You are on page 1of 10

I.

PANIMULA

Sa panahon ngayon, hindi maitatangging tunay na laganap na ang paninigarilyo sa Pilipinas. Kung inyong
mapapansin, tila bawat sulok ng ating bansa ay pinupugaran ng mga nagbebenta at gumagamit ng
sigarilyo Mapaartista man o propesyunal, drayber o kahit ang mismong mga doktor at nars sa mga
ospital ay kabilang sa populasyong ito. Kahit na ang mga mahihirap o tambay na ginagapang na lamang
ang kanilang pang-araw araw na kakainin ay maaaring malakas ding manigarilyo. Dahil dito, hindi na
nakapagtataka pa kung tutularan ng kabataan ang ganitong gawain.

Ang paninigarilyo ng kabataan ay maituturing na isa sa mga nangungunang isyung patuloy na


pinagtatalunan at sinusubukang maibsan. Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga kabataang nalululong sa
bisyong ito. Dagdag pa rito ang kaalamang dumarami at tila pabata pa nang pabata ang mga sumusubok
manigarilyo. Patuloy ang ganitong paglaganap kahit na marami ng mga solusyon at batas ang
isinasagawa at isinasakatuparan upang labanan o di kaya naman ay mabawasan ang paglaganap ng
gawaing ito.

Ang pananaliksik na ito ay nagbibigay atensyon sa mga karanasan ng mga batang Pilipinong
naninigarilyo. Kabilang na rito ang kanilang mga dahilan at pananaw ukol sa paninigarilyo pati na rin ang
pagbabagong naidulot nito sa kanilang pamumuhay. Nakapaloob din dito ang ilang mga suhestyon sa
pagtigil o pagbabawas ng paninigarilyo.

II. PAGLALAHAD
A. Kalagayan ng Paninigarilyo ng Kabataan sa Pilipinas

Laganap na sa ating lipunan ngayon ang mga batang naninigarilyo. Nakalahad dito ang ilang istadistika at
impormasyon tungkol sa mga batang naninigarilyo sa Pilipinas:

 20% ng kabataang Pilipino ay nagsisimulang manigarilyo sa edad na 10 pababa. (Miguel-


Baquilod, M., NEC, 2001)
 Isa sa tatlo o 27% ng kabataang Pilipino ay naninigarilyo. (Global Youth Tobacco Survey ng World
Health Organization at Center for Disease Control and Prevention, 2007)
 Halos 40% ng mga batang lalaki ay naninigarilyo. (WHO, 2002)
 Apat sa sampung estudyante na may edad na 13-15 ay nakapanigarilyo na. (CDC-MMWR, 2003)
 Isa sa walong estudyante na may edad na 13-15 ay nagsimulang manigarilyo bago ang edad na
10. (CDC-MMWR, 2003)
 May mas malaking posibilidad na manigarilyo ang mga batang lalaki kaysa sa mga babae. (CDC-
MMWR, 2003)
 Ang mga batang may magulang na naninigarilyo ay may mataas na posibilidad na manigarilyo rin
pagtanda. (FCAP)
 62% ng mga batang Pilipino ay pinagbebentahan ng sigarilyo sa mga tindahan. (CDC-MMWR,
2005)
 Ang mga bata na malapit sa kanilang mga magulang ay may mas mababang posibilidad na
manigarilyo. (Teen Tobacco Epidemic in Asia, 2004)

Sa mga susunod na bahagi ng pag-aaral na ito ay ipapakita ang ilang mga dahilan kung bakit mahirap
tanggalin sa ating lipunan ang bisyong ito.

B. Mga Salik at Dahilan ng Paninigarilyo ng Kabataang Pilipino

Sa bawat batang naninigarilyo ay mayroong kwento sa likod nito. Pare-pareho man silang nag- umpisang
manigarilyo sa murang edad, iba-iba pa rin ang kani-kanilang mga dahilan. Ilan sa mga dahilan o salik na
nakaaapekto sa kanilang desisyong manigarilyo ay ang mga sumusunod: Estado o kalagayan sa buhay,
paninigarilyo ng magulang, kapatid, at iba pang kamag-anak, kakulangan ng patnubay ng magulang sa
paglaki, peer pressure, kahinaan ng loob sa pagharap sa mga problema, pampalipas oras (relaxation or
to relieve stress) at ang availability at murang presyo ng sigarilyo. (J. S. Ahluwalia, K. Resnicow, at W. S.
Clark. 1998)

Hindi nililimita sa mga nakalista sa itaas ang mga maaring dahilan o salik sa paninigarilyo ng kabataan,
sapagkat ang desisyong manigarilyo ay sadyang sabdyektibo.

