You are on page 1of 8

MGA ANAK NG NIYUGAN

Rex Sandro M. Nepomuceno

I. Sa Niyugan

Linggo at naghihintay ako ng almusal nang mapagpasyahan ni Tatay na mamaril ng bata.

Nakaupo ako sa tuktok ng hagdang nagdurugtong sa kusina sa kabuuan ng bahay. Si Tatay, nasa ibaba,
nakatindig sa harapan ng malaking bintana sa kusina at nakatanaw sa niyugan. Minana niya ang mga
niyog na ito sa aking lolo. May numerong nakapinta sa bawat puno para maitala ang dami nila. Umulan
kinagabihan at malamlam ang araw. Bahagya lamang na natatanglawan ang kaniyang mukha at ang
sariwa pang mga tahi ng isang malaking hiwa na nagsisimula sa kaniyang kanang pisngi at nagtatapos sa
gitna ng kaniyang leeg.

Palamig nang palamig ang mga umaga dahil nagsimula na ang tag-ulan pero nakaapak pa rin si Tatay sa
sahig ng kusina. Ito ang tanging bahagi ng bahay na sementado. Hindi pa rin napapatid ang kaniyang titig
sa labas. Ako nama'y nag-iinat pa lang. Sila Nanay at ang bunso kong kapatid, nakaalis na papuntang
simbahan. Bata pa ako'y hindi ko na talaga kinahiligan ang magsimba.

May mga niknik na namamahay sa mga laylayan ng aming kogong bubong. Nakakumpol sila sa isang
mahabang hibla, nagpapahinga at nagpapatuyo bago muling mangagat. Wala na si Tatay sa bintana at
nasa harap na ng lababo. Kumuha siya ng kutsilyo at humarap sa akin.

- "Mag-init ka ng tubig sa kaldero". Agad akong bumaba.

Sa isang sulok ng kusina, siya'y yumuko para kumuha ng tatlong piraso ng saba mula sa buwig na
pinapahinog sa lapag. Tig-isa kaming mag-iina. Bihira naman kasi siyang mag-almusal.

- "Isulbot mo na laang „pag kulo na," utos niya matapos iabot ang mga saging.

Habang pinupuno ko ng tubig ang kaldero ay pumanhik si Tatay para bumalik sa kaniyang kuwarto.

Madilim ang kusina. Iisang pamilya pa lang ang may kuryente sa aming barangay bagamat marami nang
nakatayong poste. Nasa gitna ang aming bahay ng dalawang bundok at naroon sa gilid ng isa sa mga ito
ang mga niyog. Magkakailaw na raw kami, sabi ni Tatay, kapag naidugtong na ang kable ng bahay sa
poste. "Sana'y magkatubig na rin", naisip ko habang hinuhugasan ko ang saging ng tubig mula sa
tapayan.

Pumanaog si Tatay sa hagdan, nakatungo dahil mababa ang bubungan sa may hagdan. Dala-dala niya
ang kaniyang airgun na animo'y karugtong ng kaniyang bisig. Sa kabilang kamay nama'y hawak niya ang
bakal na kapsul na may lamang hangin. Isa-isa kong inilaglag ang saging sa kumukulong tubig.

Mula sa ilalim ng mesa sa kusina ay hinugot niya ang isang mahabang bangko at ipwinesto sa harap ng
bintana. Umupo siya, dinukot mula sa bulsa ang isang maliit na kahong kulay asul at ipinatong sa
bangko. Habang pinapaikot ni Tatay ang kapsul para ikabit sa baril ay umupo ako sa tabi niya. Kinuha ko
ang kahon at binuksan para tingnan ang maliliit na bala ng airgun.

Kamukha ng mga ito ang mga butil ng feeds ng baboy kaya "pellets" din ang tawag dito. May butas sa
gitna ang bawat balang gawa sa tingga. Sumitsit ang kapsul nang ito ay tanggalin.
Nagsindi ng sigarilyo si Tatay gamit ang kaniyang bakal na layter na may kobrang nakaukit. Sa tingin ko'y
lalo siyang pumapayat sa bawat hithit. Kumalat ang amoy ng usok sa bahay, siguradong magagalit ulit si
Nanay. Buong akala ko'y mamamaril ulit kami ng ibon.

