You are on page 1of 6

ANG PANITIKANG FILIPINO

A. ANO ANG PANITIKAN?

1. Ayon kay Dr. Jose Villa Panganiban ang panitikan ay binubuo ng pang- na unlapi, ng salitang ugat at
ng –an na hulapi. Nagiging pan- ang pang- kung inuunlapi sa salitang nagsisimula sa mga titik na d,
l, r, s, at t. Karaniwan ding kinakaltas ang titik na t kung saklaw ng tuntuning nabanggit. Kaya’t sa
halip na pangtitikan ay nagiging panitikan na ang katumbas sa Ingles ay literature at literatura sa
Kastila. Ang salitang titik ay litera sa Latin, letra sa Kastila at letter sa Ingles na mga salitang ugat ng
kanilang panumbas na salita sa panitikan.

2. Ang panitikan ay sining. Ang panitkan ay buhay. Sining sapagkat nagagawa nitong paglakbayin ang
ating guniguni sa isang masining at makulay na pamamaraan. Buhay sapagkat ang mga nababasa
natin ay nagmula sa karanasan ng tao na siyang realidad sa buhay (Patrocinio Villasan Villafuerte).

3. Ito’y pagpapahayag na kinapapalooban ng katotohanan at pagpapahayag sa paraang nagpaparanas


sa bumabasa ng kaisipan at damdamin ng manunulat.

4. Katipunan ng mga akdang nasusulat na makikilala sa pamamagitan ng malikhaing pagpapahayag,


estetikong anyo, pandaigdigang kaisipan at kawalang-maliw (Webster, 1947).

5. Ang panitkan ay nasusulat na tala ng pinakamabuting kaisipan at damdamin ng tao (W.J. Long).

6. Ayon kay Dr. Rufino Alejandro (1949), ang panitikan ay katuturang bungang-isip na isinatitik.

7. Ayon sa aklat ni Hon Azarias (Pilosopia ng Literatura), ang panitikan ay nagpapahayag ng mga
damdamin ng tao hinggil sa mga bagay-bagay sa daigdig, sa pamumuhay, sa lipunan at pamahalaan
at sa kaugnayan ng kaluluwa sa Bathalang Lumikha.

8. Isang talaan ng buhay ang panitikan kung saan nagsisiwalat ang isang tao ng mga bagay na kaugnay
ng napupuna niyang kulay ng buhay at buhay sa kanyang daigdig na kinabibilangan. Ginagawa ito
ng isang tao sa pamamagitan ng malikhaing pamamaraan (Arrogante, 1983).

9. Ang panitikan bilang isang lakas na nagpapagalaw sa lipunan. Dinagdag pa niyang isa itong
kasangkapang makapangyarihan na maaaring magpalaya sa isang ideyang nagpupumiglas upang
makawala. Para sa kanya, isa rin itong kakaibang karanasang pantaong natatangi sa sangkatauhan
(Salazar, 1995).

10. Ito’y mga akdang pasulat o pasalita na may kagandahan ng pamamahayag, kadakilaan ng
damdamin katayuan ng pag-iisip at may katangiang pandaigdigan (Gangsa I, 2003).

B. BAKIT DAPAT PAG-ARALAN ANG PANITIKAN?

1. Ang pag-aaral ng panitikan ay parang tubong pinapangos. Sinisipsip ang tamis at tinatapon ang
sapal (Villafuerte, 2010).
2. Ayon kina Villafuerte at Bernales (2009), napakahalaga ng panitikan ng isang bansa. Ito ang dahilan
kung bakit isinasama ang pag-aaral nito sa kurikulum n`g lahat ng antas ng pag-aaral. Ilan sa mga
kapakinabangang matatamo sa pag-aaral ng ating sariling panitikan ay ang mga sumusunod:

a. Lubos nating makikilala ang ating sarili bilang Pilipino at matatalos natin ang minana nating
yaman at talinong taglay ng ating pinagmulan.

b. Mababatid natin ang kadakilaan at karangalan ng ating mga sariling tradisyon at kultura, maging
ng mga naging impluwensya sa ating ibang bansa na siyang naging sandigan ng kabihasnang
tinatamasa natin sa kasalukuyan.

