You are on page 1of 7

Alamat ng Bayabas

Noong unang panahon, may isang bayan na pinamumunuan ng isang sakim at mapagmataas na hari. Si
Haring Barabas ay kinatatakutan ng kanyang mga sinasakupan ngunit palihim din nila itong
kinamumuhian. Walang ibang alam gawin ang hari kundi ang mag-utos at pagalitan ang kanyang mga
alipin. Ang mga utos pa man din nito ay imposibleng gawin at hindi makatwiran. Ang hari ay mahilig
kumain, matulog at mag-aksaya ng kayamanan niya.

Nagkaroon ng matinding taghirap sa kanyang kaharian. Hindi maganda ang naging ani ng mga
magsasaka at naging mahina ang benta ng mga mangangalakal. Ang lahat sa kaharian ay inutusang
magtipid upang maka-alpas sa taghirap na kanilang nararanasan.

Lahat nga ng tao ay gumawa ng kanya-kanyang paraan upang makatipid maliban sa isang tao. Ang
mismong hari na si Barabas ay hindi sumusunod sa kanyang utos. Walang itong pakialam na naghihirap
ang mga taong kanyang nasasakupan. Patuloy siya sa paglustay ng kanyang kayamanan sa mga walang
kwentang mga bagay.

Habang ang lahat ng tao ay nagtitipid at minsan lang sa isang araw kung kumain, ang hari ay parang
piyesta kung magpaluto sa kanyang mga alipin. Iba’t ibang putahe ng iba’t ibang mahal na klase ng
pagkain ang kanyang ipinapahanda. At ang masaklap pa dun ay siya lamang ang kakain ng mga pinaluto
niya. Maski sobra ang mga pagkain ay hindi niya niyayaya ang kanyang mga kasambahay o ang mga
taombayan na saluhan siyang kumain. Ang mga hindi niya maubos ay hinahayaan lang niya hanggang sa
tuluyan na itong masira at hindi na puwedeng makain.

Isang araw habang nagpipiyesta ang hari sa harapan ng kanyang palasyo ay may lumapit na isang
matandang pulubi. Humingi ng limos ang pulubi maski pagkain na lamang pantawid sa kanyang gutom
ngunit hindi pinansin ng hari ang matanda. Sa halip, pinagtabuyan pa niya ito. Nawawalan daw siya ng
ganang kumain dahil sa mabahong amoy ng pulubi.

Nagalit ang pulubi at sinabi sa hari na dahil sa kasakiman nito ay bibigyan niya ito ng isang leksiyong
hindi niya makakalimutan. Hindi pa natatapos magsalita ang matanda ay biglang kumulog at kumidlat.
Ang hari ay unti-unting nagbago ng anyo. Nagsisigaw itong humihingi ng tawad sa matanda ngunit huli
na ang lahat. Biglang naglaho ang matanda habang ang hari ay naging isang ganap na halaman.

Nakita ng taombayan ang lahat ng pangyayari at ng lapitan ang halaman ay may nakita silang bunga nito.
Ito ay bilugan at may koronang nakapatong. Ito na nga ang kanilang hari na si Barabas na dahil sa
kasakiman ay naging isang halaman.

Mula noon tinawag nila ang halaman na bayabas mula sa pangalan ni Haring Barabas.

https://www.wikakids.com/filipino/alamat/alamat-ng-bayabas/
Ang Duwende
Isang Kuwentong-Bayan mula sa Bikol

Malalim na ang gabi at abalang-abala pa sa pananahi ang dalawang magkapatid na babae.