May mga umagang bumaba kami sa natuyong ilog sa paanan ng niyugan at naghihintay na makarining
ng huni ng kilyawan o iba pang ibon na madalas humapon sa mga puno sa itaas. Magaling umasinta si
Tatay. Sa dibdib o pakpak palagi ang patama. May isang beses pa nga na nakalipad ang ibon dahil
nadaplisan lamang pero natamaan pa rin sa pangalawang tira habang nasa ere na. Kapag nakuha na ang
nalaglag na ibon ay pinapadukot sa akin ang bala mula sa katawan para magamit muli. Kailangan lang
tuntunin ang butas na pinasukan ng bala para makuha ito. Bagamat kakaunting dugo lamang ang
lumalabas, madaling makita ang mga butas sa katawan ng kilyawan dahil sa dilaw na balahibo nito.
Minsan ay nawawala na ang bala dahil lumalampas sa katawan ng ibon. May mga pagkakataon namang
malalim ang pagkakalubog ng bala at gumagamit pa ako ng plais para makuha ito. Madalas, inaadobo ni
Tatay ang ibon ngunit hindi ko ito masyadong gusto dahil makunat ang laman. Parang 'di rin naman ito
ganoon kagusto ni Tatay pero palagi pa rin kaming namamaril. Tinanong ko siya minsan kung pwedeng
prituhin ang ibon. Pwede raw pero liliit at lalong titigas. May isang beses na pinirito niya ang isa para
lang ipakita sa akin. Ang ibong dati'y mas malaki sa 'king kamay ay nagkasya na lang sa aking palad.
Natawa ako. Natawa rin si Tatay. Kulang-kulang na ang ngipin pero mahilig pa rin siyang magtatawa.

Nangalahati na ang sigarilyo ni Tatay. Isang bala ang isinilid niya sa airgun bago muling tumitig sa tuktok
ng niyugan. Ikinasa niya ang baril. Masyadong malayo at mataas ang mga niyog para makasipat nang
maayos. Nagmatyag rin ako, ngunit walang natunton. Banayad ang hangin na bibit ang amoy ng basang
damo.

Mula sa sukal, may isang batang lalaking nakaputi na biglang lumitaw, naglalakad pababa ng bundok.
Malayo siya ngunit tantiya ko'y magkasing-edad lamang kami. Dahan-dahan siyang bumaba ng bundok.
Mas naaaninaw ko na ang kaniyang mukha. May itak siyang nasa kaluban na nakatali sa kaniyang
baywang.

Nagulat ako nang isangkal ni Tatay ang airgun sa pasamano. Hindi siya umasinta pero „di niya inaalis ang
pagkakatingin sa bata. Paikot-ikot ang bata sa niyugan, nakatingala at sinisilip ang mga bunga ng niyog.
Hindi niya kami nakita, marahil, dahil madilim sa loob ng bahay.

- "Taga-ilaya 'yan, magnanakaw ng niyog," mahinahong sabi ni Tatay.

Ibinalik ko ang tingin bata na ngayo‟y nakatayo na sa ilalim ng isang mababang puno ng niyog. Sa
Numero Kinse. Nakaapak siya't nakapatong na ang paa sa unang tilhang. Iniwan niya sa paanan ng puno
ang kaniyang tsinelas. Ikinasa ni Tatay ang baril at umunok para sumipat.

