Masusukat mo talaga ang kabutihan ng isang tao sa pamamagitan ng kanyang pagtrato sa
mga taong walang-wala sa buhay. Ang ama sa napanood kong patalastas na galing sa bansang Thailand, ay isang perpektong halimbawa ng taong may ginintuang puso. Ganito ang storya: may isang bata na nagnakaw ng gamot sa isang botika, at nang mahuli siya at paparusahan na sana ng may-ari, may isang ama na nagmabuting loob at binayaran ang ninakaw ng bata, sapagkat naawa siya rito. Binigyan rin niya ito ng sabaw para may makain sila ng kanyang may sakit na ina. Makalipas ang tatlumpung taon, biglang naaksidente ang ama at kailangang isugod sa ospital. Napakalaki ng kanilang babayaran para sa pagpapagamot nito, at muntik nang mawalan ng pag-asa ang kaniyang anak. Ngunit nang makita niya ang ‘hospital bill’, nakasulat dito na bayad na ang lahat! Matagal na; tatlumpung taon na ang nakalipas. Sapagkat ang munting paslit na binigyan ng kanyang ama ng gamot at sabaw, ay isang dakilang doctor na pala ngayon. Hindi ko talaga napigilan ang aking mga luha; patuloy itong umaagas nang malaman ko na siya na ang nagbayad sa lahat ng gastusin ng matanda, bilang kapalit sa kabutihang loob na ipinakita nito noong walang-wala pa siya sa buhay. Sa totoong buhay, may kilala rin akong tao na patuloy lang ang pagbigay sa kapwa, kilala niya man o hindi. Siya ay may busilak na puso, at may malasakit sa mga tao. At katulad sa patalastas, siya rin ang aking ama. Noong bata pa siya, kailangan niyang tumulong sa kanyang mga magulang sa pagtatrabaho sapagkat sampu sila na magkakapatid. Napakahirap ng kanilang buhay; minsa napapaisip nalang siya na tumigil na sa pag-aaral at magtrabaho nalang. Pero, alam niyang lahat ay possible kapag naniwala siya. Nagpursigi siya na pagsabayin ang kanyang pag- aaral at pagiging mabuting anak, at sa awa ng Diyos, matapos ang labing-dalawang taon sa kolehiyo, naging isang ganap na abogado na siya! Ngayon na nakaluwag-luwag na siya sa buhay, pinangako niya sa sarili na tutulong siya sa mga taong nangangailangan, sapagkat alam na alam niya ang pakiramdam ng pagiging dukha. Halos kalahati ng kanyang sweldo sa trabaho ay napupunta sa simbahan at mga ‘charity’, habang ang kalahati naman ay para sa amin. Siya ang nagpapaaral sa kanyang mga pamangkin at binibigyan niya kaming mga anak niya ng sobra pa sa aming pangangailangan. Marami na rin siyang mga taong natulungan sa kanyang propesyon, at kung minsan, kapag walang pambayad ang kanyang mga kliyente ay nililibre nalang niya ang kanyang serbisyo at pagbibigay ng legal na payo sa kanila. At kagaya ng mahirap na bata na naging doctor, susuklian ko rin ang lahat ng kabutihan na kanyang pinakita sa akin. Wala na silang gagastuhin ng aking ina kahit piso, sapagkat ako na ang bahala mag-alaga at magsustento sa lahat ng kanilang mga pangangailangan. Gusto ko maramdaman nila ang pagmamahal na walang sawa nilang pinaramdam sa akin. Ang isang maliit na akto ng kabutihan ay malayo ang mararating. Ito ay isang ginintuang birtud na nagsisilbing bukal kung saan dumadaloy ang napakarami pang ibang birtud. Kaya mas piliin nating tumulong at magbigay sa ating kapwa nang walang hinihinging kapalit. Huwag tayong mag-alala, sapagkat ang Diyos na ang bahala na magsukli sa atin pabalik ng mas higit pa sa ating binigay.