You are on page 1of 2

BUNGA NG KASALANAN

Cirio H. Panganiban

Sampung taon. At sa ganyang kahaba ng panahong kanilang ipinagsama nang buong tahimik at
pagsusunuran, nang buong pag-ibig at katapatang loob ay hindi man lamang nag-ugat sa tigang na
halaman ni Virginia ang masaganang punla ng sangkatauhan.

Wala silang anak. Si Virginia ay hindi man lamang nakaramdam kahit minsan ng matamis na
kaligayahan ng pagiging ina.

Nasusunod nila ang lahat ng layaaw sa daigdig: mayaman si Virginia, may pangalan si Rodin, at
silang dalawa ay nabubuhay sa kasaganaan. Subali't katanghalian na ng kanilang pag-ibig ay hindi
pa dumadalaw sa kanilang tahanan at ang magmamana ng dakilang pangalan ni Rodin.

Ang panalangin ni Virginia sa Mahal na Berhin na sinasalitaan ni Rodin na taimtin na pagtawag sa


Diyos, ang kanilang ginawang pamimintaksi sa Ubando alang-alang sa kamahal-mahalang San
Pascual at sa kapinu-pinuhang Santa Klara ay hindi rin nagbigay sa kanila ng minimithing anak.

At sa puso ng nalulungkot na mag-asawa ay nawala na ang pananalig sa huling kaligayahan.

Nguni't... ang malaking pagkasulong ng matandang karunungan sa panggagamot, ay nagbigay ng


panibagong pag-asa.

Nahuhulog na ang araw ng kanilang pagmamahalan sa kanluran at ang mga ulap sa dapit-hapon
ng buhay unti-unti nang nagpalamlam sa ilaw ng kanilang pag-ibig. Higit kailanaman ay noon
naramdaman ng ulilang mag-asawa ang lalong malaking pananabik na magbunga ang kanilang
malinis at kabanal-banalang pagsisintahan.

Parang hiwaga, matapos ang matiyagang pagpapagamot ang karunungan ng isang doktor ay
lumunas sa sala ng katagalan. Si Virginia ay nagdalang-tao at pagkaraan ng mahabang buwan ng
kanyang paghihirap, ay sumilang sa liwanag ang isang maliit na kaluluwang wagas na supling ng
kalikasan, isang walang malay na sanggol na nagtataglay ng pangalan ni Rodin at ang pangalan ng
kanilang angkan.

O, ang tuwa ni Rodin! Nang sabihin sa kanya na siya ay ama ng isang batang lalaki ay
napalundag siya sa malaking kagalakan; tuloy-tuloy siya sa silid ng mag-ina at dala palibhasa ng
malaking uhaw sa kaluwalhatian matapos mapangbalingan ng isang tinging punong-puno ng paggiliw
ang lanta at maputlang mukha ni Virginia, ay nilapitan ang kanyang panganay na anak at sa noo ng
walang malay na sanggol ay ikinintal ang kauna-unahang halik ng kanyang pangalawang pag-ibig.

Si Virginia palibhasa'y madasalin, marupok ang puso at natatakot sa Diyos; palibhasa'y mahinang-
mahina noon ang kataawan ay mahina rin ang pag-iisip ay unti-unti nang nag-aalinlangan sa
kalinisan ng kanyang pagiging Ina.
Ibig na niyang maniwala na siya'y makasalanan, na ang lalong mabigat na parusa ng langit ay
lalagpak sa kanya, sapagkat nilabag niya ang katalagahan at ang kalooban ng Diyos. Sampung
taong singkad ang katalagahan ay nagkait sa kanila ng anak at sampung taon ding inibig nang Diyos
na siya'y huwag maging ina. At sa harap ng Diyos at ng katalagahan para kay Virginia ay kasalanang
mabigat ng dahil sa kasakiman nila sa kaligayahan, dahilan sa panghihinayang nila sa kanilang
kayamanang walang magmamana, ay papangyarihin pa ng karunungan ng isang hamak na doktor.

Dahil sa ganyang paniniwala ay hinawai na ni Virginia ang pag-ibig sa kanyang anak. Ang maliit
na kaluluwang yaon na larawang ganap ng kanyang kaluluwa at palilas ng kanyang puso ay minsan
na niyang puinagkaitan ng matamis na katas ng kanyang dibdib,piunagtiklupan ng duyan sa bisig ng
kanyang mga kamay at kusang pinagdamutan ng kanyang mga labi.

At hindi riyan lamang humanggang ang kalupitan ng pag-iisip ni Virginia nang ganap na siyang
nahuhulog sa paniniwalang ang kanilang anak ay hindi laman ng kanilang laman,kundi bula lamang
ng kanilang mga gamot ng pinaghalu-halo ng karunungan ay nilimot niyang siya ay Ina at at wala
nang ginawa kundi manalangin na lamang sa altar ng Berhin at humingi ng tawad sa Diyos. At
minsan, nang makita niyang iniiwi ni Rodin ang kanilang anak, pinag-apuyan siya ng mata, umigting
ang kanyang mga bagang at matapos sabukayin ang kanyang nalugay na buhok ay pasisid na
inagaw sa mga bisig ni Rodin ang bungang yaon ng kanilang pag-ibig at ang sabing sinundan ng
isang mahabang halakhak na tumataginting.

Bunga ng kasalanan! Ito ay hindi natin anak......

Hindi nila anak ang pinaglalaanan ni Rodin ng lahat ng paggiliw, ang hindi miminsang pinaghele
nito sa kanyang sariling kandungan at inawitan ng matam,is na kundiman ng kabataan, ang halos
gabi-gabi ay pinagpuyatan sa pag-alaga at inalo niya maraming halik!.....

Iyan ang sabi ng baliw.... ni Virginia

You might also like