Tinatahi nila ang mga kamisa at saya nila, na isusuot nila para sa isang misa kinaumagahan.
Ibinilin ng kanilang ina na siguruhing nakasara ang pinto at mga bintana ng kanilang bahay,
kundi ay papasok ang duwende, na bumibisita sa kanila tuwing hatinggabi. Upang malaman
ng kaniyang mga anak kung ano ang duwende, ikinuwento niya ito:

“Katulad lang ng mga ordinaryong tao ang mga duwende. Tuso silang mga nilalang, ngunit
matulungin din. Ilan sa mga kapilyuhang ginagawa nila ay ang pagsira sa mga muwebles at
mga larawan, pagbasag sa mga salamin, baso, plato, at tasa. Kung hindi sila makahanap
ng mga bagay na sisirain o babasagin, kinukurot nila ang mga pisngi, braso, at katawan ng
mga tulog na babae, upang maging mabigat ang pakiramdam nila pagkagising. Kung hindi
kinaasaran ng mga duwende ang mga nakatira sa bahay na madalas nilang bisitahin, nagpapakita sila ng
kabaitan sa mga ito. Sinasabing dinadalhan nila ang mga kaibigan nila ng mga
masasarap na pagkain at ipinagtatanggol sila mula sa mga masasamang nilalang.
Maraming tao tuloy ang sabik ngunit balisang makakilala ng duwende. Itinuturing nila ang mga nilalang
na nagtataglay ng kakaibang karunungan dahil sinasabing alam na alam nila ang mga lihim at ikinikilos
ng mga tao. Ngunit kung sakaling ang mga naging kaibigan ng duwende ay
biglang nagsabi ng anumang masama o nagbalak ng masama sa kanila, kahit pa hindi sila
marinig ng mga duwende, ay parurusahan sila at hindi na muling babalikan.
“Ang duwendeng binabanggit ko rito ay madalas sa bahay namin habang ang nanay ko, o ang
lola ninyo, ay buhay pa. Parati niyang sinasabi sa aming isara ang pinto at mga bintana bago
kami matulog. Isang gabi, nang nagtatahi rin kami ng kapatid ko ng kamisa at saya, nakalimutan naming
isara ang mga bintana at pinto. Ilang segundo bago maghatinggabi, naroon ang isang maliit na nilalang
na nakatayo sa aming pinto. Maliit siya, kasinliit lamang ng isang dalawang taong gulang na bata; pula
ang kaniyang mukha; mayroon siyang mahabang bigote at maputing kulot na buhok. Maigsi ang mga
braso niyang balingkinitan, ngunit malaki ang mga kamay niya–malaki para sa kaniyang braso.”Nang
marinig ng mga dalaga ang kuwento ng kanilang ina, natakot sila. Nang maghatinggabi, narinig nila ang
mga tunog: takla, takla, takla. Gawa ito ng duwende. Takot na takot ang dalawa. Lumingon ang
panganay, at nakita niya ang duwende na pumapasok sa pinto.
At katulad ng inaasahan, tumakbo at tumalon siya papasok ng bahay, papunta sa mga dalaga.
Dahil doon, nasipa niya ang isang gasera, na nagpaliyab sa mga kamisa at saya.
Mula noon, naging maingat na ang magkapatid at ang buong bayan ng Legaspi sa duwende.
Isinasara na nila ang kanilang mga pinto at mga bintana bago sila matulog sa gabi.

http://www.thephilippineliterature.com/ang-duwende/
Alamat ng Bulkang Mayon - First Version

Noong unang panahon, sa kaharian ng Albay ay may isang makapangyarihang Rajah. Siya ay may anak
na kaakit-akit na ang palayaw sa kanya ng mga tao sa Daragang Magayon na ang kahuluga'y
"Magandang Dalaga."

Maraming naakit sa kanyang taglay na kagandahan kaya di mabilang na mga datu at mga ginoong tanyag
ang nag-alay sa kanya ng pagmamahal. Ang isa sa mga nanligaw ay si Kauen, anak ng mayamang Rajah
sa kanugnog na kaharian. Naghandog ng mahalagang hiyas at ginto ang binata subalit tumanggi sa
regalo ang dalaga. Si Kanuen ay nabigo subalit nagyabang pa na ang dalaga ay magiging kanya pagdating
ng araw.

