You are on page 1of 3

Ang Pagharap Sa Katotohanan

Mga tauhan:

Tina: 12 taong gulang na mag-aaral

Bb. Cruz: Guro ni Tina

Dang: Kamag-aral ni Tina at Caryl

Gng. Gomez: Nanay ni Tina

Caryl: Kaibigan ni Tina

Isang araw bumisita si Caryl kay Tina.

TINA: Caryl, bakit ka napapunta rito?

CARYL: Tina, pinapunta ako rito ni Bb. Cruz upang sabihin sa iyo na kailangan mong pumasok sa
klase bukas. Mayroon daw siyang itatanong sa iyo.

TINA: Ngunit nagpadala na ako ng sulat na masama ang pakiramdam ko. Kaya nga hindi ako
nakadalo sa klase niya kaninang umaga.

CARYL: Tina, huwag ka nang magsinungaling. Kaninang umaga, nakita ka ng kapatid kong
babae na nagbibisikleta. Magkaibigan tayo kaya’t kilalang-kilala na kita.

TINA: May alam ka ba kung ano ang itatanong sa akin ni Bb. Cruz?

CARYL: Tungkol siguro sa nawawalang maliit na bag ng kamag-aral nating si Dang.

TINA: (Biglang nayamot) At ano naman ang kinalaman ko sa bag ni Dang?

CARYL: May nakakita sa iyo na dala mo iyon nang pauwi ka kahapon. Sabi ni Dang iniwan niya
sa loob ng silid-aralan ang bag. Nung balikan niya, wala na roon.

TINA: Pinagbibintangan mo ba ako? Paano ka nakatitiyak? Napagkamalan lang nila ako ang may
noon kahapon.

CARYL: Sa totoo lang, ako ang nakakita sa iyo kahapon, kaya hindi ako nagkakamali. Kilala kita,
Tina. Alam kong hindi ka naman talaga kumukuha ng mga gamit ng ibang tao.

TINA: (Seryoso) Hindi ko naman talaga sinasadyang gawin iyon. Napakaganda ng bag ni Dang .
Naisip ko lang na titigil na siguro ang mga pinsan ko ng pagpapainggit sa akin ng bago nilang bag
kapag nakita nilang may bago rin akong bag.

CARYL: Alam kong hindi mo sinasadyang gawin iyon. Pero mali ang ginawa mo, Tina.
Kailangang makipagkita ka kay Bb. Cruz bukas at humingi ng paumanhin kay Dang.

TINA: Maaari mo ba akong samahan sa pakikipag-usap sa kanila bukas?

CARYL: Sige, makaaasa ka.

Paalis na si Caryl nang dumating si Gng. Gomez.

GNG. GOMEZ: Narito ka pala, Caryl! Mabuti naman at nagkita tayo.


CARYL: Magandang hapon po, Gng. Gomez. Ikinalulugod ko rin pong makita kayo.

TINA: Binibisita niya po ako.

GNG. GOMEZ: Naku, salamat, Caryl. Ano’ng nangyayari sa iyo, Tina? Sabi mo sa akin kaninang
kaninang umaga na masama ang pakiramdam mo kaya hindi kita pinilit na pumasok sa klase.
Ngunit nagbisikleta ka at namasyal.

TINA: Paumanhin po, Nanay. Patawarin po ninyo ako dahil nagsinungaling ako sa inyo. Ayoko
lang pumasok sa paaralan dahil may nagawa akong pagkakamali.

GNG. GOMEZ: Pagkakamali? Anong ginawa mo?

Isinalaysay ng magkaibigan kay Gng. Gomez kung ano ang nangyari.

GNG. GOMEZ: Tina, mali ang ginawa mo. Kailangang pumunta ka sa paaralan bukas at makipag-
usap ka sa iyong guro at kay Dang.

TINA: Natatakot akong magalit sa akin si Dang at parusahan naman ako ni Bb. Cruz.

GNG. GOMEZ: Kung minsan, marapat lang na parusahan tayo sa pagkakamaling nagawa natin.

Kinabukasan, sa silid-aralan..

TINA: (nahihiya) Magandang umaga po Bb. Cruz.

BB. CRUZ: O, Tina, ikaw pala. Magandang umaga rin. At kasama mo ang nanay mo.

GNG. GOMEZ: Magandang umaga, Bb. Cruz. Sinamahan ko ang anak ko upang humingi ng
paumanhin sa nagawa nya.

TINA: Hindi ko po talaga nais kunin ang bag ni Dang. Alam kong mali po ang nagawa ko. Hindi po
ako pumasok kahapon dahil natakot akong malaman ninyo.

BB. CRUZ: Magandang marinig na nagsasabi ka ng totoo tungkol sa nangyari.

Sa pagpasok ni Dang

BB. CRUZ: Dang, halika. May sasabihin sa inyo si Tina.

TINA: Dang, paumanhin. Alam kong mali ang ginawa ko. Hindi ko na iyon uulitin.

DANG: Pinatatawad na kita, Tina. Mahala ang bag na iyon sa’kin dahil bigay ni daddy iyon.

BB. CRUZ: Dahil sa inamin mo sa lahat na mali ang ginawa mo at nagsabi ka ng totoo, hindi na
kita papupuntahin sa opisina ng punong guro. Pero sa isang kundisyon…

TINA: (Biglang namutla at ninerbyos.) Ma’am? Ano po iyon?

BB. CRUZ: (Nakangiti) Mula ngayon, hindi ka na dapat lumiban sa klase.

TINA: Ma’am, ipinangangako ko na hindi na po ako liliban. Maraming salamat, Bb. Cruz.
Maraming salamat, Nanay. Maraming salamat, Dang. Maraming salamat, Caryl. Totoong kaibigan
ka. Naging matapat ka sa pagsasabi sa akin ng aking pagkakamali kahit alam mong marami
akong masaktan.
SAGUTIN ANG MGA SUMUSUNOD NA TANONG:

1. Ano ang ginawa ni Tina? Bakit hindi siya pumasok sa klase?


2. Ano ang dahilan ni Tina sa pagkuha sa bag ni Dang? Sapat na dahilan ba iyon sa pagkuha ng
gamit na hindi sa kanya?
3. Ano ang naging epekto ng kanyang mga pagkilos?
4. Sa inyong palagay, mabuti ba o hindi ang kanyang naging kilos? Bakit oo/hindi?
5. Paanong ang pag-amin sa kasalanan ay tamang daan sa pagpapatawad? Ipaliwanag.

ANSWER KEY:

1. Kinuha niya ang bag ni Dang. Natakot siyang baka malaman nila ang totoo.
2. Naisip niya na titigil na siguro ang mga pinsan niya ng pagpapainggit sa kanya ng bago nilang
bag kapag nakita nila may bago rin siyang bag.
3. Pinatawag ni Bb. Cruz si Tina upang kausapin tungkol sa nangyari.
4. Hindi, dahil siya ay nakagawa ng kasalanan na pagsisinungaling at nagawa niyang kumuha ng
gamit na hindi kanya.
5. Tamang daan ang pag-amin sa kasalanan dahil bukal sa loob mo ang paghingi ng tawad sa
taong nagawan mo ng kasalanan.

You might also like