c. Higit nating mapapahalagahan ang kadakilaan ng ating kasaysayan lalo na ang pagpapakasakit
ng ating mga ninuno upang ating tamasahin ang kalayaan at kapayapaang pinakikinabangan
natin sa kasalukuyang panahon.

d. Mababatid natin ang pagkakatulad at pagkakaiba-iba ng katangian ng mga panitikan ng iba-


ibang rehiyon at matututunan nating ipagmalaki ang ating pagka-Pilipino.

e. Matutukoy natin ang mga kalakasan at kahinaan ng ating lahi nang sa gayo’y mapag-ibayo pa
ang ating mabubuting katangian bilang isang lipi at mapalakas ang ating mga kahinaan bilang
isang bansa at maiwasan ang ating mga pagkakamali bilang indibidwal at bilang isang
komunidad.

f. Mapapangalagaan natin ang ating yamang pampanitikan na isa sa ating pinakamahalagang


yamang panlipi.

g. Mahuhubog natin ang magiging anyo, hugis, nilalaman at katangian ng panitikan sa kasalukuyan
na siya namang magiging sanligan ng panitikan sa hinaharap.

h. Malilinang ang ating pagmamalasakit sa ating sariling kultura at maging ang ating malikhaing
pag-iisip na ilan sa mga mahahalagang pangangailangan upang tayo ay umunlad bilang isang
bansa.

i. Upang matanto natin ang ating mga kakulangan sa pagsulat ng panitikan at makapagsanay na
ito’y matuwid at maayos.

j. Upang makilala at magamit natin ang ating mga kakayahan sa pagsulat at magsikap na ito’y
malinang at mapaunlad.

k. Higit sa lahat, bilang mga Pilipinong nagmamahal sa sariling kultura ay kailangang maipamalas
ang pagmamalasakit sa ating sariling panitikan.

May kaakibat na kahalagahan ang panitikan para sa mga Pilipino. Isa itong uri ng
mahalagang panlunas na tumutulong sa mga tao upang makapagplano ng sari-sariling mga buhay
upang matugunan ang kanilang mga suliranin, at upang maunawaan ang diwa ng kalikasan ng
pagiging makatao. Maaaring mawala o maubos ang mga kayamanan ng isang tao, maging ang
kanyang pagiging makabayan, subalit hindi ang panitikan. Isang halimbawa nito ang pandarayuhan
ng ibang mga Pilipino. Bagaman nilisan nila ang kanilang bayang sinilangan, ang panitikan ang
kanilang tulay sa naiwan nilang bansa.

Sa panlipunan, pambansa, at pandaigdigang kaukulan, isa ang panitikan sa pinagbabatayan


ng pagkakaroon ng tagumpay at kabiguan ng isang bansa maging ng ugnayan ng mga bansa.

C. LAYUNIN NG PANITIKAN

1. Maipakita ang relidad at katotohanan


2. Makalikha ng isa pang daigdig na taliwas sa katotohanan

D. KAHALAGAHAN NG PANITIKAN

Bawat bansa ay may panitikan, bawat pook ay may kasaysayan at marami sa mga tao ay may
angking kakayahan para bumuo, lumikha at sumulat na sa ngayon ay tinatawag na panitikan. Sa pag-
aaral ng panitikan, masusumpungan ng mga bumabasa ang pinakatampok na kasaysayan ng daigdig,
ang kamalayan ng bansang kanyang kinabibilangan at ang kanyang katutubong kultura at tradisyong
bumabalot sa kanyang lahing pinagmulan. Dahil sa panitikan, nagagawa ng bumabasa na marating niya
ang ibang daigdig. Magagawa niyang makihalubilo ang kahit hindi niya kalahi. Nakikilala niya ang
kalinangan na kung hindi man kawangis ng sa kanya ay iba kaysa sa kanyang lahi. Dito ay mapag-
uugnay-ugnay niya ang kanyang kinamulatang tradisyon na hindi gaanong nalalayo sa kanyang
katutubong lahi.

