You are on page 1of 2

ARUGA NG ISANG INA

Ayon kay Grimaldos Robin, taong 2016, “Ang isang ina ay isang babae na nagpapakita sa iyo ng ilaw
kapag nakita mo ang dilim. Ayon naman kay Barbara Kingsolver, taong 2018, “Minsan ang lakas ng pagiging
ina ay mas Malaki kaysa sa natural na mga batas”. Ayon din kay Mildred B. Vermont, taong 2017, “Ang
pagiging full-time na ina ay isa sa pinakamataas na suweldo sa aking larangan, dahil ang pagbabayad ay puro
pag-ibig”.
Hindi kailanman matutumbasan ng kahit anong materyal na bagay ang aruga o kalinga ng isang ilaw ng
tahanan. Talikuran ka man ng lahat, asahan mong laging nandyan ang iyong ina, Inang hinding-hindi ka
tatalikuran, iiwan at aayawan. Inang handang gawin ang lahat mabigyan ka lamang ng magandang kinabukasan.
Inang handang ialay ang buhay masilayan at mailuwal sa mundong ginagalawan.
Noong nasa sinapupunan pa tayo ng ating ina, inaalagaan nila tayo ng siyam na buwan. Dinadala
hanggang sa lumabas at makita natin ang ganda ng mundo. Nakataya na ang buhay nila noong isinilang tayo at
hindi tayo mabubuhay sa mundong ito kung hindi tayo inalagaan. Hindi alintana ang puyat at pagod tuwing
madaling araw na tayo’y nagigising dahil para sa kaniya ay kasiyahan niyang ika’y alagaan.
Aking ina, siya yung gumigising ng madaling araw dahil umiiyak ako kapag basa na ang lampin o kaya
ay nagugutom. Siya na walang sapat na tulog dahil palaging nakabantay kapag ako’y nagkakasakit. Siya ay
aligaga kapag dinapuan ng sipon at nilalagnat. Ginagawa ang lahat para tayo ay gumaling dahil hindi nila matiis
at kayang makita tayong nahihirapan.
Kapag ako ay nadadapa at umiiyak, pinapatahan niya ako at niyayakap. Kapag may nagagawang
kasalanan ay hindi agad ito magagalit bagkus ay tatanungin muna kung ano ang nangyari. Kung tayo ay may
problema sa paaralan, sila ang ating tagaligtas at tagasubaybay masiguro lamang na nasa maayos kang
kalagayan. Habang tayo ay lumalaki, andyan sila para tayo ay gabayan, damayan tayo kapag tayo ay nasasaktan,
nabibigo sa pag-ibig at nagkakamali sa tinatahak na landas.
Ang pagiging ina ay walang hanggang responsibilidad habang sila’y nabubuhay. Ang aking ina ay
bukod tangi ang kaniyang aruga at sakripisyo para aming pamilya. Kung aking babalik-balikan ay walang oras
na hindi mulat ang mga mata nito masiguro lamang na walang kahit isang lamok o langaw na dadapo sa aking
pagtulog.
Mula sa aking kamusmusan ay ang aking ina ang unang nagturo ng kabutihang asal. Maging ang
simpleng pagsulat at pagbasa ng abakada. Siya ang nagsilbing aking unang guro kahit wala kami sa paaralan.
Siya ay may sobrang habang pasensiya tuwing nagkakamali ako sa mga bagay-bagay.
Kung ako ang tatanungin ay walang makakatumbas sa aruga ng aking ina. Siya ang nagsilbing liwanag
sa mga panahong hindi pa ako nakakakita. Siya ang nagsilbing baston sa mga panahong hindi pa ako
makapaglakad. Siya ang nagsilbing panangga sa mga taong mapanghusga at sandata sa magulong mundo.
Kulang ang salitang pasasalamat sa lahat ng pagmamahal at sakripisyo ng aking ina hindi lang para sa
akin kung hindi para sa aming pamilya. Bilang babae, napakahirap ng responsibilidad na ginagampanan ng
isang ina, hindi ko pa man naranasan pero ramdam ko kung gaano ito kahirap. Magmula sa pagdala sa iyo sa
kaniyang sinapupunan at maging sa kasalukuyan ay hindi nawawala ang aruga at mainit na pagtanggap sa iyo.
Kung aking aalalahanin ang lahat ng kabuting nagawa ng aking ina ay walang pagsidlan ang aking
kagalakan. Umaapaw ang kaligayahan at pagmamahal sa tuwing mababakas ko ang kaniyang mga ngiti sa
tuwing ako ay kaniyang inaalagaan. Masasabi kong tunay ngang walang makakapantay sa pag-aruga ng isang
ina.

Habang ako’y nagdadalaga ay lagi niyang pinapaalala na hindi na dapat ako magkilos bata. Mga bilin
niyang kahit maraming beses na niyang sinabi ay paulit-ulit mo pa ring maririnig sa bibig niya. Bawat salita ay
tumatagos sa puso dahil mahihimigan mo sa mga ito ang bakas ng pag-aalala. Tunay nga ang sabi nila na
walang ina ang gustong mapahamak ang kaniyang anak.
Nais kong malaman ng iba na huwag kayong magagalit kung pinagsasabihan kayo ng mga magulang
ninyo dahil ito ay para rin sa ikabubuti ninyo. Maging masunurin na anak upang maiwasan ang pagsisisi sa
bandang huli. Iwasang magtanim ng galit kapag ikaw ay napapagsabihan o tinatama. Mas masarap sa
pakiramdam kapag ika’y marunong na sumunod sa iyong magulang.
Habambuhay kong pasasalamatan ang panginoon dahil binigyan niya ako ng pinakamagandang regalo at
iyon ay ang aking ina. Inang kahit magkamali ka ay hindi ka iiwanan. Inang imbes na paluin ay pinagsasabihan
na huwag gawin ang mga bagay na makakasakit sa sarili o sa iba. Inang iisipin muna kaming pamilya niya bago
ang sarili niya. Inang kahit anong mangyari ay nariyan lang sa tabi mo, sumusuporta sa iyo.
Paulit-ulit kong sasabihin na “Salamat aking ina sa walang kapantay na pag-aaruga”. Asahan mong ika’y
aking aalagaan sa iyong pagtanda gaya nang pag-aalaga mo sa akin. Nais kong malaman mo na kung bibigyan
ulit ako ng ibang buhay ay ikaw at ikaw pa rin ang pipiliin kong maging ina. Salamat aking ina dahil ikaw ang
aking kapiling at natagpuan kita.

You might also like