You are on page 1of 15

JUNIOR HIGH SCHOOL

TP 2017 – 2018

FILIPINO HAMSFIL/NADSFIL 10 Pangalan: _______________________________________


IKALAWANG MARKAHAN Pangkat: 10- ______________Bilang sa Klase: ________
Maikling Kuwento / Maikling Pelikula: MAHABANG PAGSUSULIT 2

MGA KUWENTONG KAPOS


ni Jun Cruz Reyes

1 (Marami akong tanong sa sarili na kung tutuusi’y para ko na ring itinanong kung ano ang amoy ng
hininga ng patay o kung ano ang kulay ng utot. Siguro paslit lamang ako kung ikukumpara sa edad ng
daigdig, o kaya’y isa na lamang malaking tanga na hindi makaintindi sa kinagisnang nakikita. Sa mga
tanong ko’y may mga haka-haka naman ako, mga haka-hakang bitin.

2 Manunulat daw ang papel ko sa mundo, dahil nakasulat na ako ng limang kuwento sa loob ng limang
taon. Kung minsa’y itinuturing din akong kritiko, dahil mahilig akong mangulit ng trabaho ng may
trabaho. Kung alin ang talagang ako ay ipinagtatanong ko pa rin.

3 Nagsusulat ako, dahil sa palagay ko’y marami pa akong gustong sabihin sa kapuwa ko. Kung
masasabi ko lang ang talagang laman ng utak ko, siguro’y titigil na ‘ko sa pagsusulat, magsasalita na
lang ako. Pero sinong makikinig? Kausapin ko kaya ang mga pader at bakod? Ang mga bingi at
natutulog? Ang lasing at baliw? Hindi naman pagsasalita o pagsusulat lang ang pinuproblema sa buhay.
Sana basta manunulat, susulat na lang basta at wala na siyang pinuproblema pa. Pero kung kuntento
naman ang bituka ng tao, meron pa kayang magrereklamo? Problema pa lang ng tiyan iyon, hindi pa
kasama ang problema ng kaluluwa at utak, ng kunsensiya at prinsipiyo. Yung huli, bakit ba kasi nauso
pa rin sa mundo?

4 Paminsan-minsay pa-kritiko ang drama ko sa mundo, dahil nagkataon lamang na taong matanong
ako. Sa pagbubusisi ng trabaho ng may trabaho, maraming nasagasaan, kaya marami ring nagagalit.
Dito ako madalas ipako at isumpa ng aking kapuwa. Sa mga artistang talusaling, ang kanilang mga obra
ay parang anak ng isang nanay na hindi pwedeng pintasan sapagkat iyon daw ang pinakamagandang
bata sa mundo.

5 Bilang manunulat at kritiko, maraming natutuwa kapag napupuri, at higit naman ang nagagalit kapag
nadadale. Gusto kong linawin na hindi ako PRO, copywriter or speech writer, kaya ‘yung lang inaakala
kong tama at matuwid ang aking isusulat at sasabihin, kahit kumalam pa ang tiyan ko. ‘Yung prinsipiyo,

Pahina 1 ng 15
bakit nga ba nauso? Kay hirap tuloy maghanap ng trabaho, kay hirap talagang mabuhay sa ganitong
klaseng mundo.)

6 Si LINDA, isa siya sa gusto kong gawan ng kuwento. Pamamagatan ko sana itong, NAGPUPUGAY:
ISANG TAUHAN SA LOOBAN. Hindi sinasadyang nakilala ko siya sa bus minsang umuwi ako sa
Bulakan. Mga alas-tres ng hapon noon. Kagagaling ko sa isang pistahan. Nilapitan niya ako. Itinatanong
kung sino ang kundoktor. Nagkibit lamang ako ng balikat. “Malay ko,” sa loob-loob ko. Alangan namang
napagkamalan pang ako. Tinatamad akong makipag-usap dahil medyo inaantok ako sa tama ng nainom
ko sa pistahan. Hindi siya makaalis sa aking harapan, hindi naman masabi ang gustong sabihin.
Tinitigan ko siya nang mainam na medyo nakabuka ang bibig na parang nagtatanong ng “Ano?”.
“Magkano ba ang bayad sa bus?”, tanong niya. Sinagot ko naman. Saka siya nagpatuloy, “Hindi kaya
ako pababain kung…..” ibinitin niya ang kanyang sinasabi na sinapo ko naman ng “Kung ano?”.
“…..Barya lang kasi ang laman ng pitaka ko,” halos pabulong ng pagpapatuloy niya.

