You are on page 1of 18

LUNA ROS R.

ANCHETA
BSTM 2A
Mga Alamat

Ang Alamat ng Saging

Noong unang panahon ay may isang napakagandang prinsesa, kaya siya ay tinawag na Mariang
Maganda. Ang kanilang kaharian ay malapit sa isang maliit na gubat na kung saan ay malayang
nakakapamasyal ang mayuming kagandahan. Ang gubat ay puno ng iba't ibang magaganda, makukulay,
at mababangong mga halamang namumulaklak. Nakagawian na ng prinsesang mamitas at mamasyal sa
tila bang perpekting hardin para lamang sa isang prinsesang katulad niya.

Isang araw sa kanyang pamamasyal ay may nakilala siyang isang bagong mukha. Isang makisig na binata
na halos kaedad din ng magandang prinsesa. May kakaibang naramdaman ang prinsesa sa makisig na
binata na iyon. Lingid sa kaalaman ng prinsesa gayundin ang nararamdaman ng bagong kakilala sa kanya.
Nagpakilala ang binata bilang isang prinsipe ng isang malayo at kaibang kaharian. Araw-araw nagkita at
nagkasama ang dalawa sa kagubatan hanggang sa magtapat ang prinsipe sa dalaga ng kanyang pag-ibig
na malugod namang tinanggap ng prinsesa dahil sa parehas nitong nararamdaman.Habang sila ay
magkasamang namamasyal sa kagubatan ay nagpasya silang magulayaw sa ilalim ng mabangong
halaman na madalas ipagmalaaki ng prinsesa.

"Hindi maipagkakailang maganda ang bulaklak ng halamang ito Mariang Maganda, ngunit higit na mas
maganda at mabango ang mga halaman at bulaklak sa aming kaharian." sambit ng prinsipe habang
hinahaplos ang pisngi ng iniirog. "Bakit, saan ba ang iyong kaharian?" malambing na tugon ng prinsesa.

"Ang aming kaharian ay hindi kayang marating ng taong may katawang lupa." ang mahiwagang pagsagot
ng prinsipeng tila ba mag agam-agam. "Bakit hindi?" ang natigilang pagtatanong ni Mariang Maganda
habang pinagmamasdan ang malungkot na mukha ng prinsipeng kanyang iniibig. "Kailangan ko ng
bumalik sa aming kaharian dahil kung hindi ay hindi na tayo muling magkikita pa. Nais sana kitang isama
subalit hindi talaga maari ang mga kagaya ninyo sa aming kaharian. Paalam na irog." "Nais ko sanang
magkita tayong muli dito sa halamanang ito mamayang gabi. Hihintayin kita." pagtangis ng prinsesang
nalulungkot sa paglisan ng kanyang minamahal.

"Sisikapin ko, irog." pangako ng prinsipe kay Mariang maganda. Nang gabi ngang iyon ay hinintay ni
Mariang Maganda ang kanyang iniirog. Bago pa man maghatinggabi ay dumating nga ang prinsipe at
lubos na nalugod ang nag-aalalang prinsesa. Magkahawak kamay silang namasyal sa gubat ng
magagandang halaman na ang buwan at mga bituin ang tumatanglaw sa kanilang dinadaanan. Kung anu
ano ang kanilang pinag-usapan hanggang sa bigla na lang napabalikwas ang prinsipe na tila ba may
tumawag sa kanya.

"Kailangan ko ng lumisan mahal ko. Hindi ako maaring abutan ng hatinggabi, kapag hindi ako umalis
ngayon ay hindi na ako makakabalik pa sa amin. Iyong pakakatandaan na ikaw lamang ang aking iniibig."
at ginawaran ng isang matamis na halik ang labi ng naguguluhang si Mariang Maganda.

Hindi matanggap na malisan sa kanyang iniibig ay mahigpit nyang hinawakan ang kamay ng prinsipe. Pilt
mang hinila ng prinsipe ang kamay ay di nito magawang makawala sa pagkakahawak ng prinsesa. Sa
kanilang paghihilahan ay bigla na lamang naglaho na parang bula ang prinsipe ngunit naiwan sa kamay
ng prinsesa ang dalawang putol na kamay ng prinsipe. Sa takot ay napabalikwas ang prinsesa at tinungo
ang isang malapit na hukay. Doon itinapon at ibinaon ni Mariang Maganda ang mahiwagang kamay ng
kanyang tinawag na irog.

Muling nagbalik ang prinsesa sa kagubatan matapos ng ilang araw para makita lamang na may kakibang
halaman na tumubo kung saan niya ibinaon ang mahiwagang kamay ng prinsipe. Malalapad ang mga
dahon ng halaman na ito at walng mga sanga. Matapos ng ilang araw ito ay namulaklak. Araw-araw na
bumalik ang prinsesa sa kagubatan hanggang ang bulaklak ay napalitang ng bunga. Ang bunga ng
kakaibang halaman at tila ba kamay na nag-iimbita. Ito na ang kauna-unahang saging.

Ang Alamat ng Rosas

Noong unang panahon sa isang malayong nayon, ay may isang dalaga na nagngangalang Rosa na kilala
dahil sa natatangi nitong ganda at dahil na rin sa kanyang mapupulang mga pisngi, kung kaya't
pinagkakaguluhan si Rosa ng mga kalalakihan.

Isang araw nang dumating ng bahay si Rosa ay nakita niya ang isa sa kanyang mga manililigaw na si
Antonio na kausap ang kanyang mga magulang at humihing ng pahintulot na manligaw kay Rosa kung
saan ay masaya naman siyang pinayagan ng mga magulang ni Rosa at dahil na rin sa rason na si Antonio
lamang ang lalaking unang umakyat ng ligaw sa kanila. Ang kinakailangan lang naman na gawin ni
Antonio ay ang mapatunayan ang sarili kay Rosa at pasiyahin ito.

Iyon ang naghimok kay Antonio, kaya naman ay pinagsilbihan niya ang pamilya ni Rosa sa pamamagitan
ng dote. Lubos namang natuwa ang mga magulang ni Rosa, lalong-lalo na ang dalaga na unti-unti ay
nahuhulog na ang loob sa masugid na binata.

Sa araw na kung saan ay dapat sanang sagutin ni Rosa ang kanyang manliligaw ay doon rin siya labis na
nagtaka kung bakit wala pa ito. Doon din niya nalaman na pinaglalaruan lang pala siya ni Antonio nang
marining niya ito habang kausap ang kanyang mga kaibigan. Parang pinagsakluban ng langit at lupa si
Rosa sa kanyang narining. Nadurog ang kanyang puso sa kanyang unang pag-ibig. Hindi tumigil ang pag-
iyak ni Rosa habang siya ay bumalik sa kaniang bahay. Nag-aalala naman siyang tinanong nang kanyang
mga magulang pero hindi sumagot ang dalaga. Kinabukasan ay hindi na nakita si Rosa at pati na rin sa
susunod na mga araw.

Isang araw, ay nabalitaan na may kakaibang halaman na tumubo sa dapat sanang tagpuan nina Rosa at
Antonio. Tinawag ang halaman na rosas dahil ang pulang kulay nang bulaklak ay nagsisilbing paalala sa
mga mapupulang pisngi ni Rosa. Ang naiiba lamang ay ang tinik na napapalibot sa halaman na
pinapaniwalaan na si Rosa na nagsasabing wala sinumon ang makakakuha sa magandang bulaklak na
hindi nasasaktan.

Ang Alamat ng Bulkang Mayon

Noong unang panahon, sa kaharian ng Albay ay may isang makapangyarihang Rajah. Siya ay may anak na
kaakit-akit na ang palayaw sa kanya ng mga tao sa Daragang Magayon na ang kahuluga’y “Magandang
Dalaga.”

Maraming naakit sa kanyang taglay na kagandahan kaya di mabilang na mga datu at mga ginoong tanyag
ang nag-alay sa kanya ng pagmamahal. Ang isa sa mga nanligaw ay si Kauen, anak ng mayamang Rajah sa
kanugnog na kaharian. Naghandog ng mahalagang hiyas at ginto ang binata subalit tumanggi sa regalo
ang dalaga. Si Kanuen ay nabigo subalit nagyabang pa na ang dalaga ay magiging kanya pagdating ng
araw.

