You are on page 1of 37

Panginoon ng mga Uwak

Ni Darwin Medallada

El Niño

Ako ang dahilan kaya namatay si Tatay. ‘Yon ang palagi kong naiisip sa tuwing binabalikan ang

isang alaala ng gabi noong 1984.

Bitak-bitak na ang mga palayan sa Anislag. Katulad ng lupang ilang taon nang ginagawa noon

para maging lansangan. Tuyo na ang dalawang balon na hinukay namin ni Tatay no’ng nakaraang taon.

Unti-unti na ring natutuyo ang mga sapa at irigasyon na nagsusuplay ng tubig sa mga sakahan. Ilang

kilometro pa ang layo ng bukal na pinagkukunan ng tubig. Ito ang taon ng napakaraming pangamba.

Nabalitaan ni Tatay ang nangyaring pagratrat ng mga PC sa mga magsasakang nagpunta ng

Maynila. Kaya lahat kami, natatakot na sobrang magpagabi. Kahit si Tatay, takot ding mamatay. Palagi

no’ng pinapaalala ni Nanay at Tatay na ‘wag daw magpaabot ng sobrang gabi sa labas dahil may mga

gumagalang aswang. May balita kasi no’ng kumalat na may pinatay raw sa kabilang bayan.

Malagkit sa balat ang maalikabok na hangin. Nakakapaso na ang sinag ng araw kahit alas siyete

pa lang ng umaga. Tanaw sa pintuan ng kubo namin ang palayan kung saan nakatirik ang panakot-uwak.

Parang binabantayan ang buo naming pamilya. Hindi gumagalaw. Parang nakatitig sa akin kapag

tinititigan ko. Ilang metro lang ang layo sa panakot, makikita ang isa pang maliit na kubo kung saan

nagpapahinga si Tatay kapag panahon ng pagtatanim at pagsasaka. Katabi lang ng tatlong pandak na

puno ng mangga.
Walang pasok dahil bakasyon. Kaya naman namumulot kami ng mga tuyong sanga ng kapatid

kong si Carmencita. Kung ano-ano ang pinagkukwentuhan namin sa gitna ng pamumulot. Tinatanong pa

niya minsan sa akin kung kabisado ko na raw ba ang Bagong Lipunan. Kakanta naman ako, pero mahina

dahil nagagalit si Tatay kapag naririnig akong kumakanta. Hindi ko alam kung bakit siya no’n nagagalit.

Kapag pagod na sa mga kwentuhan at habulan uuwi kami sa bahay ni Carmencita na dala-dala

ang mga panggatong. Maiiwan siya sa bahay at kakalaruin si Lucas: ang bunso naming kapatid. Sasama

ako kay Tatay para mag-igib.

“Ikaw Noy, lagi mong bantayan si Carmen,” minsang sinabi ni Tatay habang dala-dala namin ang

mga container. “Ganoon din ang Nanay mo. Ikaw ang tatay kapag wala ako. Kaya dapat malakas ka.”

“Hindi naman po kayo mawawala ‘Tay. Malakas pa kayo sa kalabaw, e.” tatapikin niya ako at

guguluhin ang buhok. Magmamadali kami sa paglalakad habang pinagmamasdan ang pinaghalong kahel

at lilang kulay ng langit.

Palagi, dinadaanan namin ang maisan para tingnan kung pwede na bang makain ang mga bunga

nito. “Putot pa,” hahawakan ni Tatay ang buhok ng mais. “Hindi pa tayo kayang busugin.”

Maliit lang naman na maisan ‘yon kung tutuusin pero nabanggit minsan ni Tatay na kung

magpapatuloy ang tag-init posibleng mais daw ang makapagsasalba sa amin. Nalason daw kasi ang

tanim naming kamote at tinuyo ng init ang mga talbos. Tuyo na rin daw kasi ang mga palayan na

pwedeng pagkuhanan ng mga kuhol. Mahirap na rin makahuli ng palaka at dagang bukid dahil nawawala

raw ito kapag ganito kainit ang panahon. Bago umalis sa maisan, tinatak ko na sa isip ko ang sinabi ni

Tatay. Mais ang makapagsasalba sa gutom ng pamilya.


Aalis kami ng maisan. Makikita ko sa malaking mata ni Tatay ang lungkot kapag tinitingnan ang

mga natuyong palayan. Walang pinatawad ang tag-init. Ilang araw pa, mamamatay ang mga hayop sa

bukid tulad ng baka at mga kambing.

Sa mga sandaling tinitingnan ko si Tatay, ibabaling niya sa akin ang tingin na parang ako ang pag-

asa sa gitna ng delubyo. Magmamadali kaming tahakin ang ma-amorsekong damuhan na papunta sa

bukal. Hahatakin ako ni Tatay para magmadali ako sa paglalakad.

“Bilisan mo, baka gabihin tayo,” may pag-aalala sa boses niya. Lakad-takbo ang gagawin ng

payat kong katawan.

Pupunuin namin ang tatlong container ng tubig. Magmamadaling bumalik pauwi. Makikita ko

ulit sa mata ni Tatay ang pag-aalala kapag nagagawi ang tingin sa palayan. Hinihingal ako sa mabigat na

binubuhat. Kumakalam ang sikmura at parang sinusundot-sundot ng karayom. Panay ang hawak ko sa

tiyan.

“Magpahinga na muna tayo. Malapit na rin naman ang bahay.” Isang bagay na bihira naming

gawin ni Tatay kapag nag-iigib. Pareho kasi kaming atat sa pag-uwi.

Sumundot-sundot pa ang karayom sa tiyan ko. Hindi na napigil sa pagkalam ang sikmura. Parang

kulog kapag may paparating na malakas na ulan. Nakita ko sa mukha ng Tatay ko ang pagod sa

maghapon. Pinatanda na ng pagsasaka ang itsura at kamay niya. Makapal na parang ilang tonelada ng

lupa ang kumapit doon. Halata rin ang napakaraming gatla sa noo at ang mangilan-ngilang pilak na

buhok.

“Nagugutom ka na?”
Tatango lang ako. Papahiran niya ang pawis ko gamit ang manggas ng damit. Pagkatapos sarili

niya namang pawis ang papahiran. Bubuhusan ko ng tubig ang takip ng container at doon iinom ng ilang

ulit. Umaasang maiibsan ang kirot ng tiyan.

“Lakaw na kita pauli?”

“Uli na kita, Tay.”

Kukunin niya sa akin ang container kahit dalawa na ang hawak niya. Palagi akong tumatanggi na

ibigay ‘yon kay Tatay.

“Maghintay ka na lang dito kung di mo na kayang mag-lakaw.”

Ito ang palaging ayaw kong sinasabi sa akin ni Tatay kapag nag-iigib kami. Na maiiwan ako sa

madilim na parte ng ma-amorsekong damuhan. Takot din naman ako sa dilim kahit laking probinsya ako.