7 Hindi ko pa siya kilala noon. Medyo napakunot ang noo ko. Yumuko siya, hiyang-hiya sa tingin ko.
“Saan ka ba galing?”, paniniyak ko. Siguro’y parang nakakatuya ang tanong ko kaya hindi niya malaman
kung ano dapat isagot. Wala namang malisya sa tanong ko, iniisip ko lang kung bakit kay lakas ng loob
na lumakad ay wala naman palang baon kahit pamasahe. “Sa Sta. Elena, dinalaw ko ang isang kamag-
anak”. Mahinahon niyang sagot na parang hindi tiyak sa sinasabi. Sa Sta. Elena rin ako galing, pero
hindi ko na ito sinabi. Medyo sinusumpong na ako ng pagka-Sherlock Homes. Tanong ko ulit sa sarili,
“Sa pistahan nanggaling, sa bahay pa man din ng isang kamag-anak, ni hindi humingi kahit pamasahe,
huwag na ang pasalubong.” Sa halip, ang naitanong ko na lang ay “Sino bang kamag-anak mo roon?”
May mga pangalan siyang binanggit, pero hindi ko kilala.

8 Hindi sa panunuya, tinitigan ko ulit siya nang matagal-tagal. Mula ulo hanggang paa. Lumang daster
na kupas at marumi ang kanyang suot. Marumi ang buhok na hindi halos sinuklay. Maligasgas na balat.
Matang mailap at kimi. At sa kanyang kamay, bayong na plastik na kulay dilaw ang mahigpit niyang
tangan. Sa pakiwari’y ko’y nakita ko na siya kung saan, pero hindi ko nga lamang matandaan. Siguro’y
sa isang sulok ng maraming lugar sa Maynila na kung saan ang kanyang gayak ay pangkaraniwan
lamang.

9 May mga pasaherong nagsakayan. Balisa na si Linda. Doon sa puntong iyon ko itinanong ang
kanyang pangalan, kabuntot ng “Magkano ba ang kulang?” Higit piso lang naman pala. Nang sabihin
kong sagot ko, na ituro na lamang ako sa kundoktor, noon lamang siya nangiti at naghanap ng upuan sa
gawing likuran ng sasakyan. Sinabayan ko ng tulog ang andar ng bus.

Pahina 2 ng 15
10 Naalimpungatan lamang ako nang kalabitin ako ng kundoktor. “Central Market,” sabi ko. Saka ako uli
natulog. Muli niya akong ginising nang bayaran na. Matutulog sana ako ulit nang maulinigan ko ang
tawanan at bulungan na nanggagaling sa gawing likuran ng sasakyan. Nangingibabaw ang boses ng
kundoktor. “Hindi puwede ‘yan. Akong makakagalitan ng inspektor. Sasakay-sakay, wala naman palang
pambayad. Basta ibababa kita kung saan aabot ang pamasahe mo. Kung ayaw mo’y ‘di maglakad ka
na.” Lintik, sabi ko sa sarili ko. Si Linda iyon, ‘yung babaing kausap ko kangina. Kung bakit ba naman
kasi nakalimutan ko yung pangako ko. Kinawayan ko ang kundoktor. Sinabi kong sa akin na kuhanin
ang kulang. Maraming loko sa bus. Akala yata’y nagpapakabayani ako. “Kami rin, walang pamasahe.”
Sabi noong isang alaskador, na binili naman ng kanyang kapuwa, “Ako rin.” Saka nagtawanan. Nag-iinit
ang punong tenga ko. Pero hindi bale na, mahirap pang magpaliwanag. Lintik na buhay ito, nagbabait-
baitan na nga ang tao, naaalaska pa. Tinulugan ko na lang silang lahat.