C. Mga Nilalaman ng Sigarilyo na Nakaaapekto sa Kalusugan ng Gumagamit

Ang isang sigarilyo ay binubuo ng iba't ibang kemikal na ginagamit sa pang araw araw na buhay sa
pormang insecticide (Nicotine), ginagamit sa lason (Arsenic) hanggang sa mga kilalang kemikal na
nakapagsisimula ng kanser. Ang mga sumusunod ay ang mga pangunahing nakasisira sa kalusugan ng
sino mang naninigarilyo:

 · Nicotine

Ito ay isang insecticide at herbicide na nakalalason sa nervous system ng isang tao. Ito ang pangunahing
nakadudulot ng adiksyon sa naninigarilyo. Pinaparalisa nito ang mga muscles of respiration o paghinga
kapag ito ay kinonsumo nang higit sa kaya ng ating katawan. Ang taong makalalanghap ng nicotine ay
makakaramdam ng pagkairita, pagkagutom at pagbaba ng konsentrasyon.

Ang nicotine na may mahinang konsentrasyon ay isang stimulant na nakapagpapahusay ng kaisipan,


konsentrasyon at memorya ng isang tao (helpwithsmoking.com). Ito ay isang droga na nakapagpapataas
ng bahagdan ng dami ng Dopamine, isang neurotransmitter na may kaugnayan sa sensation ng sarap at
saya, sa ating katawan. Ito ang dahilan kung kaya nakadarama ng sensation ng pagka-relax ang mga
gumagamit nito.

Ang nicotine din ay nakakapagpahina ng gana kumain kaya naman ang mga kababaihan na gumagamit
nito ay nahihirapan tumigil sapagkat sila'y nangangamba na bigla silang tataba sa paghinto nila nito.
Kahit na kaunting nicotine lang ang pumapasok sa loob ng katawan, may kakayahan pa rin ito na gawing
nicotine dependent ang sinumang gumamit kaya naman napakahirap para sa kanila ang huminto sa
paninigarilyo. Ang mga taong naadik dito ay nakararanas ng mga tinatawag na withdrawal symptoms
tulad ng pagkahilo, pagkagalit, at lubos na kalungkutan sa tuwing sinusubukan nilang ihinto ito.

 Tar

Ito ay isa sa mga nagdudulot ng kanser sa mga naninigarilyo. 95% ng insidente ng lung cancer ay nag-
uugat sa pagkalanghap ng tar. Kapag sumobra ang exposure sa kemikal na ito, naninigarilyo man o hindi
ay magkakaroon ng malaking posibilidad na magkaroon ng kanser sa baga.

 Carbon Monoxide

Pinapalitan nito ang oxygen sa katawan na makasasama sa kalusugan ng tao; mauubusan ang supply ng
oxygen sa buong katawan na magdudulot ng pagkahina ng mga ugat at tissue na kapag hindi nabigyan
ng sapat na hangin ay mamamatay hanggang ang indibidwal ay mamamatay rin. Ito rin ay nagdudulot ng
pagsikip ng mga daluyan ng dugo na dahilan ng mga komplikasyon sa puso.

Karamihan sa mga kemikal ng sigarilyo ay tinatawag na irritants. Sinisira nito ang mga sinasabing cilia o
filter ng ating respiratory system hanggang sa puntong hindi na maaaring linisin ang anumang hangin na
pumapasok dito. Dahil dito, makararanas ang gumagamit ng matinding pag-ubo, kahirapan sa paghinga,
hanggang sa pagkasira ng baga. Sinasabing umaabot sa 4000 ang mga irritants sa isang sigarilyo at lahat
ng iyon ay nalalanghap, hindi lamang ng gumagamit kundi pati na rin ang mga tao sa kanyang paligid.