Wala pa sa kalahati ng katawan ng niyog ang naaakyat ng bata nang pakawalan ni Tatay ang unang bala.
Sitsit lang ang putok ng baril ngunit pamilyar sa mga taga-sa'min ang tunog na ito. Tumama ang bala sa
ilalim ng punong inaakyat ng bata. Dali-daling siyang bumaba ng niyog, nanginginig ang mga tuhod.
Mahirap makita ang kinararatnan ng bala, mapapansin lang sa mga

butas na lumilitaw o sa tilamsik ng balat ng kahoy. Ikalawang sitsit --- sa gitna ng puno ang tama, malapit
sa ulo ng bata. Nagpatihulog siya, bumagsak sa kaniyang mga paa, at napaupo. Tatayo pa sana siya
ngunit napaupong muli, mukhang nasaktan ang kaniyang mga binti.
Tinatakasan na ng kulay ang bata. Nanginginig niyang itinaas ang kaniyang mga kamay. Tiningnan ko si
Tatay, nakapikit ang isang mata at ang isa nama'y nakasipat sa sight. Matigas ang mga kanto ng kaniyang
mukha at mariing nakatikom ang bibig. Kinalabit niyang muli ang gatilyo at nagkumahog na tumindig ang
bata. Napansin kong basa ang kaniyang shorts. Naihi siya.

Napakapamilyar ng tangis ng bata nang masulyapan ko ang kaniyang mukha --- matagal na iyak na
walang tunog sabay habol ng hininga. Nagtago siya sa likod ng isa pang puno ng niyog, nakayukyok at
tinatakpan ang ulo ng kaniyang mga kamay. Pinakaing muli ni Tatay ng bala ang baril at ikinasa.
Nangayupapa na sa lupa ang bata at nagsimulang gumapang papunta sa masukal na bahagi ng niyugan.
Napansin kong kumalat ang ihi sa kaniyang puwitan. Bagamat sigurado akong hindi tinamaan ni Tatay
ang bata ay sumagi pa rin sa isip ko na dugo ang umaagos sa kaniyang likuran. Nagulat ako sa sumunod
na putok. Sa lupa ito tumama, tingin ko‟y ilang pulgada lang ang layo sa paa ng tumatakas na bata.
Nagpatuloy siya sa paggapang at tuluyang nawala sa ilalim ng mga ligaw na halaman.

Nangitim ang bahagi ng pasamano na pinatungan ni Tatay ng nauupos niyang sigarilyo. Kinuha niya ito at
hinithit ang natitirang usok. Magkatabi pa rin kami sa upuan habang pinagmamasdan ang bundok sa
likod ng bintana na para bang nanunod ng telebisyon. Sinimulan na niyang

ipusin ang kaniyang mga gamit at lumabas ako para umihi. Pagkabalik ko‟y nasa mesa na ang tatlong
nilagang saging. Ipinagbalat na ako ni Tatay ng isa.

- "Lagyan mo ng asukar," payo niya bago magsindi ng panibagong sigarilyo.

II. Sa Simbahan

Mukhang demonyo ang mga kerubin. Parang sungay kasi ang buwan na binubuhat nila na tinutuntungan
naman ni Mama Mary. Paano kaya kinukulayan ang bubog para mabuo ang mga larawan sa bintana?

Kailangan daw mangumpisal kapag hindi nakapagsimba, kasalan kasi yun. Si Tatay at si Kuya, hindi na
naman sumama sa amin. Ilang kumpisal na kaya ang kailangan nilang gawin?

Saktong isang oras palagi ang misa. Kalahati na kapag “Ama Namin" at pwede na akong lumabas
pagkatapos ng “peace be with you” dahil „di pa naman ako pwedeng kumain ng ostiya. Pero dati, pinilit
kong bigyan ako ni Nanay. Sabi „ko tirhan niya ako ng konti sa bibig niya. Ipinahid niya ang hintuturo sa
kaniyang dila at isinubo sa akin ang kapiranggot na piraso ng basang ostiya. Wala namang lasa.

Pumupunta ako sa likod ng simbahan kapag kumunyon na. Amoy ipot ng kabog* dito. Marami ring
nagkalat na durog na hollow blocks na mina'y ibinabato ko sa pader ng kumbento. Sumasabog ang mga
ito kapag tumama sa pader. Pumapasok din ako sa kumbento dahil nasa loob nito ang sikretong lusutan
papunta sa altar.

