You are on page 1of 1

Jomyl Amador Petracorta Hulyo 10, 2021

BSED Filipino 3-1 Dulaang Filipino

1. Bakit itinatag ni Cecile Guidote Alvarez (CGA) ang PETA?

Ang pangunahing dahilan ni CGA sa pagkatatatag ng PETA ay ang maipakita niya sa lipunan ang
ideolohiya ng “paglikha” bunsod nga ng naunawaan niyang hirap o hamon ng pagiging isang alagad ng sining.
Tunguhin din ng binuo niyang organisasyong panteatro ang magdalumat at magpaalala sa mga tao ng naging
kasaysayan at karanasan ng kapwa tao gaano man kaginhawa o kalagim ang pinagdaanan ng mga ito.
Naniniwala rin siyang lunas at armas ang teatro sa pagsugpo ng mga sakit at suliraning panlipunan na
magpapaliwanag na hindi lamang ito tagapagpaalala bagkus ay lunsaran ng solusyon.

2. Ano ang esensya ng teatro?

Batay sa panayam, mahalaga ang teatro dahil epektibong tulong ito tungo sa pagbabago at progresibo ng
bansa. Mas malalim itong tugon sa hinihinging esensya kaysa sa mga paglalarawang libangan o entertainment
lamang ito, o pagtupad na magkaroon ng kagamitan at ari-arian, o para ipakita ang angking galing sa pagdula
(sa pamamagitan ng mga talento). Naipasisipat sa mga taong esensyal ang teatro sa bisa ng komunikasyon,
paglalahad ng mga radikal na alalahanin, pagtuon sa mga paksa o anggulong hindi natatanaw, at iba pang
kaparaanang may malalim na gawaing makapupuno ng diwa at damdamin ng mga manonood. Dagdag pa,
kahalagahan din ng mga aktor ang pagiging sangkot, pagbibigay motibasyon, at pagsasagawa ng mga aksyong
makapagpapaunlad at makapagpapalaya sa buong komunidad, higit na sa masang Pilipino.

3. Ano ang paniniwala ni CGA sa teatro?

Buong diwa ang paniniwala ni CGA sa kanyang konseptong “Theatre is Connectivity” dahil taglay ng
teatro ang halos lahat ng disiplina. Namumuo rito ang ideolohiya ng koneksyon dahil napag-uugnay-ugnay ng
pagtatanghal ang mga uri ng sining at katotohanan sapagkat dinadalumat nito ang parehong estetika at realidad
ng buhay sa mapanghamong lipunan. Sa teatro, ang pagsasanib ng mga alagad at likhang sining ang
importanteng elemento dahil ito ang magpapakilos sa mga manonood. Sa kabilang banda, taglay rin ang
paniniwalang walang limitasyon ang imahinasyon kaya hangga’t buhay ito at umiindayog sa konsepto ng
paglikha at nagiging malay sa kalagayang panlipunan ay mananatili ring kumikilos ang teatro.

4. Ano ang suhestiyon ni CGA sa sektor ng edukasyon?

Sa espasyo ng edukasyon sa Pilipinas, mahusay kung mapasisimulang ituro sa mga mag-aaral mula
kindergarten hanggang sekondarya ang Sining. Pangkalahatan nang iminumungkahi ni CGA na magkaroon ng
puwang sa kurikulum ang disiplina ng Sining dahil mahahasa nito hanggang maaga pa ang kakayahan ng mga
mag-aaral sa paglikha at kamalayan ng mga mag-aaral sa kalagayan ng bayan. Mariin niya ring ihinayag na
maisasawalang bahala ito at papalya ang pag-unlad kung kapos sa multicultural ingredients ang edukasyon at
ubod ang sining para sa katagumpayang ito. Dagdag pa, hindi dapat umiinog ang disiplina at kursong Sining
para lamang sa mayayamang paaralan/pamantasan bagkus ay panlahat. Dapat ang lahat ay may access sa
kultura at sining na makatuutlong sa pag-unlad ng kaalaman, kakayahan, at kasanayan ng mga indibidwal.

5. Ilang taon na si CGA ngayong taon?

Sa kasalukuyan, ang edad ni CGA ay 77 (Siya ay 24 na taong gulang lamang nang maitatag ang PETA).

6. Kailan pwedeng matawag na alagad ng sining ang isang tao?

Mahirap ang pagiging isang alagad ng sining dahil bukod sa alam mo ang kultura ng iyong bansa ay
dapat batid mo rin ang kasaysayan nito kabilang ang mga pagpapahalaga, tradisyon, at yaman ng kalinangan.
Hindi lamang din natatapos sa diskusyong may husay at galing ka sa pag-awit, pagkanta, o pag-arte, maituturing
lamang na alagad ng sining kung epektibong gagamitin ang mga kasanayang ito sa pakikipag-ugnayang lokal at
global, pagpapabatid ng impormasyon, at pagpapabuti ng nasyon. Higit sa lahat ay ang paghahayag ng isa ng
kanyang pagmamahal sa sining dahil namumunga ito ng pagkakaroon ng pakialam para sa kapwa, hanapbuhay,
paligid, at bansa. Lahat ng tao ay kayang magmasid ngunit ang alagad ng sining ay may kakayahang mag-ingay.

You might also like