Mula sa malayong Katagalugan narinig ni Gat Malaya ang nabalitang kagandahan ni Daragang Magayon.
Marami siyang mga pagkakataong makaniig ang paraluman subalit nagkaroon ng mga sagabal. Minsan,
malapit sa munting ilog, nakita ang dalagang namumupol ng bulaklak. Kinamaya-maya’y ang binibini’y
nagtampisaw sa batis. Ang binata’y nagparinig ng himig ng masayang awit upang matawag ang kanyang
pansin. Nagkatitigan sila at ang binata’y nginitian.

Nabuhayan ng loob ang prinsipeng Tagalog at ito’y nagsalita, “Magandang Mutya, mula ako sa malayo
upang ikaw ay sadyain at Makita ang tangi mong kariktan!” “Sino ka? Hindi kita kilala! Isa kang
pangahas!” “Ako’y si Gat Malaya, galing sa kahariang malapit dito. Bigyan mo ako ng isang bulaklak at
ako’y masisiyahan na!” Bantulot na ihinagis ng dalaga ang bulaklak. Dumapo sa mga palad ng binata at
ito’y kagyat na idinampi sa kaliwang dibdib.

“Maaari bang kita’y makitang muli?” At nagsimula ang maraming tipanan ng dalawa sa makasaysayang
batis. “Isang araw,” mungkahi ng lalaki, “kita’y iniibig. Tayo’y pakasal!” “Ngunit ang Rajah? Ang aking
ama?” may alinlangang paliwanag. “Dapat niyang malaman!” “Huwag kang mag-alala! Hihingin ko ang
kamay mo sa kanya!” Pumayag ang Rajah. Ang batang prinsipe ay kanyang nagustuhan pagkat magalang
at nakakahalina kung kumilos. Itinakda ng Rajah ang kasal sa pagbibilog ng buwan, matapos ang anihan.

Nagpaalam si Gat Malaya upang ipabatid sa kanyang mga magulang ang itinakdang kasalan. Kakaunin
niya ang ama’t ina at silang tatlo ay babalik sa Albay. Nabalitaan ni Kauen (nabigong manliligaw) ang
napabalitang pag-iisang-dibdib. Kanyang sinamantala ang pagkakataong wala si Gat Malaya. Pinuntahan
niya si Daragang Magayon. Matigas ang pagtanggi ng dalaga sa kabila ng mga pagbabala: “Kung hindi kita
makamtan, walang magkakamit sa iyo sinuman!” Ang prinsesa ay natakot dahil sa pagbabala sa buhay
niya at sa kanyang ama. Siya’y sumagot, “Ako’y magiging iyo kung si Gat Malaya ay hindi bumalik!”

Nagtumulin ang mga araw at mga lingo. Malapit na ang tag-ani ngunit wala pa si Malaya. Hindi pa siya
nagbabalik. Gabi-gabi ang dalaga’y nakaupo sa duruwangawan at naghihintay. Nang dumating ang
kabilugan ng buwan napilitan nang pakasal si Daraga kay Kauen. Nagkaroon ng maringal na handaan –
kainan at sayawan. Sa gitna ng kasayahandumating si Gat Malaya kasama ang mga magulang. “Ako’y
naparito upang angkinin ang aking nobya!” sabi ni Malaya. “Hindi maaari!” tugon ni Kauen. Nagkaroon
ng sukatan ng lakas. Magugunita na si Malay ay subok sa espada subalit si Kauen naman ay malansi at
mapaglalang.

Nang ihahagis ni Kauen ang kanyang sibat, si Daragang Magayon ay tumakbo upang pumagitna at
sawayin ang dalaga. Sa kasamaang-palad, ang sibat ay tumama sa dibdib ng dalaga. Niyakap ni Malaya
ito ngunit pataksil na sinibat ng katunggali. Kapwa nalagutan ng hininga ang magsing-ibig. Nagluksa ang
Rajah at ang buong palasyo. Ipinag-utos niya na ang dalawa’y ilagak na magkasama sa isang hukay.
Lumipas ang mga araw. Himala ng mga himala. Ang lupa sa puntod ng libing ay tumaas hanggang sa itoy
maging bundok. Napakaganda at perpekto ang hugis. Tinawag itong Bundok ng Mayon, bilang alaala kay
Daragang Magayon.

Bakit May Lamat ang Talukab ng Pagong?


Noong unang panahon ang talukab ng pagong ay makinis at walang mga lamat tulad ng sa ngayon.
Palaging ipinagmamalaki ni pagong ang kanyang talukab. Araw-araw niya itong nililinis at pinapakintab.
Ipinagmamayabang niya sa lahat na sa sobrang kinis at kintab nito ay maaring kang magsalamin dito.

Hindi lamang kilala si pagong dahil sa kanyang makinis at makintab na talukab. Kilala din siya na isa sa
mga madadaldal na hayop sa gubat. Hindi nauubusan ng kuwento si pagong. Minsan nang nag-kausap
sila ng kaibigan niyang si palaka ay hindi man lamang nakaimik ang madaldal ding si palaka dahil sa dami
ng kuwento ni pagong. Halos buong maghapon na nagkuwento si pagong tungkol sa iba’t ibang bagay na
nakikita nito sa kagubatan.

Isang araw habang nakikipag-kwentuhan si pagong sa mga kaibigang bibe ay may mga galang tagak ang
huminto upang uminom sa may batis. Napagod sila sa kanilang biyahe galing sa ibang lugar kung kayat
minabuti nilang huminto panandalian upang makapagpahinga. Ang mga tagak ay maingay na nag-uusap
tungkol sa kanilang mga nasaksihan sa kabilang ibayo kung saan sila nanggaling. Masaya silang
nagtatawanan habang inaalala ang kagandahan ng bayan na kanilang binisita. Narinig ng pagong ang
kanilang pinag-uusapan at sa unang pagkakataon ay ito ay napatigil sa pagsasalita. Nakanganga ito
habang nakikinig sa mga tagak. Samantalang nagtataka naman ang mga kaibigang bibe kung napano ang
madaldal na pagong.

Habang nag-uusap pa rin ang mga tagak ay dali-daling sumabat si pagong. Gusto rin daw nitong sumama
at makita ang mga sinasabi nilang mga lugar. Tiyak na maganda raw ito at marami pang masasarap na
pagkain. Gusto niyang sumama upang sa ganoon ay maikukuwento rin niya sa mga kaibigan kung ano
mga makikita niya roon. Naisip niya na meron na naman siyang bagong maikukuwento sa mga kaibigan
lalo na at hindi pa rin nakakapunta ang mga iyon sa ibang lugar maliban sa kanilang tinitirahang gubat.

Nagtinginan ang mga tagak. Gusto man daw nila siyang isama ay hindi naman nila alam kung paano.
Hindi naman siya nakakalipad tulad nila. Nag-isip ang mga tagak at si pagong kung paano nila maisasama
ang hayop sa kanilang gala.

Nawawalan na nang pag-asa ang pagong ng biglang may naisip ang isa sa mga tagak. Pinag-usapan nila
ito at maya-maya ay ipinaalam kay pagong ang plano. Maaari daw nila itong isama kung ito ay kakagat sa
isang piraso ng kahoy na kagat-kagat naman ng dalawang tagak sa magkabilang dulo nang sa gayon
mabubuhat nila si pagong. Ngunit kinakailangan ni pagong na manahimik at hindi magsalita ng matagal
sapagkat malayo ang kanilang lalakbayin at baka ito ay mahulog.

Pumayag ang pagong. Kaya daw nitong hindi magsalita ng matagal kaya’t maya-maya ay lumuwas na nga
ang mga tagak kasama siya.

Mahigpit ang kagat ni pagong sa kahoy nang sila ay nag-umpisang lumipad ngunit hindi pa sila
nakakalayo ay nayamot na siya dahil sa katahimikang naririnig. Binukas niya ang kanyang bibig at
uumpisahan na sanang kuwentuhan ang dalawang tagak na may hawak sa kanya nang bigla siyang
bumulusok pababa. Walang nagawa ang dalawang tagak kundi tignan ang pagong ng mabilis na nahulog
pababa.

Nahulog si pagong at pagbasak sa lupa ay tumama ang kanyang talukab sa isang malaking bato. Buti na
lamang at ang matigas ang talukab at hindi ang kanyang ulo ang tumama sa bato. Sa taas at lakas ng
pagbagsak niya ay nagkalamat-lamat ang kanyang talukab. Simula noon ay binawasan na ni pagong ang
pagiging madaldal at ang kanyang makinang at makinis na talukab ay nagka-lamat-lamat na.
Ang Alamat ng Bahaghari

Sa simula pa lamang, mayroon ng pitong kulay dito sa mundo. Sila ay sina Pula, Kahel, Dilaw, Luntian,
Bughaw, Indigo at Lila.