Pakiramdam ko, palaging may mga engkantong nakatingin sa akin kapag nag-iisa. Naghihintay lang na

mawalan ako ng depensa bago sumalakay at kainin ang aking katawan. Minsan kahit magkasama na

kami ni Tatay, hindi mawala-wala sa aking pag-iisip na merong nagmamasid sa amin. Nagtatago sa mga

puno. Sa matataas na talahib. Sa mga bitak-bitak na lupa ng palayan. At sa panakot-uwak na palagi kong

nakikita sa pag-alis at pag-uwi. Parang nagpapaalala na kailangan namin siyang balikan at siya ang

palatandaan kung bakit kami nabubuhay.

Dali-dali kong bubuhatin ang container. Hahabulin ko ang mababagal na hakbang ni Tatay. Pero

no’ng araw na ‘yon, kumalam nang kumalam nang kumalam ang aking sikmura dahil hindi kami

nananghalian. Iniwan ni Tatay ang container niya at binuhat ang sa akin.

“Kaya mo pa?”
Tatango-tango lang ako. Pilit ang ngiti. Gusto kong sabihin kay Tatay na pakiramdam ko sa

gutom ako mamamatay.

“Konting tiis na lang, Noy. Balay na kita.”

Buhat, lapag, buhat ang ginawa ni Tatay sa mga container namin. Hanggang sa makalapit kami

sa kubo. Nahuhuli ako nang ilang hakbang nang lumingon siya. Namamaluktot ako sa sakit ng tiyan nang

tumakbo si Tatay papunta sa akin. Niyakap niya ako. Naramdaman siguro ang nalalapit kong pagbagsak.

Naramdaman ko sa yakap ni Tatay ang napakaraming emosyon. Ang panginginig na marahil dala ng

gutom at galit sa sarili. Ang pagmamahal na parang sinasabing hindi niya kami pababayaan sa buong tag-

init. May pumatak na maiinit na tubig sa bumbunan ko. Umiiyak si Tatay. Walang tinig ngunit may pag-

aalsa. Parang may pinaparating sa akin ang mga luha.

“Anak, dili ko kayo hayaang mamatay sa gutom. Tiis-tiis lang muna, ha?”

Onse anyos lang ako no’n. Malabo ang alaala kung paano ako nakauwi no’ng hapon na ‘yon,

siguro binuhat ako ni Tatay at kinalong sa bisig ang payat kong pangangatawan. O baka naman sinampa

niya ako sa kaniyang likuran. Hindi ko na maalala. Natabunan na siguro ng bangungot na nangyari isang

gabi.
Lugaw

Lugaw ang kinain namin pagsapit ng tanghalian. Walang kahit anong sahog. Ito ang sumasalba sa

amin ilang araw na. Kapag ganitong tanghalian, si Lucas at Carmencita ang pinapauna naming pakainin.

Maliit naman daw kasi ang sikmura ng dalawa kong kapatid, madali mabusog, pero bawal gutumin dahil

mahihirapang tiisin. Ayos lang iyon sa akin, kapag may natitirang lugaw, paghahatian naming tatlo ni

Nanay at Tatay.

Pagkalipas ng tanghalian, nakita ko si Nanay na lumapit sa lata ng biskwit na pinaglalagyan

namin ng bigas. Binuksan ang lata at pinasok ang kanang kamay sa bibig nito. Matagal bago niya muling

inilabas ang kamay. Tinantsa siguro kung gaano karami pang palay ang natitira.

Pinagmasdan ko kung paano niya tiningnan si Tatay. Nakatayo lang ito sa harap ng pinto ng

aming kubo. Pinagmamasdan na naman siguro ang bitak-bitak na palayan. May kung anong kilabot

akong nakita sa mga mata ni Nanay bago siya nagsalita.

“Istong, parito ka nga,” tawag niya kay Nanay. “Paubos na ang bigas. Ano ang balak mong

gawin?”

“Matagal ko nang iniisip mula nung dumating ang mga salot at tagtuyot, Ora.” Nakita ko kung

paanong nagtinginan ang Nanay at Tatay. Matatalim pero mayroong pag-intindi sa isa’t-isa.

“Malalampasan natin ‘to. Dumaan na tayo sa ganito dati, mas mahirap lang ngayon dahil nagsabay-

sabay ang problema.”

“Me naitabi pa naman akong pera. Kasya na siguro pagkatapos nitong huling babayuhin.”

Hinawakan ni Nanay ang lata. “Makakabili pa ng tatlong kilong bigas.”


Nagkunwari akong tulog sa papag. Pinapakinggan ang kanilang pag-uusap. Naririnig kong

naghahalakhakan si Lucas at Carmencita sa labas. Siguro, naghahabulan na naman o baka naglalaro ng

piko.

“Kung pwede lang ako manghiram ng pera, Ora” mahina ang boses ni Tatay. “Matagal ko nang

ginawa.”

“Sino ba ang magpapautang sa atin? Pare-pareho lang naman tayong hirap.”

“Sinusubukan ko rin mamasukan kahit do’n sa hacienda sa Peñafrancia.”

“Ay, anong nangyari? Natanggap ka ba naman?”

“Hindi nga.” Nararamdaman kong unti-unti akong idinuduyan ng antok. “Marami rin daw silang

tinanggal sa sakahan. Napeste rin ang hacienda. Mga yudiputa kasing balang ‘yan.”

Bigla nagising ang diwa ko. Sa buong buhay ko, iyon ang unang beses na narinig kong nagmura si

Tatay. Mas lalo akong naging alerto sa pakikinig.

“Marinig ka ng mga bata.”

“Hayaan mo, nasa labas naman. Saka tulog si Noy.”

Nangangati na ako sa antok. Dinuduyan ng hangin na maalinsangan. Bago tuluyang mapapikit

naisip ko kung may mga gagawin ba ako ngayong araw. Marami pa ang panggatong.

“Ibenta kaya natin iyong lupa?”

“Ora naman, alam mong hindi ko ibebenta ang lupa. Kahit magkapatayan na.”

May isa’t kalahati pang container ng tubig kaya hindi kami ngayon mag-iigib.
“Ay, ano nga ang balak mo?”

Naririnig ko pa rin ang matitinis na tawanan ng mga kapatid ko sa labas.

“Kakain ba kayo ng kahit ano?”

Narinig ko ang mahihinang yabag sa lupa. Si Nanay, papunta siguro ng kusina.

“Paanong kakain ng kahit ano?”

“Basta. Gagawa ako ng paraan.”

Nag-aagaw na ang malay at antok ko nang makarinig ako ng tatlong salita. Ibon. Bitag. Pagkain.
Pritong Sisiw

Madilim na nang magising ako. Umaawit na ang mga kuliglig sa labas. Himalang may parang

niluluto ang Nanay sa kusina. Nakita kong binabayo ni Tatay ang palay na gagawing lugaw. Mahimbing

na natutulog sa kawayang katre si Lucas at Carmencita.

