You are on page 1of 14

ANG PIPIT : DULANG MAY ISANG YUGTO

Paano mo nga ba tatakasan ang isang bangungot kung ito ay nagaganap habang ikaw ay
gising? Kailan matatapos ang isangmasamang panaginip kung ang mga halimaw na
tinatakasan mo ayhindi nawawala sa paglipas ng gabi at dilim?

Mahigit anim na taon nang palipat-lipat ng tirahan ang pamilya ni Erik simula nang masangkot
sa pagdukot at pagpatay ng isang batang lalaki ang kanyang ama. Habang ang kaniyang ama
ay patuloy na nagtatago at tinutugis ng batas, siya at ang inang si Imelda, maging ang siyam na
taong na gulang na kapatid na si Andrea, ay nagtatago rin—hindi sa batas, kundi sa pamilya ng
biktimang sila ang pinagbubuntunan ng galit.

Ilang araw bago siya magtapos ng sekondarya, muli silang mahahanap ng mga magulang ng
biktima, at muli na namang magsisimula ang bangungot na pilit nilang tinatakasan.

Ang dulang “Ang Pipit!” ay isang pagsilip, hindi sa buhay ng biktima ng isang krimen. Kundi sa
buhay ng pamilya ng suspek na wala mang kasalanan ay hinuhusgahan at sinisisi pa rin ng
lipunang ating ginagalawan. Isa itong pagtatanong sa kasalukuyang estado ng lipunan kung
saan, hindi lamang ang suspek sa isang krimen ang naikukulong kundi maging ang kanyang
pamilyang walang kinalaman ngunit pilit sinisingil at ibinabaon.

Mga Tauhan:

 Erik: Labing-apat na taong gulang, nasa huling taon ng sekondarya.


 Andrea: Siyam na taong gulang, kapatid ni Erik, hindi nag-aaral.
 Imelda: Tatlumpu’t pito, nanay ni Erik, guro ng isang pampublikong paaralan.
 Mr. Corpuz: Apat napu’t siyam, tatay ng biktima, isang negosyante
 Mrs. Corpuz: Apat napu’t lima, nanay ng biktima, isang negosyante
 Martin: Tatay ni Erik, suspek sa pagkakapatay sa anak nina Mr. and Mrs. Corpuz
 Nando: Kasabwat ni Martin sa pagpatay sa biktima ng pamamaril
 Athena: Anak nina Mr. and Mrs. Corpuz
 Reporter
 Chismosa 1
 Chismosa 2
 Tindera ng gulay
 Mamimili

Gabi na at naghihintay pa rin si Athena sa kanyang sundo sa labas ng kanilang eskwelahan.


Siya na lamang ang natira doon dahil nagsiuwan na ang kanyang mga kaibigan. Tinatawagan
niya ang kanilang drayber dahil madilim at delikado na sa kanyang kinaroroonan nang bigla na
lamang may humablot sa kanyang telepono. Sinubukan niyang habulin ito at nanlaban sa
magnanakaw.
Athena: Nasaan na po kayo, Mang Tony? Matagal pa po ba bago maayos yung sasakyan? Ako
na lang po kasi mag-isa dito. Nakakatakot ---

Athena: Hoy akin na ‘yang cellphone ko!

Hinabol niya ang magnanakaw at nang kanyang maabutan ito ay nagsimula na silang mag-
agawan.

Martin: Ibigay mo na kung ayaw mo masaktan! Oh pre, salo!

Ibinato ni Martin ang nanakaw na telepono sa kasabwat nito. Dahil sa lakas ng pagkakatulak
niya sa batang si Athena ay natumba ito. Aakma pa sanang tatayo ang bata ngunit muli siyang
bumulagta dahil sa putok ng baril na tumama sa kanyang ulo.

Nando: Pre, anong ginawa mo? Wala sa usapan natin ‘yan! Masasabit tayo nito. Tara na!

Bakas sa mukha ni Martin ang gulat sa kanyang nagawang krimen. Dahil sa takot at
pangamba, nabitawan ni Martin ang baril na kanyang ginamit. Nagsimula na ring dumating ang
mga pulis upang rumesponde matapos makaranig ng malakas na putok ng baril.

