You are on page 1of 2

Canal de la Reina - Buod

ni: Liwayway A. Arceo

Bawat isa sa atin ay may kaniya-kaniyang pananagutan at responsibilidad sa mga bagay na ipinagkaloob
at ipinaubaya sa atin. Ang pananakop ng mga iba’t ibang banyagang bansa sa Pilipinas at kung paano ito
nasupil ng ating mga bayani ay naitala na sa bawat sulok ng ating kasaysayan subalit hanggang sa
kasalukuya’y hindi pa rin ito natutuldukan. Sa paksang ito umiikot ang kwento ng nobelang Canal de la
Reina ng nobelistang si Liwayway A. Arceo. Ginagalugad nito ang iba’t ibang paraan ng mga karaniwang
tao sa Maynila upang mabuhay at makatawid mula sa kahirapan. Inihambing ang ating kasaysayan sa
nagdarahop na mamamayan na nakatira sa gilid ng ilog ng Canal de la Reina.

Dahil sa mahabang panahon na pagpapabaya, naging mahirap na para kay Caridad na mabawi ang lupang
pinagsibulan ng kanyang kabataan mula sa isang tila buwitre na si Nyora Tentay na may kakayahang
gawing katotohanan ang kasinungalingan, makatwiran ang baluktot, kabutihan ang panggagamit at salapi
ang buhay.

Sa pagbabalik ni Caridad, isang nakapanlulumong tanawin ang tumambad sa kanya. Ang kanyang mga
dalisay na ala-ala noong kabataan ay siya na ngayong nakalubog sa putik at nababalot ng masangsang na
amoy. Ang karumihan at kasangsangan nito ay bumabalot hanggang sa ating lipunan- lipunan na
minsang naging hitik sa bulaklak at malayang inilantad ng mga mamamayan nito ang kanilang karapatan,
mahirap man o mayaman. Ani nga ni Caridad nang may larawang muling nabuhay sa kanyang gunita,
“Ang ganda ng kawayan d’yan, parang preskung-presko at malayang-malaya ang hangin ngunit pihong
labandera na ang nakatira ngayon d’yan.” Ganito na nga ba kalaki ang pagbabago ng ating bansa? Unti-
unti na ngang nangangamatay ang mga magagandang tanawin dahil sa sibilisasyon, globalisasyon at
kawalang disiplina ng bawat mamamayan nito at di rin magtatagal ang kasangsangan ay babalutin pati
ang ating kaluluwa at pag-iisip. Unti-unti nating hinhukay ang sariling libingan ng ating bayan kung tulad
ni Ingga ay patuloy tayong magpapaalipin at magpapatakot ‘di lamang sa mga dayuhan kundi pati na rin
sa mapagmalabis na kapwa nating mga Pilipino na mayroong kapangyarihang paikutin ang buhay ng mga
nakabababa.

Napalitaw ni Arceo ang kulay at dilim ng buhay sa likod ng mga payak na pangyayari sa pang-araw-araw
na pamumuhay ng mga tauhan sa nobela. Ang mapag-arugang damdamin ng isang ina ay nagbigay diin sa
karakter ni Caridad at Gracia sa magkaibang paraan. Ang una ay ang pagiging maunawaing maybahay ni
Salvador at maaalalahaning ina nina Leni at Junior. Ang pangalawa nama’y ay ang pagiging matatag sa
kabila ng kawalan ng katuwang sa pag-aaruga ng kanyang nag-iisang anak na si Geronimo. Kapwa naging
biktima ng kasakiman ni Nyora Tentay ngunit parehong nakipagtunggali at hindi yumukod sa kalakaran
ng lipunan. Si Caridad ay buong –tapang na nanindigan na bawiin ang lupang kinamkam ni Nyora Tentay
subalit nagpakita pa rin ng kabutihan sa matanda nang ito ay nasiraan ng ulo. Habang si Gracia nama’y
ibinalik ang naranasang kapaitan sa mag- inang sina Nyora Tentay at Victor ngunit ang pag-ibig pa din
para sa huli ang namayani sa kanyang puso. Sila ang dalawang mukha ng mga Pilipino, hindi tiyak ang
paroroonan ngunit tulad ng ilog ng Canal de la Reina sila’y patuloy na nakikipagsapalaran at nakikibaka
sa kabila ng mga basurang nagpapasikip at nagpapahirap sa kanilang pag-agos sa buhay.

Ginamit ni Arceo ang tubig at pagbaha bilang siyang simbolo ng pagdalisay ng kaluluwa at ng natutuyong
pamayanan nang sa gayo’y maaninag na ang panibagong simula at pag-asa. Kung tayong lahat ay
magiging gaya ni Junior na napupuno ng pag-asa at pag-ibig para sa bayan, tiyak na maibabalik natin ang
dating ganda at halimuyak ng ating “Canal de la Reina”. Sama-sama nating pagtibayin ang pundasyon at
haligi ng bantayog ng pag-asa ng hinaharap, gaya nga ng sabi ni Jun: “Itatayo natin dito ang isang
simbolo ng pagtindig ng isang bagong pamayanan na malaya. Malaya sa isang manunupil, tulad ni Nyora
Tentay na larawan ng panunupil ng isang nasa kapangyarihan. Malaya ang isipan sa paghahayag ng tunay
na damdamin.” Kailangang mabigyan natin ng kahulugan ang lupang ito, hindi lang lupang sinilangan
natin o ng ating mg ninuno, kundi isang simbolo ng pagkagising at pagbabago tungo sa kaunlaran.

You might also like