Mula sa malayong Katagalugan narinig ni Gat Malaya ang nabalitang kagandahan ni Daragang Magayon.
Marami siyang mga pagkakataong makaniig ang paraluman subalit nagkaroon ng mga sagabal. Minsan,
malapi sa munting ilog, nakita ang dalagang namumupol ng bulaklak. Kinamaya-maya'y ang binibini'y
nagtampisaw sa batis. Ang binata'y nagparinig ng himig ng masayang awit upang matawag ang kanyang
pansin. Nagkatitigan sila at ang binata'y nginitian.

Nabuhayan ng loob ang prinsipeng Tagalog at ito'y nagsalita, "Magandang Mutya, mula ako sa malayo
upang ikaw ay sadyain at Makita ang tangi mong kariktan!"

"Sino ka? Hindi kita kilala! Isa kang pangahas!"

"Ako'y si Gat Malaya, galing sa kahariang malapit ditto. Bigyan mo ako ng isang bulaklak at ako'y
masisiyahan na!"

Bantulot na ihinagis ng dalaga ang bulaklak. Dumapo sa mga palad ng binata at ito'y kagyat na idinampi
sa kaliwang dibdib.

"Maaari bang kita'y makitang muli?"

At nagsimula ang maraming tipanan ng dalawa sa makasaysayang batis.

"Isang araw," mungkahi ng lalaki, "kita'y iniibig. Tayo'y pakasal!"

"Ngunit ang Rajah? Ang aking ama?" may alinlangang paliwanag. "Dapat niyang malaman!"

"Huwag kang mag-alala! Hihingin ko ang kamay mo sa kanya!"

Pumayag ang Rajah. Ang batang prinsipe ay kanyang nagustuhan pagkat magalang at nakakahalina kung
kumilos. Itinakda ng Rajah ang kasal sa pagbibilog ng buwan, matapos ang anihan.

Nagpaalam si Gat Malaya upang ipabatid sa kanyang mga magulang ang itinakdang kasalan. Kakaunin
niya ang ama't ina at silang tatlo ay babalik sa Albay.

Nabalitaan ni Kauen (nabigong manliligaw) ang napabalitang pag-iisang-dibdib. Kanyang sinamantala


ang pagkakataong wala si Gat Malaya. Pinuntahan niya si Daragang Magayon.

Matigas ang pagtanggi ng dalaga sa kabila ng mga pagbabala: "Kung hindi kita makamtan, walang
magkakamit sa iyo sinuman!"

Ang prinsesa ay natakot dahil sa pagbabala sa buhay niya at sa kanyang ama. Siya'y sumagot, "Ako'y
magiging iyo kung si Gat Malaya ay hindi bumalik!"

Nagtumulin ang mga araw at mga lingo. Malapit na ang tag-ani ngunit wala pa si Malaya. Hindi pa siya
nagbabalik. Gabi-gabi ang dalaga'y nakaupo sa duruwangawan at naghihintay.

Nang dumating ang kabilugan ng buwan napilitan nang pakasal si Daraga kay Kauen. Nagkaroon ng
maringal na handaan - kainan at sayawan.

Sa gitna ng kasayahandumating si Gat Malaya kasama ang mga magulang.

"Ako'y naparito upang angkinin ang aking nobya!" sabi ni Malaya.

"Hindi maaari!" tugon ni Kauen.

Nagkaroon ng sukatan ng lakas. Magugunita na si Malay ay subok sa espada subalit si Kauen naman ay
malansi at mapaglalang.

Nang ihahagis ni Kauen ang kanyang sibat, si Daragang Magayon ay tumakbo upang pumagitna at
sawayin ang dalaga. Sa kasamaang-palad, ang sibat ay tumama sa dibdib ng dalaga. Niyakap ni Malaya
ito ngunit pataksil na sinibat ng katunggali. Kapwa nalagutan ng hininga ang magsing-ibig.

Nagluksa ang Rajah at ang buong palasyo. Ipinag-utos niya na ang dalawa'y ilagak na magkasama sa
isang hukay.