Reporter: Hanggang ngayon ay patuloy pa ring tinutugis ng kapulisan ang suspek na sangkot
sa pagpatay sa anak ng kilalang negosyante na sina Mr. and Mrs. Corpuz. Kinilala ang suspek
na si Martin Dela Cruz matapos makumpirma ang resulta sa ginawang imbestigasyon ng
pulisya. Handa namang magbigay ng pabuya ang mag-asawa sa kung sino mang
makapagtuturo sa kinaroroonan ng suspek. Ipagbigay-alam lamang ito sa pinakamalapit na
awtoridad o tumawag sa numerong makikita sa inyong mga screen.

Agad na umuwi si Erik matapos ang kanilang klase sa eskwelahan. Habang nasa daan ay may
naririnig siyang bulong-bulungan ng mga taong nasa kanyang paligid.

Chismosa 1: Mare, diba ‘yan ‘yung anak nung suspek sa balita?

Chismosa 2: Oo, mare. Mamamatay tayo yung tatay niyan. Hanggang ngayon nga tinatago pa
rin nila. Mga walang puso.

Chismosa 1: Talaga? Kaya pala nababaliw na rin ‘yung nanay niyan eh. Hay kawawa naman.

Malinaw sa pandinig ni Erik ang lahat ng mga sinabi ng dalawang matanda nang malagpasan
niya ito ngunit pinili na lang niyang magpatay malisya.

Papasok si Erik sa loob ng kanilang inuupahang apartment, nakasuot ng uniporme ng


eskwelahang pinapasukan.

Madadatnan ang kapatid na si Andrea na nakatunghay sa labas ng bahay, may yakap-yakap


na lumang teddy bear habang abala naman sa paglalagay ng gamit sa loob ng isang karton
ang kanyang ina na si Imelda.

Nagkalat ang iba pa nilang gamit sa sala, maging ang ilang karton at bag, ang iba ay may mga
laman samantalang ang iba at naghihintay pa lamang ng ilalagay doon.
Sa plastic na lamesang nasa harapan ni Imelda ay nakabukas ang isang karton na pinupuno ni
Imelda ng mga gamit. Mapapatitig doon si Erik.

Hawak ni Erik sa isang kamay ang programa para sa kanyang nalalapit na pagtatapos ng high
school. Lalamukusin niya iyon at saka bibitawan bago magsisimulang tumulong sap ag-aayos,
hindi nagsasalita. Mapapatingin lamang si Imelda doon saka mag-iiwas ng tingin.

Imelda: Magbihis ka muna, anak…

Erik: Hindi na po kailangan…

Magsasalita pa sana si Imelda pero tutunog ang mumurahing cellphone na nasa lamesa. Agad
na kukunin iyon ni Imelda at magmamadaling lumabas. Susundan lamang ni Erik ng tingin ang
ina. Bakas sa mukha ang galit nito.

Magsisimulang kumanta sa may bintana si Andrea kaya’t mapapalingon dito si Erik.

Andrea: (Kumakanta) May pumukol sa Pipit sa sanga ng isang kahoy. At nahagip ng bato ang
pakpak ng munting ibon—

Erik: Nailabas mo na ba ang lahat ng gamit mo?

Andrea: Oo, kuya.

Erik: ‘Yung mga laruan mo? Nailabas mo na ba lahat?

Mapapatingin sa yakap-yakap na teddy bear si Andrea.

Andrea: Hindi ko raw pwedeng dalhin lahat kuya, sabi ni Inay.

Matitigil sa ginagawa si Erik at mapapatingin nang may halong awa sa kapaid.

Erik: Bibili nalang tayo ulit…

Andrea: Talaga, kuya? Pangako ‘yan ha?

Erik: Oo naman! Kailan ko ba hindi tinupad ang pangako ko sa iyo? (Tatawa nang bahagya).
Ay teka, ‘yung mga damit mo, naayos mo na ba?

Andrea: Oo, kuya. Saan ba tayo pupunta?

Erik: Sa malayong lugar…

Andrea: Malayong malayo?

Erik: Oo…

Andrea: Gaano kalayo?

Erik: Basta! Malayong malayo!


Matatahimik panandalian si Andrea, panonoorin lamang ang kapatid na nag-iimpake.

