You are on page 1of 3

Pangalan:

Strand and Section:


Awtput #6
Panuto: Basahin at ipaliwanag ang mga kaisipang nakapaloob sa teksto.

KASALANAN BA ANG KASAGUTAN?


ni: SAZON, WAYNE FRANCIS

Ang usapin ukol sa Death Penalty o Parusang Kamatayan ay hindi na bago para sa ating mga Pilipino.
Dati na itong pinapairal sa ating bansa mula pa noong panahon ng mga Kastila. Pagdating naman sa mga
Pilipinong naging presidente ng bansa, sa panahon ni Ferdinand Marcos naging popular ang parusang ito. Sa
pagpalit ng administrasyon, sinuspindi ito ni Corazon Aquino, mula 1987 hanggang 1999. Pagdating sa
pamumuno ni Fidel Ramos, muling nanumbalik ang parusang kamatayan sa bansa bago muling itigil noong
2006 sa pamumuno ni Gloria Arroyo. Naging papalit-palit ang pagpasa at pagbasura sa kaparusahang ito dahil
sa mga isyu ukol sa relihiyon, karapatang pantao, at mga di-inaasahang nangyari, sa loob ng bilibid at sa
lipunan, noong pinapairal pa ito.Ang mga pangulo ng Pilipinas ay may paiba-ibang paniniwala at kinakampihan
pagdating sa usaping ito. Sa kasalukuyan, supurtado at nais ibalik ni Pangulong Rodrigo Duterte ang parusang
kamatayan bilang suporta sa kanyang adbokasiya laban sa krimen at droga ngunit maraming Pilipino ang hindi
sang-ayon sa pagpapanumbalik sa marahas na hustisyang ito.

Isa sa pangunahing rason kung bakit ibinasura ang parusang kamatayan ay dahil sa relihiyon. Bilang isang
bansang may higit sa 80% Katoliko, mahalaga at binibigyang pansin at respeto ang buhay ng bawat nilalang sa
mundo. Isa pang rason sa pagbasura nito ay ang karapatang pantao na nalalabag dahil sa batas na ito. Sinasabi
ng mga nauna at kasalukuyang pangulo na mataas ang lebel ng krimen sa bansa noong hindi na pinapatupad ang
parusang kamatayan.
Sinasabi nilang nawawalan na ng takot ang mga masasamang loob na gumawa ng krimen dahil sa mababaw na
kaparusahan para dito. Iniisip nilang ang pagbabalik ng parusang kamatayan ang sagot sa kanilang problema sa
krimen. Ngunit hindi lahat ng problema ay nadadaan sa dahas kung minsan ay lalo pa lamang nitong napapalala
ang sitwasyon. Ang pag-iisip ng solusyon sa ganitong klase ng problema ay dapat sa ugat nito hindi kung kalian
natapos na ang krimen ay doon pa lamang kikilos. Ako, kasama na ang karamihan ng mga Pilipino, ay
tumututol sa planong pagpapanunumbalik ng parusang kamatayan. Ang parusang ito ay sumasalamin sa
masamang kinahinatnan ng mga tao sa mundo ngayon. Naiiba na ang kanilang paniniwala sa sarili nila.Ang
batas na ito ay hindi makatutulong sa problema ng mga tao sa kasalukuyan, maaari lamang itong magdagdag ng
komplikasyon sa proseso ng pagkamit ng hustisya. Isang halimbawa na lamang nito ay ang kaso ni Marcial
“Baby” Ama na nahatulan ng kamatayan gamit ang silya-elektrika noong 1961. Si Ama ay 16 na taong gulang
pa lamang  nang bitayin dahil sa pagsaksak sa isang lalaki sa isang kaguluhan. Sa mata ninuman, hindi tama ang
ginawa ni Ama, pero tama bang pumatay ng isang menor de edad para sa hustisya?
Ang pagsisintensiya ng kamatayan ay isang desisyong hindi nakaatang sa kamay ninuman. Nasa Diyos lamang
ang pagpapasya sa magiging kahihinatnan ng tao. Ang isang maling pagdedesisyon ay kapalit ng buhay ng
isang tao na kailanman ay hindi na maibabalik. Isang halimbawa nito ay ang nangyari kay Eduardo Agbayani na
ginahasa ang kanyang tatlong anak na babae. Sa araw ng pagbitay sa kanya ay sinabi ng tatlong biktima na
handa nilang patawarin ang kanilang ama at ipatigil ang pagbitay. Agad itong itinawag ng pangulo noong si
Joseph Estrada noong 3:12 ng hapon ngunit hindi na umabot ang kanyang balita dahil nabitay na ang akusado sa
ganap na 3:11 ng hapon. Hindi kailanman magiging katanggap-tanggap ang ginawa ni Eduardo. Dapat lamang
na harapin niya ang kanyang mga kasalanan at pagsisihan ang mga ito lalo na’t handang magpatawad ang
kanyang mga biktima. Ngunit, dahilan na lamang sa batas na ito, nawalan na siya ng pagkakataong magawa ang
mga ito. Hindi na maibabalik ang mga nakalipas na segundong lumipas.