Nanood ako ng misa mula sa lusutan, wala rin kasi si Manong Eloy para paalisin ako. Andun siya sa harap
ngayon, sinasalo ang mga mumo ng ostiyang isinusubo ng pari. Ang tanda na ni Manong Eloy. Palaging
naka-kamisa tsino, itim na pantalon at tsinelas. Sabi ng mga tiyuhin ko, siya raw ang pinakamatandang
sakristan. Sakristan na daw siya nung bata pa sila. Pagkatapos sabay-sabay silang maghahagikhikan na
parang mga hinihingal na aso. Hek-hek-hek-hek.
Marami akong kaibigang pari. Pari rin kasi ang kapatid ng lola ko, si Lolo Pari. Ang huli kong alaala sa
kaniya ay ang paghuhugas niya sa aking puwit matapos tumae. Sabi ni Nanay, sa kubeta raw siya
namatay. Hindi ko na maalala iyon.

Sa taas ng kumbento nakatira ang mga pari. May ilang beses na rin akong nakapunta sa mga kuwarto
nila. Kakaiba ang amoy roon ---parang gamot, parang ospital. Sa isang kuwarto raw doon namatay ang
dating obispo.

Minsan, sinama ako ng kaibigan kong si Father Fritz sa kaniyang kuwarto. Bibigyan daw niya ako ng libro.
Napakarami nga niyang libro at abubot sa kaniyang kuwarto bagama't maliit lamang ito. Double-deck
ang kaniyang kama at parehong nakaayos ang dalawang higaan. Sa isang pader nakapuwesto ang
kaniyang altar na may litrato ni Jesus na sinusundan ako ng tingin.

Tinanong niya kung gusto ko raw bang mag-semenaryo. Sabi ko, oo. Ngumiti siya. Kinuwento niya na
may mga pagkakataon daw rati na nalulungkot siya sa seminaryo, lalo na kapag inaaway siya ng ibang
seminarista. Ang ginagawa na lang daw niya para gumaan ang loob ay

ang maglinis ng kuwarto. Napansin kong malinis ang kuwarto niya ngayon. Inabot niya sa „kin ang libro.
Pop-up Fables, yung umaangat sa pahina ang mga litrato. Nang papalabas na kami ng kuwarto ay
umakbay siya sa akin. Habang nasa pinto ay bigla niyang pinisil nang mahigpit ang aking balikat.
Napakiling ako at nanghina ang tuhod. Tumawa siya nang malakas. Tumawa rin ako. Naisahan na naman
ako ni Father Fritz.

Malapit nang matapos ang misa. Nag-aanunsyo na ang commentator ng mga alituntunin sa paglilibing sa
sementeryo. Pare-pareho daw ang bayad sa pasok, hugot, patong , at siping. Hek-hek-hek-hek . Lalabas
na sana ako ng kumbento nang makita si Nanay mula sa pinto, naglalakad papunta sa kumbento.
Mapapagalitan na naman ako. Tumakbo ako papunta sa mga kabinet kung saan itinatago ang mga
sutana at damit ng sakristan. Pumasok ako sa loob at dahan-dahan kong isinara ang pinto. Mainit sa loob
at amoy naptalina. Sumilip ako sa siwang ng pinto.

Mabagal ang lakad ni Nanay, ingat na ingat. Sinisilip niya kung may tao sa loob. May narinig akong
pumasok ng pinto. Si Kuya Mar, ang tagabantay rito sa kumbento. Kaklase ko ang anak niya. Nag-usap
sila ni Nanay, pareho silang ngiti.

- " Manalangin tayo", kanta ng pari sa altar.

Humawak si Kuya Mar sa braso ni Nanay. May ipinapaliwanag o inuutos siya sa kaniya. Tumango naman
si Nanay, naging seryoso na ang kanilang mga mukha. Nang matapos ang kanilang pag-uusap ay inakap
ni Kuya Mar si Nanay. Pagkatapos nito‟y hinalikan naman ni

Nanay sa labi si Kuya Mar. Tumingin sila sa isa‟t isa at nagmadaling lumabas ng kumbento si Nanay.
Mabilis na kumalat ang init sa aking pisngi at ulo.

- “...ng Ama, ng Anak, ng Espiritu Santo...”