Mapapatingin si Andrea sa nilamukos na papel ni Erik at lalapitan niya iyon at pupulutin.


Susundan lamang ng tingin ni Erik ang kapatid.

Titignan ni Andrea ang nalamukos na papel ng kanyang kamay bago muling magsalita.

Andrea: Kuya?

Erik: Oh?

Andrea: Hindi na ba tayo maaabot ng mga bato doon?

Magpapalipat-lipat ang tingin ni Erik mula sa mukha ni Andrea na takot na takot saka sa
nalamukos na papel sa kamay nito, magtatagis ang bagang.

Erik: Hindi na…

Andrea: Hindi na ako masusugatan?

Erik: Hindi na ako papaya na may manakit pa sa’yo.

Andrea: Hindi ka na rin masusugatan? Noong huli, ang daming dugo. Nakakatakot .Ayoko na
sa dugo. Mabaho, masakit, nakakatakot.

Erik: ‘Wag kang mag-alala, hindi na ‘yon mangyayari.

Andrea: Paano kapag nahanap nila tayo ulit?

Erik: Andrea, hindi ka na nila masasaktan pang muli.

Andrea: Pangako?

Erik: Pangako.

Lalapitan ni Erik si Andrea at saka kukunin ang nalamukos na papel sa kamay nito at saka
guguluhin ang buhok ng kapatid.

Erik: Kumuha ka na ng dalawa pang laruan. Kasya pa naman sa karton.

Akmang tatayo si Andrea pero maririnig nila ang pagdaan ng isang kotse. Sabay silang
mapapatingin sa may bintana, makikita ang takot sa mukha nilang dalawa. Magmamadaling
magtatago si Andrea sa ilalim ng lamesa at magsisimulang umiyak. Mabibitawan nito ang
lumang teddy bear.

Hindi maalis ang tingin ni Erik sa bintana, balot ng pag-aalala ang mukha, mahigpit ang
pagkakahawak sa papel na nasa kanyang palad. Makakahinga lamang siya nang maluwag
pagkarinig na lumampas na ang sasakyan.

Mapapatingin si Erik sa papel na nasa kamay at saka hahayaan iyong mahulog bago haharapin
ang kapatid na nasa ilalim ng lamesa.
Hahawakan ni Erik si Andrea sa balikat para palabasin mula sa ilalim ng lamesa pero iiwas
naman si Andrea sa huli.

Andrea: Patawarin po ninyo kami. Hindi po naming sinasadya. Parang awa na po ninyo…

Erik: Andrea…

Andrea: Patawarin po ninyo kami. Hindi po naming sinasadya. Parang awa na po ninyo.

Erik: Andrea, lumabas ka na diyan. Hindi na sila babalik.

Andrea: Ale, tama na po… Masakit na po… Hindi ko po sinasadya… Parang awa na po
ninyo…

Hihilahin ni Erik mula sa ilalim ng kama si Andrea at pilit na yayakapin. Magpupumiglas si


Andrea pero hindi siya pakakawalan ni Erik.

Andrea: Parang awa na po ninyo.. Hindi ko po sinasadya… Tama na po.. Parang awa na po
ninyo..

Erik: Andrea! Wala na sila! Hindi na sila babalik!

Matitigil sa pagpupumiglas si Andrea at mapapatingin kay Erik.

Andrea: Ku-kuya?

Erik: Tahan na. Hindi na sila babalik.

Andrea: Babalik sila, sabi nung ale. Ayoko na kuya. Masakit. Kahit humingi ako ng tawad hindi
sila tumitigil. Sinungaling si Teacher Lucy. Sabi niya, kapag humingi ng paumanhin, magbabati
na agad.

Muling magsusumiksik sa ilalim ng lamesa si Andrea.

Erik: Lumabas ka na diyan.

Andrea: Ayoko, kuya… Dito lang ako… Masakit…

Erik: Hindi ka na nila sasaktan.

Andrea: Babalik daw yung ale, kuya. Narinig ko. Sabi niya kay inay, babalik daw siya.
Natatakot ako. Sisipain na naman niya ako. Masakit.

Erik: Hindi ko hahayaang mangyari iyon.