Inatasan sila ni Bathala na magbigay ng kulay dito sa mundo ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon,
hindi silamagkasundo-sundo. Sinabi ni Bathala, na magtulong-tulong at magbigayan sa lahat ng oras sa
isa't-isa ngunit hindi nila ito ginagawa. Patuloy silang hindi nagkakasundo sa iba't ibang bagay. Palagi
silang nagkakaroon ng kumpitensya sa isa't-isa lalo na sa oras ng kanilang trabaho. Sabi ni Luntian, "Ako
ang pinakamaraming nagawa dito kaya nararapat lamang na ako ang mabigyan ni Bathala ng
gantimpala." Ngunit sumagot si Bughaw, "Anong sinasabi mo dyan na ikaw ang maraming nagawa? Hindi
hamak na mas marami ang ambag ko kaysa iyo. Tingnan mo na lamang ang karagatan at ang kalangitan,
at iyong makikita ang aking pinaghirapan kung kaya ako ang nararapat na mabigyan na sinasabi mong
gantimpala." Ngunit hindi pa natapos ang alitan, bagkus ay lalo pa itong lumala dahil nakisali sa usapan
ang iba pang mga kulay. Nagpapagalingan sila ng nagpapagalingan. Pasikatan ng pasikatan at walang
nagpapatalo. Gusto nilang lahat na mabigyan ng gantimpala, kaya lalong tumindi ang kanilang
kumpitensya. Nagkagulo sila dahil sa kanilang pagtatalo.

Narinig ni Bathala ang nangyayari, ang pagtatalo ng mga kulay. Dahil dito, nagalit si Bathala. Pinarusahan
sila nito. Sinabi niya, "dahil hindi kayo magkasundo, paparusahan ko kayo ng ayon sa inyong
kagustuhan.Dahil palagi kayong magkakakumpitensya, gusto kong malaman ninyo ang kahalagahan ng
kooperasyon sa isa't-isa. Ang kahalagahan ng bawat isa sa inyo. Mula ngayon hanggang sa habang buhay.
Gagawin ko kayong isa upang nang sa gayon ay maramdaman ninyo ang inyong kahalagahan at
kagandahan ng bawat isa sa inyo."Kung kaya, pinagsama ni Bathala ang pitong kulay. Pinagdikit dikit niya
ang mga ito. At dahil sa sobrang nagalit si Bathala kung kaya siya ay nahabag sa pagiyak. At nagtago ang
mga kulay sa takot kay Bathala. Lumabas na lamang sila pagkatapos umiyak ni Bathala. Ngunit laking
gulat nila nang sila'y lumabas ay dikit-dikit na sila. Hindi na nila mapaghiwalay ang kanilang mga sarili
kahit anong pilit nila. At nalaman nila na mula sa pito, sila'y naging isa.

Sa pangyayaring iyon, sinasabing si Bathala na kanilang hari ay nahabag. Kung kaya ngayon, ang habag na
hari na pinagmulan ng mga ito ay sa paglaoy naging bahaghari.Ang pitong kulay ay tinawag na bahaghari.
Mapupuna natin ngayon na ang bahaghari ay lumalabas na lamang pagkatapos ng ulan na
nangangahulugang pagiyak ni Bathala. At makikita natin dito ang pitong kulay na naging isa na hanggang
sa ngayon ay tinatatawag nating BAHAGHARI.

LUNA ROSE R. ANCHETA

BSTM 2A

Mga Parabula

Ang Aso at ang Ibon

Isang araw, ang aso ay nakahuli ng isang ibon. Samantalang pinagpapasasaan niya iyon, isang munting
buto ang nahalang sa kanyang lalamunan, Hindi niya maalis ang bikig na napakasakit. Sa matinding
paghihirap ay napahalinghing nang ubod- lakas.
Tumakbo siya kung saan-saan upang humanap ng makapa-aalis ng kanyang bikig. Parang
namamakaawang ipinangangako niya sa kaninumang mahilingan ng tulong na ibibigay niya ang anumang
mayroon siya sa makapag aalis ng kaniyang bikig at tinik sa kanyang lalamunan.

Tumihaya na ang aso at ibinuka ang kanyang bunganga. Ipinasok naman ng pusa ang kanyang ulo
hanggang leeg upang alisin ang bikig. Pagkabunot ng bikig, ang pusa ay nagsalita, "Akin na ang aking
gantimpala." Umuungol ang aso. Inilabas ang matatalim na pangil. "Magpasalamat ka, at naipasok mo
ang iyong ulos sa aking bunganga at nailabas mo pa rin nang hindi napahamak", wika ng aso na waring
nanunumbat.

Ang Pulubi

Minsan may dalawang pulubi na nasa lansangan na namamalimos ng barya sa mga nagdaraan. Isang
gabi, sila'y ginising mula sa pagkakahimbing ng isang nakasisilaw na liwanag. At mula sa liwanag na iyon
ay may namataan silang isang pambihirang nilalang.

Maganda ang damit at gawa sa mamahaling bato ang kasuotan nito. Natuwa ang dalawang pulubi. "Ito
na marahil ang hari ang mga hari," ang sabi ng isa. "Tama! Pagkakalooban niya tayo ng kayamanan, at
hindi na uli tayo kailangan pang mamalimos!" Lumapit nga sa kanila ang hari at sila'y kinausap. "Ano ang
maaari ninyong ihandog sa akin?" ang tanong nito. Nagtaka and isang pulubi. Bakit sila pa ang
magbibigay? Ang naisaloob niya.

Samantalang ang ikalawang pulubi ay nagmamadaling nagbukas ng kanyang sako at kumuha ng


pinakamalaking piraso ng tinapay na mayroon siya. "Anong gagawin mo?" ang tanong ng naunang pulubi
dito. "Iaalay ko sa kanya ang pinakamalaki kong tinapay." "Nababaliw ka na ba? At papaano ka?"
"Karapat-dapat lamang ipagkaloob sa hari ang nararapat para sa kanya at ito ang aking gagawin!" Inalay
nga ng pulubing yaon ang malaking piraso ng tinapay. "Ito lang po ang aking maipagkakaloob," ang sabi
pa nito sa hari." Ngunit ito na po ang pinakamalaking bagay sa buhay ko. Nawa'y tanggapin ninyo."
Tinanggap ng hari ang tinapay na alay ng pulubi.

Nang balingan nito ang isa pang pulubi ay nakita nitong nagkukumahog ng naghahagilap ang pulubing
iyon sa paghahanap ng maipagkakaloob. Sa wakas, nakakita rin ito ng pinakamaliit na butil ng mais.
Inalay nito sa hari ang naturang butil ng mais. "Heto lang ang maaari kong ipagkaloob sa inyo," ang sabi
pa nito. Iyon lang at tinanggap iyon ng hari. At bigla ngang naglaho ang liwanag at nawala na rin ang hari.
Maya-maya'y may napansin ang isang pulubi sa buhat-buhat niyang sako. Animo bumigat iyon. Nang
buksan niya iyon, laking gulat niya sa nakita! Sa loob ng sako ay may nakalagay na ginto! Isang malaking
piraso ng ginto na 'sing laki ng tinapay na ipinagkaloob niya sa hari! Napalunok ang isa pang pulubi nang
makita iyon. Nang bisitahin din niya ang kanyang sako, hindi siya nagulat nang makita niyang nakalagay
na ginto doon. Gintong 'sing liit ng isang butil ng mais na ipinagkaloob niya.

MENSAHE: Kung ano ang itinanim, siyang aanihin. Kung ano ang ipinagkaloob natin sa Diyos ay siya rin
nating tatanggapin.

Ang Kambing at ang Magsasaka

Isang araw ay nahulog ang kambing sa balon. Umatungal ito ng umatungal na nakapagpataranta sa
magsasakang may-ari ng kambing.
Wala siyang malamang gawin para maiakyat niya ito mula sa malalim na balon. Kaya minabuti niyang
tabunan na lang ng lupa ang balon kasama ang kambing. Tutal matanda na ang kambing at ang balon
naman ay wala ng tubig na makukuha. Kaya humingi siya ng tulong sa mga kapitbahay upang matabunan
kaagad ang balon para matigil na ang pa-atungal ng kambing. Lalong umatungal ang kambing nang
maunawaan niya ang gustong gawin ng magsasaka. Ibabaon siya ng buhay.

