Noong unang panahon, may isang napakagandang dilag na nagngangalang Cirila
o kilala din sa tawag na Ilang. Bukod sa pagiging maganda at parte ng angkan ng Gat, si Cirila ay may angkin ding kabutihan ng loob kaya’t lubos siyang kinagigiliwan ng madla. Sa bayan ding iyon ay may isang matapang at matipunong lalakeng kinatatakutan ng ibang binata sa Malabon, si Carlos na tinaguriang si Lanubo. Si Cirila at Carlos ay magkatipan at ang pagmamahalan nila ay walang katulad. Bukod dito ay hindi rin lingid sa kanilang mga magulang ang kanilang pagmamahalan.
Katawan:
Isang araw ay may Tsinong nabihag sa kagandahan ni Cirila. Ang Tsino ay
napamahal sa dalaga, ngunit hindi niya mahayag ang kaniyang damdamin sapagkat alam niya kung sino ang kasintahan nito. Minarapat na lamang ng Tsino na maghintay ng tamang panahon upang ipahayag ang kaniyang damdamin. Nang nalalapit na ang pag- iisang dibdib ni Ilang at Lanubo, nagpasya ang lalake na manghuli ng usa na ihahanda sa kanilang kasal. Kasama ang apat niyang matatalik na kaibigan, nagtungo sila sa Limay, Bataan kung saan naroroon ang bundok na mausa. Makalipas ang dalawang araw mula ang paglisan ng grupo ni Lanubo, sinamantala ng Tsino ang pagkakataon upang umamin sa dalaga. Inalok niya ito ng kayamanan na siyang tinanggihan ni Cirila sapagkat marunong siyang tumupad sa pangako nilang dalawa ni Lanubo at malinis at marangal ang kaniyang puso. Hindi natanggap ng Intsik ang pagkabigo at napagpasiyahan na lamang na umalis bago pa makabalik sina Lanubo. Ngunit sa pagdating ng ikalawang pangkat ng mga Intsik ay nakipagsabwatan siya dito, at sa pagsapit ng gabi ay sinalakay nila ang tahanan ni Ilang. Tinali nila ang mga magulang ni Ilang, habang ang dalaga naman ay dinala nila sa malayong pook upang mapapayag sa kanilang masamang nais. Nanatiling tapat si Ilang sa kaniyang pangako at sinabing mas nanaisin pa niyang mamatay kaysa mawalan ng puri. Nang malingat ang isang salanggapang na Tsino ay inagaw niya ang sundang nito at sa pag-aagawan nila ay tumarak ang sundang sa puso ni Ilang na siyang ikinamatay ng dalaga. Nang gabing iyon ay nabatid ni Lanubo ang nangyari sa kanyang kasintahan kaya naman hinanap niya ang taksil at nakipaghamok sa pangkat ng Intsik sa gitna ng dagat. Dahil sa poot at galit ng binata at nilapastangan nila ang pangkat ng mga masasamang loob. Wakas:
Matapos pagdalamhatian ng mga binata at ng buong bayan ang bangkay ni Ilang,
inilibing ito sa tabi ng isang malaking punongkahoy na hindi namumulaklak. Labis ang pighanting naramdaman ni Lanubo sa kaniyang pagluhod sa harap ng puntod ng kasintahan. Makalipas ang ilang araw, nakita na lamang ng mga tao ang malamig na bangkay ni Lanubo. Inilibing ang binata sa lugar kung saan din nilibing si Ilang. Isang araw, nagulat ang mga tao nang makaamoy ng mabango na nagmumula sa libingan ng magkasintahan. Hindi sukat-akalain ng karamihan na ang punongkahoy na matagal nang hindi namumunga ay nagdulot ng isang magandang bulaklak na tinawag nilang Ilang- Ilang bilang paggunita sa dalawang pusong nagpakita ng malinis at tapat na pagmamahalan..