Andrea: Dito lang ako, kuya … Masakit … Dito lang ako …

Nagpipigil ng galit na mapapatingin sa paligid si Erik. Makikita niya ang bunton ng kumot na
nakalagay sa isa sa mga upuan at kukunin ang isa doon at saka muling lalapitan si Andrea.
Itatalukbong niya ang kumot sa kapatid at saka igigiya palabas sa ilalim ng lamesa. Pilit
pasisiyahin ni Erik ang boses habang nagsasalita.
Erik: Ayan! Hindi ka na nila makikita! Hindi ka na nila masasaktan!

Andrea: (kumakanta) May pumukol sa pipit sa sanga ng isang kahoy. At nahagip ng bato ang
pakpak ng munting ibon. Dahil sa sakit, di na kaya pang lumipad. At ang nangyari ay nahulog,
ngunit parang taong bumigkas, “Mamang kay lupit, ang puso mo’y ‘di na nahabag. Pag
pumanaw ang buhay ko, may isang pipit na iiyak.”

Mapapatingin si Erik sa bintana bago muling magsasalita.

Erik: Hinding hindi ka na nila sasaktan.

Igigiya ni Erik si Andrea at pauupuin sa isang upuan ngunit hindi niya tatanggalin ang
pagkakatalukbong. Babalik siya sa lamesa at sisimulang ilagay sa mga karton ang kutsilyo at
mga kutsara.

Papasok si Imelda, may kausap pa rin sa lumang cellphone.

Imelda: Hello, sino ‘to?

Martin: Asawa mo ‘to, si Martin. Siguro naman nabalitaan mo na ‘yung nangyari. Huwag mo na
itanong kung nasaan ako. Tinawagan lang kita para humingi ng pera dahil gipit na gipit na ako.

Imelda: Ang kapal din naman talaga ng mukha mong sabihin ‘yan matapos ang lahat nang
ginawa mo sa pamilyang ito! Wala kang mahuhuthot ni singko sa akin dahil walang-wala na rin
kami. Aalis na kami ng mga anak mo sa pamamahay mo!

Martin: Anak ng! Saan naman kayo pupunta?

Imelda: Hindi ko alam … Basta lalayo na kami ng mga anak mo. Utang na loob, Martin. Huwag
mo namang hayaang ang mga anak mo ang magbayad ng pagkakamali mo!

Puputulin ni Imelda ang tawag at saka padabog na ibababa sa lamesa ang cellphone. Kita ang
panghihina sa mukha nito.

Rerehistro ang galit sa mukha ni Erik at saka pupukulan ng masamang tingin ang cellphone na
nasa harapan.

Erik: Hindi niya kami anak.

Mapapatingin si Imelda kay Erik. Lalapitan niya ito at yayakapin pero hindi man lang gaganti ng
yakap si Erik. Ipagpapatuloy lamang nito ang ginagawa, wala nang makikitang ekspresyon sa
mukha nito.

Kakalas sa pagkakakayakap si Imelda mula kay Erik at saka magdadako ang tingin kay Andrea
na nasa ilalim pa rin ng kumot. Lalapitan niya ito at akmang tatanggalin ang kumot per pipigilan
siya ni Erik. Nakakaintinding mapapatango na lamang si Imelda, nagpipigil ng luha.

Pilit pasisiyahin ni Andrea at Imelda ang boses bago magsalita.

Imelda: Erik, nasaan ang kapatid mo? Nasaan ang prinsesa ko?
Andrea: (sa ilalim ng kumot) Nandito po ako!

Imelda: Nasaan? Bakit hindi kita Makita? Erik! Tulungan mo nga akong hanapin ang kapatid
mo!

Andrea: (sa ilalim ng kumot) Talaga inay? Hindi mo ako nakikita?

Imelda: Erik, nasaan na ba ang kapatid mo? Wala naman siya sa ilalim ng mesa. Nasaan na ba
siya? Andrea? Anak? Nasaan ka na?

Lalapitan ni Erik si Andrea at saka bubulungan.

Erik: Sabi ko naman sa’yo ‘di ba? Hindi ka nila makikita. Hindi ka na nila masasaktan.

Andrea: Talaga, kuya? Hindi na ako makikita nung ale?

Imelda: Anak…

Erik: Hindi na. Nangako ako sa’yo ‘di ba? Diyan ka lang habang nag-aayos kami ni inay, ha?

