.
Dumalaw si Dr. Sabio upang pag-usapan nila ng gobernador ang problema sa Asyenda Montero
at hilingin kay Don Segundo ang pagbili ng kanyang pamantasan sa asyenda. Tumanggi ang don
sa kanyang alok. Napag-usapan din nila ang tungkol sa “peace and order” at lagay ng politika at
pamamahala sa bansa.
Sa pagbabalik ni Mando sa Pilipinas, naghanda ng piging si Don Segundo para sa pagbabalik ni
Dolly at inogurasyon ng kanyang bagong bahay na gawa ng arkitektong si Pong Tua-Son na may
pagtingin sa dalaga. Dumating ang Presidente at ang mga kasamang “pokerista.” Dumating din
si Mando na nakipagtalastasan sa Presidente ukol sa kamalian ng pamahalaan. Matapos ang
piging, ang mga “pokerista” at si Son Tua, ama ng arkitekto, ay nag-usap sa bagong negosyo nila
na pagbebenta ng kontrabandong armas. Sina Son Tua at Don Segundo ang mamahala sa
puhunan habang sina Heneral Bayoneta at Sen. Botin ang sa proteksiyon. Makalipas ang ilang
araw, nagkaroon ng miting sa Plaza Miranda ang mga obrero at kilalang tao na tumutuligsa sa
mga mapag-aping pamamalakad. Si Senador Maliwanag ang tanging politikong nagsalita
kasama ang mga lider-obrero katulad ni Pastor, Danoy at Rubio. Si Maliwanag lamang ang
maituturing makabayan at maka-mahirap sa Kongreso.
Pero matapos ang miting sa Quiapo, sinunog ang sakahan sa asyenda. Isinisi ni Kapitan Pugot,
bagong katiwala ni Don Segundo, kina Pastor, Mang Tumas at Danoy ang pangyayari dahil
natagpuan umano ang mga baril, subersibong dokumento at ginamit sa panunog sa bahay nila.
Tinanggi nina Pastor at Mang Tumas, na kakauwi palang galing Maynila, ang panunog. Inaresto
pa rin ang dalawa sa kabila ng kanilang pagtanggi ngunit di nila kasama si Danoy na nagpaiwan
sa Maynila. Hirap at hagupit ang kanilang dinanas sa loob ng piitan at pinilit na pinapaamin sa
mga bagay na di naman nilang ginawa. Dahil sa pagmamatigas, pinatay si Mang Tumas.
Pinalabas ito na nagpumilit tumakas kaya napatay. Ngunit napalaya rin si Pastor dahil sa mahina
ang akusasyon laban sa nasasakdal. Tiningnan naman ng huwes ang anggulo na pinatay ni
kapitan Pugot si Tumas.
Habang nagaganap ang lahat ng ito, nasa Baguio ang pamilya Montero. Doon din sila dinalaw ng
mga kasosyo sa iligal na negosyo. Dumalaw rin si Mando sa pamilya dahil nagkataon na may
pagpupulong ang mga publisista sa naturang lungsod. Nagkaroon ng mainit na diskusyon sa
pagitan nina Mando at Don Segundo tungkol pa rin sa hinaing ng mga magsasaka sa ayenda ng
pamilya. Bago magpaalam inamin ni Mando kay Dolly na siya ang dating inaaping katiwala na si
Andoy. Nagulantang si Dolly at pinalayas si Mando na may matatalim na pananalita.
Sa pagpunta niya sa opisina isang gabi, tinambangan si Mando ng dalawang lalaki at nasugatan
dahil sa bala. Dala na rin ng dating pagkaguerilya, nagawang mapagtanggol ni Mando ang sarili
sa mga tauhan pala ni Don Segundo Montero. Sa hospital, inamin ni Mando ang dating
pagkakakilanlan sa mag-amang Pastor at Puri, na kasintahan na niya. Hiniling din niya sa ama
ng kasintahan (at pinsan) ang kamay ng dalaga. Lumabas sa Kampilan ang nangyari kay Mando.
Sunud-sunod nawala ang mga taong may pakana nito sa kanya. Ang senador ay nangibang-
bansa, ang heneral ay nagpatalaga sa Visayas at Mindanao at ang mga negosyante ay nagpunta
ng Baguio. Doon din sa hospital napag-usapan ang pag-usad ng kanilang planong pagtatayo ng
isang korporasyon kung saan nakapaloob ang Freedom University, Kampilan, ilang radyo at
telebisyon, at maging ang Asyenda Montero upang maglunsad ng pagbabago sa bansa.
Ngunit sunud-sunod ang nangyaring mga kaguluhan, laganap ang panliligalig ng mga tulisan sa
iba’t ibang lugar. Natagpuang patay si Kapitan Pugot. Dinukot si Son Tua ng mga tulisan at
palaging may gulo sa asyenda. Kaya nagpadala ang Presidente ng telegrama kina Dr. Sabio,
Mando atb. upang humingi ng proposisyon sa ikalulutas ng kaguluhan. Ipinakita rin niya ang
listahan ng mga may pakana ng kaguluhan. Ngunit nauwi sa pagtatalo ang pag-uusap. Iginiit kasi
ni Dr. Sabio na ibigay na sa mga magsasaka ang pagmamay-ari ng Asyenda Montero upang
matigil ang kaguluhan. Sinabi naman ni Mando na kagagawan ng punong ehekutibo ang mga
panliligalig dahil sa baluktot nitong pamamahala. Ngunit tumanggi ang Presidente sa panukala
ng dalawa. Iginiit niya na walang sinuman ang maaaring magleksiyon sa kanya. Kasabay nito
ang pagbabanta niya ng pagdedeklara ng Writ of Habeas Corpus o ng pag-aresto ng mga may
pakana ng kaguluhan na hindi dumaraan sa husgado. Sa Asyenda Montero kung saan
nagpupulong ang mga magsasaka sa pamumuno ni Rubio at Danoy, dumagsa ang pulutong ng
mga sundalo dala ang isang tangke. Pinaulanan ng bala ang mga magsasaka, dumanak ang
dugo sa lupa. Maraming namatay na magsasaka kabilang si Pastor. Sa isang tagong lugar,
naghanda ang mga dating guerilyanong sina Mando at Magat at mga lider-obrero na sina Danoy
at Rubio upang sugapain ang Mga Ibong Mandaragit gamit abg dahas na tanging solusyon
nakikita nila sa pagmamalabis ng mga ito at para sa ikabubuti ng mga mahihirap na siyang mukha
ng bansa.
Mga Tayutay sa nobela