D. Mga Epekto ng Paninigarilyo

Alam nating maraming masasamang epekto ang paninigarilyo sa ating populasyon. Ngunit, bakit nga ba
patuloy pa rin ang paglaganap nito hanggang sa kasalukuyan? Isa sa pinakamahalagang dahilan ay ang
tinatatawag na peer pressure kung saan naiimpluwensyahang manigarilyo ang isang bata ng kanyang
mga kaibigan dahilan sa kagustuhang makisama sa mga ito (helpwithsmoking.com). Ang ilan naman ay
nagsasabi na ito ay nakapagbibigay ng relaxing sensation, ngunit sa katunayan ay nagdudulot ito ng
ganitong pakiramdam dahil may iba pang ginagawa ang tao na nakapagpapa-relax habang naninigarilyo
tulad ng pag-upo, pakikipagkwentuhan, atbp. (helpwithsmoking.com). Ang ilan naman ay nagsasabi na
ang paninigarilyo ay nakatutulong mag-isip. Ito ay nakapagbibigay ng bagay (ang sigarilyo) para
pagtuunan ng ating kumpletong atensyon at samakatuwid nakakatulong sa ating konsentrasyon (Dichter
1947), ngunit ito ay maituturing lamang na sekondaryang epekto. Ang ilang nabanggit na mga
psychological na epekto ng paninigarilyo ay hindi nangyayari sa lahat sapagkat nasa isip lang ito ng
gumagamit. Bagamat sinasabi ng ilan na nakakatulong ito sa kanila, kaakibat naman nito ang mga
pinsalang matatamo sa paggamit nito at hindi ito matutumbasan ng mga nabanggit na mabuting epekto.

Ang pinakakilalang epekto ng paninigarilyo sa katawan ng tao ay ang pagiging mas vulnerable sa sakit
(Martin, 2008). Ilan sa mga sakit na maaaring makuha sa paninigarilyo ay ang kanser sa baga at ilang
mga komplikasyon sa puso. Maaari rin itong magresulta sa abnormal na panganganak sa mga
naninigarilyong kababaihan (www.prolife.org.ph). Ito rin ay maaaring makasira sa itsura ng isang tao
tulad ng paninilaw ng labi at mga daliri pati na rin ang pagkasira ng ngipin, at pagbaho ng katawan
(Clarke, 1986). Nasisira din ang reputasyon ng mga gumagamit nito sapagkat ang kultura natin ay
mayroong negatibong pananaw sa mga naninigarilyo (www.prolife.org.ph). Ang patuloy na paninigarilyo
ay maaaring magdulot ng adiksyon, kung saan sa patuloy na paggamit ng sigarilyo ay unti-unti silang
sumasalalay dito (Salazar, 2007). Ang mga taong naadik dito, lalo na ang mga mahihirap, ay maaaring
magkaroon ng dagdag na gastos na siya namang magdudulot ng dagdag na kahirapan (Mahonev, 2003).
Siyam sa bawat sampung naninigarilyo ay may kaalaman sa mga bantang ito subalit patuloy pa rin silang
naninigarilyo (Pazzibugan, 2008).