Lumabas ako sandali para magpahangin. Tumingala sa langit at tiningnan ang maliwanag at bilog

na buwan. Pinapaliguan ng liwanag ang mga damo at puno sa paligid. Madaling nakikita ang mga bahay

na naiilawan din ng gasera. Natakot akong tumingin kung saan-saan dahil baka may nakatingin sa akin.

Mainit pa rin ang dampi ng hangin sa balat kahit gabi na. Nagsimula nang humuni ang mga kuliglig.

Nagtatalo ang antok ko at pagsakit ng sikmura. Umupo ako sa labas at pinagmasdan ang nagliliparang

alitaptap.

“Noy! Mag-kaon na raw sabe ni Ma at Pa!” si Carmencita ang tumawag.

Papabalik na ako nang mapansin kong may dalawang kahoy na nakatarak sa magkabilang parte

ng panakot-uwak. Ilang metro rin ang layo. Kahoy na tinalian ng sanga? Parang mga krus sa campo

santo. Bigla akong nakaramdam ng panlalamig sa kalamnan. Parang natuyot ang aking bibig. Nagpawis

ng husto ang aking noo.

Nakita ko kasing tumatalon papalapit sa akin ang panakot-uwak. Nakasuot pa rin ito ng kulay

abong damit na may mahaba at punit-punit na manggas. May mga dayami at buto ng taong nalalaglag sa

damit ng panakot-uwak sa bawat pagtalon. Nang makalapit sa akin ang panakot, saka ko lang napansin

na may bungo ito ng aso. Nabagsakan ako. At sa pagbagsak nito, nakita ko kung paano nagliparan ang

sandamakmak na uwak. Galit na galit ang mga ibon. Papalapit sa akin.


Nagsimula nila akong tukain sa iba’t-ibang parte ng katawan. Ramdam na ramdam ko ang sakit

kung paano punitin ng mga tuka nila ang aking laman. Mainit na mainit ang dugong nagmumula sa akin.

Hindi pa nakuntento ang mga uwak sa pagpilas sa kamay kong kumakawag. Sinunod nilang tukain ang

mata ko. Nagtagumpay ang pinakamalaking uwak na makuha ang isa sa aking mga mata. Nakita ko ang

mga tumatalsik na itim na balahibo. Nag-aaway-away ang mga uwak kung sino ang kakain sa aking dila.

Doon lang ako naiyak at naluha. Hindi ako makasigaw at makahingi ng tulong. Bago pa tuluyang

matanggal ang natitira kong mata nakita ko ang sariling nakahiga sa inuuod na lupa. Naamoy ko ang

pagka-agnas ng sariling bangkay.

“Noy! Noy! Gising na! Mag-kaon na raw sabe ni Ma at Pa!” si Carmencita ang gumising sa akin.

“Nanaginip ka yata, Kuya.” Nakatulog pala ako sa labas ng kubo.

Tumango-tango lang ako kay Carmencita. Bumalik siya sa loob.

Hinubad ko ang suot na tshirt. Pinunas ko sa namamawis na kulay-kahoy na balat ang damit.

Bago bumalik sa bahay tiningnan ko ulit ang panakot-uwak. Hindi gumagalaw. Nakahinga ako nang

maluwag.

Sinaluhan ko sila sa kainan. Sa sahig na kawayan kaming lahat nakaupo. Nakapatong ang gasera

na gawa sa naubos na garapon ng kape. Una naming pinakain si Lucas, ganadong-ganado dahil may

sahog daw ang lugaw.

“Sarap lugaw ngayon, Kuya,” nakangiti habang panay ang subo ni Lucas. “Tapos karne pa. Sisiw.

Sabi Taytay.”
Ganado rin kumain si Carmencita. Nakatatlong mangkok. Dalawa naman ang kay Lucas. Kami

naman ang kumain pagkatapos nilang dalawa. Nginitian ako ni Tatay at tiningnan ang dalawang kapatid

kong dumiretso sa parte ng kubo kung saan sila natutulog. Ginulo-gulo niya ang buhok ko.

“Noy, salamat kay ‘di mo sinabi sa mga igsoon mo kung ano ang ulam.”

Tama ang hinala ko. Iyon pala ang dahilan ng pagtatayo ng parang krus sa campo santo malapit

sa panakot uwak.

“Istong, malaki naman na ‘yan si ‘Noy. Maintindihan niya na kung bakit kailangan natin ‘tong

gawin.” Pagkatapos titingin sa akin si Nanay. Naghahanap ng pagsang-ayon. Tutugon ako ng ngiti dahil

naiintindihan ko ang kasalukuyan naming kalagayan.

“Tiis-tiis lang muna. Malay natin kidamlag, umuran ng isda.”

At sabay-sabay kaming kumain ng lugaw at naghimay ng pritong maya. Bago ko ligpitin ang mga

hugasan. Tinapik-tapik ako ni Tatay sa balikat.

“Salamat, ‘nak.” Buo ang ngiti niya at parang nabawasan ang pag-aalala.

Narinig kong bumukas ang pinto ng kubo.

“Alis na ako, Ora. Mamaya pa naman ang karpyu.”

“Mag-iingat ka. Delikado sa labas. Gumagala pa rin daw ang aswang.”

“Saan mo nabalitaan?”

“Do’n me mga usapan kanila Ka Doreng.”


Tiningnan ko ang pagbalik ni Tatay sa loob. Kumuha ng itak. Nilamon ng dilim nang lumabas.

Sinara ni Nanay ang pinto.

“’Noy, tapusin mo na ‘yang hugasan para makaturog ka na. Bukas manguha ulit kayo ng

panggatong.”

“Opo.”

Papatapos na ako sa paghuhugas nang maramdaman kong may sumisilip sa amin mula sa

pagitan ng mga dingding na sawali. Tumigil ako sa pagbabanlaw ng pinggan. Pinakinggan ko ang mga

kaluskos. Walang tao. Sa pagliligpit ng mga pinggan at baso bigla kong naramdaman ang ‘di mabilang na

gapang ng kilabot sa buong katawan.

Parang sabay-sabay na umalulong ang mga aso sa buong Baryo ng Anislag.

“Kapag umaalulong ang mga aso, may mamamatay.” Naalala kong kwento sa akin no’n ni

Tatay. “Pwede rin namang may mga nakikita sila na hindi nakikita ng mga mata ng tao.”

“Tulad ng ano, Tay?”

“Multo. Engkanto? Sinabi lang din sa akin noon ng lolo mo.”

“Wala na pong iba pa?”

“Panganib. Siguro. Pero wag kang matakot ‘nak, hindi ka gagalawin ng mga bagay na hindi mo

nakikita.”

“Paano po ‘pag sinaktan ako?” Maalala kong dito nagsimula ang takot ko sa dilim at mga hindi

nakikita.
“Hindi ka nila sasaktan, anak. Hangga’t nandito ang Tatay.” Papatulugin ako ni Tatay sa ilalim

ng kulambo. Titingnan kaming mga anak niya. Papatayin ang ilaw ng gasera. “Sabi nga ng lolo mo, mas

dapat tayong matakot sa buhay kaysa mga guran na.”

