You are on page 1of 7

FAITH 2ND QUARTERLY TEST

REVIEWER IN AP 8

Kabihasnang Minoan

- Nagsimula ang kabihasnan ng mga Griyego sa isla ng Crete sa Dagat Aegean noong 2600
BCE. Pinaniniwalaang pinamunuan ni Haring Minos ang isla kung kaya tinawag ang
kabihasnang ito na Minoan.
- Ang kasaysayan ng mga Minoan ay nakilala nang matagpuan ng arkeologong Ingles na si
Arthur Evans ang guho ng mga palasyo sa kabesera nitong Knossos noong 1900.
- Hindi tulad ng ibang kabihasnan, hindi nagtayo ng pader ang lungsod ng Knossos.
Diumano, mapayapang mamuhay at mahusay makisama ang mga Minoan kaya walang
nagtangkang lusubin o sakupin sila.
- Karamihan sa mga Minoan ay nagsasaka at nag-aalaga ng hayop.
- , nangangalakal din ang mga tao ng iba't ibang produkto kagaya ng alak, pulot, at langis ng
oliba sa kanilang mga karatig-isla at bansa gaya ng Ehipto, Asia Minor, Syria, at Cyprus.
- Mayroong sistema ng pagsulat ang mga Minoan na tinawag na Linear A. Hanggang sa
ngayon ay hindi pa rin ito nababasa ng mga iskolar.
- Sa mitolohiyang Griyego, si Haring Minos ay isa sa tatlong anak nina Zeus at Europa.
Pinaniniwalaang siya ang hari na nakapagbuklod sa Knossos. Bawat siyam na taon,
nagpapakuha siya ng pitong lalaki at pitong babae na taga-Athens upang ipakain sa
Minotaur (ibig sabihin ay “toro ni Minos”), ang halimaw na kalahating tao at kalahating toro
na nakatira sa laberinto sa ilalim ng kaniyang palasyo sa Knossos. Upang mapigilan ito,
ipinadala ni Haring Aegeus ang anak na si Theseus para patayin ang Minotaur. Tinulungan
si Theseus ng anak ni Minos na si Ariadne at, nang mapatay na ang Minotaur, nagkaibigán
ang dalawa.
- Bandang 1646 BCE, naganap ang pagsabog ng bulkan sa isla ng Thera (kasalukuyang
Santorini), 100 kilometro mula sa Crete. Ang lakas ng pagsabog na ito ay tinatayang
katumbas ng 40 bomba atomika na pinasabog sa Hiroshima. Nagdulot ito ng tsunami na
umabot hanggang 50 talampakan sa loob ng 30 minuto sa baybayin ng Crete. Halos 20 000
buhay ang nasawi at maraming ari-arian ang nasira. Sa takot ng ibang mamamayan,
lumikas sila patungo sa ibang lugar. Sinikap ng mga Minoan na ibangong muli ang kanilang
kabuhayan subalit nabigo sila. Ang kahinaan ng mga Minoan sa yugtong iyon ang naging
dahilan kung bakit sila naging puntirya ng mga mananakop na Mycenaean. Paglaon ay
nakubkob din ng mga Mycenaean ang isla ng Crete.

Kabihasnang Mycenaean

- Ang mga mandirigmang Aryan mula sa tribu ng Achaean na gumagamit ng wikang Griyego
ang dumayo galing sa hilaga ng Balkan. Tumungo sila sa timog na bahagi ng Gresya at
nanirahan sa Peloponnesus noong 1900 BCE.
- Kinubkob ng mga Achaean ang Crete at sinunog ang Knossos noong 1450 BCE. Sa kanilang
pamamayani, namuno ang mga mandirigmang hari na siyang nagpatayo ng mga citadel,
pinaderang lungsod, at mga palasyo. Naging kapitolyo ang Mycenae kaya tinawag ang
kanilang kabihasnan na Mycenaean.
- Hiniram ng mga Mycenaean ang sistema ng pagsulat ng mga Minoan at sila ay bumuo ng
sarili nilang sistema ng pagsulat na kung tawagin ay Linear B. Ang Linear B ay makikita sa
tabletang Pylos na ipinakita sa publiko ng arkeologong si Arthur Evans noong 1936.
Bahagyang nabasa na ng mga dalubhasa na sina Michael Ventris at John Chadwick ang
ilang simbolo ng Linear B. Patuloy pa rin itong pinag-aaralan ng mga iskolar.
- Mababanaag ang mga nakaukit na simbolo gamit ang Linear B sa artepaktong ito na
natagpuan sa isang dating palasyong Mycenaean sa Pylos.
- Hindi nagtagal ang pamamayani ng mga Mycenaean sapagkat sinalakay sila ng mga Dorian
noong 1100 BCE. Sa loob ng tatlong siglo, lumaganap ang digmaan at natigil ang pagtaguyod
sa sining. Nagsasalita ng wikang Griyego ang mga Dorian subalit wala silang pagpapahalaga
sa edukasyon. Ang yugtong ito ay tinawag na Greek Dark Age.