Andrea: Opo, kuya.

Babalik sa pag-aayos si Erik. Susundan lamang siya ni Imelda.

Imelda: Erik…

Erik: Dalian na natin ang pag-aayos inay, baka abutan pa tayo dito.

Tahimik na magsisimula ding mag-iimis ng mga gamit si Imelda. Madadako ang tingin niya sa
nalamukos na programa ng graduation ni Erik. Pupulutin niya iyon at saka bubuklatin.
Nanginginig ang kamay na babasahin niya iyon.

Imelda: You are cordially invited to… Valedictorian… Raquel Garcia. Salutatoria… Erik… Erik
Mateo.

Mapapatingin lang si Erik kay Imelda pero hindi magsasalita.

Imelda: Pasensya ka na, anak—

Erik: Wala kayong kasalanan, bakit kayo ang humihingi ng dispensa?

Imelda: Paano ang graduation mo?

Erik: Hindi na ‘yon importante. Alam na nilang nandito tayo, hindi ba? Ang mahalaga makaalis
tayo bago pa sila dumating.

Imelda: Anak—

Erik: Nakausap niyo na po ba si Tito?

Imelda: Oo, susunduin niya tayo pagdilim.


Erik: (matatawa nang bahaw) Pagdilim? Para lang tayong magnanakaw na tumatakas.

Imelda: Anak…

Erik: Kung sabagay, tama lang iyon para hindi nila tayo Makita.

Imelda: Erik..

Erik: Dalian niyo na ang pag-iimpakke, inay. Malapit nang dumilim.

Mapapabuntong-hininga si Imelda.

Imelda: Iyong mga gamit sa kusina, naayos na ba?

Erik: Opo.

Ibababa ni Erik ang karton na nasa harapan sa tabi ng lamesa at saka muling kukuha ng
bakanteng karton. Pilit uunatin ni Imelda ang hawak na programa ng graduation ni Erik. Iyonn
ang una niyang ilalagay sa karton. Mapapatingin lang doon si Erik panandalian bago iyon
papatungan ng iba ang gamit.

Imelda: Salamat, anak.

Erik: Ang mahalaga, makalayo na tayo dito. Kailangan na nating mailayo si Andrea.

Imelda: Erik, anak… Patawarin mo ako…

Erik: Hindi kayo ang dapat na humihingi ng kapatawaran. Hindi ako.. Hindi si Andrea.. Wala
tayong dapat ihingi ng tawad dahil wala tayong kasalanan.

Imelda: Ang bilis mong lumaki..

Erik: Pero hindi pa rin iyon sapat.

Imelda: Anak, matatapos din ang lahat ng ito.

Erik: Kailan pa, inay? Hindi po ba kayo napapagod? Anim na taon na tayong palipat-lipat.

Imelda: Anak naman…

Erik: Kung hindi lang dahil kay Andrea, ayoko nang umalis, ayoko nang magtago.
Nakakapagod. Para na rin nating inaamin na may kasalanan tayo.

Imelda: Wala naman tayong magagawa, anak.

Erik: Tayo, wala. Siya, meron.

Imelda: Hindi pa handa ang tatay mo—

Erik: Kaya hinahayaan niya na tayo ang maghirap?


Imelda: Erik!

Erik: Pagod na pagod na ako, nay. Lasog lasog na rin ang katawan ko sa bawat tama ng
batong tinatanggap nito. Kahit anong gawin kong iwas, lahat tumatama. Kung ako lang, kaya ko
pa. Pero bakit pati si Andrea?

Imelda: Kaya nga tayo magpapakalayo, anak. Para hindi ka na masaktan. Pati si Andrea. Para
hindi na tayo masaktan.

Erik: Maglolokohan pa ba tayo inay? Kapag tumagal-tagal, malalaman din nila kung sino kami
at magsisimula nanaman ang pag-ulan ng bato sa amin, pati sa’yo. Malalaman at malalaman na
naman nila kung nasaan tayo. Tapos ano? Aalis nanaman tayo? Lilipat? Magtatago?

Imelda: Hindi na iyon mangyayari, anak. Hindi na nila tayo mahahanapan.

Erik: Iyan din ang sinabi niyo dati!