Ang parusang kamatayan ay hindi naiiba sa krimen na ginagawa ng mga masasamang loob ngayon. Hindi
ito nalalayo sa paraan na pareho itong nagdudulot ng matinding kapahamakan at kasalanan, hindi lamang sa
taong naaagrabyado, kundi pati na rin sa Diyos. Bilang isang bansang binubuo ng mahigit tatlong-kapat na
Kristiyano, kinikilala natin ang mga utos at turo ng ating Bibliya. Ang ikalima sa “Sampung Utos ng DIyos” ay
ang huwag kang pumatay nang kapwa mo tao. Sa pagpanig natin sa parusang kamatayan, tayo ay sumusuway
sa isa sa pinakamahalagang utos ng Diyos para sa atin. Sa paglabag sa kautusang ito, hindi ba’t nagiging katulad
na rin natin sila? Ano ang kinaiba nila sa atin?
Sa kasalukuyan, pinaniniwalaan ng Pangulong Duterte na para sa ikabubuti ng bansa ang muling pagbabalik ng
parusang kamatayan. Inaasahan niyang mapapababa nito ang lebel ng krimen sa bansa, mababawasan ang
laman ng mga congested na mga kulungan, at maibibigay ang hustiya para sa mga biktima.Matatawag bang
tagumpay ang isang panukalang pambansa kung pinapairal ito gamit ang takot? Makokonsidera bang tamang
rason ang dami ng mga tao sa kulungan para isa-isahin sila upang lumuwag? Mahirap ang proseso ng hustisya,
pero kailan nga ba masasabing nakamit na ang hustisya?Hustisya ba ang maitatawag sa paglabag sa kautusan ng
Diyos para lamang makaganti sa ibang tao? Mapapagaan ba ang kalooban ng biktima kung makikita niyang
wala ng buhay ang gumawa sa kanya ng masama?
Sa lahat ng mga bansang demokrasya sa mundo, ang Pilipinas ay ang pangalawa sa may pinakamataas na
bilang ng nasa death row noon. Sa muling pasusulong ng parusang kamatayan sa Pilipinas, unti-unti muling
lalaganap ang maling pag-iisip ukol sa hustisya.Ang buhay ng tao ay isang sagradong biyaya mula sa Diyos.
Wala sa ating mga kamay ang pagdedesisyon para sa magiging katapusan nito. Binibigyan ng batas na ito ang
tao ng kapangyarihan na hindi kailanman ibinigay sa atin ng Panginoon. Sa paghahangad ng hustisya, hindi
kinakailangang gumawa ng karagdagang kasalanan. Hindi dapat tumbasan ng kasalanan ang isa pang kasalanan.
Ang akdang ito ay sumasalamin sa pagtutol ko sa muling pagbabalik ng parusang kamatayan sa aking bansa.
Mag-uumpisang mawalan ng saysay ang buhay kung magiging pipi tayo tungkol sa mga bagay na mahalaga.

1. Anong uri ng teksto ang binasa?

2. Ano ang ipinaglalaban ng may-akda?

3. Ano-ano ang mga dahilan ng may-akda kung bakit iyon ang pinili niyang panig?

4. Sa iyong palagay, matibay ba ang kanyang mga ebidensiyang sumusuporta sa kaniyang posisyon?
Ipaliwanag ang iyog sagot.
5. Masasabi mo bang isang tekstong argumentatibo ito? Patunayan ang sagot.

6. Nakumbinsi ka bang sumang-ayon sa kanyang panig? Ilahad ang kanyang mga dahilan na nakakumbinsi
sa iyo o nagdulot ng hindi mo pagsang-ayon.

You might also like