Kabihasnang Helleniko

Pagsapit ng 800 BCE, unti-unting nagkaroon ng pagbabago sa Gresya. Muling sumibol ang
sibilisasyon sa panahong tinawag na Helleniko. Lumaganap ang kulturang pampanitikan,
pansining, at panrelihiyon ng mga Griyego sa panahong ito. Ang salitang helleniko ay hango sa
pangalan ng ninuno ng mga Griyego na si Hellen, hari ng Pythia. Kaalinsabay nito, tinawag ang
mga Griyego na Hellene at ang kanilang bansa bilang Hellas. Ang Helleniko ay panahon kung
kailan lumaganap at yumabong ang purong kulturang Griyego.

Ang mga Griyego o Hellene ay may iisang wika. Tanyag ang kanilang mitolohiya at may kaugnayan
ito sa kanilang relihiyon. Wala silang eksaktong tawag sa kanilang relihiyon. Masasabi na sila ay
politeista dahil naniniwala sila sa maraming diyos at mahalaga ang pagsasagawa ng mga ritwal at
pag-aalay sa mga ito.

Lipunan at Kultura ng Athens

Sa lipunan ng Athens, ama ang pinuno ng pamilya, samantalang ang ina ang tagapamahala sa mga
anak. Ang mga anak na babae ay nasa ilalim ng kontrol ng ama lalo na sa pag-aasawa. Karaniwan
ipinakakasal sila sa edad na 15–16 sa mga lalaking 30 taong gulang.

Tanging anak ng mayayamang Athenian ang maaaring makapag-aral. Kakaunti lamang ang
babaeng nabibigyan ng pagkakataon na makapasok sa eskuwelahan. May mga eskuwelahan sila sa
pagbasa, pagsulat, aritmetika, at musika. Hiwalay rin ang kanilang edukasyon sa pagpapalakas
kung saan sinasanay sila sa pagtakbo, pagtalon, pakikipagbuno, at paggamit ng sandata.

Digmaang Griyego-Persiyano

Bagaman iba-iba ang pananaw ng bawat polis sa Gresya sa oras na may bantang panganib sa
kanilang bansa, hindi sila nag-aatubiling protektahan ang mga polis lalo na sa kamay ng mga
Persiyano.

Tumagal ang serye ng Digmaang Griyego-Persiyano nang halos 50 taon.

Ilan sa mga nasasakupan ng Gresya sa Asia Minor ang inokupa ng mga Persiyano noong 546 BCE.
Nagsipag-alsa ang mga Griyegong Ionian na naninirahan doon noong 499 BCE laban kay Haring
Darius I ng Persiya. Nagpadala ang Athens ng dalawampung barko para tulungan ang mga
nagrerebeldeng kababayan sa polis na Eretria subalit natalo ito ng mga Persiyano sa Labanan sa
Lade noong 494 BCE. Upang parusahan ang pakikialam ng mga Athenian, nagdesisyon si Darius I
na sakupin ang Gresya.

Labanan sa Marathon
Nagpadala ng hukbo si Darius I sa Gresya noong 490 BCE. Dumaong ang mga Persiyano sa isang
look sa silangang bahagi ng Attica na malapit sa kapatagan ng Marathon. Bago pa masalakay ng
mga Persiyano ang Athens, nagpadala ng sugo ang Athens para humingi ng tulong sa mga polis,
kabilang na sa Sparta. Tinakbo ng sugong si Pheidippides ang 240 kilometrong distansya sa loob
ng dalawang araw. Hindi kaagad nakapagpadala ng sugo ang Sparta dahil sa nagaganap na
kapistahan at pamahiin na hindi dapat kumilos ang hukbo bago sumapit ang kabilugan ng buwan.
Tanging ang polis ng Plataea lamang ang nakapagbigay ng tulong sa Athens. Sa pamumuno ni
Miltiades, natalo ng puwersang Griyego ng mga Persiyano sa Marathon. Bagaman mas marami ang
kawal ng mga Persiyano, nanaig ang paggamit ng mga Griyego ng phalanx. Phalanx ang tawag sa
maayos at dikit-dikit na pagkakahilerang pormasyon ng mga sundalo. Magkakatabi ang kanilang
mga kalasag bilang depensa at nakausli ang kanilang mga sibat bilang opensa sa mga kalaban.

