You are on page 1of 4

Bicol University

POLANGUI CAMPUS
Nursing & Health Sciences Department
A.Y. 2020-2021
Ikalawang Semestre

SOSYEDAD AT LITERATURA

SERRANO, SOPHIA MIRELA O. BSN 2B

PAGSUSURI SA DULANG
“ANG BUBUNGANG LATA”

BALANGKAS A
I.
A. Pamagat ng Katha
Ang Bubungang Lata ni Agapito M. Joaquin

B. Sanggunian o Aklat na Pinagkunan


Youtube - https://www.youtube.com/watch?v=iSMs2MtJgOE
Sipi ng “Ang Bubungang Lata”

II. Buod
Anumang problema, malaki man o maliit, ay nananatiling problema hangga’t
hindi ito nabibigyan ng solusyon.
Taliwas sa kung anong ipinangakong buhay bago sila ay nanirahan sa iisang
bubong, ang mag-asawang sina Maldo, isang artista, at Toying, isang simpleng
maybahay, ay humaharap sa isa sa mga karaniwang away mag-asawa – ang away
patungkol sa problemang pinansyal na parte na ng kanilang pamumuhay bilang isang
pamilya. Ang naturing mag-asawang ito ay naninirahan sa isang sira-sirang tahanan, pati
na ang kanilang bubong na butas-butas na at tumutulo na ang tubig ulan sa loob ng
kanilang tahanan. At sa bubong din nagsimula ang kanilang diskusyon.
Isang araw na bumubuhos ang napakalakas na ulan at tumutulo ang tubig ulan sa
loob ng kanilang tahanan dahil ang kanilang bubong ay butas butas na. Inutusan ni
Toying si Maldo na tagpian muna ito nang hindi na tuluyan pang mabasa ang kanilang
sahig ngunit mas pinili ni Maldo na umalis at pumuntang studyo upang mag-baka sakali.
Walang nakukuhang gaganapin sa pelikula o sa palabas si Maldo, kaya naman,
wala siyang kinikitang salapi. Ayon pa sa kaniya, wala rin siyang alam na ibang
hanapbuhay. Kaya naman kahit walang kasiguraduhan at masama ang lagay ng panahon,
sumusubok pa rin siya na makakuha ng pelikula na maaari siyang ilahok sa mga gaganap.
Nang dahil sa walang maibigay na panggastos si Maldo, gumagawa ng sariling
paraan si Toying. “Nangungutang”, aniya sa kaniyang asawa nang siya ay kwestyunin
tungkol sa kung saan nanggagaling ang perang ipinambibili ng pagkain. Ngunit ang totoo
ay nagpapagamit siya sa iba’t ibang mga lalaki, sa tuwing wala si Maldo, kapalit ng
salapi. Dahil sa kaniyang kapit-patalim na paraan, kahit paano’y napupunan nito ang
kanilang pang-araw-araw na pagkain at panggatas ng kanilang anak. Hindi kalaunan ay
nalaman ni Maldo ang kaniyang ginagawa nang mahuli sina Toying at isa pang lalaki sa
silid-tulugan sa loob mismo ng sarili nilang kabahayan. Sumiklab ang galit ni Maldo
ngunit kahit na dampian ng mabigat na kamay si Toying ay hinding hindi niya magawa.
Bagkus ay idinaan niya na lamang sa pag-iyak ang poot na kaniyang nadarama at
nagkaroon pa ng lakas na loob sabihin kay Toying ang mga katagang “bumili ka ng bigas
at kung may matira pa sa pera mo, bumili ka na rin ng isang pirasong yero.”
Ang pagpapatawad, pagmamahal, at pagtanggap ay isa sa mga matatapang na
emosyon na maaaring ibigay sa kapwa.

III. Pagsusuri

A. Uri ng Pampanitikan
Ang panitikan na ito ay isang dula. Ito ay nagsasaad ng isa o higit pang
pangyayari at ito ay ginagampanan ng isa o higit pang tauhan na tinatanghal sa dulaan o
entablado.

B. Istilo ng Paglalahad
Ang paglalahad ng kwento ay tradisyunal sapagkat ito ay sinimulan sa
karaniwang panimula na sinundan naman ng kumplikadong pangyayari. Mabilis ang
naging daloy nito at madaling naunawaan ang kuwento.

C. Mga Tayutay
“Lakad ka nang lakad, wala namang nangyayari.”
Ang ibig sabihin nito ay kahit ano pang gawin na paraan, sa huli, wala pa rin pag-asenso.

“Kung gusto mo pang mabuhay, huwag mo akong kakaliwain.”


Ang ibig sabihin ng kakaliwalain ay pagloloko sa asawa o pagpatol sa iba.

“Kung wala iyon, para akong patay.”


Ang kaulugan ng salitang patay sa linyang ito ay walang silbi.

