You are on page 1of 9

PAMANTASAN NG LUNGSOD NG VALENZUELA

TONGCO ST., MAYSAN, VALENZUELA CITY

Ang Nakakubling Hiwaga sa Tulang “Tatlong


Inakay” ni Ildefonso Santos: “Simbolikal”
ni Joshua Umayam Gonzaga

I. Introduksyon

Ang tula ay isang uri ng panitikan na naglalayong ibahagi o ihayag ng manunulat

ang kaniyang damdamin gamit ang malayang pamamaraan ng pagsulat. Ganito,

iniladlad ni Ildefonso Santos ang kaniyang mga kaisipan, diwa at damdamin sa

pamamagitan ng pagsulat ng iba’t ibang uri ng panulaaan. Bata pa lamang si Ponso

(palayaw ni I.Santos) na mahilig sa panulaan at nag-alab ang kaniyang panulat noong

ibahagi at ipaayos niya ang kaniyang mga likha sa kaniyang pinsan na si Leonardo

Dianzon na isa ring makata sa panahong iyon. At batay sa ilang kritiko, si Ildefonso

Santos ay isa sa pinakamahusay na makata dahil sa mga simple nitong mga likhang-

tula ngunit ito ay puno ng diwa at sanga-sanga ang pagpapakahulugan. Binansagan

nga ni Regalado si Santos ng “Tunay na Makatang Tagalog” dahil masisilayan ang

kaniyang pagka-makata sa mga komposisyon na may sariling linamnam at sariling

tinig na kinagigiliwang basahin ng iilang mambabasa.

Sa pagbabalangkas sa tulang “Tatlong Inakay” ni Ildefonso Santos, sangandiwa o

sanga-sanga ang kahulugan o diwa na maaring maiugnay sa tula, mahiwaga ang

bawat salita na gamit upang maging hudyat sa panibagong pamamaraan ng pagsulat,

bihis na bihis ang bawat taludtod na naging salik upang maikubli ang totoong dalumat

ng tula at binubuo ang tula ng mga simbolikal na salita o mga matatalinghagang salita

na naging daan upang maging magkaisa ang pagkakaiba-iba ng diwa o interpretasyon

sa tula.

Ang pagsusuring ito ay gagamit ng teoryang pampanitikan na “Historikal” upang

masilip ang karanasan ng karakter ng tula na sumasalamin sa kasaysayan na naging

Pahina 1
PAMANTASAN NG LUNGSOD NG VALENZUELA
TONGCO ST., MAYSAN, VALENZUELA CITY

bahagi ng buhay ng tao at mundo. Sa pamamagitan nito, mabibigyang lalim ang

pagsipat sa kahulugan o diwa ng tula at mabibigyan ng panibagong interpretasyon na

nakasandig sa kaganapan noong panahong naisulat ang tula. Gamit ang dulog na ito,

maipapaliwanag kung ano ang kinalaman ng tula sa kaganapan noong panahon ng

pananakop ng Hapon. Sa pagsusuring ito, ilalahad ang iilan mahalagang kaganapan at

detalye sa kasaysayan partikular sa rehimen ng hapon kalakip ng mga balidong datos

na may kaugnay sa kritikal na pagpapakahulugan ng mananaliksik sa tula at ibabahagi

din ang mga karahasang naganap noong panahong iyon na maaring maiugnay sa tula.

Kung gayon, ang layunin ng papel na ito ay makilatis ang mga simbolikal na salita at

malaman ang malalim na pagpapakahulugan sa tulang “Tatlong Inakay” na

maghahatid sa mambabasa ng panibagong diwa sa mahusay at maingat na likha ni

Ildefonso Santos at layon ding ibahagi sa suring ito na ang “Tatlong Inakay” ay hindi

maituturing na kwentong pambata bagkus ito ay maiuugnay sa mga matatandang

mambabasa dahil sa mga gamit na salita at talinghaga.

II. Pagsusuri

“Tatlong Inakay” ni Ildefonso Santos

Nagbuká ang tukâ ng tatlóng inakáy


Sa umíindayog na pugad sa dukláy.
“Tuwít, tuwít, tuwít,”ang paós na sigáw,
“Tuwít, tuwít, tuwít!
Ináng, ináng, ináng!”

Bagyóng nagngángalit,
hanging balaklaót,
Bigláng humabagat —kahilá-hilakbót!
Ang inahíng pipít, dî pa sumísipót,
Nabagbág na kayâ sa hampás ng unós?