1. “Natatandaan mo pa ba si Simoun,” muling tanong ni Tata Matyas.


“Ang bagong Makiabelo,” sambot ni Mando.

Itinulad si Simoun (El Fili) ni Mando sa ama ng modernong Siyensya Politikal na si Niccolò
Machiavelli na may likha ng pinakamaimpluwensyang librong politikal na The Prince and The
Discourses. Ang pagtutulad ni Simoun at ni Machiavelli ay ang mga pag-iisip nila kung paano
masusugpo ang masasamang pinuno. Mga propesiya na maaaring maganap kung laging
naghahari ang kasamaan at kaguluhan.
“Ang Prinsipe, na sumunod sa isang pinunong halal ngunit siya’y hindi, ay magiging sa isang
masamang pinuno na magbabale-wala sa pangangailangan ng marami at mag-aabandona sa
kanyang sinumpaang tungkulin. Mararamdaman ng mga tao na ang prinsipe’y nagmamalabis,
napaparangya at nagsasawalang-bahala. Dito na magsisimula na siya’y kamuhian, katakutan at
ituturing anarkista….Dito na lulusob ang tao na magdudulot ng masama o mabuti.”
(Halaw sa The Discourses- Book One)

Isang propesiya ni Machiavelli na pinatotohanan ni Simoun na napupuno ang bawat tao kung
lupit at di makatwiran ang palaging nararanasan. Ngunit mukhang ang prinsipe na nagging
halimaw ay si Simoun. Mismong langit ang nakialam sa ginawang kaguluhan upang umano’y
mapagbuti ang kalagayan. Imbes na katiwasayan ang dulot, katakut-takot na ligalig ang sumulpot
dahil sa mapangahas na plano.

2. “Gusto mong sugpuin ang apoy, e binubusan (binubuhusan) mo ng petrolyo.”