11 Sa Balintawak na ako nagising nang makiraan ang katabi ko. Nagbabaan ang maraming pasahero.
May kumalabit sa balikat ko, si Linda. “Salamat,” sabi niya. Sinuklian ko siya ng ngiti na nag-aayang
umupo siya sa tabi ko. Umusog ako sa tabing bintana.

12 “Taga-saan ka ba?” tanong ko.

13 “Navotas.”

14 “Navotas? Saan doon? Taga roon ang lolo ko.” Pero hindi ko sinabing doon rin ako nakatira, saka ko
ibinigay ang pangalan nito, bago ko itinanong kung kilala niya.

15 “Sa pangalan, naririnig ko.”

16 Hiningi ko ang direksyon ng kanilang bahay. Wala silang address. Yung bahay sa bukana ng kanto
ang kanyang ibinigay. Sa gawing dulo pa raw sila. Hind ko matandaan kung paano nauwi ang usapan sa
kanilang kabuhayan. Pero naikwento niyang mangingisda ang kanyang asawa. Bago siya tuluyang
bumaba ng bus sa Monumento, kinamayan niya ako nang mahigpit na mahigpit.

17 “Saan ka tutuloy?” Tanong niya.

18 “May idadaan pa ako sa Central Market, habilin ng isang kamag-anak.”

19 “Pumunta ka sa amin, kapag hindi na tag-ulan. Ipaghahanda kita ng alimasag. Dayuhin mo nang
inuman ang asawa ko.” Saka halos pabulong ulit niyang sinabi ang “Salamat.”

20 Nang makababa na siya, noon ko lang naalala kung saan ko siya unang makita. Hindi sa Navotas o
kung saang sulok ng Maynila kung hindi sa Sta. Elena, sa pistahan mismo. Sa handaan, habang
ipinagyayabang ng isang kamag-anak ang kanyang stateside na inumin at lamb chop na pulutan, may

Pahina 3 ng 15
isang pangahas na babaing pumasok sa bulwagan. Ni hindi man lamang kumatok o napa-tao po. Tuloy-
tuloy ito na akala mo’y isang kakilala. Nakalahad ang kamay, nagpaamo ang mata. Tiyak na hindi siya
bisita. Sa pista ng Sta. Elena, hindi uso ang pangit. Ang lahat ng susunod sa prusisyon na kung tawagin
ay kapitana at abay ay kailangang nakaterno, naka-make-up at nakaalahas. Sila ang mga bagong buhay
na Emperatris Elena na naghahanap ng krus pero sa marangyang pamamaraan. Hindi kasali si Linda sa
panatang iyong ng karangyaan. Pansamantalang natigil ang payabangan, saglit natigil ang kontes sa
paramihan ng maiinom ng stateside, sa kung sino ang haring magpapatuwad sa lahat ng kaharap.
Nakakainsulto ang ayos ni Linda, bakit nga naman sa ganoong harapan ay may mga taong pangahas
na magpapaalala ng kahirapan gayong oras iyon ng pakunwaring kaginhawaan. Isang magiting ang
nag-abot ng barya. Sapat na iyon para umalis si Linda nang wala man lamang nagtanong kung kumain
na siya o kahit nagpabalat-bunga man lamang na nag-aanyayang tikman ang aming imported na nasa
harapan.

21 Magandang paksa ang buhay ni Linda. Pupuntahan ko ang address na kanyang ibinigay. Dadayuhin
ko ng inuman ang kanyang asawa, saka ako makikipag-kuwentuhan tungkol sa buhay-buhay sa looban.

22 Hinanap ko si Linda isang tag-araw. Nagpasama ako kay Nelson, isang mekaniko sa talyer, na
nakakaalam sa lugar na nakasulat sa address. Hindi na kami nagtanong sa kanto, sa mga tambay at
mga batang naglipana sa mga andamyo. Ang pasikot-sikot ng looban ay nagtatapos sa tabing-dagat.
Amoy bilasang isda, amoy maalat, amoy pawis ng tao, amoy tae ng hayup at tao, kalat, dumi at basura.
At ang mga tuod ng dating bahayan, iyon ang daigdig na itinuro ng address na iniwan ni Linda

23 Walang bahayan. Ano ang nangyari? Nasaan ang mga barung-barong ng dulong tangos? Bahagi
raw iyon ng dagat. Dadaanan ang lugar na iyon ng kalsadang itatayo mula Cavite hanggang sa Free
Trade Zone ng Bataan. Ang dating taga-roon ay binigyan daw naman ng lote sa Carmona, Cavite.