O, gutóm na gutóm! O, sabík na sabík!


Nangangaykáy silá sa tindi ng lamíg.
Palasô ang uláng pagtama’y masakít!
Hagunót ng hangin ay kahindik-hindik!

Pahina 2
PAMANTASAN NG LUNGSOD NG VALENZUELA
TONGCO ST., MAYSAN, VALENZUELA CITY

Nagbuká ang pakpák na kákampáy-kampáy . .


“Tuwít, tuwít, tuwít!
Ináng, ináng, ináng!”
Bábalík pa kayâ? Kailán? Kailán?

Sa pagsusuri sa elemento ng tula, ang tulang “Tatlong Inakay” ni Ildefonso

Santos ay may lalabindalawahing (12) pantig, apat (4) na saknong at apat (4) na

saknong.

Naisulat ito noong panahon ng pananakop ng Hapon dahil nais ni I. Santos na

ilarawan ang takot, pag-aalala at miserableng buhay ng bansang Pilipinas sa rehimen

ng Hapones habang naghihintay ang Luzon, Visayas at Mindanao (tatlong inakay) sa

pagbabalik ng mga Amerikanong itinuring nilang bayani upang iligtas at bawiin sa

kamay ng mga Hapon.

Noong mga panahong iyon madugo, mapusok at nakakatakot ang napakaikling

pananakop ng Hapon dahil mga bihasa at eksperto ang mga sundalong Hapon sa

pakikidigma. Napasakamay ng Hapon ang ilang bahagi ng Bataan, Corregidor at

Maynila na hudyat sa pagkakatalo ng Amerika sa digmaan dahil dito umalis ang mga

sundalong Amerikano upang mag-ipon muli ng lakas at sandata, isa dito si Heneral

Douglas McArthur. Iniwan niya ang bansa sa isa pang Heneral ngunit hindi rin

nagtagumpay ang hukbo nito laban sa mga Hapones. Kakikitaan sa panahong ito ang

lakas ng mga Hapones sa pakikipag-digmaan.

Kung kaya, ang tula ay umiinog sa mapoot na karanasan ng bansa noong panahon

ng pananakop ng Hapones ngunit lumilitaw ang konsepto pag-asa at liwanag mula sa

Pilipino dahil mayroon silang hinihintay na magbabalik (Amerikano), ang itinuring

nilang bayani upang makaahon at makaalis sa kamay ng mga malulupit na Hapon.

Kung pagbabatayan ang nakakubling kaisipan o diwa ng tula, hindi mailalapat ito sa

kwentong pambata dahil sa talinghaga at simbolismo na ikinabit ng awtor sa tula na

Pahina 3
PAMANTASAN NG LUNGSOD NG VALENZUELA
TONGCO ST., MAYSAN, VALENZUELA CITY

nakapagbigay ng malalim na pagpapakahulugan at ang mga salitang ginamit ng awtor

ay hindi angkop at hindi mauunawaan ng mga batang mambabasa. Halimbawa:

(duklay, balaklaot, nangangaykay, hagunot)

(Unang Saknong)

Nagbuká ang tukâ ng tatlóng inakáy

Sa umíindayog na pugad sa dukláy.

“Tuwít, tuwít, tuwít,”ang paós na sigáw,

“Tuwít, tuwít, tuwít! Ináng, ináng, ináng!”

Ang panimulang saknong ay mailalarawan ang pagpasok ng mga mananakop na

Hapon sa Pilipinas. Sa paggamit ng salitang “umiindayog” at “pugad” representasyon

ito sa pagyanig ng buhay ng bansa dahil sa digmaan o pananalakay na dala ng mga

Hapon sa iba’t ibang sakop o probinsya ng bansa. Ang paggamit ng salitang ito ang

nagbigay ng negatibong hinuha sa kabuuang saknong dahil inilarawan ang kaguluhan

noong panahong iyon at kung pagbabatayan ang susunod na taludtod “Tuwít, tuwít,

tuwít,”ang paós na sigáw, “Tuwít, tuwít, tuwít! Ináng,ináng,ináng!” naisalamin ng

taludtod na ito ang masalimuot na sitwasyon noon dahil gamit ang mga salitang ito

pinakita o ibinunyag ng awtor ang tunay na emosyon at damdamin ng tatlong inakay

(Luzon, Visayas, at Mindanao). Tumatangis at tila bang humihingi ng saklolo ang

bansang Pilipinas sa Inang (Amerika) upang makaahon at mailigtas sa militarismong

pamamahala ng mga Hapon.

