You are on page 1of 3

BAKIT MATAAS NA MATAAS ANG LANGIT?

Ayon sa Manuvu

1
Sa langit nakatira si Manama, ang punong diyos ng mga Manuvu. Kasama niya rito
ang mga Diwata at iba pang diyos para bantayan ang mga tao sa daigdig. At para iligtas sila
mula kay Ogassi at iba pang masamang espiritu.

2
Pero noong unang panahon, ang baba-baba ng langit. Kaya kahit ang mga nagbabayo
ng palay ay naiistorbo. Hindi maitaas nang husto ng mga tao ang kanilang pambayo.
“Maaari po bang itaas nang konti ang langit?” hiling ng mga tao.

3
Tumaas nang bahagya ang langit. Pero naglagay ng hagdan ang mga diyos para
madaling makaakyat ang mga taong gustong humingi ng tulong sa kanila.
Sa bawat baytang ng hagdan ay naglagay ang mga diyos ng pagkain para hindi
magutom ang mga sinomang papanhik.

4
Minsan, umakyat sa hagdan si Puhak. Nakita niya ang gintong butil sa bawat baytang.
“Mukhang masarap ang butil na luto ng mga diyos” sabi ni Puhak. “Matikman nga!”

5
Pero hindi nagkasya sa isa, dalawa, o tatlong butil si Puhak. Nilantakan niya bawat
butil sa bawat baitang ng hagdan patungo sa langit.

6
Busog na busog, hihinga-hingang nakaupo si Puhak sa hagdan. Hinimas-himas niya
ang tiyang namamaga sa kabusugan.
“Hayy, ang sarap talaga ng pagkain ng mga diyos,” sabi ni Puhak.
7
Magpapatuloy sana sa pag-akyat sa langit si Puhak, pero bigla siyang natigilan.
Kumukulo ang kaniyang tiyan. At pinagpapawisan siya nang malamig. Pinigil ni
Puhak ang nararamdaman. Nagpatuloy siya sa pag-akyat.

8
Pero hirap na hirap si Puhak. Palakas nang palakas ang kulo ng tiyan niya.
Kinikilabutan pa siya!
“Hindi ko na ito mapipigil pa!” sabi ni Puhak.
Kaya humila siya ng isang manipis na ulap na may malalagong damo. Sa likod niyon
siya nagkubli habang nagbabawas.

9
Pero saksakan ng baho ang dumi ni Puhak.
Umusok at nalusaw ang katawan ng diwatang nakaamoy niyon.
Nagtakip ng ilong ang ibang diwata. Nangamba silang mamatay tulad ng mga
diwatang malapit sa pinto ng langit. Nataranta sila sa nangyari.

10
“Bilis! Bilis! Itaas natin ang langit para hindi natin maamoy ang dumi ni Puhak!”
At muling tumaas nang bahagya ang langit.

11
Pero mabagsik talaga ang amoy ng dumi ni Puhak. Nang masagap ng hangin ang
amoy nito, nakarating pa rin sa langit ang ubod-bahong amoy!
Ilan pang diwata ang walang kaabog-abog na nalusaw at namatay.
“Naku po! Mauubos tayo! Itaas na natin nang husto ang langit. Yung mataas na
mataas-s-s!”

12
At tumaas na nga nang pagkataas-taas ang tahanan ng mga diyos at diwata para hindi
na makarating doon ang ubod ng bahong amoy ng dumi ni Puhak!
Samantala, kahit ang ulap na pinagkukublihan ni Puhak ay hindi nakatagal sa
mabahong amoy. Nagpilit na makalutang ang ulap. Nawalan ng panimbang si Puhak. Una
ang ulong bumagsak sa lupa ni Puhak!
Bumagsak din ang hagdan-kawayan patungong langit at agad na nasira.

13
Ang dumi ni Puhak na bumagsak sa lupa ang pinagmulan ng Bundok Puhak, malapit
sa Ilog Kuaman.
Bumaon ang buong katawan ni Puhak maliban sa kanyang mga paa. Dito nagmula
ang mga puno ng niyog.

14
Mula noon, hindi na naglagay uli ang mga diwata ng hagdan patungo sa langit. Kaya
kung may hihilingin ang mga tao sa mga diyos at diwata, kailangan nilang manalangin nang
taimtim.

You might also like