Mabilis kong inayos ang mga nahugasan. Pinatay ko ang gasera at dumiretso sa papag kung saan

ako nahihiga.
Bitag sa Ibon

Pagkatapos maghanap ng mga panggatong. Pumunta kami ni Tatay sa panakot-uwak para raw

tingnan kung may nahuli na ang mga bitag. May tatlong ibon na kumagat. Dalawa sa kanan. Isa sa

kaliwa. Narinig ko sa isip na parang humalakhak sa amin ang panakot-uwak.

“Kaunti pa lang ang huli.” Nakita ko ang ngitngit sa mukha ni Tatay. Ipinaypay niya ang

sumbrerong buri. “Tumatalino ang mga ibon habang tumatagal. Napansin siguro nilang walang

nakakabalik sa mga kasamahan.”

“Kunin mo na yung isa diyan ‘Noy. Para malinis na rin natin mamaya para sa pananghalian.”

Ginawa ko ang iniutos niya. Tinanggal ko ang pandikit na kumapit sa pakpak. Muntik ko nang

mapakawalan ang ibon na hawak nang muli kong marinig ang matinis na halakhak ng panakot.

“Tay, narinig mo ba ‘yun?”

“Alin? Yung mga kahulan ng aso?”

Nakaramdam ako ng kaba. Nagpapatuloy pa rin ang mga halakhak.

“May tumatawa po.”

“Guni-guni mo lang ‘yon.” Tumawa siya nang mahina. Parang kinakabahan din. Halos nagsabay

ang tawa nila ng panakot-uwak.

“Bumalik na tayo at malamang gutom na ang mga igsoon mo.”


Ilang Gabi Rin

Kapag natatapos kaming kumain ng hapunan nagpapaalam lagi si Tatay na aalis. Napapaisip ako

kung hindi ba siya natatakot sa mga sundalong gumagala at PC? Sa mga ahas na makakasalubong sa

daan tuwing gabi? Hindi ko ito tinanong sa kaniya kahit kailan.

Kapag gabi kasi, palagi na lang akong natatakot sa mga alulong. Gusto kong patayin ang mga aso

kapag nangyayari ‘yon, para tumahimik sila. Para hindi na ako matatakot. Sa gabi, dinadalaw ako ng

matitinis na halakhak ng panakot-uwak sa dahilang ‘hindi ko malalaman.

Palagi, kapag umaalis si Tatay meron siyang dalang itak. Tulog na ako kapag umuwi siya. Hindi ko

na natatanong kung saan siya nagpupunta. O kung ano ang mga ginagawa niya kapag sumasapit ang

gabi.

Pero palagi, pagsapit ng umaga, may dagdag sa almusal namin bukod sa lugaw. Minsan saging,

minsan kamote. Minsan nga kapag walang huling ibon nagugugulat ako na may gulay sa kainan. Hindi ko

alam kung saan siya kumukuha ng mga ganito dahil ubos na ang bunga ng saging namin. Nalason na ang

mga kamote. At wala na kaming mga pananim maliban sa mais na iniyakan nang iniyakan ni Tatay nang

malaman niyang nasira.

May isang tanghali na hindi ko sinasadyang marinig ang usapan nila Nanay at Tatay.

“Istong, ano na ang mangyayari sa atin?”

“Hindi ko na pwedeng gawin ang ginagawa ko gabi-gabi. Humihigpit na ang pagbabantay ng mga

may-ari ng pananim.”
“Saan tayo kukuha ngayon ng makakain?”

“Gagawan ko ng paraan. ‘Di ko hahayaang mamatay kayo nang dilat.”

Naluha ako sa narinig. Tiningnan ko ang dalawa kong kapatid na patuloy sa paglalaro sa labas.

Hindi naiisip ang problema. Mabuti pa sila.


Nagmamasid ang mga Uwak

Ilang araw na rin kaming walang nahuhuling ibon sa bitag. Sabi ni Tatay, hindi na raw kami

makakahuli kahit kailan.

“Yudiputang mga uwak ‘yan!”

Parang tumalino raw kasi ang mga ibon at kung hindi man matalino naroon naman ang uwak.

Pabalik-balik kahit iilang beses na naming binubugaw. Nang-aasar dahil sa panakot-uwak pa sila

nagpapatalon-talon.

“Parang hinihintay tayong mamatay lahat! Mga yudiputa talaga!”

Iyon din nga ang naiisip ko palagi. Na naroon lang ang uwak, hinihintay ang aming pagkamatay.

Inaanunsiyo ng nakakakilabot na huni ng mga ito ang nalalapit naming kamatayan. Nagtatawag ng mga

kasamang pipilas sa aming mga laman. Kapag lumalapit sa panakot lagi kong naririnig ang halakhak nito.

Nagsasabay sila ng mga uwak. Parang alam ang petsa kung kelan kami mamamatay.

Palagi tinatakpan ko ang mga tainga. Para hindi iyon marinig. Pero parang nakaukit na sa isip ko

ang mga huni at halakhak. Hindi nawawala.


Bisita

Tumagal nang tumagal ang pag-alis ng tag-init. No’ng isang araw, pinatabunan sa akin ni Tatay

ang isa sa mga balon. Siya na raw ang bahala kung anong gagawin sa ikalawa.

“Kuya, hindi na ba tayo makakakin ng karne?” nagulat ako sa tinanong ni Carmencita. Ilang araw

na rin kasing walang nahuhuling ibon sa bitag. Uwak na kasi ang nanatili roon. Pabalik-balik ang mga ito

kaya nagsawa na rin kami sa pagbugaw.

Umiling-iling lang ako. Nasa kalagitnaan kami ng pangunguha ng mga panggatong no’n.

“Ganun ba. Bakit? Wala nang dumadapong mga ibon sa bitag? Wala nang kumakagat?”

Napatingin ako sa kaniya. Nagulat dahil alam niya palang hindi sisiw ang kinakain namin.

“Alam ko na nu’ng una pa lang. May matino bang taong kakain ng sisiw? Siyempre wala, Kuya.

Aantayin na lang na maging manok kaysa kaining sisiw. Mangingitlog pa.”

“Paano mo agad nalaman?”

“Nakita kong tinatayo ni tatay sa palayan ‘yung bitag.”

Sinagot ko ang tanong niya kanina.

“Di na tayo makakain ng karne muna. Wala nang dumadapo sa bitag, e. Nandun kasi lagi ‘yung

mga uwak.”

Mula sa di kalayuan narinig namin pareho ni Carmencita ang huni ng mga uwak.

“Natatakot ako sa huni nila, Kuya.”


“Bakit ka naman natatakot?” pagpapanggap ko. Pero ang totoo, ganoon din ang nararamdaman

ko.

“Parang mayroon silang sinisabi. Parang may hinihintay. Basta, parang ano, Kuya…”

Hindi ko na tinanong kung ano ang ibig sabihin ni Carmencita. Natatakot akong sabihin niya na

kamatayan ang hinihintay ng mga uwak. Kamatayan ng aming buong pamilya. Hindi niya na rin itinuloy

ang sasabihin.