Pahina 4
PAMANTASAN NG LUNGSOD NG VALENZUELA
TONGCO ST., MAYSAN, VALENZUELA CITY

(Ikalawang Saknong)

Bagyóng nagngángalit,

hanging balaklaót,

Bigláng humabagat —kahilá-hilakbót!

Ang inahíng pipít, dî pa sumísipót,

Nabagbág na kayâ sa hampás ng unós?

Sa ikalawang Saknong, ibinunyag ng awtor ang kalabisan at kasamaang dala ng

mga mananakop na Hapon. Batay sa una at ikalawang taludtod, ipinapakita rin ang

kagimbal-gimbal at karumal-dumal na ginawa ng mga Hapon sa Pilipinas tulad na

lamang ng “Death March” o “Martsa ng Kamatayan”. Isa ito sa pinakamasalimuot na

kaganapan noong panahong iyon dahil matapos mapasuko ng Hapon ang sundalong

Pilipino at Amerikano, pinag-martsa ang mga ito kung saan libo-libo ang namatay

dahil sa gutom, pagod, pagmamalupit, at pagbubugbog. Batay dito, makikita ang lakas

ng pwersa ng mga sundalong Hapones noon, pati nga ang mga babaeng matatanda at

bata ay ginawang parausan ng mga sundalong Hapon (Comfort Women). Mahihinuha

na ang Hapon ay maituturing na malupit, pasista at diktador dahil sa kamay na bakal o

madugong pamamahala sa Pilipinas. Dahil napasuko na ang Amerikano ng mga

Hapon, ang ikatlong taludtod ng saknong “Ang inahíng pipít, dî pa sumísipót,” ay

maiuugnay sa mananakop na Amerika na nangakong tutulong at magpapanumbalik

sa maayos na kalagayan ng bansa ngunit sa huling taludtod may pag-aalinlangan ang

mga Pilipino dahil sa lakas ng pwersang pandigma ng mga Hapon ay naikintal sa

kaisipan ng bansa noon na baka napahamak o natalo na rin ang Amerika na itunuring

nilang bayani na mag-aalis at magliligtas mula sa kamay ng mga Hapon. Isa itong

katibayan na mulat ang awtor na si Ildefonso Santos sa mga mapopoot at magugulong

Pahina 5
PAMANTASAN NG LUNGSOD NG VALENZUELA
TONGCO ST., MAYSAN, VALENZUELA CITY

pangyayari sa bansa noong rehimen ng Hapon.

(Ikatlong Saknong)

O, gutóm na gutóm! O, sabík na sabík!

Nangangaykáy silá sa tindi ng lamíg.

Palasô ang uláng pagtama’y masakít!

Hagunót ng hangin ay kahindik-hindik!

Sa sumunod na saknong, inilahad ng awtor na ang panahong iyon at nakaranas ng

matinding krisis at lumaganap ang kahirapan. Maraming Pilipino ang nagutom dahil

sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin epekto ito ng malawakang kakulangan sa suplay

ng pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at natigil din ang mga

manggagawa at magsasaka sa paggawa dahil sa takot na mabiktima ng kalupitan ng

mga Hapones. Maraming namatay na Pilipino sa gutom at hirap ngunit ngunit hindi

nawalan ng pag-asa dahil hinahangad pa rin ng mga Pilipino noon ang pagbabalik ng

kanilang bayani (Amerika) na mag-aahon sa kalupitang hatid ng mananakop na

Hapon. Sa ikatlong taludtod ng saknong, makikita ang patuloy na pagmamalupit ng

mga hapones sa bansa dahil sa mga pagpapaulan ng bomba at bala na ikinamatay ng

karamihan. Mahihinuha sa saknong na hindi ligtas ang bansa noon, puno ng kadiliman

ang hatid ng nga Hapon sa bansa at katakot-takot ang pigura ng lipunan noong mga

panahong iyon.

(Ikaapat na Saknong)

Pahina 6
PAMANTASAN NG LUNGSOD NG VALENZUELA
TONGCO ST., MAYSAN, VALENZUELA CITY

Nagbuká ang pakpák na kákampáy-kampáy . .

“Tuwít, tuwít, tuwít!

Ináng, ináng, ináng!”

Bábalík pa kayâ? Kailán? Kailán?