Ilang sandali lang ay tumahimik na ang kambing. Dumukwang ang magsasaka kung bakit wala ng ingay
na nanggagaling sa balon. Nakita niya ang kambing na nakatayo sa lupang kanilang itinatabon. Tuwing
may itinatapon na lupa ay niluluksuhan ng kambing para makarating siya sa itaas. Hanggang nang
mapupuno na ang balon, ay tumalon ang kambing sa itaas na ikinagulat ng mga tao. Para rin yang mga
taong nagtatapon sa inyo ng dumi. Kagaya ng kambing ay tinatapakan lang niya at pinapalis ang dumi
hanggang sa siya ay makarating sa itaas.

Ang Gutom Na Aso

Mayroong isang malupit na mapang-alipin na hari kaya ang diyos na si Indra ay nagbalatkayong isang
mangangaso.

Kasama niya ang Demonyong si Matali na nag-anyong napakalaking aso, sila ay bumaba sa lupa.
Pagpasok nila sa palasyo ay umatungal nang napakalungkot kung kaya ang mga gusali ay nayanig ang
kailaliman nito. Ang malupit na hari ay nag-utos na dalhin ang mangangaso sa kaniyang harapan at
tinanong ang dahilan ng pag-aalulong ng aso.

Sabi ng mangangaso, "Ang aso ay gutom ". Kaya dali-daling nag-utos ang hari na kumuha ng pagkain.
Pagkatapos ubusin ang hinandang pagkain, umalulong ulit ang aso. Nag-utos ulit na magdala ng pagkain
ang hari para sa aso hanggang maubos ang kanilang inimbak na pagkain, hindi pa rin huminto ang aso sa
kaaalulong. Naging desperado ang hari. Siya ay nagtanong, "Walang makakabusog sa asong iyan?"
"Wala", sagot ng mangangaso. "Maliban siguro kung ipapakain ang balat ng kaniyang mga kaaway. "At
sino ang mga kaaway niya ?" urirat ng hari. Sumagot ang mangangaso: Ang aso ay [atuloy na aalulong
hanggang may naguguton na tao sa kaharian at ang kaniyang mga kaaway ay ang mga malulupit na
umaapi sa mahihirap. Ang hari na tinutukoy ng Mangangaso ay naalala ang kaniyang masasamang gawi
at siya ay nagtika at sa unang pagkakataon ay nakinig siya sa pangaral ng kabutihan.

Ang Parabula ng Asarol

Isang magsasaka ang nag-araro ng kaniyang bukid araw-araw nang mga nagdaang taon. Mahirap na
trabaho pero sagana naman siya. Isang araw ay tinanong niya ang sarili niya bakit nagpapakahirap siya.

May isang monghe na kumatok sa bahay niya at humihingi ng limos. Naisip niya na maganda ang buhay
ng monghe, walang masyadong responsibilidad. Kaya, nagpasya siyang iwanan ang kaniyang mga ari-
arian at magmonghe rin. Pagkataos niyang umalis sa bahay, naramdaman niyang walang kalaman-laman
ang kaniyang mga kamay. Nahirati kasi siyang laging hawak ang asarol sa araw-araw at ngayon ay para
siyang nanibago.

Bumalik siya sa kaniyang bahay, kinuha niya ang asarol at nag-isip siya kung ano ang gagawin niya doon.
Nanghihinayang siyang itapon yon dahil yon ay matalim at makintab dahil sa dalas nang gamit niya.
Binalot niya ito at itinago sa loob ng bahay. Pagkatapos ay umalis ulit siya. Ang magsasaka ay nagpumilit
matupad ang mga kinakailangan para maging mabuting monghe. Pero, hindi niya mapigilan ang
pagbabalik-alala sa kaniyang asarol tuwing mapapadaan sila sa isang taniman. Umuuwi siya at hinihimas
ang asarol pagkatapos ay balik ulit siya sa templo.

Dumaan ang pito hanggang walong taon, naramdaman niyang tila hindi siya masaya ay malayang
monghe pagkataos niyang magpakabanal. Mayroong sagabal at iyon ang nagpapabigat sa kaniyang
kalooban. Umuwi siya sa bahay, kinuha niya ang asarol at itinapon niya sa lawa. Pagkatapos lumubog ang
asarol. tuwang-tuwang nagsisigaw ang magsasaka nang, "Nanalo ako, Nagwagi ako.

Nang oras na yon ay dumaraan ang hari ang batalyon nito mula sa matagumpay na pakikidigma. Narinig
niya ang monghe at tinanong, "Ano ang iyong napanalunan? Bakit ka napakasaya?" "Natalo ko ang
masasamang damdamin na nasa aking puso. Pinalaya ko na ang aking sarili sa mga materyal na bagay na
siyang nagpapabigat sa aking nais na maging isang nilalang. Namasdan ng hari na masaya talaga ang
monghe dahil sa siya ay malaya na sa mga pagnanasa sa mga bagay na materyal. Nag-isip din
siya."Nanalo nga ako pero ako ba ay masaya? Kinamkam ko ang mga lupang hindi sa akin. Hindi ito ang
tunay na tagumpay. Napag-isip din ng hari na ang tunay na matagumpay ang karaniwang tao na napalaya
ang sarili sa pag-iimbot ng mga bagay na makakapagpaligayang pang materyal ay ang tunay na nagwagi.

Ang Pariseo at Kolektor ng Buwis

Siya'y nagwika ng parabula sa mga taong naniniwala na sila ay nasa katwiran at gumagawa ng tama kaya
kanilang kinamumuhian ang iba na inaakala nilang makasalanan. "Dalawang lalaki ang pumunta sa
templo upang magdasal; ang isa ay Pariseo at ang isa ay kolektor ng buwis. Ang Pariseo ay tumayo at
nagdasal ng ganito: Panginoon, nagpapasalamant ako at hindi ako katulad ng ibang tao na mga
makasalanan, mapagkurakot, mga mapang-apid sa hindi nila asawa o kaya katulang ng kolektor ng buwis
na narito. Ako ay nag-aayuno dalawang beses, isang Linggo at nagbibigay bahagi sa bawa't aking kinita."

Ang kolektor ng buwis na nakatayo sa hindi kalayuan ay hindi man lang nagtaas ng kaniyang mata sa
langit nguni't kaniyang tinapik ang kaniyang dibdib at nagwikang Panginoon, kaawaan mo ako, isang
makasalanan.

Ang sinasabi ko sa inyo, itong taong humingi ng awa ay tumanggap ng awa kaysa sa doon sa taong itinaas
ang sarili niya sa mata ng Diyos. Ang mapagmalaki ay ginagawang aba at ang nagpapakababa ay siyang
pinupuri.

(Luke 18:9-14)

Ang Nawala at Natagpuang Anak

May isang mayaman na may dalawang anak na lalaki. Ang pinakabata ay lumapit sa ama at hiningi ang
kanyang mana.

Kaya ang ginawa ng matanda ay hinati niya ang kaniyang kayamanan sa dalawa. Ilang araw ang nakalipas,
umalis ang bunsong anak at nangibang bayan. Inubos niya ang lahat ng ibinigay sa kaniya ng ama.
Nagkaroon ng matinding taggutom sa bansang iyon kaya napilitan siyang mamasukan sa isang
mamamayan na nagpadala sa kaniya sa bukid bilang tagapagpakain ng baboy.
Habang nagtitiis siyang kumain ng kaning baboy dahil wala namang ibinibigay sa kanyang pagkain,
naalala niya ang kaniyang ama at ang mga katulong nito sa kanilang sariling pataniman. Naisip niyang
bakit siya magtitiis na mamatay sa gutom habang ang mga katulong ng kaniyang ama ay sagana sa
pagkain. Minabuti niyang umuwi at humingi ng patawad at handa siyang magtrabaho kahit na bilang
katulong lang. Malayo pa lang siya ay natanaw na siya ng kaniyang ama na tumakbo at siya ay niyakap at
hinalikan.