Imelda: Anak…

Erik: Tapusin na natin ang pagliligpit inay. Malapit nang dumilim.

Maririnig ang paghinto ng kotse sa labas ng apartment. Parehong mapapatingin sina Imelda at
Erik sa may bintana, makikita ang takot sa mukha. Maririnig ang pabalibag na pagsara ng
pintuan ng kotse at ang mga yabag na papalit.

Sa labas ng bahay ng mga Dela Cruz ay makikita ang pag-osyoso ng kanilang mga kapitbahay
dahil sa dumating na kotse.

Tindera: Naku, nandyan na naman ang mga Corpuz! Kung ako kay Imelda, ilalabas ko na
‘yung asawa ko kaysa madamay pa mga anak ko.

Mamimili: Eh baka nga ho mamamatay tao rin ‘yung mga anak nila eh hahahahaha. Mga salot
sa lipunan.

Mrs. Corpuz: (pasigaw, sa backstage) Lumabas kayo riyan! Mga mamamatay tao!

Magtatanggal ng talukbong si Andrea and takot na takot mapapatingin kay Erik. Agad na
lalapitan ni Erik ang kapatid at ibabalik ang pagkakatalukbong dito.

Erik: Hindi matatapos ang bangungot na ito sa pagtatago.

Imelda: Erik…

Erik: Pagod na akong tumakbo, nay. Dito lang tayo. Hindi tayo aalis.

Muling tatanggalin ni Adrea ang kumot at saka yayakapin si Erik, nagmamakaawa.

Andrea: Kuya, nandiyan na sila! Umalis na tayo, kuya!


Erik: Hindi na tayo aalis, Andrea. Huwag kang mag-alala, hindi ka na nila masasaktan.
Nangako ako, ‘di ba?

Andrea: (umiiyak) Kuya! Ayoko na! Umalis na tayo! Sisipain na naman nila si Inay. Pati ikaw,
susuntukin ka na naman nung mama. Kuya, ayoko na… Umalis na tayo…

Erik: Andrea… Tahan na… Hindi na nila kayo masasaktan ni Inay…

Papasok sina Mr. at Mrs. Corpuz, makikita ang mga karton. Kitang-kita sa mga mukha ng
bagong dating ang galit. Lalapitan ni Mr. Corpuz si Imelda at sisipain ang inempakeng karton ni
Erik. Matatapon ang mga kutsara at kutsilyong nasa loob ng karton. Yayakapin lang ni Erik ang
nakatalukbong na si Andrea.

Mr. Corpuz: At talagang tatakas na naman pala kayo.

Imelda: Hindi po…

Mrs. Corpuz: Anong hindi?! Hoy babae, huwag mo kaming gawing tanga. Ilabas mo ang asawa
mo!

Erik: Umalis na kayo. Wala dito ang hinahanap ninyo.

Lalapitan ni Mr. Corpuz si Erik at saka duduruin. Ihaharang ni Imelda ang sarili sa pagitan ng
dalawa.

Mr. Corpuz: Aalis kami kung kalian naming gusto. Nasaan ang tatay mo?

Imelda: Wala po rito ang hinahanap ninyo. Parang awa na po ninyo… Wala po siya dito…
Matagal na po naming siyang hindi nakikita…

Lalapitan ni Mr. Corpuz si Imelda at ikatutumba nito. Akmang susugurin ni Erik si Mr. Corpuz
pero pipigilan siya ni Imelda.

Mr. Corpuz: Huwag niyo kaming gawing tanga! Alam naming alam mo kung nasaan ang asawa
mong mamamatay tao! Sabihin mo sa kanya na hindi kami titigil hanggat hindi siya namamatay!

Erik: Huwag niyong saktan ang nanay ko! Wala siyang kasalanan sa inyo!

Imelda: Tama na, anak… Humingi ka ng tawad… Anak, magmakaawa ka… Huwag ka nalang
sumagot…

Mrs. Corpuz: Magmakaawa? Sa tingin mo maaawa kami sa inyo? Pinatay ng asawa mo ang
anak ko! Kahit umiyak kayo ng dugo, hindi naming kayo kakaawaan.

Lalapitan ni Mrs. Corpuz si Erik at saka duduruin.