Nagyaya na akong umuwi.

Sa bahay nadatnan namin ang isang hindi pamilyar na mukha. Pinakilala siya ni Tatay na si Tito

Roel, sa Negros daw ngayon naninirahan. Tinapik kami ni Tito Roel sa ulo: ako, si Carmen at Lucas.

Umiyak si Lucas nang dumampi sa kaniya ang butuhang kamay nito.

Parang naglalakad na kalansay si Tito Roel. Ang payat-payat, malapit na silang maging

magkasingkatawan ni Tatay. Parang lalabas na ang buto sa mga balat. Halatang-halata na ang pag-usli ng

buto sa balikat niya. Walang buhay ang mga mata.

Habang naroon kami sa kubo. Pinakinggan ko ang usapan ni Tito Roel at Tatay. Sinabi ni Tito na

kaya raw siya nagpunta rito sa Anislag dahil tinanggal daw siya sa trabaho. Sa tubuhan na

pinagtatrabahuhan niya sa Negros. May mga nangyari daw kasi, mga paliwanag na hindi pa kayang

intindihin ng bata ko no’ng isipan.

“Nagbakasakali lang ako na may pera ka, Kuya. Akala ko kase, okey kayo dito. Halos katulad din

pala sa Negros.”

“Pasensya ka na talaga, Roel. Namomroblema na rin kami araw-araw kung paano kakain.”
“Ang dami ng bata ang namatay. Nangayayat ang iba. Mga malnoris na, wala nang mapagkunan

ng pera at pagkain ang mga magsasaka. Naibenta ko na nga ‘yong lupa. Ang mga anak ko, Kuya, ang

papayat na. Parang hindi ako nakikilala kapag tumitingin sa akin.”

Maririnig ko, may umiiyak sa kwarto kung saan sila nag-uusap. Si Tatay at Tito Roel.

“Kuya, sana mairaos ninyo ang buhay dito. Babalik din ako agad sa Negros para sumama sa

isasagawang kilos-protesta.”

“Sigurado ka bang ayaw mo munang magpahinga?”

Maririnig ko ang pagbukas ni Nanay sa latang lalagyan ng bigas.

“Kumain ka na muna bago magbyahe papauwi. Pasensya ka na Roel, at ako man, walang-wala na

rin. Lupa na lang na bigay ni tatay. Nakuha na ang lahat sa akin.”

No’ng araw ding ‘yon. Umalis sa amin si Tito Roel. Pero bago siya umalis, may sinabi siya kay

Tatay.

“Kuya, gawin mo ang lahat ng nararapat para masalba ang mga anak mo.” Nakatingin lang ito

kay Tatay. “Kanina pagdaan ko rito, nakita ko ang mga uwak. Di ba? May paniniwala ang pamilya natin

no’n na kapag may uwak may nalalapit na mamaalam. Bantayan mo silang mabuti, Kuya, hanggang sa

malampasan ninyo ang tag-init.”


Karne

Narinig kong nagmumura ang Nanay. Hindi ko pa siya narinig na nagmura kahit kailan. Tahimik

na babae lang ang Nanay. Kaya nagulat ako sa narinig. Sinusumpa niya ang mahabang tag-init.

“Putang inang tag-init ‘yan! Isang buwan na hindi pa umaalis!”

Magtutuloy-tuloy ang pananahimik niya. Uupo sa isang sulok ng kubo. Palaging ganito si Nanay

lalo pa’t nag-iisip.

“Noy, samahan mo si Tatay Istong mo sa pag-igib mamaya, ha.” Pagkatapos pumunta ito ng

kusina. Uminom ng tubig at tinuwad ang container.

“Papaubos na ang tubig.” Nilagok ni Nanay ang tubig.

Pagsapit ng gabi, lahat kami nagulat. May mga karne na naman kasing nakahain sa hapag. Adobo

ang niluto. At ang dami-daming karne. Mas marami pa sa kanin.

“Galing Taytay, sarap naman ulam. Karne ulit.” Sasabihin ni Lucas habang panay ang subo sa

nagmamantikang karne.

Nangingiti ako dahil ilang araw na rin kaming sabay-sabay na kumakain. Ang sabi ni Tatay, karne

daw ‘yon ng unggoy na nakukuha niya sa kung saan kapag umaalis tuwing gabi. Mainit sa katawan ang

karneng kinain namin. Pero kahit pa ganoon, palagi kaming nagpapasalamat kay Tatay dahil palagi

kaming nabubusog. Isang linggo na rin ang lumipas magmula nang kumain kami ng karne ng unggoy. Ang

init-init pala talaga sa katawan ng karne ng unggoy. At ang sarap-sarap.


Natutulog akong busog. Nagsimula akong mananalangin no’n na sana dumating na ang tag-ulan.

Pananalangin na hindi ko naman talaga ginagawa. Bago mapapikit, maririnig ko palagi ang alulong ng

mga aso sa aking isip, ang huni ng mga uwak at halakhak ng panakot. Matutulog akong nakatalukbong

ng kumot at tinatakpan ang tenga. Pakiramdam ko papalapit sila nang papalapit sa akin.
Misteryo ng Nawawalang Mga Aso

Dumadalas ang pag-iigib namin ni Tatay. Ang bilis maubos ng tubig. Hindi naman dating ganoon.

Bumilis lang ang pagkaubos magmula nang magsunod-sunod ang pagkain naming ng karne ng unggoy.

Siguro, mahirap at maraming tubig ang kinakailangan para tanggalin ang lansa sa karne. Kapag ganitong

nag-iigib kami, ganoon na lang ang iniisip ko palagi.

Sa bukal na igiban. Usap-usapan ang pagkawala ng ilang mga aso sa Anislag. Wala kasing

nakikita kahit wakwak na katawan. Kaya nagdududa na ang mga kapitbahay kung aswang ba ang may

gawa. Baka raw kasi lumayas lang ang aso dahil naramdaman na magagaya siya sa amo: mamamatay sa

gutom.

No’ng pagbalik namin sa bahay galing sa bukal. Napansin ko ang labis na pamumutla sa mukha

ni Tatay. Napainom siya nang maraming-maraming tubig. Sinapo ang dibdib at huminga nang malalalim.

Natakot siguro siya sa mga narinig tungkol sa aswang. Ako rin naman, natatakot. Sa mga aswang at

usapan tungkol sa pagkawala ng mga alaga. Paano na lang kung hindi lang aso ang mawala? Paano pag

pati kaming mga bata kunin ng aswang at di na makita ang katawan?

Hindi nagpaalam si Tatay na aalis pagsapit ng gabi. Nakakapanibago. Sinabi lang sa amin na

masama raw ang pakiramdam ni Tatay.

“Hindi ka mangangaso ngayon, Istong?”