Lumipas ang mga araw. Himala ng mga himala. Ang lupa sa puntod ng libing ay tumaas hanggang sa itoy
maging bundok. Napakaganda at perpekto ang hugis. Tinawag itong Bundok ng Mayon, bilang alaala kay
Daragang Magayon.

Pinoy Edition © 2019 - All rights reserved.

Source: https://www.pinoyedition.com/mga-alamat/alamat-ng-bulkang-mayon-1st-version/
Bakit May Pulang Palong Ang Mga Tandang

Nakapagtataka kung bakit may pulang palong ang mga tandang. Kapansin-pansin din na
kapag pulang-pula ang palong ng tandang ay magilas na magilas ito. Para bang binata na
nagpapaibig sa mga dalaga.

Ayon sa kuwento, may mag-ama raw napadpad ng bagyo sa isang baryo sa pulo ng Masbate.
Ang ama ay nakilala ng mga tao sa nayon dahil sa kawili-wiling mga palabas nito na mga
salamangka o mahika. Tinawag nilang Iskong Salamangkero ang kanilang bagong kanayon.
Bukod sa pagiging magalang, masipag, mapagkumbaba ay mabuting makisama sa mga taga
nayon si Iskong Salamangkero. Madali siyang nakapaghanap ng masasakang lupa na siyang
pinagmulan ng kanilang ikinabubuhay na mag-ama.

Kung anong buti ng ama ay siya namang kabaliktaran ng anak nitong si Pedrito. Siya ay
tamad at palabihis. Ibig ni Pedrito na matawag pansin ang atensyon ng mga dalagita. Lagi
na lamang siyang nasa harap ng salamin at nag-aayos ng katawan. Ang paglilinis ng bahay
at pagluluto ng pagkain na siya lamang takdang gawain ni Pedrito ay hindi pa rin niya
pinagkakaabalahan ang pag-aayos ng sarili. Kapag siya ay pinagsasabihan at
pinangangaralan ng ama ay nagagalit siya at sinagot-sagot niya ito.

Isang tanghali, dumating sa bahay si Iskong Salamangkero mula sa sinasakang bukid na


pagod na pagod at gutom na gutom. Dinatnan niya na wala pang sinaing at lutong ulam si
Pedrito. Tinawag niya ang anak ngunit walang sumasagot kaya pinuntahan niya ito sa silid.
Nakita niya sa harap ng salamin ang anak na hawak ang pulang-pulang suklay at
nagsusuklay ng buhok.

Pedrito, magsaing ka na nga at magluto ng ulam. Gutom na gutom na ako, anak, wika ni
Iskong Salamangkero.

Padabog na hinarap ni Pedrito ang ama at kanyang sinagot ito.

Kung kayo ay nagugutom, kayo na lamang ang magluto. ako ay hindi pa nagugutom. At
nagpatuloy ng pagsusuklay si Pedrito ng kanyang buhok.

Nagsiklab ang galit na si Iskong Salamangkero sa anak. Sinugod niya si Pedrito at kinuha
ang pulang suklay. Inihampas niya ito sa ulo ng anak at malakas niyang sinabi Mabuti pang
wala na akong anak kung tulad mong tamad at lapastangan. Sapagkat lagi la na lamang
nagsusuklay ang pulang suklay na ito ay mananatili sana iyan sa tuktok ng iyong ulo. At
idiniin ni Isakong Salamangkero ang pulang suklay sa ulo ni Pedrito.

Dahil sa kapangyarihang taglay ni Isko bilang magaling na salamangkero, biglang naging


tandang ang anak na tamad at lapastangan. At ang suklay sa ulo ni Pedrito ay naging pulang
palong. Hanggang sa ngayon ay makikita pa natin ang mapupulang palong sa ulo ng mga
tandang.
http://misterhomework.blogspot.com/2013/06/mga-halimbawa-ng-kwentong-bayan.html

You might also like