Sa pagbabasa o pag-aaral man ng panitikan, maaangkin ng tao ang likas na kahalagahan ng


panitik kahit sa anupamang wika ito nasusulat, kahit sa anupamang panahon ito nalimbag at sa kahit
anupamang paraan ito ipinahahayag. Ang mahalaga ay maikintal sa isipan at damdamin ng mambabasa
ang kahalagahan niya sa panitikan bilang siyang iniinugan ng mga karanasang dito’y napaloob. Salamin
ng katotohanan ang tao at ang kanyang panitik ang pinakamahalaga sa larangan ito ng sining. Sa
madaling salita, ang kanyang kasalukuyan at hinaharap ay ang mga tanging daluyan ng damdamin at
kaisipang tatahak sa kalaliman ng panulat na ang tanging sasakyan ay ang diwa at kakayahang buuin
ang tagni-tagning kaisipan para isatitik o isulat sa paraang natatangi sa kanyang panlasa para ang mga
ito ay maging tunay at ganap na panitikan.

Sa panitikan ay maituturing ding mahalaga ang mga panginooring hindi lantarang nabibigyan ng
kahulugan ng mga makata, alalaon baga’y ang ganitong bagay ay tumutulong pa sa mga mambabasa
para mag-isip at magpakahulugan sa mga pangitaing hindi ganap na nabibigyang-katuturan. Minabuti
ng sining na ito kung gayon na papag-isipin ang tao at pahagilapin dila ng kahulugan mula sa wala na
ang lakas ng imahinasyon at damdamin lamang ang tanging puhunan. Nariyan daw ang tunay na lakas
ng panitikan dahil nababanaagan ng panulat ang alinmang nagbabadya at nagpapaliwanag. Sa ganito
ay gampanin ng isang akda na tahakin at pasukin ang kaloob-looban ng mga mambabasa gayundin ang
pinakakaluluwa ng panulat upang madama ang kalaliman ng sining.
E. URI NG PANITIKAN

1. Ayon kina Villafuerte at Bernales (2009), ang panitikan, saan mang bahagi ng daigdig ay maaaring
mauri batay sa paraan ng pagsasalin sa ibang henerasyon at batay sa anyo.

a. PASALIN-DILA. Ang pasalin-dila ay ang paraan ng paglilipat ng panitikan mula sa dila at bibig ng
tao. Noong hindi pa marunong magsulat ang mga ninuno ng mga makabagong Pilipino,
binibigkas lamang nila ang mga tula, awit, epiko at iba pa. Kalimitang nagtitipon-tipon ang
sinaunang mga Pilipino upang pakinggan ang mga salaysayin, paglalahad o pamamahayag na
ito. Paulit-ulit nilang pinakikinggan ang mga ito upang matanim sa kanilang isipan. Sa ganitong
palagiang pakikinig at pagbigkas ng panitikan, nagawa nilang maisalin ang mga ito papunta sa
susunod na salinlahi o henerasyon ng mga Pilipino.

b. PASULAT. Ang pasulat, isinatitik, inukit, o iginuhit ng mga ninuno ng pangkasalukuyang


panahong mga Pilipino ang kanilang panitikan. Nagaganap ito noong matutunan nila ang
sinaunang abakada o alpabeto, kabilang na ang mas naunang baybayin at mga katulad nito.

c. PAELEKTRONIKO. Isang bagong kaparaanan ng pag-uuri ang paelektroniko, o pagsasalin ng


panitikan sa pamamagitan ng mga kagamitang elektroniko na dulot ng teknolohiyang
elektronika. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang paggamit ng mga diskong kompakto, plaka,
rekorder (tulad ng tape rekorder, VHS, mga aklat na elektroniko (hindi na binubuklat dahil hindi
na yari sa papel, bagkus ay nasa mga elektronikong anyo na) kompyuter, laptop, internet,
telebisyon, radyo, tablet, e-book, i-pod at cellphone.