Sa daan pauwi ay atat na atat na akong maglinis ng bahay. Sisimulan ko mula sa itaas pababa ng kusina.
Dumaan kami sa palengke para bumili ng suman. Malamang daw ay „di pa naiisipan ni Tatay na magluto
sa bahay. Mamaya ay pakikintabin ko ang mga sahig, kukuskusin ang lababo at papuputiin ang kubeta.
Nang makauwi kami ay natanaw ko si Kuya sa niyugan. May kung ano siyang tinitingnan sa isang puno,
sa Numero Kinse. Kailangan na talaga niyang mangumpisal. Sumigaw si Nanay para pauwiin siya.
Bumaba ako sa kusina para ilagay sa plato ang mga suman.

- "Sinabi ko na! Nasa labasan na naman 'yang si ama mo," naiinis na sabi ni Nanay.

Sa kusina'y nakita kong may dalawang nilagang saging na nakahain sa mesa.

III. Sa Ilaya

Unang beses kong makakita ng patay. Isang taon pa lang kasi ako nang mamatay si Nanay at hindi ko na
maalala maski ang kaniyang mukha. Dahil dito'y hindi na rin ako nagkaroon ng kapatid.

Kanina'y sumisilip pa lang ang araw nang ako'y maalimpungatan. Mula sa bintana, narinig kong
sumisigaw si Unad, nag-aaya na pumunta sa lumang piyer dahil may nakitang lumulutang na bangkay sa
dagat. Nagpanggap akong nagulat sa balita.

Tinakbo namin ang piyer mula sa Ilaya at ngayo'y kasama kami sa may sampung taong nakapalibot sa
isang patay na lalaki sa piyer. Maalat ang hangin. Kaamoy ng aplaya kung saan naaanod ang mga
nangingitim na ulo ng tamban na pinagpipiyestahan naman ng mga galising aso. Itinaas namin ni Unad
ang aming mga t-shirt para ipantabon sa ilong.

Nangingimi akong lumapit dahil natatakot akong mabubuhay siya at ako'y makikila. Ito pala ang may-ari
ng niyugan. Nakalobo ang tiyan niya at nakausbod ang pusod. May malaking taga sa leeg pero namuti na
ang laman. Nakalawlaw na ang balat sa kaniyang balikat, parang sa baboy rin pala ang ating karne. Hindi
ko matukoy kung bakit pero kakaiba na ang hugis ng kaniyang mukha. Mukhang natutunaw na. Bahagya
lang ang pagkakasara ng kaniyang mga mata at pakiramdam ko'y napakasakit mamatay nang nakamulat
sa ilalim ng dagat. Sa sugat kaya siya namatay o sa pagkalunod?

Hindi naman siya mukhang masamang tao. Nakapolo siyang puti na namantsahan ng dugo. May
kuwintas siya na may maliit na krus sa dulo. Pinilit kong isipin ang mga nangyari noong umagang iyon sa
niyugan at kung ano ang hitsura niya habang nagpapaputok. Maga pa rin ang aking binti.

- "Kung alin pa yung mabubuti ay siya pang inapagdiskitahan", sabi ni Nanang Saling na kasama rin sa
mga nakiusyoso.

Nagtaka ako ng banggitin niya ito. Ilang minuto pa lang ang lumipas at may dumating na sasakyan at
bumaba ang dalawang pulis at isang madre. Bata pa ang madre at bagamat naka-belo ay t-shirt ang
pang-itaas. Namula ang kaniyang mukha ng makita ang patay. Pinaalis na kami ng mga matatabang pulis.
Nag-uusap si Nanang Saling at iba pang naroon sa ilalim ng mga panyomg nakatakip sa kanilang mukha.

- "Tagabantay 'yan ng kumbento."

- "Mandin, 'yan ay anak ni Manong Eloy."

- "Mar ang pangalan niyan."

- "Ay, oo ngani! Ito yung nakatira sa tabi ng simbahan. Pakaliit pa ng mga anak niyan."

- "Kung sino pa ang mabuti...sino kaya ang nakaaway nito."