Tinawag nito ang kaniyang mga katulong at inutusang bihisan ang kaniyang anak ng magarang kasuotan,
bigyan ng sapatos at singsing sa kaniyang daliri. Iniutos din niya ang magpatay ng baka upang ipadiwang
ang pagbalik ng kaniyang anak. Ang panganay niyang anak na nasa pataniman ay narinig ang musika at
ang pagsasaya habang siya ay papalapit sa bahay. Tinanong niya ang isa sa mga utusan kung ano ang
kasayahang yaon. Nalaman niya na nadiriwang ang kaniyang ama sa pagbalik ng kaniyang anak. Nagalit
ang panganay na anak at ayaw niyang pumasok para sumali sa pagdiriwang.

Sinumbatan niya ang kaniyang ama tungkol sa kaniyang pagsisilbi dito na parang alipin subalit ni minsan
ay hindi siya binigyan ng kahit maliit na kambing para magsaya kasama ang kaniyang mga kaibigan. Pero
nang dumating ang kaniyang kapatid na nilustay ang kaniyang mana sa mga masasamang babae, ito ay
binigyan pa ng pagsalubong. Sinagot siya ng kaniyang ama na siya ay naroong kasama niya at lahat ng
kasaganaang tinatamasa niya ay kasama siya samantalang ang kapatid niya ay nawala at bumalik. Tila
siya namatay na nabuhay ulit.

(Luke 15:11-32)

Ang Parabula ng Ama, Anak at Kalabaw

Isang mapagmahal na pamilya ang nakatira sa isang bundok. Ang ama’y magsasaka samantalang
mabuting may-bahay ang ina. Isang lalake ang anak ng mag-irog na naninirahan sa bundok. Pitong na
taon na ngayon ang kanilang anak.

Nang minsang bumaba sa bukid ang ama ay isinama niya ang kanyang anak upang makatulong kahit
papaano at nang malibang na rin. Dala rin nila ang kalabaw na siyang mag-aararo sa lupang tatamnan.
May kalayuan ang pinag-aanihang bukid ng ama. Kinakailangang dumaan ng apat na baryo bago
marating ang bukid.

Masayang-masaya ang batang lalake habang tinutulungan ang kanyang ama sa pagtatrabaho sa bukid.
Nanghuhuli rin siya ng maliliit na langgam at ng luntiang tipaklong sa pagkakataong nag-aararo ang ama.
Maligaya naman ang ama habang pinagmamasdan ang kanyang anak. Magdidilim na at pagod na ang
ama. Tumigil na rin ang kalabaw sa paggawa dahil sampung kwadro na ang binungkal nito. Kaya naisipan
na ng ama na umuwi at niyaya na nga ang anak. Habang sila’y naglalakad patungo sa bundok na kanilang
tinitirhan ay napadaan sila sa isang baryo. Hapung-hapo ang ama kaya naisip ng anak na ang ama na lang
ang ipasakay sa kalabaw sa halip na siya. Hawak ng bata ang lubid na nakatali sa kalabaw na
kinasasakyan ng ama. Napansin nilang nag-uusap ang ilang ale sa isang banda ng baryo. Narinig na
lamang nila: “Hay naku, anong klase ama ‘yan? Kabata-bata ng anak inaalila nang ganyan. At siya,
komportableng nakasakay sa kalabaw.”

Napahiya ang ama sa kanyang narinig. Kaya bago tumawid sa sunod na baryo ay bumaba na ito at
ibinuhat ang anak pasakay sa kalabaw. Hapung-hapo sa paglalakad ang ama habang hawak ang lubid ng
kalabaw. Ngunit nakarinig na naman sila ng mga komento mula sa mga tagabaryo. “Ano ba naman iyang
batang ‘yan? Nakita na ngang pagud na pagod ang ama sa pag-aaro nang buong araw sa bukid hinayaan
pa ang ama na maglakad. Napakawalang utang na loob sa amang kumakayod para sa pamilya.” Kaya
bago tumungo sa ikatlong baryo ay ibinaba ng ama ang anak.

Magkahawak kamay ang mag-ama habang naglalakad kasama ang kalabaw. Nang maabot ang ikatlong
baryo, nanghina ang mag-ama sa narinig mula sa isang tagaroon: “Katangahan naman ang ibinigay sa
mag-amang ito. Ang layo ng bukid na pinanggalin. Pagod pa sa paggawa roon. Naglakad. Hindi man
lamang naisip sakyan ang kalabaw. Ano pa ang silbi nito? Tsik...tsik...” Sumakay sa kalabaw ang dalawa.
Sakay sila ng kalabaw hanggang maabot ang ikaapat at panghuling baryo.

“Kawawa naman ang kalabaw. Maghapong nag-araro sa bukid, napapagod din ‘yan. Siguro kung
nakapagsasalita lamang ang kalabaw na iyan siguradong magrereklamo na ‘yan. Itong mag-ama,
napakalupit! Wala man lang konsiderasyon sa kalagayan ng hayop. Kahit hayop, napapagod at may
pakiramdam din.” Narinig na lamang nilang sabi ng isang lalake habang lumalagok ng tuba sa tindahang
nadaanan. Nang makarating ng bahay, hindi maintidihan ng babae sa itsura ng kanyang mag-ama.

Sino ang Magtatali ng Kuliling?

May isang malaking Pusa na lagi nang aali-aligid upang makahuli ng Daga. Marami-rami na rin itong
nabibiktima. Aabangan niyang lumabas ang Daga at saka ito sasakmalin at gugutay-gutayin.Sa sobrang
takot ng mga Daga ay nagpulung-pulong sila. Pinag-usapan nila kung paano nila maiiwasan ang
mapanganib na Pusa.Naging sobra sa ingay ang mga Daga habang nagpupulong. Ang ingay ay nauwi sa
katahimikan nang wala isa mang makaisip ng paraan kung paano maiiwasan ang Pusa. Sa pagkakataong
iyon, nagpakitang gilas ang mayabang na Daga. Tumindig ito at mayabang na nagsalita.

“May suhestiyon ako upang maiwasan nating lahat ang Pusa.” Umaatikabong bulungan ang
naganap.“Tumahimik kayo!” utos ng mayabang na Daga. “Maiiwasan lang natin ang ating kaaway kung
tatalian natin ito ng kuliling sa leeg. Kung may kukuliling, alam nating ang Pusa ay papalapit sa atin.” “Oo
nga. Kung maririnig natin ang kalansing ay makalalayo tayo sa kinatatakutan natin,” natutuwang sabat ng
Dagang Lalawigan. Kunwaring nakayuko ang mayabang na Daga. “Pe… pero… sino ang magtatali ng
kuliling?” tanong ng Matandang Daga. “Hindi ako!” gumagaralgal ang boses na sabi ng Dagang Lungsod.
“Tiyak na sasakmalin ako ng Pusa.”

“Lalo namang hindi ako,” nanginginig ang tuhod na sabi ng Dagang Bukid. “Palapit pa lamang ako ay
nangangalmot na ang nasabing Pusa. Tiyak na papatayin ako noon kapag nilapitan ko!”Sa katanungang
sino ang magkukulyar sa Pusa ay walang sinumang nangahas na sumagot at gumawa. Lahat ay nabingi sa
tawag ng kabayanihan. Pati na ang mayabang na Daga ay wala ring narinig na anuman.

Aral:

Balewala ang isang magandang mungkahi kung wala namang may gustong gumawa o tumulong sa
paggawa para makamit iyon.

Ang tao ay hindi nasusukat sa kahit ano pang ganda ng mga salitang sinabi nya kundi sa kanyang mga
gawa.
Ang Gorilya at ang Alitaptap

Isang gabi, naglalakad si Iput-Iput, (ang alitaptap) patungo sa bahay ng kanyang kaibigan. Nang
mapadaan siya sa tapat ng bahay ni Amomongo (ang gorilya), tinanong siya nito. “Hoy, Iput-Iput, bakit
lagi kang may dala-dalang ilaw?” Sumagot si Iput-Iput, “Dahil natatakot ako sa mga lamok.”

“Ah, duwag ka pala”, ang pang-uuyam ng gorilya. “Hindi ako duwag!” ang nagagalit na sagot ng alitaptap.
“Kung hindi ka duwag, e bakit lagi kang may dala-dalang ilaw?” ang pang-aasar ni Amomongo.
“Nagdadala ako ng ilaw para kapag nilapitan ako ng mga lamok at kakagatin ay makikita ko sila kaagad at
nang sa gayo’y maipagtanggol ko ang aking sarili”, ang tugon ni Iput-Iput.Tumawa nang malakas si
Amomongo. Kinabukasan, maaga itong gumising at ipinamalita sa lahat ng kapitbahay na kaya daw
laging may dalang ilaw si Iput-Iput ay dahil duwag ito. Kaagad na kumalat sa buong bayan ang balit.