F. ANYO NG PANITIKAN

1. ANYONG PATULA. Ang patula ay naglalahad ng isang piling kaisipang malimit ay sa pamamagitan
ng sukat at tugma at kung minsan ay walang sukat at tugma.

a. TULANG PANDAMDAMIN O TULANG LIRIKO. Nagsasaad ng marubdob na pagdamdam sa isang


paksa. Matatawag ding tula sa puso ang tulang ito. Ang karaniwang paksa ng tulang
pandamdamin ay ang pag-ibig, pagkamakabayan, paghanga sa kagandahan at kahiwagaan ng
buhay sa lahat ng pumupukaw sa damdamin. Ayon naman kina Villafuete at Bernales (2009),
ang tulang pandamdamin ay mga tulang tumatalakay sa marubdob na damdamin o di kaya’y ng
ibang tao na maaaring may-akda o dikaya’y ng ibang tao.

1) Dalit. Ito’y tulang nagpaparangal sa Diyos na may halong pilosopiya sa buhay. Ito ay may
tugma, binubuo ng walong pantig bawat taludtod at ito’y apat na taludturan. Ito ay
inaawit nang solo ng naparusahan at sinasagot naman ng lahat ng magkakaharap sa
mesa.
2) Kantahin. Ito’y tulang may sukat at tugma at ang layunin nito ay para awitin.
3) Soneto. Ito’y isang tulang may labing-apat na taludtod at ang bawat taludturan ay
tigalawang taludtod.
4) Elehiya. Ito’y isang tulang nagpapahayag ng pagkalumbay o panimdim dahil sa isang
namatay na mahal sa buhay.
5) Oda. Ito’y isang tulang pumupuri sa mga pambihirang nagawa ng isang tao o grupo ng
mga tao.

b. TULANG PASALAYSAY O EPIKO. Mga tulang may kwento at may pangunahing personang
gumagalaw. Ito’y pagsasalaysay ng mga pangyayari o kwento sa anyong patula.
1) Epiko. Ito’y isang tulang pasalaysay na nagsasaad ng pakikipagsapalaran ng mga tauhan.
Ang mga tauhan ay may pambihirang katapangan, kalakasan at kabayanihan at may mga
pangyayaring hindi kapani-paniwala ngunit nagbibigay ng aral.
2) Awit. Ito’y isang tulang binubuo ng labindalawang pantig sa bawat taludtod ng isang
saknong at kung inaawit ay marahan. Ang kagandahan ng awit ay nakasalalay sa mga
magagandang aral, maririkit na mga talinghaga at mga piling salita.
3) Kurido. Ito’y binubuo ng walong pantig sa bawat taludtod ng isang saknong at inaaawit
nang mabilis. Ang kagandahan nito ay nakasalalay sa kuwento o kasaysayan.
4) Balad. Ito ay may himig na awit dahilan sa ito ay inaawit habang sinasayaw. Ito ay nilikha
noong unang panahon. Sa Kasalukuyan, ito ay napapasama sa tulang kasaysayan na may
anim hanggang walong pantig.

c. TULANG PANDULAAN/DRAMATIKO. Mga dulang nasusulat nang patula. Ito’y bersong


ginagamit sa pagtatanghal sa halip na tuwirang pagsasalita. Ayon kina Villafuerte at Bernales,
ito’y tulang isinasadula sa entablado o iba pang tanghalan.
1) Moro-moro. Ito’y isang dulang kinagigiliwan ng mga tao noong panahon ng mga Kastila.
Isinasaad dito ang laging paglalaban ng mga Kristiyano at mga Moro (Muslim) at laging
nagwawakas sa tagumpay ng mga Kristiyano.
2) Senakulo. Isang uri ng dulang makarelihiyon na ang pinakamanuskrito ay ang pasyon.
Itinatanghal ito sa entablado tuwing mahal na Araw.