Mrs. Corpuz: At ikaw! Alam mo bang magkasing-edad na dapat kayo ng anak ko?! Pero wala
na! Wala na siya! Pinatay siya ng tatay mo!

Erik: Wala kaming kasalanan sa inyo!


Hihilahin papalayo ni Mr. Corpuz si Erik at saka sisikmuraan.

Mr. Corpuz: Sumasagot ka pa?

Akmang tatayo si Imelda para lapitan ang dalawa pero siya naman ang itutulak ni Mrs. Corpuz.

Imelda: Parang awa na po ninyo, huwag niyo naming idamay ang mga anak ko. Wala silang
kasalanan.

Mrs. Corpuz: Awa? Wala kang karapatang humingi ng awa! Dahil habang nabubuhay ang
asawa mo, hindi kami maaawa! Pinatay ng asawa mo ang anak ko!

Sasabunutan at pagsasampal-sampalin ni Mrs. Corpus si Imelda. Maya’t maya, ay tatadyakan


niya ito habang patuloy naming sinusuntok ni Mr. Corpuz si Erik. Hindi lumalabang nag-
mamakaawa lang si Imelda samantalang halos hindi na iniinda ang mga suntok na natatanggap
na nakatingin lang kai Imelda si Erik. Mababakas ang galit sa mukha nito.

Mrs. Corpuz: Nasaan ang asawa mo? Ilabas mo siya! Pinatay niya ang anak ko! Pinatay niya
ang anak ko!

Erik: Tama na! Inay! Tama na. Huwag mong sasaktan ang nanay ko!

Mr. Corpuz: Nasaan ang tatay mo?! Ilabas niyo ang hayop na pumatay sa anak ko! Ilabas niyo!

Imelda: Tama na po, parang awa na ninyo. Huwag ang anak ko… Parang awa na ninyo…

Kakalas sa pagkakahawak ni Mr. Corpuz si Erik at isasangga ang katawan sa mga sipa ni Mrs.
Corpuz. Yayakapin niya nang mahigpit si Imelda.

Erik: Wala dito ang hinahanap niyo!

Imelda: Tama na, anak…

Erik: Bakit ba kami ang sinasaktan ninyo?! Wala kaming kasalanan!

Imelda: Anak…

Erik: Nay! Wala tayong kasalanan! Hindi tayo ang pumatay sa anak nila! Wala tayong ginawa!
Bakit tayo ang pinahihrapan? Ilang taon na tayong ganito, inay! Daig pa natin ang nakakulong!
Putanginang buhay ‘to!

Muling hihilahin ni Mr. Corpuz si Erik patayo at saka ibabalibang sa may lamesa. Mapapaupo
sa sahig si Erik, malapit sa kung nasaaan ang kutsilyo at mga kutsara.

Erik: Wala kaming kasalanan!

Mrs. Corpuz: Wala?! Pinatay ng tatay mo ang anak ko!

Erik: Siya ang pumatay pero bakit kami ang lagging nasasaktan?! Wala kaming kasalanan…
Mr. Corpuz: Nasasaktan? Buhay ka! Samantalang ‘yung anak namin, matagal nang nasa
hukay! Gusto niyong tumigil ang lahat ng ito? Sige! Ibalik ninyo ang anak ko!

Imelda: Parang awa na po ninyo…

Mrs. Corpuz: Awa? Bakit? Ang asawa mo ba, naawa sa anak naming? Ibalik ninyo ang anak
ko! Ibalik ninyo ang anak ko!

Muling pagsasampal-sampalin ni Mrs. Corpuz si Imelda at saka sasabunutan.

Erik: Tama na! Wala kaming kasalanan sa inyo!

Imelda: Anak…

Erik: Biktima rin kami!

Tatadyakan ni Mr. Corpuz si Erik. Masusubsob ito sa tabi ng kutsilyo at mga kutsara.

Imelda: Erik! Parang awa na ninyo! Huwag naman ang mga anak ko. Ako na lang! Parang awa
na ninyo… ako nalan.

Mrs. Corpuz: Ibalik ninyo ang anak ko!

Erik: Biktima rin kami… (halos pabulong) Biktima rin kami…

Pupulutin ni Erik ang kutsilyo at saka tatayo. Mapapatingin siya kay Imelda. Magpapalipat-lipat
ng tingin ni Imelda sa kutsilyong hawak ni Erik. Maging sina Mr. at Mrs. Corpuz ay
mapapatingin lang kay Erik.