E. Paano Mababawasan ang Paninigarilyo ng Kabataang Pilipino?

1. Paano Pipigilin?

Ang mga magulang ay may pinakamalaking impluwensya sa kanilang mga anak. Ang mga bata ay
natututo sa panggagaya sa kanilang mga nakikita, partikular sa mga gawain ng kanilang mga magulang.
Dahil dito, napakaimportanteng magsilbing mabuting modelo ang mga magulang at patnubayan ang
mga anak habang sila ay lumalaki. Ang mga sumusunod ay mga pahayag ni Scott, S.,L.P.C.,L.M.F.T. na
tungkol sa ilan sa mga maaaring gawin ng mga magulang upang maiwasan na matutong manigarilyo ang
kani-kanilang anak: maging isang mabuting modelo sa anak; kung ayaw ninyo silang manigarilyo,
siguraduhing kayo mismo ay hindi naninigarilyo; turuan at ipaalam sa anak ang mga hindi mabuting
epekto ng paninigarilyo tulad ng mga sakit na maidudulot nito, mga masasayang na pera at ang
kasamaang dulot nito sa kalikasan; maging vocal sa pagsulong ng isang smoke-free environment.
Halimbawa, sa bahay, siguraduhing walang mga sigarilyo at ashtrays; sa tuwing kayo ay kakain sa labas,
imungkahi sa restawran na magsadya ng mas malaking espasyo para sa non-smoking area kaysa sa mga
smoking areas; magreklamo sa mga kompanya ng tobacco na ang kanilang mga advertisements ay hindi
kaaya-ayang makita ng mga batang nasa murang edad; at turuan ang mga anak na manindigan sa mga
prinsipyo lalo na kapag nariyan na ang salik na peer pressure. Laging tatandaan na timbangin ang
masama at mabuti sa bawat desisyon na gagawin. Hindi kailangang magkaroon ng ganitong uri ng bisyo
para lang maging in o maging cool.

2. Paano tigilan ang paninigarilyo?

Si Proctor (1996) ay nagbigay ng ilang mga paraan upang matigil ang paninigarilyo:

Panindigan ang desisyong pagtigil sa paninigarilyo; pangalagaan ang pangangatawan: sikapin matulog ng
walong oras, uminom ng walong baso ng tubig, kumain ng masusustansyang pagkain at magehersisyo;
lantarang ipahayag ang pagkagusto at ang nararamdamang tuwa dahil ikaw na ngayon ay tobacco-free;
kapag inalok ka ng sigarilyo, manindigan na tumanggi rito. Maghanap ng mga taong susuporta sa iyo
(mga kaibigan at pamilya); tanungin ang sarili kung ang paninigarilyo ba ay nakatutulong sa mga
responsibilidad mo sa buhay; at magtala ng datos kung ilang beses mo naramdaman sa isang araw na
kagustuhang manigarilyo.

3. Para sa mga kaibigan na nais tulungan ang kaibigan tumigil sa paninigarilyo


Si Ferguson (1996) ay nagbigay ng ilang mga paraan: huwag pagalitan o pagbantaan ang kaibigan. Sa
ganitong paraan, makonsensya man ang kaibigang naninigarilyo, gugustuhin niya pa ring humithit ng
sigarilyo para hindi na makonsensya pa. Ito ay nagtutulak pa sa kanya sa paninigarilyo; huwag isiping iisa
ang paninigarilyo at ang nagsisigarilyo. Isipin pa rin natin na ang naninigarilyo ay tao pa rin at may
damdamin. Subukang lumagay sa kinaroroonan ng kaibigang naninigarilyo upang maintindihan kung ano
ang kanyang nararamdaman; huwag pagsabihan ang kaibigan kung ano ang dapat nilang gawin; sabihan
ang kaibigan na gawin niya kung ano ang tingin niyang pinakamakabubuti para sa kanya; mag-alok sa
kaibigan ng ilang mga maaring gawin katulad ng sports upang mapalitan nito ang paninigarilyo; purihin
ang kaibigan sa bawat pagtanggi o pagpigil sa sariling manigarilyo.

III. PAGLALAGOM AT KONGKLUSYON

Sa pagtatapos ng papel na ito, napagtanto ng mga mananaliksik ang mga sumusunod: una,
masasaksihan sa panahon ngayon na dumarami at pabata nang pabata ang mga kabataang
nagsisimulang manigarilyo; ikalawa, kahit sabdyektib ang desisyong manigarilyo, mayroon pa ring mga
dahilang magkakapareho tulad ng pamilya, kaibigan, problema at paniniwala sa buhay na nakapag-
uudyok na magsimulang manigarilyo; ikatlo, iba-iba man ang mga dahilan ng mga naninigarilyo, iisa
lamang ang kanilang kahihinatnan, sapagkat pare-pareho lamang ang nilalaman ng sigarilyo. Halos lahat
ng mga epekto nito ay nararamdaman ng naninigarilyo, maaaring magkaiba lamang sila sa paraan nang
pagtanggap dito.