Muling inutusan si Pheidippides na pumunta sa Athens. Tinakbo niya ang Marathon patungong
Athens na may layong 40 kilometro para ibalita ang pananaig sa mga Persiyano. Bagaman pagod
pa ito sa pagkakatakbo mula Sparta ay ginawa pa rin niya ang kaniyang tungkulin. Matapos ang
tatlong oras ng pagtakbo ay naihatid niya ang balita subalit agad din siyang binawian ng buhay.
Ang paghatid niya ng naturang balita ang nagbigay-daan upang makapag-isip ng paraan ang iba
pang polis laban sa pag-atake ng Persiya at mapigilan ang pagkubkob nito sa Gresya.

Bilang paggunita sa kabayanihan ni Pheidippides ay isinagawa ang kategoryang “marathon” sa


modernong Olimpiyada. Ang Griyegong si Spiridon Louis ang unang nagwagi ng gintong medalya
rito noong 1896.

Ang pormasyong phalanx ay ginamit ng mga Griyego sa mga labanan.

Sa pangunguna ng pinuno ng Athens na si Themistocles, pinalakas niya ang kanilang hukbong-


dagat. Binuo rin niya ang kumpederasyon ng mga polis upang protektahan ang Gresya. Umanib
dito ang karamihan sa mga polis maliban sa Thebes at Argos. Ang naging pinuno ng
kumpederasyon ay ang Sparta.

Labanan sa Thermopylae

Maraming kawal ang nawala sa Persiya sa Labanan sa Marathon. Hindi natanggap ng mga
Persiyano ang kanilang pagkatalo. Habang pinaghahandaan ang muling pagsalakay sa Gresya,
namatay si Darius I at hinalinhinan siya ng kaniyang anak na si Xerxes. Noong 480 BCE ay
sumugod patungong Gresya ang higit na malaking puwersang Persiyano. Tinawid nila ang lagusan
sa may Hellespont (kasalukuyang Dardanelles) na matatagpuan sa gitna ng Dagat Marmara at
Dagat Aegean. Nang marating nila ang kabundukan sa bandang hilaga ng Gresya, nagmartsa sila
patungong Athens.

Sa pagkakataong ito ay hinarap sila ng puwersang pinamumunuan ni Haring Leonidas ng Sparta.


Sa kabuuan, 6 000–7 000 ang kawal na kasama ni Leonidas sa labanan. Ang hukbo ay binuo ng
300 Spartan at helot, 2 120 Arcadian, 1 000 Lokrian, 1 000 Phokian, 700 Thespian, 400 Theban,
400 Corinthian at ilang daan pa mula sa iba't ibang lugar sa Gresya. Napigilan ng puwersa ng mga
Griyego na makaraan sa makitid na lagusan ng Thermopylae ang 150 000 sundalo ni Xerxes sa
loob ng tatlong araw. Subalit may isang mamamayang Griyego na nagbunyag ng lihim na daanan
sa kabundukan sa mga Persiyano kaya nagawa nilang salakayin ang mga Griyego mula sa likuran.
Hindi nagawang manaig ng mga Griyego at natalo sila sa Thermopylae. Tuluyang tumulak naman
ang mga Persiyano patungong Athens. Pagdating doon ay sinunog nila ang lungsod at winasak ang
templo sa acropolis.
Labanan sa Salamis at Plataea

Sa pagbagsak ng Thermopylae noong 480 BCE, hinikayat ni Themistocles na lisanin ng mga


Athenian ang lungsod at kumanlong sa Salamis. Tinatayang 310 barko o trireme ang gamit ng mga
Griyego kompara sa halos 1 207 mas malalaking trireme ng mga Persiyano. Dahil sa laki ng
kanilang mga barko, nahirapan magmaniobra papasok sa Kipot ng Salamis ang mga Persiyano.
Sinikap ng mga Persiyano na bumalik ngunit hindi nila magawa dahil sa lakas ng ihip ng hangin at
alon. Mas nakapagmaniobra sa lugar ang mas maliit na trireme ng mga Griyego. Halos 300 barkong
Persiyano ang pinalubog ng mga Griyego. Ayon sa historyador na si Herodotus, ang mga Persiyano
ay mas nagdusa sa labanan sapagkat hindi marunong lumangoy ang mga kawal nito. Subalit bago
pa man lubusang matalo ng mga Griyego, pinaatras ni Xerxes ang kaniyang hukbong-dagat.
Naiwan pa rin ang ilan niyang hukbo sa Gresya sa pamumuno ng kaniyang heneral na si
Mardonius sa pag-asang muli pa silang makababawi. Ang Labanan ng Salamis ay ang unang
mahusay na labanan ng hukbong-dagat na naitala sa kasaysayan.