Erik: Pagod nap ago na ako, inay…

Imelda: Erik—

Lalapitan ni Erik si Mr. Corpuz hawak ang kutsilyo. Mapapaatras si Mr. Corpuz nang kaunti pero
kukunin ni Erik ang kamay nito at ipapahawak sa huli ang kutsilyo. Hindi bibitawan ni Erik ang
kamay nito, tititigan niya ito sa mata.

Mr. Corpuz: Anong—

Imelda: Erik!

Hihilahin ni Erik ang kamay ni Mr. Corpuz at isasaksak sa sarili ang kutsilyo.

Erik: Buhay para sa buhay… Iyon naman ang gusto niyo, hindi ba?

Mag-aalis ng talukbong si Andrea at mapapatingin sa nangyayari. Muling isasaksak ni Erik ang


kutsilyo sa sarili.

Erik: Hindi ko maibabalik ang anak ninyo, pero siguro naman, amanos na kayo ng tatay ko.
Huwag niyo nang guluhin ang pamilya ko.
Andrea: Kuya!

Imelda: Erik! Anak! Tama na! Diyos ko! Huwag ang anak ko! Erik! Tama na!

Lalapitan ni Imelda sina Erik pero isang saksak pa ang ibabaon ni Erik sa sarili bago ito
makaklapit nang tuluyan. Mapapaatras si Mr. Corpuz, hawak pa rin ang kutsilyo.

Imelda: Erik!

Erik: Pagod na ako, nay… Ayoko na rin kayong nakikitang nasasaktan. Ayoko nang nakikitang
nasasaktan si Andrea. Tama na. Tapusin na natin ‘to.

Matutumba si Erik. Pilit itong sasaluhin ni Imelda ni Imelda kaya pareho silang matutumba sa
lapag.

Imelda: Anak…

Erik: Tapos na, nay…Hindi niyo na kailangang mag-makaawa pa…

Lalapit si Andrea sa dalawa, hila-hila ang kumot.

Mabibitawan si Mr. Corpuz ang kutsilyo. Mapapatingin doon si Imelda. Lalapitan niya iyon at
saka pupulutin. Parang wala sa sariling sisimulan niyang pulutin ang lahat ng mga natapong
gamit at saka muling ibabalik sa karton.

Andrea: Kuya…

Erik: Simula ngayon, hindi mon a kailangang magtago. Hindi ka na nila masasaktan. Nangako
ako, ‘di ba?

Imelda: Andrea, anak. Ayusin mon a ang mga gamit ng kuya mo. Malapit nang dumilim…

Andrea: Kuya..

Erik: Hindi ka na nila masasaktan…

Itatalukbong ni Andrea ang kumot kay Erik. Mapapatingin lang sa mga anak si Imelda,
nakangiti. Tulalang nakatingin lang sa mag-iina sina Mr. at Mrs. Corpuz.

Andrea: Kuya, sa ilalim nito, hindi ka na nila makikita. Hindi ka na nila masasaktan…

Imelda: Oh? Nasaan na ang kuya mo? Maya-maya daratin na ang tito mo. Erik! Anak! Nasaan
ka na ba? Iyong mga gamit mo, hindi pa nakahanda…

Andrea: Sa ilalim nito, hindi ka na nila makikita…. Hindi ka na nila masasaktan….

Iiwanan ni Andrea and nakatalukbong na si Erik at saka tipong maghahanap. Mapapangiti siya
pagdapo ng mata sa teddy bear. Lalapitan niya iyon at pupulutin bago muling uupo sa may
bintana. Ni hindi niya lilingunin ang mag-asawa na nakatingin lamang sa kanya.

Andrea: (kumakanta)
May pumukol sa pipit sa sanga ng isang kahoy
At nahagip ng bato ang pakpak ng munting ibon
Dahil sa sakit, di na nakaya pang lumipad
At ang nangyari ay nahulog, ngunit parang taong bumigkas,
"Mamang kay lupit, ang puso mo'y di na nahabag,
Pag pumanaw ang buhay ko, may isang pipit na iiyak.”

You might also like