IV. PAGBIBIGAY NG REKOMENDASYON


Upang malutasan ang lumalalang isyu ng paninigarilyo sa mga kabataan, dapat pagtuunan ng pansin ang
mga sumusunod: una, iminumungkahi ng mga manunulat na pagtibayin ang patnubay ng mga magulang
sa kanilang mga anak lalo na habang sila ay bata pa lamang. Maging mabuting modelo sa mga anak;
huwag hayaang sa mga magulang mismo mapulot ng mga anak ang mga hindi magagandang gawain.
Ikalawa, maging mabuting impluwensya sa mga kaibigan. Ang pagiging mabuting kaibigan ay
nangangahulugang hindi mo hahayaang ituloy ng iyong kaibigan ang kanyang ginagawang hindi
maganda; dapat pa nga ay ikaw ang isa sa mga unang magpapatigil sa iyong kaibigan imbis na sabayan
mo pa siya sa bisyong ito. Ikatlo, mahalin at pahalagahan ang sarili, ibang mga tao at ang kapaligiran.
Isipin nang mabuti kung makasasama ba o makabubuti sa iyo at sa iba ang paninigarilyo.

V. BIBLIOGRAPHY

Ahluwalia, J., Resnicow, K., Clark, W. (1998). Ethnicity and Disease Journal: Article: pp.385-393, Volume
8, Issue 3 (October 1998). Nakuha noong Disyembre 2009 sa http://atp.allenpress.com/perlserv/?
request=get- abstract&doi=10.1043%2F1049510x.(1998)008%5B0385%3AKASRES%5D2.3L0%3B2&ct=1

BloodIndex. Nakuha noong January 2009 sa http://www.bloodindex.org/content_cigarette.php

Dichter, E. (1947). Why Do We Smoke Cigarettes?. Nakuha noong Enero 2009 sa


http://smokingsides.com/docs/ whysmoke.html

Emer. (2008). Teenage Smoking in the Philippines. Nakuha noong Disyembre 2009 sa
http://emeritus.blogspot.com/2008/01/teenage-smoking-in-philippines.html
How to Stop Smoking. Philippine Publishing House, Manila, Philippines. (1996) Clarke, D. (1996). Why I
Smoke. How to Stop Smoking, 7. Ferguson, T. (1996). Helping A Friend Quit. How to Stop Smoking, 10-
11.

Proctor, S. (1996). How To Stop Smoking. How to Stop Smoking, 14-15.

Scott, S. (1996). Helping Children Resist. How to Stop Smoking, 12-13.

Mahonev, K. (2003). Facts About Smoking for Teen Christians. Nakuha noong Disyambre 2008 sa
http://christianteens.about.com/od/advice/a/SmokingFacts.com

Martin, T.. (2008). Smoking Facts for Parent and Teens, The Dangers of Secondhand Smoke and More.
Nakuha noong Enero 2009 sa http://quitsmoking.about.com/od/teensmoking/a/teensmokefacts.htm

Pazzibugan, D. (2008). Women smokers in RP getting younger. Nakuha noong Disyembre 2008 sa
http://newsinfo.inquirer.net/breakingnews/nation/view/ 20081204-176137/Women-smokers-in-RP
getting-younger

Salazar, T. (2007). Will new Smoking pill work?. Philippine Daily Inquirer (October 6, 2007)

Smoking - Cigarette Contents. (2004). Nakuha noong January 2009 sa


http://www.50plushealth.co.uk/index.cfm?articleid=922&ArticleAction=print

Smoking: Straight Talk for Teenagers. Nakuha noong Nobyembre 2008 sa


http://www.prolife.org.ph/page/teen_touch10

Tobacco Use Among Students Aged 13-15 Years --- Philippines, 2000 and 2003. (2005) Nakuha noong
Disyembre 2008 sa http:// www.cdc.gov/mmwr/preview/mmwrhtml/mm5404a3.htm
Why do people smoke - reasons why people start and continue to smoke. Nakuha noong Enero 2009 sa
http://www.helpwithsmoking. com/why-people-smoke.php

World Health Organization. Nakuha noong Disyembre 2008 sa


http://www.wpro.who.int/media_centre/fact_sheets/fs_20050528.htm

You might also like