Nang mabalitaan ito ng alitaptap, nagalit siya. Dali-dali siyang lumipad patungo sa bahay ni Amomongo.
Gabi noon at natutulog na ang gorilya, ngunit itinapat niya ang kanyang ilaw sa mukha nito hanggang sa
ito ay magising. “Hoy, gorilya, bakit ipinamamalita mong duwag ako? Upang mapatunayan ko sa’yong
hindi ako duwag, hinahamon kita sa isang labanan. Magkita tayo sa sa plasa sa susunod na Linggo ng
hapon.” Pupunga-pungas na nagtanong ang gorilya. “Mayroon ka bang mga kasama?”

“Wala!” ang sigaw ni Iput-Iput. “Pupunta akong mag-isa.” Nangiti si Amomongo sa tinuran ni Iput-Iput.
Dili’t isang maliit na insekto ang humahamon sa kanya ng away. Nagpatuloy ang alitaptap. “Hihintayin
kita sa plasa sa susunod na Linggo sa ganap na ikaanim ng hapon!” “Magsama ka ng mga kakampi mo
dahil magsasama ako ng libu-libong gorilya na mas malalaki pa sa akin.” Sinabi ito ni Amomongo upang
takutin ang alitaptap, na sa pakiwari niya ay nasisiraan ng ulo. Ngunit sumagot si Iput-Iput, “Hindi ko
kailangan ng kakampi. Darating akong mag-isa! Paalam!”Pagkaalis ng alitaptap, tinipon ng gorilya ang
kanyang mga kasamahan at ipinaalam sa mga ito ang nakatakdang pagtutuos. Inutusan niya ang mga ito
na kumuha ng tig-isang pamalo na may habang tatlong dangkal at pumunta sa plasa nang ika-anim ng
gabi sa susunod na Linggo. Ikinabigla ito ng kanyang mga kasamahan, ngunit nasanay na silang sundin
ang kanilang pinuno kaya ipinangako nilang pupunta sila sa itinakdang oras at lugar.

Dumating ang araw ng Linggo. Bago pa mag-ikaanim ng hapon ay nagtipon na ang mga dambuhalang
gorilya sa plasa ngunit nadatnan na nila ang alitaptap na naghihintay sa kanila. Maya- maya, tumunog
ang kampana ng simbahan bilang hudyat ng oras ng orasyon o pagdarasal. Iminungkahi ng alitaptap sa
mga gorilya na magdasal muna sila. Pagkatapos magdasal, agad sinabi ni Iput-Iput na nakahanda na siya.
Inutusan ni Amomongo ang kanyang mga kasama na humanay. Pumuwesto siya sa una bilang
pagpapakilalang siya ang pinuno ng mga ito.

Dagling lumipad si Iput-Iput sa ilong ng gorilya at inilawan niya ito. Hinampas ng kasunod na gorilya si
Iput-Iput ngunit kaagad itong nakaalis kaya ang tinamaan ng gorilya ay ang ilong ni Amomongo na halos
ikamatay nito. Dumapo si Iput-Iput sa ilong ng pangalawang gorilya. Hinampas ng pangatlong gorilya si
Iput-Iput ngunit kaagad itong nakalipad, kaya ang nahampas niya ay ang ilong ng pangalawa na
ikinamatay nito. Muli, inilawan ni Iput-Iput ang ilong ng pangatlong gorilya. Hinampas ng ikaapat na
gorilya si Iput-Iput na kaagad na kalipad. Muli, namatay ang pangatlong gorilya dahil sa lakas ng
pagkakahampas ng ikaapat na unggoy sa ilong nito. Nagpatuloy ang ganitong pangyayari hanggang si
Amomongo na lamang ang natirang buhay na gorilya na halos hindi makagulapay dahil sa tinamong
sakit. Nagmakaawa ito kay Iput-Iput na patawarin na siya, at huwag patayin. Pinatawad naman siya ni
Iput-Iput, ngunit simula ng hapong iyon, nagkaroon na ng malaking takot ang mga gorilya sa mga
alitaptap.

Aral:

Huwag mong husgahan ang iyong kapwa base sa kanyang laki o liit ng pangangatawan. Kadalasan kasi ay
may mas nagagawa ang mga maliliit na hindi kayang gawin ng malalaki.

Iwasan ang pagpapakalat ng maling balita upang siraan ang kapwa.


LUNA ROSE R. ANCHETA

BSTM 2A

Mga Pabula

Si Langgam at si Tipaklong

Maganda ang panahon. Mainit ang sikat ng araw. Maaga pa lamang ay gising na si Langgam. Nagluto siya
at kumain. Pagkatapos, lumakad na siya. Gaya nang dati, naghanap siya ng pagkain. Isang butil ng bigas
ang nakita niya. Pinasan niya ito at dinala sa kanyang bahay. Nakita siya ni Tipaklong.

“Magandang umaga, kaibigang Langgam”, bati ni Tipaklong. “Kaybigat ng iyong dala. Bakit ba wala ka
nang ginawa kundi maghanap at mag-ipon ng pagkain?” “Oo nga. Nag-iipon ako ng pagkain habang
maganda ang panahon”, sagot ni Langgam. “Tumulad ka sa akin, kaibigang Langgam”, wika ni Tipaklong.
“Habang maganda ang panahon tayo ay magsaya. Halika! Tayo ay lumukso, tayo ay kumanta.” “Ikaw na
lang, kaibigang Tipaklong”, sagot ni Langgam. “Gaya nang sinabi ko sa iyo, habang maganda ang
panahon, ako ay maghahanap ng pagkain. Ito’y aking iipunin para ako ay may makain pagsumama ang
panahon.”

Lumipas pa ang maraming araw. Dumating ang tag-ulan. Ulan sa umaga, ulan sa hapon at sa gabi ay
umuulan pa rin. At dumating ang panahong kumidlat, kumukulog at lumalakas ang hangin kasabay ang
pagbuhos ng malakas na ulan. Ginaw na ginaw at gutom na gutom ang kawawang Tipaklong. Naalaala
nilang puntahan ang kaibigang si Langgam. Paglipas ng bagyo, pinilit ni Tipaklong na marating ang bahay
ni Langgam. Bahagya na siyang makalukso. Wala na ang dating sigla ng masayahing si Tipaklong. Tok!
Tok! Tok! Bumukas ang pinto. “Aba! Ang aking kaibigan”, wika ni Langgam. “Tuloy ka. Halika at maupo.”
Binigyan ni Langgam ng tuyong damit si Tipaklong. Saka mabilis na naghanda siya ng pagkain. Ilan pang
sandali at magkasalong kumain ng mainit na pagkain ang magkaibigan.

“Salamat, kaibigang Langgam”, wika ni Tipaklong. “Ngayon ako naniwala sa iyo. Kailangan nga pa lang
mag-ipon habang maganda ang panahon at nang may makain pagdating ng taggutom.” Mula noon,
nagbago si Tipaklong. Pagdating ng tag-init at habang maganda ang panahon ay kasama na siya ng
kanyang kaibigang si Langgam. Natuto siyang gumawa at natuto siyang mag-impok.

Aral:

Ugaliing mag-impok upang kapag may pangangailangang dumating ay may madudukot.

Hindi masama ang magsaya paminsan-minsan. Ngunit palaging pakatandaan na hindi sa lahat ng
pagkakataon ay kailangan mo itong gawin. Magbanat ka ng buto at paghandaan ang hinaharap.

Maging masipag. Huwag tatamad-tamad. Mas mabuti sa tao ang nagtatatrabaho kaysa tumambay at
maging pasanin sa iba.

Si Kuneho at si Pagong

Isang araw ay nagkasalubong sa daan ang Kuneho at ang Pagong. Ngingisi-ngising inaglahi ng Kuneho ang
Pagong.
“Hoy, Pagong,” sigaw ng Kuneho, “pagkaikli-ikli ng mga paa mo at pagkabagal-bagal mong lumakad.”
Hindi ipinahalata ng Pagong na siya ay nagdamdam. Upang patunayang may maipagmamalaki din naman
ay sinagot niya ang mayabang na kalaban.“Aba, Kuneho, maaaring mabagal nga akong maglakad pero
nakasisiguro akong matatalo kita sa palakasan. Baka gusto mong pabilisan tayong makaakyat sa tuktok ng
bundok pagsikat ng araw bukas. Tinatanggap mo ba ang hamon ko?” Tuwang-tuwa ang Kuneho sa
hamon ng Pagong. Nakasisiguro siyang sa bagal ng Pagong ay tiyak na mananalo siya. Upang mapahiya
ang Pagong ay pinagtatawag ng Kuneho ang lahat ng kamag-anak niya.