“Hindi na muna, Ora.” Nakita ko ang pagpipigil ng iyak sa mukha ni Tatay. “Pahupain ko na muna

ang balita tungkol sa aswang.” Totoo nga na natatakot din sa aswang si Tatay.
“Bakit?”

“Hindi mo ba narinig ang balita? Usap-usapan kanina sa bukal na baka raw tao ang kumukuha sa

mga asong nawawala. Baka di raw aswang?”

Pagkatapos no’n, mananahimik si Nanay. Mag-iisip na naman siya nang malalim na malalim.

Pagpapahingahin niya si Tatay na parang naiintindihan ang labis na takot nito. Paglipas nang gabing ‘yon,

di na ulit kami makakain ng karne. Tumigil na rin ang mga balita tungkol sa mga asong nawawala. Nagtiis

ulit kami sa pagkain ng lugaw.


Lucas

Kapag tinitingnan ko si Bunso, lalo ngayong sobra akong nagugutom. Naiisip ko, sana bata ako

ulit. Walang problema. Laro lang nang laro. Tawa lang nang tawa. Parang ang dami-daming lakas na

kailangang pakawalan.

“Lucas, punta ka nga digdi.” Sinenyasan ko siya para lumapit. Niyakap ko siya nang mahigpit.

Humuhuni na naman ang mga uwak. Mas malalakas kaysa no’ng mga nakaraan. Pumiglas sa akin si

Lucas. Humigpit ang yakap ko nang hindi ko namamalayan.

“Kuya, bitaw. Sakit. Sakit.”

Ang payat-payat na rin pala ng bunso namin. Kayang-kayang liparin ng hangin. O iangat ng

maraming mga uwak. Nagtayuan ang balahibo ko sa naiisip. Nagpaalam ako kay Carmencita na

kasalukuyang binabantayan ang lugaw.

“Kaw na muna magbantay kay Lucas, ha. Maghahanap-hanap lang ako ng bayabas baka

mayroon diyan sa malapit.”

“Sige po, Kuya. Ingat ka.”

Pagbalik ko sa bahay. Wala na si Lucas kung saan ko siya huling iniwan. Mula sa labas ng kubo

narinig kong may mga nag-iiyakan. Niyakap ako nila Tatay, Nanay at Carmencita pagpasok. Lahat sila,

umiiyak. Nakahiga si Lucas sa papag. Namumutla. Hindi na gumagalaw. Parang nawala lahat ng enerhiya

sa katawan.
Bigla na lang din akong naiyak. Nanginig ang kalamnan ko. Sinabi sa akin nii Carmencita na wala

na si bunso. Patay na raw nang makita. Sa lupa, nakahiga. Hindi gumagalaw kahit anong pagyugyog ang

gawin niya. Niyaya niya pa raw na maglaro sila pero hindi talaga gumigising si Lucas. Saka niya lang

napansin na hindi na ito humihinga. Natapat kasi ang paningin niya sa mapapayat na kamay nito.

Nakakuyom daw ang kamao. Nakapatong sa dibdib at parang lumalaban sa kung ano mang

nararamdaman.

Puno raw ng lupa ang bibig ni Lucas nang makita. Nabulunan ng batong sumama sa lupa. Umiyak

ako nang umiyak dahil naisip ko na totoo ang paalala ng mga uwak. Baka sa mga susunod na araw kami

naman ang sumunod na mamatay. Hindi namatay sa gutom si Bunso, iyon ang ginawa kong

pampalubag-loob sa sarili. Pinatay siya ng lupa kung saan kami nakatayo. Pinatay si Lucas ng tag-init.

Naghukay kami ng libingan pagkatapos naming padasalan si Lucas. Ibinalot namin sa banig ang

maliit niyang katawan. Pumala kami nang pumala ni Tatay. Hanggang sa magkaroon ng malawak na

libingan si bunso. Iyon ang napagdesisyunan naming lahat. Ilang hakbang lang dapat sa kubo ang layo ng

libingan niya. Pareho kaming umiiyak ni Tatay habang pumapala. Sabi niya, bilisan, sinunod ko naman.

Pala nang pala.

“Luwagan natin ang hukay, Noy.”

Iyon na lang daw ang tanging bagay na aming maibibigay kay Lucas, maluwag na libingan para

kung sakaling gustuhin niyang magtatakbo. Doon sa ilalim daw ng lupa pwede siyang maglaro. Iyon ang

sabi ni Tatay. Sinunod ko ang lahat ng sinasabi niya pagkatapos no’n. Ayaw ko pa kasing mamatay.
Ang Pananahimik ng Mga Alulong

Bihira na kami ulit magsabay-sabay sa pagkain pagkatapos no’n. Si Carmencita na ang pinapauna

namin. Susunod ako. Pero hindi ko na nakikitang kumakain si Nanay at Tatay. Kapag may mga umagang

nakikita ko silang magkasama at nakahiga. Nakikita ko minsan na para silang mga kalansay, magkayakap

at naghihintay na lang mailibing.

May mga araw na pinupuntahan pa rin ni Tatay ang bitag ngunit wala na itong nahuli kahit

kailan. Bumabalik pa rin ang mga uwak paminsan-minsan. Pinagmamasdan kami. At pinagmamasdan ko

rin sila. May mga panahong naririnig ko pa rin ang halakhak ng panakot-uwak. At napapanaginipan ang

pagtuklap ng mga uwak sa aking laman. Naroon ako, nakahiga. Katabi ni Lucas. Inuuod kaming parehas.

Hindi ko na nasusundan ang bilang ng mga araw. Nakita ko si Tatay isang umaga habang

naglalakad papunta sa mga bitag. Tinitingala ang panakot uwak. Parang nagdarasal. Matagal na matagal.

Kitang-kita ko kung paanong hinuli niya ang isang uwak gamit ang kanang kamay. Hindi lumipad

ang iba pang nakadapo sa panakot. Hindi ko na nakita kung pinakawalan ba ni Tatay ang uwak o hindi.

Minsan, umuwi si Tatay sa kubo na nakangiti. Walang buhay ang mga mata. Itim na itim katulad

sa mga uwak. Para siyang nanggaling sa mahabang lakaran. Napansin kong may mga itim na balahibo sa

kaniyang bibig. Ginulo-gulo ang aking buhok. Nginitian ako ni Tatay. Sa pagngiti niya do’n ko lang

naramdaman ang kilabot. Nagtayuan ang balahibo ko sa batok. Kilabot iyon na higit pa sa hinahatid ng

mga alulong at huni. Kilabot na katimbang ng panakot-uwak sa tuwing humahalakhak ito sa aking utak.

Tinabig ko ang kamay ni Tatay.


“Noy, mairaraos din natin ang tag-init.” Narinig ko ang pagbukas ng pinto. Si Nanay. Hinahatak

ako.

“Huwag kang masyadong lumapit kay Tatay Istong mo. Nababaliw na yata ‘yan.” Lumabas kami

ng kubo. “Kung ano-anong nakikita.”

“Noy, ikaw na muna mag-igib mamaya!”

