You are on page 1of 4

Bunga ng Kasalanan

Cirio H. Panganiban

I
Si Virginia, ang babaing madasalin, palasimba at mapagluhod sa mga
tabi ng “Confesionario” ay may 10 taon nang kasal kay Rodin.

Sampung taon. At sa ganyang kahabang panahong kanilang ipinagsama


nang buong tahimik at pagsusunuran, nang buong pag-ibig at
katapatang-loob ay hindi man lamang nag-ugat sa tigang na halaman ni
Virginia ang masaganang punla ng sangkatauhan.

Wala silang anak. Si Virginia ay hindi man lamang nakaramdam kahit


minsan ng matamis na kaligayahan ng pagiging ina.

Nasunod nila ang lahat ng layaw sa daigdig: Mayaman si Virginia, may


pangalan si Rodin, at silang dalawa ay nabubuhay sa kasaganaan.
Subali’t katanghalian na ng kanilang pag-ibig ay hindi pa dumadalaw sa
kanilang tahanan ang anghel, ang magiging mutya ng kanilang tahanan
at ang magmamana ng dakilang pangalan ni Rodin.

Ang panalangin ni Virginia sa Mahal na Birhen na sinasalitan ni Rodin


ng taimtim na pagtawag sa Diyos, ang kanilang ginawang pamimintakasi
sa Ubando alang-alang sa kamahal-mahalang San Pascual at sa kapinu-
pinuhang Santa Klara ay hindi rin nagbigay sa kanila ng minimithing
anak.

At sa puso ng nalulungkot na mag-asawa ay nawala na ang pananalig sa


huling kaligayahan.

II

Nguni’t . . . ang malaking pagkasulong ng matandang karunungan sa


panggagamot, ay nagbigay ng panibagong pag-asa kay Virginia at kay
Rodin.

Nahuhulog na ang Araw ng kanilang pagmamahalan sa kanluran at ang


mga ulap sa dapit-hapon ng buhay ay unti-unti nang nagpapalamlam sa
ilaw ng kanilang pag-ibig. Higit kailanman ay noon naramdaman ng
ulilang mag-asawa ang lalong malaking pananabik na magbunga ang
kanilang malinis at kabanal-banalang pagsisintahan.

Parang hiwaga, matapos ang matiyagang pagpapagamot ang karunungan


ng isang doktor ay lumunas sa sala ng katalagahan. Si Virginia ay
nagdalang-tao at pagkaraan ng mahabang buwan ng kanyang
paghihirap, ay sumilang sa liwanag ang isang maliit na kaluluwang
wagas na nagtataglay ng pangalan ni Rodin at ng pangalan ng kanilang
angkan.

O, ang tuwa ni Rodin! Nang sabihin sa kanya na siya ay ama ng isang


batang lalaki ay napalundag siya sa malaking kagalakan; tuluy-tuloy siya
sa silid ng mag-ina at dala palibhasa ng malaking uhaw sa kaluwalhatian
matapos mapagbalingan ng isang tinging punung-puno ng paggiliw ang
lanta at maputlang mukha ni Virginia, ay nilapitan ang kanyang
panganay na anak at sa noo ng walang malay na sanggol ay ikinintal ang
kauna-unahang halik ng kanyang pangalawang pag-ibig.

Si Virginia, palibhasa’y madasalin, marupok ang puso at natatakot sa


Diyos; palibhasa’y mahinang-mahina noon ang katawan at mahina rin
ang pag-iisip ay unti-unti nang nag-aalinlangan sa kalinisan ng kanyang
pagiging Ina.

Ibig na niyang maniwala na siya’y makasalanan, na ang lalong mabigat


na parusa ng langit ay lalagpak sa kanya, sapagka’t nilabag niya ang
katalagahan at ang kalooban ng Diyos. Sampung taong singkad na ang
katalagahan ay nagkait sa kanila ng anak at 10 taon ding inibig ng Diyos
na siya’y huwag maging Ina. At sa harap ng Diyos at ng katalagahan,
para kay Virginia ay kasalanang mabigat ang dahil sa kasakiman nila sa
kaligayahan, dahiIan sa panghihinayang nila sa kanilang kayamanang
walang magmamana, ay papangyarihin pa ang karunungan ng isang
hamak na doktor.