Pinulong niya ang mga ito at inutusang palakpakan siya kapag matagumpay na naakyat na niya ang
tuktok ng bundok. Iniutos din niyang kantiyawan sa mabagal na pag-usad ang kalaban. Maagang-maaga
dumating sa paanan ng bundok ang maglalaban. Maaga ring dumating ang iba’t ibang hayop na tuwang-
tuwang makasasaksi ng isang tunggalian. Kapansin-pansing kung maraming kamag-anak si Pagong ay
higit na maraming kamag-anak ni Kuneho ang nagsulputan. Nang sumisikat na ang araw ay pinaghanda
na ng Alamid ang maglalaban. Ang mabilis na pagbababa ng kaniyang kanang kamay ang hudyat na
simula na ang laban.

Sabay na gumalaw paakyat ng bundok ang magkalaban. Mabilis na tumalun-talon ang mayabang na
Kuneho paitaas na parang hangin sa bilis. Nang marating na niya ang kalahatian ng bundok at lumingon
paibaba ay natanawan niya ang umiisud-isod na kalaban. Maraming naawa sa mabagal na Pagong. “Kaya
mo yan! Kaya mo yan!” pagpapalakas ng loob na sigaw ng kaniyang tatay, nanay, kuya, ate, at mga
pinsan. “Talo na yan! Talo na yan! Pagkabagal-bagal!” sigaw na panunudyo ng mga kamag-anak ni
Kuneho. Kahit kinukutya ay sumige pa rin si Pagong. Buong loob siyang nagpatuloy sa pag-isod.

Malayung-malayo na ang naakyat ni Kuneho. Nagpahinga ito ilang sandali upang tanawin ang anino ng
kalaban. Nang walang makitang anumang umuusad ay ngingisi-ngising sumandal ito sa isang puno at
umidlip. Kahit na sabihing napakabagal umusad ay pinagsikapan ng Pagong na ibigay ang lahat ng lakas
upang unti-unting makapanhik sa bundok. Nang matanawang himbing na himbing sa pagtulog ang
katunggali ay lalong nagsikap umisud-isod pataas ang pawisang Pagong.Palabas na ang araw nang
magising si Kuneho. Nanlaki ang mga mata nito nang matanawang isang dipa na lamang ang layo ng
Pagong sa tuktok ng bundok. Litong nagtatalon paitaas ang Kuneho upang unahan si Pagong. Huli na ang
lahat sapagkat narating na ng masikap na Pagong ang tuktok ng tagumpay.

Aral:

Walang imposible sa taong nagsusumikap.

Huwag maging mayabang. Tandaan, ang taong nagmamataas ay lalong bumababa at ang taong
nagpapakababa ay siyang tinataas

Huwag magpaka-kampante sa isang labanan o tunggalian. Huwag mong hamakin ang kakayahan ng
iyong kalaban.

Si Pagong at si Matsing

Sina Pagong at Matsing ay matalik na magkaibigan. Mabait at matulungin si Pagong, subalit si Matsing ay
tuso at palabiro. Isang araw sila ay binigyan ni Aling Muning ng isang supot ng pansit. “Halika Matsing,
kainin natin ang pansit”, nag-aayang sabi ni Pagong.
“Naku baka panis na yan” sabi ni Matsing. “Ang mabuti pa, hayaan mo muna akong kumain n’yan para
masiguro natin na walang lason ang pagkain,” dagdag pa nito. “Hindi naman amoy panis Matsing at saka
hindi naman magbibigay ng panis na pagkain si Aling Muning,” sabi ni Pagong. “Kahit na, ako muna ang
kakain,” pagmamatigas ni Matsing. Walang nagawa ang kawawang Pagong kundi pagbigyan ang makulit
na kaibigan. Naubos ni Matsing ang pansit at walang natira para kay Pagong.

“Pasensya ka na kaibigan, napasarap ang kain ko ng pansit kaya wala ng natira. Sa susunod ka na lang
kumain,” paliwanag ng tusong matsing. Dahil sa likas na mabait at pasensyoso si Pagong, hindi na siya
nakipagtalo sa kaibigan. Sa kanilang paglilibot sa kagubatan, nakakita si Pagong ng isang puno ng saging.
“Matsing! Matsing! tignan mo ang puno ng saging na ito. Maganda ang pagkakatubo. Gusto ko itong
itanim sa aking bakuran para pag nagkabunga ay makakain natin ito,” masayang sabi ni Pagong.

“Gusto ko rin ng saging na ‘yan Pagong, ibigay mo na lang sa akin,” sabi ni Matsing. “Pasensya ka na,
gusto ko rin kasi nito. Kung gusto mo hatiin na lang natin.” “Hahatiin? O sige pero sa akin ang itaas na
bahagi. Ung parte na may mga dahon ha?” nakangising sabi ni Matsing. “Ha? sa akin ang ibabang
bahagi?” tanong ni Pagong. “Oo, wala akong panahon para magpatubo pa ng dahon ng saging kaya sa
akin na lang ang itaas na parte,” sabi ni Matsing. Umuwing malungkot si Pagong dala ang kalahating
bahagi ng saging na may ugat. Samantalang si Matsing ay masayang umuwi dala ang madahon na bahagi
ng puno.

Inalagaan ni Pagong ang kanyang halaman. Araw-araw dinidiligan niya ito at nilalagyan ng pataba ang
lupa. Ganoon din ang ginawa ni Matsing. Subalit makalipas ang isang linggo, nalanta ang tanim na saging
ni Matsing. Si Pagong naman ay natuwa nang makita ang umuusbong na dahon sa puno ng saging. Lalo
nitong inalaagaan ang tanim hanggang sa mamunga ito nang hitik na hitik. Nainggit si Matsing nang
makita ang bunga ng saging sa halaman ni Pagong.

“Aba, nagkabunga ang tanim mo. Paano nangyari iyon? Ang aking tanim ay nalanta at natuyo,” sabi ni
Matsing. “Inalagaan ko kasi ito ng mabuti. Sabi ni Mang Islaw Kalabaw, malaki ang pag-asang tutubo ang
bahagi ng halaman na pinutol kung ito ay may ugat,” paliwanag ni Pagong. “Hmp! Kaya pala nalanta ang
aking tanim,” nanggigil na sambit ni Matsing. “Mukhang hinog na ang mga bunga nito. Halika, kunin
natin,” anyaya nito. “Gusto ko sana kaya lang masyadong mataas ang mga bunga. Hindi ko kayang
akyatin,” sabi ni Pagong. “Kung gusto mo, ako na lang ang aakyat, ibibigay ko sa iyo ang lahat ng mga
bunga. Basta’t bigyan mo lang ako ng konti para sa aking miryenda,” sabi ni Matsing. Pumayag si Pagong
sa alok ni Matsing. Subalit nang makarating na si Matsing sa taas ng puno. Kinain niya lahat ng bunga ng
puno. Wala itong itinira para kay Pagong.

“Akin na lahat ito Pagong. Gutom na gutom na ako. Kulang pa ito para sa akin. Hahaha!” tuwang-tuwang
sabi ni Matsing. Nanatili sa itaas ng puno si Matsing at nakatulog sa sobrang kabusugan. Galit na galit si
Pagong sa ginawa ni Matsing. Habang natutulog ito, naglagay siya ng mga tinik sa ilalim ng puno. Nang
magising si Matsing ay nakita niya ang mga tinik kaya’t humingi ito ng tulong kay Pagong. “Pagong,
tulungan mo ako! Alisin mo ang mga tinik na ito. Malapit ng dumilim at mukhang uulan ng malakas,”
pagmamakaawa ni Matsing. “Ayoko! Napakasalbahe mo. Lagi mo na lang akong iniisahan! Aalis muna
ako. Mukhang malakas ang ulan. Sa bahay ni Aling Muning muna ako habang umuulan.” Sabi ni Pagong
sabay alis papunta sa bahay ni Aling Muning. Makalipas ang ilang sandali, nagsimulang bumuhos ang
malakas na ulan. Walang nagawa si Matsing kundi bumaba sa puno ng saging.

