You are on page 1of 1

Kabataan: Isang Pagtatanong

C. C Marquez, Jr.

Ako, ikaw… kayo… sila… tayong mga kabataan. Saan natin ihahatid itong
ating inang bayan? Sa altar ba ng pag-asa o sa bibig ng kabiguan? Sa paanan
ba ng langit o bunganga ng libingan? Dapat tayong manghilakbot. Dapat tayong
kilabutan sa lahat ng pangyayaring nagaganap nang hayagan… Unti – unting
naglalaho nang di natin nalalaman. Ang sariling tatak natin bilang Perlas ng
Silangan; kilos natin at damdamin; ang kultura’t kabuhayan. Dahan-dahang
nalalagom ng masakim na dayuhan.

Nanaisin pa ba natin na magbalik sa panahon nang nabaon na sa limot ang


duguang mga taon..? Noong tayong mga kabataan ay may pusong nag-aapoy at wala
nang hinahangad kundi gulo’t rebolusyon? Sa kumpas ng paarala’y nais pa ba
natin ngayong maglagay ng barikada’t magdaos ng demonstrasyon? Di ba’t dahas
ay sa dahas sumugpong na lubos noon upang ganap na sikangan ang sa baya’y
nagsusulsol? Kabataan… Kabataan… ako ngayo’y nagtatanong: Saan natin ihahatid
itong ating henerasyon?

Ikaw, ako… kayo, sila… dapat tayong mangag-isip, itong ating Inang Baya’y
saan natin ihahatid? Sa altar ba ng pag-asa o sa libingang sakdal lamig? Sa
kuko ng kabiguan o tagumpay na marikit? Tayong mga kabataan ang pag-asa ng
daigdig. Sa magulang at sa ninuno’y tayong lahat ang magpapalit. Ang
kultura’t kabuhayan ay linanging buong higpit upang tayo’y makalaya sa
dayuhang mapanggipit. Isang bansa… Isang diwa ang sa’ti’y bumibigkis. Tayo’y
kabataan… Pilipino bawat saglit!

You might also like