Parang hinihila ang aking bituka palabas ng aking bibig habang pinakikinggan ko ang kanilang pag-uusap.
Umikot ang aking paningin. Napagkamalan ni Tatay na siya ang may-ari ng niyugan. Namali nang napatay
si Tatay.

May malaking itim na supot na inilabas ang mga pulis. Ipinasok nila ang bangkay dito at ipinasok sa likod
ng sasakyan. Nakatitig ako sa batang madre na pulang pula na ang mukha ngunit hindi umiiyak. Naiwan
ang amoy ng patay na isda kahit umandar na silang palayo.

Mahaba ang lumang piyer at malayo-layo rin ang inabot ng katawan sa tubig. Nagsimula na kaming
maglakad pabalik. Maraming mga basag na sigay at pamaing isda na nagkalat sa gilid ng daungan at tila
ba nahigop nila ang amoy ng bangkay. Tahimik ang piyer at malakas ang hampas ng alon, tila ba gusto ng
dagat na ibalik sa kaniya ang patay. Pinuna ni Nanang Saling na nakadilat daw ang lalaki.

- "Nakita noon ang pumatay sa kaniya. Mumultuhin niya iyon, panigurado!"

Pakiramdam ko'y isusuka ko na ang buo kong tiyan nang banggitin niya ito. Bumalik ako pa-llaya ngunit
hindi ko binanggit kay Tatay kung saan ako nanggaling.

Hindi ako makatulog kinagabihan. Mainit ang singaw ng lupa galing sa silong at matagal rin bago nawala
sa ilong ko ang amoy ng patay na isda. Tiningnan ko si Tatay na tahimik nang natutulog sa tabi ko.
Pinagtatagpi ko ang mga bagay, ngunit dumami lang lalo ang mga tanong. Bakit magkasama ang asawa
ng may-ari ng niyugan at si Mar noong gabing nakita sila ni Tatay? Inaninag ko sa dilim kung humihinga
pa ang aking ama. Natatakot ako dahil baka sa bangungot dumadalaw ang multo.

Nahihirapan pa rin akong igalaw ang aking binti. Pinipilit kong hindi isipin ngunit bumabalik pa rin ang
mga nangyari noong umagang napagpasiyahan kong magnakaw sa niyugan:

Tatlong araw na ang nakalipas. Pinapahid ko ang aking luha habang pauwi at pinilit kong lumakad nang
tuwid kahit na masakit ang mga paa. Naiwan ko pa ang aking tsinelas. Nangalat

ang mga bunga ng lumboy* sa daan kaya‟t kulay lila na ang aking talampakan. Pinagpagan ko ang aking
damit pero hindi ko matatago ang panghi ng aking shorts. Nasa labas si Tatay at nanlumo ako nang
makitang nagkakayod siya ng niyog. Kanina'y inutusan niya kasi akong manghingi ng niyog sa tiyuhin
kong nakatira sa dulo ng ilog. Malayo iyon kaya't habang naglalakad ay naisip ko na lang na mangupit sa
niyugang malapit sa amin. Tumigil siya nang matanaw niya akong papalapit.

- "Saan ka nanggaling?! Anong nangyari sa i-yo?", gulat ngunit pagalit niyang tanong.

Uminit ang aking mga pisngi. „Di ko na napigilang tumulo ang aking luha. Mabilis kong ikuwinento ang
pamamaril sa akin sa niyugan. Nagsalubong ang mga kilay ni Tatay at nanlisik ang kaniyang mga mata.
Dali-dali siyang naglakad papunta sa bahay. Kinuha niya ang mahabang ratan na nakasuksok sa isa sa
mga haligi ng aming kubo. Lumulubo ang mga ugat sa kaniyang noo at bisig habang hinataw ako sa
puwit at sa hita.

- "Putang-ina ka! Kailan ka pa natutong magnakaw? Putang-ina ka!", galit na galit niyang bulyaw.

Napaupo ulit ako sa sakit.