“Nakikita niya si Lucas. ‘Di pa rin natatanggap na guran na.”

“Baka walang inumin ang mga kapatid mo!”

Hindi ako sumasagot. Naguguluhan ako sa sinasabi nila Nanay. Gusto kong sabihin na hindi

naman namatay si Lucas dahil nakikita ko pa rin paminsan-minsan. Nakikipaglaro sa akin.

Nakikipaghabulan kay Carmencita. Bumabalik lang ulit sa lupa kapag napapagod na. Pero hindi ko na

sinabi, hindi ako paniniwalaan ni Nanay. Baka isipin pa niyang nababaliw din ako.

Muli narinig ko sa bukal ang balita tungkol sa mga aso. Ngayon daw, nakikita na ang mga

bangkay, lahat pinapatay. Wakwak ang tiyan. Aswang daw sigurado ang may kasalanan. Lumalabas na uli

si Tatay tuwing gabi nang marinig ko ang mga usapan. Bigla-bigla na lang siyang nawawala no’n sa

bahay. Hindi na nagpapaalam kay Nanay pero dala-dala pa rin ang itak.

Ako na lang palagi ang nag-iigib at nangunguha ng panggatong. Si Carmencita kasi, madalas

nanghihina na. Wala naman daw sakit sabi ng albularyong nilapitan. Pero minsan, umiiyak si Carmencita

sa kalagitnaan ng gabi. Ikukwento niya na isinasama na raw siya ni Lucas. Palagi sasabihin ni Nanay na

‘wag siyang magpatangay. Huwag daw abutin ang kamay ni Bunso.


Mahimbing na ang mga nagiging tulog ko simula nang magkaroon ng balita tungkol sa mga

asong inaswang. Nginasab daw ang mga lamang loob. Winakwak ang tiyan ng mga alaga nila.

Nabawasan na rin kasi ang mga alulong. Ang huling balita na lamang na narinig ko ay tungkol sa asong

pinutulan ng ulo. Napakatalim daw siguro ng kuko ng aswang kaya ganoon kalinis ang pagkakaputol sa

ulo ng alaga ni Ka Doreng. Bihira ko na makita si Tatay sa kubo mula no’n. Sabi ni Nanay, sa maliit na

kubo na lang daw doon sa itaas ng palayan nananatili si Tatay. Hayaan ko na lang daw.
Ang Karneng Higit sa Lahat

Umuwi si Tatay isang gabi. Umaalulong na parang aso. Matitinis ang halakhak na parang

panakot. Umiikot ang maitim na maitim niyang mga mata. Parang gustong kumawala sa kinalalagyan.

Napayakap ako sa braso sa takot at panginginig.

“Sinabi sa akin ng mga uwak.” Huminto siya at sisigok-sigok na nagsasalita. “Maibabalik daw

natin si Lucas. Kailangan lang natin kumain ng sagradong karne.” Nagtungo siya sa sulok ng bahay kung

saan niya itinatago ang itak.

“Sumama ka sa akin,” Sumunod agad ako. Kahit nag-aalangan ang katawan. Hindi ko na

napigilan ang sarili.

“Maibabalik po talaga si Lucas?”

“Kapag kinain nating lahat ang karne.”

“Pero hindi naman po nawala si Lucas, di ba?”

“Patay na ang kapatid mo! Pero wala kang pakialam? Anong klaseng anak ka?”

“Pero nakikita niyo rin po si Lucas, di ba?”

“Nakikita ko kayong lahat!” Nanginginig ang boses ni Tatay. Binaybay naming ang papunta sa

taas ng kubo. “Lahat kayo mamamatay kapag wala akong ginawa!”

Naipit ang boses sa lalamunan ko.

Maliwanag na maliwanag ang gabi. Bilog na bilog kasi ang buwan. Nakaramdam na naman ako

ng pangamba na may mga nagmamasid sa amin mula sa dilim.


“Kapag hindi ako gumawa nang paraan, mamamatay tayong lahat. Ayaw ko nang may ma-guran

sa pamilya, Noy!”

Pagsapit sa kubo. Sinabihan ako ni Tatay na magbantay. Baka raw may mga dumaang mga PC o

sundalo. Baka raw may mga kapitbahay na mapadpad. Sinunod ko ang utos niya nang walang angal.

Naririnig ko sa loob ang mga paghikbi at mga pag-ungol. Sa malayo nakikita kong may tatlong pigurang

papalapit. Iniwas ko sandali ang paningin ko dahil baka namamalik-mata lang ako.

Sa pagdako ng mata ko sa palayan kung saan narooon ang panakot-uwak. Napansin ko ang

kakaiba. Nawawala doon ang panakot. Ibinalik ko ang tingin sa mga paparating. Palapit sila nang palapit

sa akin. Ilang hakbang na lang ang layo nila nang makita ko ang kanilang mga hitsura. Isang taong-uwak

na gawa sa buto ng tao ang mga pakpak. Ang panakot-uwak na may ulo ng aso at naglalaglagan ang mga

dayami at buto. Umiyak ako sa ikatlo, si Lucas. Inuuod ang naagnas na mukha. Naglaglagan ang mga uod

niya sa mukha at naamoy ko ang umaalingasaw niyang hiniga. Sa pagbuka ng kanilang mga bibig ay

lumabas ang sanlaksang uwak.

“Noy! Pumasok ka nga rito! Tulungan mo ako!”

Hindi sila nawala. Humalakhak ang panakot. Humuni ang uwak. Nagsalita si Lucas.

“Kuya, kumusta? Buhay ka pa ba?” At unti-unti naglaglagan ang mga lupa at patay na uwak sa

kaniyang bibig.

Nawala lang sila bigla nang isubo sa akin ni Tatay ang karne.

“Masarap ‘yan kahit hilaw!” Nginuya ko ang malansa at makunat na laman. “Pumasok na tayo sa

loob! Tulungan mo ko.”


Sa loob ng maliit na kubo nakita ko ang isang taong pinutulan ng ulo. ‘Di ko napigilan ang sariling

magsuka. Sinuka ko ang karneng kinain kanina.

“Tabunan mo ang ulo do’n sa isa pang balon. Bilisan mo lang, ha. Baka mahuli tayong dalawa.”

Nataranta ako. Ayaw kong mahuli kaming pareho. Kinuha ko agad ang ulo at ipinatong sa

dalawang kamay. Pinaharap ko ang ulo kay Tatay.

“Yung pala, ‘wag mong kalimutan. Lilinisin ko pa ‘tong karne.” Pagkatapos ngumiti si Tatay.

Sinabi niya sa akin na siya na ang bahalang magtapon sa katawan. Sa mga laman na hindi

mapapakinabangan.

“Tay, bakit po?”

“’Wag ka na magtanong Noy.” Nginitian niya ako. Umikot-ikot ang maitim niyang mga mata.