D. Sariling Reaksyon

1. Pananalig Pampanitikan/Teorya
Realismo
Maraming pangyayari sa dula ang maihahawig sa mga totoong nangyayari
sa buhay ng mga tao. Katulad na lamang ng problema ng pamilya sa pinansyal na
aspeto. Karamihan sa atin, may kaya man o wala, ay nakararanas pa rin ng
paghihirap sa pang-araw-araw. Karagdagan pa rito ay ang pag-aasawa nang
maaga at pagkakaroon ng anak sa murang edad kahit na hindi pa handa sa
pinansyal at sikolohikal na aspeto. At tunay nga naman na gagawin ng isang ina
ang lahat, kahit pa kapit-patalim na ang paraang ito, upang matustusan lamang
ang pangangailangan ng pamilya, lalo na ng kaniyang anak.

Romantisismo
Dahil sa pagmamahal ni Maldo kay Toying, nagsusumikap pa rin siya na
makahanap at magkaroon ng trabaho. Nais niya rin na siya na lamang ang
maghanapbuhay upang maitaguyod ang pamumuhay kaniyang mag-ina. Nang
malaman niya ang naging paraan ni Toying upang kumita ng pera, ibinaba niya pa
rin ang kaniyang sarili, kaniya pa ring pinatawad at tinanggap ang kaniyang mahal
na asawa, sa kabila ng nagawa nitong kasalanan laban sa kaniya.

Klasisismo
Isa ang kahirapan sa naipakitang kalagayan sa nasabing dula. Kahit na
sinuman at sino pa ang nakararananas ng kahirapan ay gagawa at gagawa tayo
ngparaan upang mapagaan ang ating mga buhay. Ito ang naging puno’t dulo ng
suliranin. Nang dahil sa kahirapan, nagawa ni Toying na ilagay ang kaniyang
sarili sa alanganin saalang-alang lamang sa kaniyang supling. Gayundin si Maldo,
hindi pa rin siya sumusukong maghanap ng pelikulang pakakakitaan ng pera.

2. Mga Pansin at Puna

a. Mga Tauhan
Base sa aking obserbasyon sa mga tauhan sa akdang ito ay (1) pareho
nilang minimithi na kahit sa kaunting paraan ay umunlad ang kanilang
pamumuhay, lalo na sa panig ng isang ina na si Toying. Kahit sinong nanay ay
hindi kayang makita o matiis na umiiyak sa gutom ang kaniyang anak. (2) Higit
na nagtiwala si Maldo sa kaniyang sarili na umabot sa puntong nakatatak na sa
kaniyang isipan na wala na siyang ibang alam na trabaho kung kaya’t nahirapan
siya sa paghahanap ng iba pang maayos na hanapbuhay.
Base naman sa pagkakadula ng mga tauhan sa video na aking napanood,
para sa akin ay hindi nagampanan nang maayos dahil kulang ito sa emosyon at
hindi gaanong naiinitindihan ang mga salitang binibigkas.

b. Galaw at Pangyayari
Ang daloy ng akdang ito ay mabilis at kapana-panabik dahil sunud-sunod
ang mga suliranin, ngunit madaling mahulaan ang mga susunod na pangyayari.
Maihahalintulad ang dulang ito sa mga napapanood na mga teleserye sa
telebisyon. Maikli lamang ang kuwento subalit naipakita nito ang mga tunay na
estado o sitwasyon na nangyayari sa totoong buhay.
3. Bisang Pampanitikan

a. Bisa sa Isip
Bilang isang kabataan, itinatak ng dulang ito sa aking isipan na ang pag-
aasawa ay hindi madali, lalo na kung hindi pa handa. At ipinaalala rin nito sa akin
ang kasabihang “maka-pito munang isipin bago gawin” dahil lahat ng desisyon na
ating gagawin ay may katumbas na kahihinatnan at ang desisyon natin ang
magdadala sa atin sa landas na ating tatahakin.

b. Bisa sa Damdamin
Inis at lungkot ang ibinigay na emosyon ng dulang ito. Inis dahil sa
pagmamataas ni Maldo na tanging pag-aartista lamang ang alam niya kaya’t ayaw
niyang tumanggap ng tulong o iba pang trabaho. Lungkot dahil nagawa ni Toying
na pumatol sa masamang paraan maitawid lamang ang kanilang pang-araw-araw.
Malungkot ang dula ngunit naipakita nito ang kalagayan ng kahirapan ng buhay.

c. Bisa sa Kaasalan
Ang kahirapan ay hindi matutugunan ng imoralidad. Dahil sa kahirapan,
napilitan si Toying na isuko ang kaniyang dangal para lamang maitawid ang
gutom ng kanilang anak. Mali ang kaniyang naging desisyon at paraan upang
kumite ng pera. Hindi karapat-dapat na ipagbili o kapalit ng pera ang reputasyon,
dignidad, at dangal ng isang tao. Ngunit labis ang pagkadakila ni Maldo na
magpatawad at tanggapin si Toying kahit na nagkasala ito. Pagpapakumbaba at
pag-ibig pa rin ang nanaig.

d. Bisa sa Lipunan
Ang dulang ito ay nakapupukaw sa lipunan sa kung ano at paano ang
kulay ng kahirapan. Isa ang dulang ito na nagpapakita ng reyalidad na hindi
nakikita ng lahat kung kaya’t maganda ang maikling dula na ito upang imulat ang
lipunan sa katotohanan. Hindi tama ang manghusga kahit na ikaw ay naka-aangat
sa buhay.

Inihanda ni:
SOPHIA MIRELA O. SERRANO
BSN 2B

You might also like