Ang trireme ang sasakyang pandagat na ginamit ng mga Griyego sa Labanan sa Salamis.

Ang puwersa ng mga Griyego ay pinamunuan ni Pausanias kasama ang 40 000 mandirigma kontra
humigit-kumulang 120 000 Persiyano. Nagharap sila sa Plataea noong 479 BCE subalit nanaig
muli ang mga Griyego. Ang naturang tagumpay ang tuluyang nagpalayas sa mga Persiyano sa
Gresya.

Liga ng Delos at Liga ng Peloponnesus

Hindi nangangahulugang naitaboy ng mga Griyego ang mga Persiyano ay ligtas na sila sa pag-
atakeng muli nito, kaya muling nagpatayo ng matitibay na pader sa Athens si Themistocles at
isinunod niya ang pagpapatibay sa mga daungan. Naniniwala siya na dapat magkaroon ng
magkakasanib na depensa upang protektahan ang kanilang lupain at maisasagawa lamang ito sa
pamamagitan ng pagbuo ng alyansa.

Nagsagawa ng pagpupulong ng 140 kinatawan ng mga polis sa isla ng Delos noong 478 BCE.
Tinawag ang alyansa na Liga ng Delos (Delian League) sa ilalim ng pamumuno ni Pericles. Nag-
ambag ng barko at salapi ang lahat ng kasapi para sa layunin ng lahat.

Muling nanumbalik ang sigla ng komersiyo, sining, at kultura sa Athens kaya tinawag ang
panahong ito na “Ginintuang Panahon ng Athens.”

Halos 50 taon ang nakalipas matapos ang pananalakay ng mga Persiyano, muling nagkaroon ng
banta ng kaguluhan sa Gresya sa pagitan ng mga polis. Ayon sa historyador na si Thucydides,
hindi nagustuhan ng mga Spartan ang pagmamanipula ng mga Athenian sa Liga ng Delos, lalo na
sa aspekto ng paggamit sa pondo ng liga upang ipantayo ng Parthenon sa halip na gamitin sa
depensa. Hindi rin nagbabayad ang Athens ng buwis di tulad ng ibang polis. Dagdag pa rito ang
pagkampi ng Athens sa Corcyra, na may hukbong-dagat. Bumuo ng sariling alyansa ang Sparta
noong 432 BCE na nilahukan ng ibang mga polis sa tangway ng Peloponnesus. Tinawag itong Liga
ng Peloponnesus (Peloponnesian League).

Digmaang Peloponnesian

Pilit na iniiwasan ng magkabilang panig na magdigma subalit nang magsumbong ang Corinth,
kaalyado ng Sparta, sa panggigipit ng Athens sa kalakalan, hindi na nag-atubili pang magdeklara
ng pakikidigma ang Sparta noong 431 BCE. Ang digmaan ay tumagal nang humigit-kumulang 30
taon. Isang salot ang dumating sa Athens na lumipol sa halos apat na porsiyento ng kanilang
populasyon. Kabilang si Pericles sa naging biktima nito. Nalugmok sa kahirapan ang Athens at
sumuko nang walang pasubali. Bagaman nais na wasakin ng Corinth at Thebes ang Athens,
tumanggi ang Sparta.

Sa loob ng 25 taon, napasailalim ng Sparta ang pamumuno sa Gresya. Subalit dahil naging
mapaniil din ang mga Spartan, nagkaisa ang maraming polis sa pangunguna ng mga dati nitong
kaalyado na pabagsakin ang Sparta. Nagwakas ang kanilang pamumuno sa Gresya nang matalo
sila sa Labanan sa Leuctra noong 371 BCE.

Pumalit ang Thebes sa pamamahala sa Gresya sa pamumuno nina Epaminondas at Pelopidas.


Nang tangkain nilang salakayin ang Peloponnesus sa Labanan sa Mantinea, binawian ng buhay si
Epaminondas kaya humina ang puwersa ng mga Theban at dahil dito'y unti-unting nakabawi ang
mga Athenian.