Ginulog-gulo ng duguan niyang kamay ang aking buhok. “Ginagawa ko ‘to para mairaos natin ang tag-

init. Wala kang pagsasabihan nito, ha. Kahit sino, kahit si Carmencita at si Nanay Ora mo.”

“Kapag nalaman ‘to at kumalat. Pareho tayong makukulong. Pandidirihan tayo ng buong bayan

ng Anislag at madadamay si Carmencita at si Ora. Ayaw mo naman na mangyari ang ganoon hindi ba?”

Tumakbo agad ako papalabas ng kubo. Ayaw ko nang marinig pa ang mga sasabihin ni Tatay.

Natatakot ako sa mga posibleng mangyari sa mga darating pang gabi. Pakiramdam ko habang-buhay

kong dadalhin ang bangungot.

Nadapa ako habang tumatakbo papunta sa tuyong balon. Nabitawan ko ang ulo kaya gumulong-

gulong. Lalo akong kinilabutan sa nakita. Dilat ang mga mata ng lalaki. Namatay siguro sa takot at sa

gutom, sa isip-isip ko. Noong gabing ‘yon, hindi na ako bumalik sa kubo kung saan kinatay ni Tatay ang

katawan. Noong gabing ‘yon, unang beses akong naglibing ng ulo ng taong hindi ko kilala.
Habang papauwi, nakaramdam na naman ako na parang may nagmamasid sa akin. Lumingon

ako sa likod. Wala. Tiningnan ko ang panakot-uwak na katabi ng parang mga krus na bitag. Naroon ang

panakot. Hindi gumagalaw. Pero parang may nagmamasid pa rin sa akin kahit sa dilim. Kahit saan, may

nagmamasid sa akin. Dali-dali akong umuwi at naghugas ng ulo at kamay. Magdamag akong hindi

nakatulog.

Sumapit ang umaga. Tuwang-tuwa sila Nanay at Carmencita sa kinaing karne. Si Nanay,

ngumingiti kay Tatay na parang alam nito kung ano ang kinakain. Walang kamalay-malay si Carmencita,

panay ang subo ng inihaw. Nagdahilan na lang ako na masama ang pakiramdam kaya walang ganang

kumain ng karne.

Tumingin si Tatay sa akin ng matalim. Kinawayan ako para lumapit. Ginulo-gulo ng madumi

niyang kamay ang aking buhok. May ibinulong.

“Wala kang pagsasabihan nito kahit sino, ha. Sana nagkakaintindihan tayo, Noy.”

Tiningnan ko siya sa mga mata. Nagsa-matang uwak ‘yon. Itim na itim.


Panakot-Uwak

Lalong dumami ang mga uwak na lumalapit sa panakot. Napapansin ko, hindi natatakot ang mga

ibon sa tuwing lumalapit si Tatay. Parang natutuwa pa nga. Panay ang pagaspas. Nagpapatalon-talon pa

sa kaniyang ulo at balikat. Parang magkakaibigan silang tatlo ng mga uwak at panakot.

Isang hapon, natukso akong tingnan kung ano ang pinagkakaabalahan ng mga uwak.

Napabagsak ang puwet ko sa lupa sa takot. Doon nakita ko ang laman ng aking mga panaginip. Bungo ng

aso ang ulo ng panakot. At ang katawan nito ay ang katawan ng lalaking kinatay ni Tatay isang gabi.

Inuuod. Pero tinutuka ng mga uwak ang mga naagnas na nitong laman. Lahat, parang natutuwa sa hindi

lumalaban na biyaya. Sa panakot nakakita ang mga uwak ng kakainin. Sa panakot kung saan minsan

nakikita ko si Tatay na parang nagdarasal.

Binugaw ko ang mga ibon ngunit sinalakay ako ng mga ito at pinagtutuka. Tumigil lang ang mga

ito sa pagtuka nang dumating si Tatay.

“Huwag ka kasing makialam sa pagkain nila. Sila ang nagturo sa atin kung paano malalampasan

ang mga tag-araw.” Pagkatapos tiningala niya ang panakot-uwak. Parang buo ang paghanga do’n ni

Tatay. “Baka isipin ng mga ‘yan, wala tayong utang na loob.”

Umalis ako no’ng araw na ‘yon sa bahay nang hindi kinakusap si Tatay. Wala akong kahit sinong

pinagsabihan ng sikreto naming dalawa. Hindi ko rin sinasabi sa buong pamilya na sa tuwing naglalakad

ako lalo’t madilim palagi kong nararamdaman na may nagmamasid sa akin. Bago ako lumayas, nagdasal

ako no’n sa puntod ni Lucas. Inisip ko na sana, mapatawad ako ni Bunso.


Ulan

Ilang araw lang ang lilipas darating ang ulan na kay tagal hinintay nga mga taga-Anislag. May

dala-dala ang ulan na biyaya. Mga pumupusag-pusag na isda.


Carmencita

Pinatalsik na si Marcos sa palasyo nang matunton ako ni Carmencita sa karatig bayan ng Anislag.

Ibinalita niya sa akin ang kamatayan ni Tatay.

“Hindi mo man lang kinausap si Tatay bago ka umalis.” Humihikbi ang kapatid ko. “Hinintay ka

niya na bumalik pero ‘di mo na ginawa. Hinanap ka nang hinanap ni Tatay.”

Hindi ako umimik. Niyakap ko ang iniwan na Kapatid. At sa likuran niya nakita ko ang aming

bunso. Nakangiti na parang may gustong ipahiwatig. Naluha na rin ako.

Detalyado ang naging kwento sa akin ni Carmencita tungkol sa kamatayan ni Tatay. Nakita raw

itong nakadipa na parang panakot sa aming palayan. Hindi nahuli ang may kagagawan.

Pinagpipiyestahan na raw ng sanlaksang uwak ang bangkay ni Tatay nang makita ng mga nadadaang

magsasaka. Naagnas na ang bangkay at naglalaglagan ang mga bulok na laman at uod sa lupa.

Natatakot pa rin akong mahuli hanggang ngayon. Natatakot din akong tanungin kay Carmencita

kung alam ba nila ang tungkol sa nangyari no’ng isang gabi ng 1984. Bilog na bilog ang buwan no’n. At

may nagmamasid sa amin. Umalis din siya agad sa bahay matapos ihatid sa akin ang balita. Sinabi ng

kapatid ko na napatawad na nila ako sa ginawa kong paglalayas, ganoon din daw si Nanay.

Pagkaalis ni Carmencita. Pinaalala sa akin ng aking napangasawa ang lumalalang tagtuyot.

Tinatanong kung saan daw ako nakakakuha ng karne at kung bakit palagi raw akong umaalis tuwing gabi.
Hindi ko maalala ang mga pag-alis na binabanggit niya kaya ginusto kong manahimik na lang. Inisip ko

kung paanong maitatawid ang pamilya sa paparating na tag-araw.

Naisip ko si Tatay. Kung paano siya pinatay. Naisip ko ang mga matang nagmamasid sa akin sa

dilim. Ayaw kong mahuli.

WAKAS

You might also like