Ito ang paradox na sinabi kay Heneral Bayoneta habang naglalaro ng poker. Sa kabila kasi ng
hirap ng taumbayan, patuloy ang opensiba ng militar noon sa mga tulisan na dati’y laban sa mga
Hapon ngunit patuloy pa rin ang nakikibaka dahil sa hindi pagpayag na mamayani ang mga
dummies ng mga amerikano sa gobyerno. At dala na rin ng ganitong opensiba, ang taumbayan
ang higit na naapektuhan dahil na rin sa pagkasira ng kabuhayan nila.

3. “Ang gobyerno’y walang iniwan sa isang gagamba, gagawa ng sapot at matutulog sa gitna ng
sapot niya, saka mag-aantay ng langaw o gamu-gamong magkamaling dumapo,” nakatawang
turing ni Andres.
Ang kilos ng gobyerno ay itinulad sa kung papaano gumagalaw at humahanap ng pagkain ang
isang gagamba. Nakapirming tatambay at kung may natisod, saka susunggab. Sa pamahalaang
inilarawan, makikita na ang mga opisyles na kumakatawan dito’y hindi nagkukusa at
nagmamalasakit sa bayan at kung may trinatrabaho’y nakalilimot na sa tungkulin. Mga inutil na
halal ng bayan na walang pinagkatandaang responsibilidad sa taumbayang nagdurusa na
pinapalala pa nila.

4. “Kailangan pa ng isang Bonifacio at ng kanyang Katipunan upang palayain ang Pilipinas.”


Isang pagpapalit-tawag (metonymy) sa isang rebolusyong “mata sa mata, ngipin sa ngipin.”
Ipinapahiwatig dito na kung hindi pa nagpakita ng pagka-agresibo ang mga Pilipino. Hindi
makawawala ang Pilipinas sa kamay ng mga dayuhan. Ngunit sa muling pagkasakop ng bansa
bago, habang at pagkatapos ng digmaan ay muling naaapi ang mamamayan nito. Kaya muling
nasasaisip ng mga kawani ng Kampilan na ito ang tanging solusyon upang maibalik ang
kalayaan.

5. “Kalahating siglo na ito, ngunit ang mga pangyayaring dinadaliri’y walang pinag-ibhan sa mga
nakikita natin ngayon, baka sakaling higit na makapal ngayon ang Mga Ibong Mandaragit.”
Ito ang hinuha ni Andres bago basahin ang Aves de Rapiña. Ang mga ibong mandaragit ay ang
pagwawangis sa mga politikong mapagsamantala dahil sa gitna ng pagkalugmok ng mga
mamamayan ay nakuha pa nilang nakawan, lamangan at pahirapan ang mga ito. Matapos kasi
ng digmaan na sumira sa kanilang ikabubuhay, may mga opisyal na dawit pa rin sa
pangungurakot at negosyanteng inaapi ang mga manggagawa katulad ni Don Segundo Montero.