Imperyong Macedonian

Pinahina ng Digmaang Peloponnesian ang karamihan sa mga polis ng Gresya at nagpatuloy rin ang
tunggalian ng Athens at Sparta. Habang nangyayari ang mga kaguluhan sa Gresya, isang kaharian
sa hilaga nito ang lumalakas ang puwersa—ang Macedonia.

Ang Macedonia ay pinamunuan ni Philip II mula 359 hanggang 336 BCE. Mahusay siya sa
pakikidigma, diplomasya, at pag-organisa. Malaki ang paghanga ni Philip II sa kabihasnan ng mga
Griyego. Sa katunayan, kinuha niya si Aristotle upang personal na maging guro ng kaniyang anak
na si Alexander. Tinanggap din niya sa kaniyang palasyo ang mga likha ang mga Griyegong alagad
ng sining.

Noong 338 BCE, naganap ang Labanan sa Chaeronea na isang lungsod sa Boeotia. Ang labanang
ito ay sa pagitan ng mga Macedonian, na pinangunahan ni Philip II, at isang alyansa ng ilang mga
Griyegong polis tulad ng Athens at Thebes. Ang labanang ito na pumabor sa mga Macedonian ay
tinawag na Labanan sa Chaeronea. Nakatakdang salakayin ni Philip II ang Persiya subalit pataksil
siyang pinaslang noong 336 BCE. Humalili sa kaniya ang kaniyang anak ni si Alexander, na noo'y
20 taong gulang pa lamang.

Alexander the Great

Si Alexander ay anak nina Philip II at Reyna Olympias ng Macedonia. Pagkamatay ng kaniyang


ama, ipinangako ni Alexander na ipagpapatuloy ang pangarap ng ama na sakupin ang kabuuan ng
Gresya. Walang pag-aatubili, agad niyang sinupil ang pag-aalsa at sinira ang mga polis ng Thebes
at Athens. Dahil sa pagpapakita ng lakas at kapangyarihang mamuno, naitanim niya sa buong
Gresya ang pagkilala sa kaniya bilang pinuno.

Matapos matiyak ang katapatan sa kaniya ng mga polis, ipinagpatuloy ni Alexander ang pangarap
ng ama na salakayin ang Persiya upang maipaghiganti ang Gresya. Taong 334 BCE nang
pangunahan niya ang pagsalakay sa Persiya na pinamumunuan noon ni Haring Darius III. Hinarap
ni Alexander ang puwersa ni Darius III sa Granicus at doo'y nagtagumpay ang kaniyang puwersa.
Ilang buwan ang nakalipas ay nag-aklas ang mga polis ng Asia Minor laban sa Persiya at tinanggap
nila si Alexander bilang tagapagpalaya.

Ilang buwan pa ang lumipas ay muling nagharap ang mga Persiyano at ang hukbo nina Alexander
sa Issus. Bagaman mas kaunti ang bilang, muling nagtagumpay si Alexander sa labanan, dahilan
kaya napilitang tumakas si Darius III, na pinatay ng sarili niyang satrapa at mga konspirador. Sa
tagumpay na ito ay ipinahayag ni Alexander ang kaniyang hangaring sakupin ang imperyo ng
Persiya.

Pagkatapos nito ay pumunta si Alexander sa Ehipto at doon natunghayan ang kagandahan ng


lugar sa may bukana ng Ilog Nile. Ginawa niya itong kabesera at pinangalanang Alexandria.
Tinanggap naman ng mga Ehipsiyo si Alexander bilang kanilang tagapagpalaya at kinilala bilang
isang paraon.

Sa paglalakbay niya patungo sa Mesopotamia, muling nagsalubong ang landas ng mga Persiyano at
ng hukbo ni Alexander. Nagdigmaan sila at muling pinatunayan ni Alexander ang kaniyang lakas
sa pagkapanalo ng kaniyang hukbo. Sunod nito ay lubos nang nasakop ni Alexander ang imperyo
ng Persiya. Tinugis niya si Darius III subalit hindi na niya ito naabutan dahil pinatay na ito ng
kaniyang sariling heneral.

Binalak pa sana niyang puntahan ang India subalit hinimok na siya ng kaniyang hukbo na
bumalik na ng Macedonia. Taong 323 BCE nang marating nina Alexander ang Babylon.