Dahil sa ganyang paniniwala ay hinawi na ni Virginia ang pag-ibig sa


kanyang anak. Ang maliit na kaluluwang yaon na larawang ganap ng
kanyang kaluluwa at kapilas ng kanyang puso ay minsan na niyang
pinagkaitan ng matamis na katas ng kanyang dibdib, pinagtiklupan ng
duyan sa bisig ng kanyang mga kamay at kusang pinagdamutan sa halik
ang kanyang labi.
At hindi riyan lamang humangga ang kalupitan ng pag-iisip ni Virginia
nang ganap na siyang nahuhulog sa paniniwalang ang kanilang anak ay
hindi laman ng kanilang laman, kundi bula lamang ng mga gamot na
pinaghalu-halo ng karunungan ay nilimot niyang siya ay Ina at wala
nang ginawa kundi manalangin na lamang an altar ng Birhen at humingi
ng tawad sa Diyos. At minsan, nang makita niyang iniiwi ni Rodin ang
kanilang anak, ay pinag-apuyan siya ng mata, umigting ang kanyang mga
bagang at matapos sabukayin ang kanyang nalugay na buhok ay pasisid
na inagaw sa mga bisig ni Rodin ang bungang yaon ng kanilang pag-ibig
at ang sabing sinundan ng isang mahabang halakhak na tumataginting.

“Bunga ng kasalanan! Ito ay hindi natin anak...."

Hindi nila anak ang pinaglalaanan ni Rodin ng lahat ng paggiliw, ang


hindi miminsang ipinaghele nito sa kanyang sariling kandungan at
inawitan ng matatamis na kundiman ng kabataan, ang halos gabi-gabi ay
pinagpuyatan sa pag-aalaga at inalo niya ng maraming halik! . . .

Iyan ang sabi ng baliw . . . ni Virginia.

At kinaumagahan noon, si Rodin, matapos magdanas ng isang gabing


walang tulog, balisa ang puso at lumuluha ang kaluluwa, ay sinikatan ng
araw sa piling ng kanyang anak.

Nasa higaan pa si Virginia at sa mga sandaling iyon ay nakita niyang


parang sisiw na sinambilat ni Rodin ang kanilang anak, bukas ang
nagsisipanginig na daliri ng mabangis na amang yaon at ang kanyang
mga kukong ganid ay ibinaon sa malalambot na laman ng sanggol;
pagkatapos ay pinapanlisik ang mga matang may apoy, pinapagngalit
ang mga ngiping halimaw at saka walang habag na binigyan ng isang
mariing sakal ang kaawa-awang “bunga ng kasalanan”. Napasigaw nang
malakas si Virginia, tumahip ang dibdib na nagising, at nang imulat niya
ang kanyang mga mata at tuluyan siyang magbangon nagisnan na niyang
nakangiti sa kanya at naglalaro sa mga bisig ni Rodin ang napanaginip
niyang anak.

At sa walang malay na ngiti ng sanggol na yaon na parang


nakipagngitian sa kaluluwa ng kanyang Ina ay nagliwanag ang pag-iisip
ni Virginia. Sa kanyang puso ang dating pag-ibig, at Ina palibhasa, ay
lumuluha ang dalawang mata sa kaligayahan na kinandong ang kanyang
anak, iniyapos sa kanyang dibdib saka pinupog ng maraming halik, ng
isang libong halik.

“Ito’y aking anak!” nang pagkuwan ay nasabi ni Virginia nang buong


paggiliw.

“Oo” . . ang punung-puno ng pananalig na sagot naman ni Rodin, “At ako


ang ama ng batang iyan.” .

At ang mga pisngi nilang mag-asawa ay nagkadampi nang buong init,


samantalang iniuugoy nila sa kanilang mga bisig ang panganay na
supling ng kanilang malinis na pag-ibigan, yaong sa kabaliwan ni
Virginia ay tinawag na bunga ng kasalanan.

ANG “Bunga ng Kasalanan” ay may kapuna-punang lenggwahe na


karaniwan noong panahong iyon - 1920, nang ang akdang ito ay maging
“Kuwento ng Taon" sa Liwayway. Ito ang naplli ng nagsihalal na mga
mambabasa, sa tulong ng balotang ginugupit sa bawat sipi ng lingguhan.
Punahin ang pagkakagamit ng panaginip sa kathang ito. Ito ba ay
mabisang kasangkapan ng malikhaing pagsasalaysay o hindi? Bakit?

You might also like