You are on page 1of 2

Alamat ng Bulkang Taal

Nahulog sa dagat ang gintong singsing ni Prinsesa Taalita kaya’t nag-utos ang amang si
Datu Balindo sa mga kawal na hanapin ito. Isang linggong nilangoy ng mga matipuno at matapat
na alagad ng barangay ang lawa ng Bunbon ngunit wala isa man sa kanilang makakita sa
singsing.

Hindi pa rin nagtugot ang datu dahil ang singsing daw ay napakahalaga hindi lamang
dahil ginto ito kundi dahil makasaysayan ito sa buhay niya. “Iyang singsing na iyan ay
nagpasalin-salin sa kamay ng aking mga ninuno na pawang mga raha at lakan. Iyan pati ang
piping saksi nang pagbuklurin ang puso naming mag-asawa.”

“Patawarin ninyo ako, mahal kong ama,” luhaang sabi ni Taalita. “Alam ko po ang
kahalagahan niyan. Minamahal ko ang singsing nang higit sa buhay tulad ng pagmamahal ko sa
nasira kong ina, subalit…”

“Huwag kang lumuha, anak,” sabi ng ama. “Hayaan mo’t makikita pa rin iyan.”

Sa mga naghahanap ng singsing, isang binata ang di naglulubay sa pagsisikap na makita


ito. Hiningi niya ang tulong ng langit at di nga nagtagal ay nakita ang hinahanap. Nalunok pala
ito ng isang malaking isda.

Ibinalik niya ito sa prinsesa at sa laki ng utang na loob ng mag-ama naging malapit sa
kanila ang binata. Hindi naglaon at naging magkasintahan si Taalita at Mulawin. Pumayag
naman ang ama sa pag-iisang-dibdib nila dahil alam niyang mabait, matapat at mapag-
kakatiwalaan ang lalaki.

Masaya ang buhay ng mag-asawa, at nang matanda na ang raha, si Mulawin na ang
namahala sa barangay. Madalas na ang ginagawa nilang pasyalan ay ang lawa. Namamangka
ang mag-asawa at natutuwang minamasdan ang mga isda at ibang nabubuhay sa dagat .

Isang araw, sa pamamangka nila, natanawan ni Taalita ang isang di-karaniwang bulaklak
na nakalutang sa tubig. “Kay ganda ng bulaklak na iyon. Kukunin ko,” at bago napigilan ng
asawa ay nakatalon agad sa tubig. Hinintay ni Mulawin na lumitaw ang asawa ngunit hindi ito
pumapaibabaw. Dagling tumalon din ang lalaki para saklolohan ang asawa, ngunit pati siya ay
nawalang parang bula.
Laking pagluluksa ng buong barangay sa nangyari sa kanilang mahal na Raha Mulawin at
Prinsesa Taalita. Hindi naglaon, may lumitaw sa gitna ng lawa sa kinalinuran ng magsing-irog
na isang pulo.

Iyan ang Bulkan ng Taal, ngalang ibinigay ng amang datu para laging ipagunita ang
nawalang mga anak.

Ayon sa mga mangingisda, madalas daw nilang marinig kapag napapalapit sila sa bulkan
ang masayang awit ng mag-asawang Mulawin at Taalita, na kahit sa kabilang-buhay ay masaya
at nagmamahalan.

You might also like