Sa huling saknong ng tula, makikita na ang bansa ay natutong ibuka o buksan ang

mga pakpak upang lumaban sa kasamaanng dala ng Hapones na nagdulot ng

malawakang pagkasira sa iilang lungsod at probinsya dahil sa digmaan, bumagsak ang

ekonomiya, at pamahalaang naging sunud-sunuran (puppet). Nakabuo ng mga

grupong susugpo sa mga Hapon tulad ng Hukbalahap na naglalayong mabawi ang

kalayaan at kasarinlan ng bansa. Ngunit sa dulong bahagi ng saknong, makikita pa rin

ang paghihintay ng bansa sa pagbabalik ng Amerika na inaakalang magliligtas at

magpapabangon sa bansa.

III. Konklusyon

Ang Tatlong Inakay ni Ildefonso Santos ay kakakitaan ng maraming simbolikal

na salita na naging daan upang maging sanga-sanga ang diwa nito. Ngunit ayon sa

kaniya, isinulat niya ito noong panahon ng pananakop ng Hapon na naglalayong

ipakita ang mapopoot at masasalimuot na pangyayari sa bansa ng mga panahong iyon

habang naghihintay sa pagbabalik ng Amerika na tutulong sa pagsugpo sa sandatahan

ng Hapon. Mahusay na makata si Ildefonso dahil sa maingat nitong nabihisan ang tula

bilang isang kwentong pambata kahit ang nilalaman o malalim na pagpapakahulugan

nito ay pagtuligsa at paglaban sa mga Hapon. Ngunit hindi ito maituturing na tulang

pambata dahil sa nakakubling kahulugan na nais ibahagi ng awtor sa mambabasa, at

malalalim ang salitang ginamit na hindi naman mauunawaan ng mga batang

Pahina 7
PAMANTASAN NG LUNGSOD NG VALENZUELA
TONGCO ST., MAYSAN, VALENZUELA CITY

mambabasa. Istilo lamang ni Ildefonso Santos ang pagsulat ng ganitong tula. Inugnay

niya ang karakter ng tatlong inakay at ang bagyong nanalanta sa kwento sa bansang

Pilipinas habang nakakaranas ng madilim na pangyayari na nagdulot ng malawakang

paghihirap, karukhaan, at sakripisyo dahil sa hindi makataong pananalakay ng mga

Hapon. Sa pagsipat sa kailaliman ng tula lumantad ang mga konsepto o imahen na

nakakubli sa tula gaya ng kahirapan, karukhaan, kasamaan, mapoot, kagutuman,

Hangarin, Kalayaan at marami pang iba. Nakatulong sa pagsipat ng tula ang gamit ng

teoryang pampanitikan na nagpalutang sa diwa ng tula mula sa mababaw nitong

pagpapakahulugan. Gamit ang Teoryang Historikal nasilip ang kasaysayan ng bansa

batay sa nabuong interprestasyon at ibang datos o pag-aaral na may kaugnayan sa

tula. Dahil dito, lumutang ang kaganapan noong panahon ng pananakop ng Hapon

tulad ng Death March, mga comfort women at kahirapan noong panahong iyon. Sa

pagsusuri ng panitikan, laging isaalang-alang ang balidong batis na ilalapat sa

kritisismo dahil ito ang magpapatibay sa buong kaisipan ng mananaliksik.

Sanggunian

Pahina 8
PAMANTASAN NG LUNGSOD NG VALENZUELA
TONGCO ST., MAYSAN, VALENZUELA CITY

Añonuevo, R., Santos, I. (2001). Sa Tabi ng Dagat at Iba Pang Tula. Quezon City:
Ateneo de Manila University Press

Bayan ni Juan sa Araling Panlipunan. (2014, January 13). Panahon ng mga Hapon.
Retrieved from https://bayannijuanaralingpanlipunan.weebly.com/

Gamas, D. (2017, March 28). Pagsusuri ng Panitikan. Retrieved from


http://gamas01.blogspot.com/2017/03/suring-basa-talambuhay-siildelfonso.html?
m=1

Jaymalin, R. (n.d). Ang Pamumuhay sa Panahon ng Hapon. Retrieved from


https://www.slideshare.net/mobile/mrgtj/pamumuhay-sa-ilalim-ng-mga-hapon

Mga teoryang sa panunuring pampanitikan. (n.d). Retrieved from


http://ironmao.weebly.com/uploads/5/4/1/6/54162303mga_teorya_sa_panunuring
_pampanitikan.pdfpanahonngm gahapon.html

Pahina 9

You might also like