Mga Pansin at Puna sa Mga Tauhan

1. Mando Plaridel- ang pangunahing tauhan ng nobela na sinundan ng mga mambabasa nito.
Bawat galaw at kaisipan niya ay inilalahad sa bawat kabanata. Mapupunang si Mando ay hawig
sa pangunahing karakter ng Noli at El Fili na si Juan Crisostomo Ibarra (Simoun sa El Fili). Binago
ng tadhana ang dalawang tauhan matapos dumanas ng pighati at karangyaan. Si Mando ay
napilitang maglayas dahil sa lupit na dinanas sa kamay ng mga Montero kaya sumanib sa mga
guerilya. Ngunit kinalaunan ay yumaman at ginamit ang pagkakataon upang palayain ang bansa.
Katulad ito ng dinanas ni Ibarra hanggang siya’y maging Simoun. Mapapansin rin na ang mga
pangarap ni Simoun na pagbabago ay naisakatuparan ni Mando katulad ng pagkakaroon ng
media na alagad ng katotohanan (Kampilan) na malayo noon sa pagsusulat ni Ben Zayb na
palaging mabango ang imahe ng masamang gobyerno’t prayle noon. Isa pang pangarap, ang
pagpapatayo ng isang pamantasan (Freedom University) na kumikilala sa kalayaan at karapatan
ng mamamayan kamukha ng Akademya ng Wikang Kastila na pilit na ipinapatayo nina Simoun,
Basilio at Isagani. Maging ang paggamit ng kayamanan ni Simoun upang magbago ang bansa
ay binigyang realidad ni Mando.
Ang karakter na si Mando ay malalim ang kaisipan at ang bawat pasya ay talagang hindi padalos-
dalos at hinihingi muna ang payo ng iba. Ngunit gaya ng ibang tao, napupunta sa isang marahas
na desisyon ang mga ginawang solusyon ni Mando. Mapupuna sa lipunan ni Mando ay di lahat
ng tao ay mag-iisip sa kapakanan ng iba at sarili lamang ang iniisip. Ang masama ang ganitong
uri ng tao ang laging nasa taas. Ito ang kaisipang nakaligtaan ng grupo ni Mando. Hindi lahat
nakukuha sa tagisan ng katwiran at diplomasya. Ang dapat ginawa sa pagresolba ng ganitong
problema sa Asyenda Montero ay ang pag-boycott ng mga manggagawa at di pagtangkilik sa
produkto/serbisyo ng gobyerno at/o ng mga negosyante upang mapansin din sila ng mga
opisyales at negosyante. Ito ang mukha ng passive resistance na gunawang hakbang nina
Gandhi sa India at Cory Aquino sa Pilipinas sa panahon ni Marcos. Habang ginagawa ito, dapat
rin tinuturuan ng unibersidad ang mga magsasaka ng iba pang opurtunidad maliban sa
pagtatanim dahil nagbabago ang panahon at pati na rin ang mas ikakaunlad ng buhay na
pamamaraan.
2. Don Segundo Montero- ang antagonista sa nobela na dahilan ng paghihiganti ni Mando. Ang
karakter na ito ay epektibo upang humubog sa isang Mandong matalino, matapang at hindi na
paaapi. Bawat galaw ng don ay nagbubunga ng mas agresibong galaw ng mga taong nakapaligid
sa kanya. Epektibo rin ang karakter upang mas makilala ang mga di makatwirang pagpapalakad
sa isang lupain hanggang sa iligal na gawain katulad ng pagbebenta ng kontabandong armas.
Ngunit hindi rin maiiwasan na mapanigan ang katwiran ng isang Don Montero dahil naman na
siya’y isang negosyante at pinoprotektahan lamang ang puhunan at kita. Oras na bumagsak ang
negosyo ng isang katulad niya, babagsak din ang mga industriya nakakabit dito katulad ng suplay
ng pagkain pati na rin ang mga mangagawa nito. Ito ang mistulang pagkakamali ng pagtingin ng
iba kay Segundo Montero. Pero mali rin sa parte ng moralidad ang ginawa ni Montero. Kasalanan
ang manggipit at ang di makatarungang paghahati ng kita at pagkamkam na ginawa niya maging
ang pagpasok sa illegal na negosyo.

3. Pastor- ang magbubuklod sa nakaraan at kasalukuyan ni Mando. Ito ang kahalagahan ni


Pastor sa nobela. Mapapansin na ang dating katiwala ay nagpapahalaga sa kanyang mga
kasama. Matigas ang kanyang paninindigan sa katotohanan at kabutihan ang dapat manaig at
hindi ang kawalang hustisya at kasamaan. Mapapansin din ang katauhan ni Pastor bilang ama
na maalaga ngunit maluwang. Liberal ang pagpapalaki niya kay Puri ngunit ito’y tradisyunal pa
rin. Hinahayaan niya na magpasya ito para sa sarili. Ang napuna sa tauhang ito ay ang kahinaan
nito sa pagpapahalaga sa katwiran. Kung hindi ba siya pinaalis sa puwesto, hindi ba siya
hihiwalay kay Don Montero?

4. Puri at Dolly- mapapansin sa dalawa ang dalawang mukha ng mga Pilipina. Isang Maria Clara
na mahinhin ngunit mas matapang pa sa barako katulad ni Puri at si Dolly naman ay isang Maria
Clarang nangingibabaw ang tawag ng laman at pagiging marupok sa pag-ibig. Dito makikita ang
naging bunga ng pananakop sa Pilipinas. Ang mga babae na dating kasangkapan ay naging
matapang at natutong humawak ng patalim para ipagtanggol ang sarili sa mga mananakop. At
kinalaunan pa’y naging “liberated” dahil pinaikli ng mga kulturang Amerikano ang bawat saya ng
mga Pilipina.

You might also like