Sa loob ng 13 taon, nagawa ni Alexander na makapagtatag ng napakalawak na imperyo. Subalit, sa


edad na 30 ay binawian na siya ng buhay taong 324 BCE. Malaria ang sinasabing naging dahilan
ng pagkamatay ni Alexander. Walang lehitimong anak si Alexander na napamanahan sapagkat ang
anak nito sa Persiyanong prinsesa na si Roxana ay ipinanganak pagkatapos siyang namatay. Sa
isang pagtitipon bago siya pumanaw ay tinanong siya kung sino ang nais niyang humalili sa
kaniya. Ang sagot niya ay ang “pinakamalakas.” Pinaghatihatian ng kaniyang magigiting na heneral
na tinawag na diadochi o mga kahalili ang kaniyang imperyo. Napunta kay Antigonus ang Europa,
kay Seleucus ang Asya, at kay Ptolemy ang Ehipto.

Malawak ang nasakop na lupain ni Alexander sa loob ng isang dekada niyang kampanya sa Asya.

Kabihasnang Hellenistiko

Dahil sa paglawak ng imperyo, napagsanib ni Alexander ang kultura ng mga Griyego at ng mga
nasakop niya. Ninais niyang ibahagi ang kulturang Griyego sa mga nasakop na teritoryo kaya
nagpatayo siya ng mga sentro ng kaalaman at kultura dito. Sa pagtanggap ng mga tao kay
Alexander at sa kaniyang sistema, naganap ang pagsasanib ng kultura ng mga Griyego, Persiyano,
Ehipsiyo, at Indiano. Ito ang nagpasibol sa kabihasnang Hellenistiko. Ang terminong hellenistiko ay
tumutukoy sa paggaya sa mga Griyego. Lumaganap ito sa iba pa niyang nasasakupan at itinuring
na sentro ang Alexandria sa Ehipto, ang Antioch sa Syria, at ang Pergamum sa Asia Minor.

Ang mga akda sa panitikan sa panahong Hellenistiko tulad ng mga tula, drama, pilosopiya, at
kasaysayan ay nakatulong sa pagpapayabong ng karunungan sa magkabilang panig ng mundo.
Isinilang ng kabihasnang Hellenistiko ang mga paham ng agham tulad ni Eratosthenes na
natantiya ang sukat ng sirkumperensiya ng mundo. Ipinahayag naman ni Aristarchus ang
pagkatuklas niya na ang araw ang iniikutan ng mundo at iba pang mga planeta. Pinagbuti naman
ni Euclid ang kaalaman ng tao sa heometriya, at naitakda ni Archimedes ang halaga ng pi. At dahil
sa ambag ni Hippocrates sa larangan ng kalusugan, kinilala siya ngayon bilang “Ama ng Medisina.”
Nagtayo siya ng paaralan noong 430 BCE kung saan niya itinuro at ibinahagi ang kaalaman niya
sa pagtukoy at paggagamot ng maysakit. Ang panunumpa ng mga manggagamot sa kanilang
tungkulin ay tinatawag na “Hippocratic oath” bilang pagpupugay kay Hippocrates.
Resulta rin ng kabihasnang Hellenistiko ang dalawang pilosopiyang sumibol noong ika-3 siglo
BCE—ang estoisismo at Epikureismo. Si Zeno ang nanguna sa pilosopiyang estoisismo na
nagpapahayag na dapat mamuhay ang tao gamit ang katuwiran at ang natural na batas ng
kalikasan. Itinatakwil din ng pilosopiyang ito ang labis na pagnanasa sa kapangyarihan at yaman,
sa halip ay dapat na maging kontento sa kung ano ang mayroon sa buhay. Mataas din ang
pagpapahalaga nito sa pamantayan ng moralidad at pangangalaga sa karapatan ng kapuwa.
Samantala, ang Epikureismo na ipinalaganap ni Epicurus ay nagdiriin na dapat maging layunin ng
tao ang magkaroon ng isang masayang buhay na makakamit sa pagkakaroon ng kapanatagan ng
loob at kalayaan mula sa takot. Itinataguyod din nito ang pamumuhay nang payak, at iwinawaksi
ang paghahangad ng mga materyal na bagay upang makamit ang masayang pamumuhay.

Binuksan din ng panahong Hellenistiko ang pagkakataong makapagkalakal hindi lamang ng


produkto kundi pati kaisipan at kaugalian ang mga taga-silangan at taga-kanluran. Dahil dito,
lumaganap ang Kristiyanismo sa Europa at naging lingua franca ang Griyego sa mahabang
panahon.

You might also like