3) Tibag. Ito’y may kaugnayan sa senakulo dahil nauukol ito sa paghahanap sa krus na
kinamatayan ni Kristo sa Bundok Kalbaryo.
4) Pasyon. Naglalahad ito ng buhay, pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni
Hesukristo.
5) Panunuluyan. Nauukol ito sa paghahanap ng bahay na matutuluyan ng mag-asawang
San Jose at Birhen Maria noong unang bisperas ng Pasko.
6) Sarsuwela. Ito’y isang musikal o melodramang may 3 yugto na pumapaksa sa pag-ibig,
paninibugho, paghihiganti o pagkasuklam at iba’t iba pang matitinding damdamin.
7) Karilyo. Ang karilyo ay pagpapagalaw ng mga anino ng mga pira-pirasong kartong hugis-
tao o hayop sa likod ng isang kumot na puti na naiilawan. Habang pinagagalaw ang
hugis-karton ay sinasabayan ng pagsasalita. Ang hugis ng karton ay ayon sa mga tauhan
ng isang salaysay, alamat, kuwento, balita at iba pa.

d. TULANG PATNIGAN O PAMPAGTATALO. Ito’y mga laro o paligsahang patula na noo’y


karaniwang isinasagawa sa bakuran ng mga namatayan.

1) Balagtasan. Ito’y isang pagtatalo ng dalawang koponang binubuo ng tig-isa o labis sa


isang koponang nagtatanggol ng kani-kanilang panig.
2) Batutian. Mas mapanudyo sa mapanuligsa ito kaysa sa Balagtasan. Ibinatay sa pangalan
ni Huseng Batute (Jose Corazon de Jesus).
3) Karagtan. Ito’y isang paligsahan sa tula na nilalaro bilang parangal sa isang namatay.
4) Duplo. Karaniwang ginaganap ang paligsahan sa pagtula sa bakuran ng namatayan sa
ikasiyam ng gabi matapos mailibing ang namatay bilang pang-aliw sa mga ulila.
5) Ensilada. Isa pang paligsahan sa pagtula na ginagawa bilang pang-aliw sa namatayan.
Ginagawa ito gabi-gabi habang nagsisiyam sa namatay.

2. TULUYAN. Ang tuluyan ay maluwag na pagsasama-sama ng mga salita sa katutubong takbo ng


pangungusap.
a. Nobela. Tinatawag ding kathambuhay, ang nobela ay isang mahabang salaysay ng mga kawing-
kawing at masasalimuot na pangyayari na naganap sa mahabang saklaw ng panahon,
kinasasangkutan ng maraming tauhan at nahahati sa mga kabanata.
b. Maikling Kwento. Ang maikling kwento ay isang salaysay ng isang natatangi at mahalagang
pangyayari sa buhay ng isang pangunahing tauhang may suliranin. Ito’y natatapos sa isang
takdang panahon at nag-iiwan ng isang kakintalan o impresyon.

c. Dula. Hindi matatawag na dula ang isang akda kung ito’y isinusulat at hindi itinatanghal sa
entabladoo tanghalan. Karaniwang nahahati ang isang dula sa tatlo o higit pang yugto bagamat
marami rin ang mga dulang iisahing yugto.
d. Alamat. Ang alamat ay isang salaysay na nauukol sa pinagmulan ng bagay, pook o pangyayari.
e. Pabula. Kung ang kuwento’y may mga tauhang hayop na nagsisiganap, nagsasalita at kumikilos
na karaniwang nag-iiwan ng aral.
f. Parabula. Ito’y mga kuwentong hinango sa Bibliya.
g. Sanaysay. Ang sanaysay ay naglalahad ng mga kuro-kuro at pansariling kaisipan ng isang
manunulat.
h. Talambuhay. Ang talambuhay ay naglalahd ng mahahalagang pangyayari sa buhay ng isang tao.
Kapag ang talambuhay ay nauukol sa taong siyang sumulat, ito ay tinatawag na pansariling
talambuhay.
i. Anekdota. Salaysay buhat sa buhay ng manunulat na ang layunin ay makapagbigay-aral sa mga
mambabasa.
j. Balita. Iibayosang paglalahad ng mga pang-araw-araw na pangyayari sa lipunan, pamahalaan,
industriya o agham, tulad ng sakuna at iba pang paksang nagaganap sa buong bansa o maging
sa ibayong dagat
k. Talumpati. Isang pagpapahayag na binibigkas sa harap ng mga tagapakinig na naglalayong
manghikayat, magbigay ng impormasyon, mangatwiran, magpaliwanag at magbigay ng opinion
o paniniwala.

You might also like