Noong nakaraang gabi ay umuwi si Tatay na may dalang galunan ng tuba. Humupa na ang galit niya sa
akin. Galing siya sa laot pero wala siyang inuwing isda. Nakahubad siya at nakasakbit ang damit sa
balikat. Tuyo at makinang ang kaniyang balat, sa kalaunan ay matutulad na rin ako sa kaniya. Dumiretso
siya sa tapayan at sumalok ng tubig, ako nama‟y naghahanap ng

posporo para sindihan ang gasera. Mula sa kahoy na patungan, kinuha niya ang pitsel at ang telang
salaan. Pagkatapos ay inilagay ni Tatay ang tela sa bunganga ng pitsel at dahan-dahang ibinuhos ang
tuba rito. Nang mapuno ay kinuha nya ang salaan at itinapon sa bintana ang mga nasalang bulaklak ng
niyog at patay na ligwan*. Umupo siya sa kawayang lapag. Manamis-namis ang amoy ng tuba, halatang
bago pa. Naglagay siya ng konting tuba sa baso at itinaktak ito sa silong. Para sa demonyo. Tumagay siya
at pagkatapos ay pinuno ang pangalawang baso. Minustrahan niya na akong lumapit.

Lumalim ang gabi, uminit ang lupa, at namula na nang tuluyan si Tatay. Paubos na ang laman ng gasera
at maasim na ang amoy ng pawis niya.

- "Kunin mo yung batya sa labas", utos niya

Bumalik akong dala-dala ang aluminum na batyang gapapel na ang nipis. Ibinukadkad niya ang kaniyang
damit sa batya. Sa ilalim ng mapanglaw na ilaw, nakita ko na may mga tilamsik ng kayumanggi sa
harapan ng damit. Kinuha niya ang kaniyang tagay at ibinuhos sa damit. Para sa demonyo. Nagbitak-
bitak ang mga mantsa.

Pinanood naming matunaw ang mantsa ng damit.

- "Niyari ko na", sinabi niya na para bang naaalibadbaran.

Halos anino na lamang ng kaniyang mukha ang aking nakikita.

- "Inaayos ko yung bangka kanina. Nakita kong bumaba ng padyak itong asawa ng putang ina. Sinundan
ko. Nandun silang mag-asawa sa dulo ng piyer...parang mga bata na nagasuyuan sa dilim.
Naglalampungan pa...pinagtataga ko!."

Walang pagdadalang-sisi sa kaniyang mga mata.

- "Kularat yung babae, gulping bilis ng takbo pabalik… Pwe!", dumura siya sa lapag. Tarantado siya.
Malakas lang ang loob „pag may baril.

Pinahid ni Tatay ang kaniyang hinlalaki sa mga tilamsik sa kaniyang damit. Kumalat ang kulay
kayumanggi sa tuba na nasa batya. Unti-unti nang humihina ang sindi ng gasera. Humiga na si Tatay sa
kaniyang kinauupuan at tuluyan na kaming nilamon ng dilim.

---

Namali nang napatay si Tatay. Walang ilaw sa piyer kaya't napagkamalan niya ang taga-kumbento. Hindi
ko maalis sa aking isip ang mga nakadilat na mata ng bangkay.

Gabi-gabi ko nang hinihintay na makatulog si Tatay. Inilalagay ko ang aking palad sa kaniyang likod para
pakiramdaman kung maayos pa ang kaniyang paghinga. Hinahawakan ko ang kaniyang ilong sa tuwing
humihilik para hindi matuloy sa bangungot.

Minsan, may kung anong masangsang na amoy ang umangat galing sa silong. Amoy ng patay na isda.
Biglang umungol si Tatay habang nahihimbing. Parang may humigit sa aking pusod
nang marinig ko ito at bumangon ako pa alugin ang kaniyang katawan. Namulat siya at tumingin sa akin
na para bang hindi ako nakikilala. Hindi niya siguro maaninaw ang takot sa aking mata. Tumagilid lamang
siya at natulog nang muli.

*tilhang - tapakan na ginagawa ng mga umaakyat ng niyog

*ligwan - isang uri ng pukyutan

*lumboy - duhat

You might also like