“Arrrraayyy! Aaaarayy! natutusok ako sa mga tinik Arrrrrrrrruuyyyyyy!!!!” daing ng tusong matsing.
“Humanda ka bukas Pagong. Gaganti ako sa ginawa mo sa akin,” bulong nito sa sarili. Kinabukasan, kahit
mahapdi pa rin ang mga sugat ni Matsing ay hinanap niya si Pagong. Nakita niya itong naglalakad sa may
kakahuyan. “Hoy Pagong humanda ka ngayon!” galit na sabi ni Matsing sabay huli sa pagong. “Anong
gagawin mo sa akin?” takot na tanong ni Pagong

“Tatadtarin kita ng pinong pino,” sabi ni Matsing. Nag-isip ng paraan si Pagong para maisahan ang tusong
matsing. “Oo sige tadtarin mo ako ng pinong-pino at pagputul-putullin nang sa gayon ako ay dadami at
susugurin ka namin ng mga parte ng katawan kong pinutol mo hahaha,” sabi ni Pagong. Nag-isip ng
malalin si Matsing.n“Haha, susunugin na lang kita hanggang sa maging abo ka,” sabi ni Matsing.n“Hindi
ka ba nag-iisip Matsing? Hindi kami tinatablan ng apoy! Nakikita mo ba ang makapal at matibay kong
bahay? Kahit ang pinakamatinding apoy ay walang panama dito,” pagyayabang ni Pagong. Nag-isip na
naman ng malalim si Matsing. Hanggang sa maisipan niyang pumunta sa dalampasigan.

“Tignan natin kung saan ang tapang mo. Itatapon kita dito sa dalampasigan hanggang sa malunod ka!
Hahaha!” sabi ni Matsing Lihim na natuwa si Pagong. Nagpanggap itong takot sa dalampasigan.n“Naku
huwag mo akong itatapon sa dalampasigan. Takot ako sa tubig at hindi ako marunong lumangoy. Parang
awa mo na…” pagmamakaawa ni Pagong. Tuwang-tuwa si Matsing sa pag-aakalang magagantihan na
niya si Pagong. Todo lakas niya itong itinapon sa dalampasigan. Nagulat ito nang makitang marunong
lumangoy si Pagong. Ang bilis-bilis ng pagkilos ni Pagong sa tubig. Kung mabagal ito sa lupa ay parang
ang gaan ng katawan nito sa tubig.

“Hahaha. Naisahan din kita Matsing. Hindi mo ba alam na gustong-gusto ko ang lumagoy sa
dalampasigan at magbabad sa tubig? Salamat kaibigan!!!” natutuwang sabi ni Pagong. Malungkot na
umuwi si Matsing. Naisip niya na napakasakit pala na maisahan ng isang kaibigan. Naramdaman niya
kung paano masaktan kapag naloloko ng isang kaibigan. Mula noon nagbago na si Matsing. Hindi na sila
muling nagkita ni Pagong.

Aral:

Hindi porke’t mukhang mahina ang isang tao ay maari mo na itong isahan. Darating ang araw na ang
masamang ginawa mo sa iba ay pagbabayaran mo rin.

Huwag maging tuso.

Iwasan ang pagiging madamot.

Ang pagkakaibigan ay higit na mahalaga kaysa ibang bagay. Kaya pahalagahan sila dahil mahirap
makahanap ng isang tunay na kaibigan.

Ang Daga at ang Leon

Isang daga ang nakatuwaang maglaro sa ibabaw ng isang natutulog na leon. Kanyang inaakyat ang
likuran ng leon at pagdating sa itaas ay nagpapadausdos siya paibaba.Sa katuwaan ay di niya napansin na
nagising ang leon. Dinakma ng leon ang daga at hinawakan sa buntot na wari bagang balak siyang isubo
at kainin. Natakot at nagmakaawa ang daga.

“Ipagpaumanhin mo kaibigan. Hindi ko sinasadyang gambalain ka sa pagtulog mo. Wala akong


masamang hangarin. Nakatuwaan ko lang na maglaro sa iyong likuran. Huwag mo akong kainin,” ang sabi
ng daga. Nabakas ng leon sa mukha ng daga ang tunay na pagmamakaawa.“Sige, pakakawalan kita pero
sa susunod ay huwag mong gambalain ang pagtulog ko,” sabi ng leon. “Salamat kaibigan. Balang araw ay
makagaganti rin ako sa kabutihan mo,” sagot ng daga. Lumipas ang maraming araw at minsan sa
pamamasyal ng daga sa kagubatan ay kanyang napansin ang isang lambat na nakabitin sa puno. Lumapit
siya upang mag-usisa at agad niyang nakilala ang leon na nahuli sa loob ng lambat na ginawang bitag ng
nangagaso sa kagubatan.

Dali-daling inakyat ng daga ang puno at nginatngat ang lubid na nakatali sa lambat. Agad namang
naputol ang lubid at bumagsak ang lambat kasama ang leon sa loob. Mabilis na bumaba ang daga at
tinulungan ang leon na nakawala sa lambat. “Utang ko sa iyo ang aking buhay,” laking pasasalamat na
sabi ng leon sa kaibigang daga.

Aral:

Ang paghingi ng paumanhin ay hindi nakakapag-pababa sa dangal ng isang tao.

Huwag maliitin ang kakayahan ng iba. Maliit man ang iyong kapwa ay may kakayahan pa rin itong
makatulong sa paraang hindi madalas inaasahan ng iba.

Si Paruparo at si Langgam

Takang-taka si Paruparo habang minamasdan niya si Langgam na pabalik-balik sa paghahakot ng pagkain


sa kanyang lungga sa ilalim ng puno.

“Ano ba iyang ginagawa mo, kaibigang Langgam? Mukhang pagod na pagod ka ay di ka man lang
magpahinga?” tanong ni Paruparo. “Bakit di ka magsaya na tulad ko?” n“Naku, mahirap na,” aniya.
“Malapit na ang tag-ulan. Iba na ang may naipon na pagkain bago dumating ang tag-ulan.” “Kalokohan
iyan. Tingnan mo ako. Hindi natitigatig,” pagmamalaki ni Paruparo. “Bakit nga ba?” Nagtataka si
Langgam. “Ganito iyon, e. Nakikita mo ba ang kaibigan ko sa damuhan?” inginuso niya ang nasa di
kalayuan. “Sino?’ tanong ni Langgam.

“Si Tipaklong, kaibigan ko iyan, Alam mo, matapang ang kaibigan ko. Nabibigyan niya ako ng proteksyon.
Baka akala mo, dahil sa kanya walang sigwang darating sa akin,” pagyayabang ni Paruparo. “A, ganoon
ba?” sabi ni Langgam. “Utak lang, utol. O, di pakanta-kanta lang ako ngayon dito. Ikaw lang e,” sabi ni
Paruparo. “Wala akong inaasahan kundi ang aking sarili. Kaya kayod dito, kayod doon,” mababa subalit
madiin ang tinig ni Langgam. “O, sige, ipagpapatuloy ko muna ang aking gawain.” Pagkatapos ng usapang
iyon nagkahiwalay ang dalawa. Ang mga sumusunod na araw ay maulan. Hindi lamang mahabang tag-
ulan. May kasama pang bagyo at baha. Mahirap lumabas at kung makalabas man wala ring matagpuang
pagkain.

Lalong umapaw ang tubig. Walang madaanan ang tubig dahil malalim din ang mga ilog at dagat. Tumagal
ang baha. Palubha nang palubha ang kalagayan dahil malakas pa rin ang pagbuhos ng ulan. Ano kaya ang
nangyari kay Langgam? Naroon siya sa guwang ng puno. Namamahinga. Sagana siya sa pagkain. Naisipan
ni Langgam ang dumungaw upang alamin ang kalagayan ng paligid. Aba, ano ba ang kanyang nakita?
Nakita niya si Paruparo at Tipaklong na nakalutang sa tubig. Patay ang dalawa. Mayamaya’y dalawang
mabilis na ibon ang mabilis na dumagit sa kanila. Napaurong sa takot si Langgam sa kanyang nakita.
Subalit nasabi pa rin niya sa kanyang sarili: “Kung sino ang may tiyaga, siya ang magtatamong pala.”

Aral:

Wag gugulin sa paglilibang lamang ang magandang panahon. Isipin ang bukas na darating at paghandaan
ang mga maaring mangyari.
Matutong mag-impok upang sa oras ng kagipitan ay may madudukot.

ALIBATA

You might also like