24 Bitin ang gagawin kong kuwento. Walang Linda na pwedeng paghanguan ng karanasan, wala ring
magdaragat na pwedeng kausapin tungkol sa buhay-buhay ng looban. Alam kong walang dagat sa
Carmona, alam kong wala ring mapapaglimusan doon ang isang Linda kung tag-ulang hindi kumikita sa
dagat ang kanyang asawa. Napabuntong-hininga na lamang ako at napabulong ng maraming sana.
Sana’y muli kong makasakay si Linda, sana’y magka-dagat sa Carmona. Sana’y may tunay na G.
Milyonarya tulad ng dula dati sa T.V. na maaaring makatulong sa mga Linda. Sana, sana’y-walang mga
totoong Linda sa lipunan, sana’y kathang-isip lamang siya na pwedeng takasan.

25 “PARE AKO NA LANG kasi ang igawa mo ng kuwento, maganda naman ang buhay ko.”

Pahina 4 ng 15
26 “Ano naman ang sasabihin ko, ‘yung balakubak at mga peklat mo?” Pabiro kong sagot sa pamimilit ni
Nelson. “Dondon Nakar naman pare, sige pare, apihin mo lang ako. Balang araw, ‘pag indyinir na ako,
ikaw naman ang iisnabin ko.”

27 “Sige, sige basta tinoyo ako, gagawin kitang bida sa isang kuwentong gagawin ko, ang
pakikipagsapalaran ni Kapitan Bakokang,” saka sinabayan ko ng tawa.

28 Si Nelson talaga, nakakatuwa, edad 19 na, pero kung mag-isip at magsalita, utak-grade one pa.

29 Istambay dati sa garahe si Nelson. Iyon daw ay naayon sa kanyang plano na maging engineer
balang araw. Kaso, wala naman noong bakanteng puwesto para sa mekaniko, kaya kahit taga-hugas ng
jeep ay payag siya. Una muna’y maghuhugas siya, tapos siya na ang magpapasok nito sa garahe, di
matututo nga naman siya magmaneho kahit mag-aral sa driving school. ‘Pag siyempre driver na siya,
dapat naiintindihan na niya ang trouble shooting. ‘Pag nakakaintindi na siya ng makina, ‘di diploma na
lang ang kulang, engineer na nga naman siya. Sa kasamaang palad ay grade one pa lang ang
naipapasa niya sa kanyang ambisyon. Mekaniko na siya at hindi na taga-hugas ng jeep.

30 Siya ay si Nelson “Pangarap” para sa kanyang mga kabarkada sa garahe, kasi siya lamang ang nag-
aaral sa kanila. Nasa ikalawang taon na siya sa high school, at iba siya kaysa kanila, gusto niyang isipin.
Biro mo nga namang ang lolo raw niya ay nangarap na makapagpaaral ng kahit na isang anak, ang
kanyang tatay nga. Pagpapariin daw ang tatay niya, sang-ayon iyon sa kanyang ambisyon, kaya lang ay
walang nangyari dahil ang tatay pala niya ay may ambisyon ding magkaanak ng pari. Matanda na ang
tatay niya, pero panay elementarya lang ang naipatapos sa mga anak. Ayaw masiraan ng loob ni
Nelson, kung hindi sila kayang papag-aralin ng tatay niya, siya ang magpapaaral sa sarili niya. Sasampu
lang daw silang magkakapatid, dahil “baog ang tatay ko pare.”

31 “Dalawang taon na lang pare, tapos na ako ng hayskul; kukuha ako kahit vocational lamang muna,
pag may mainam-inam na akong trabaho saka ko ipagpapatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo.”

32 Kapag nagagawi ako sa garahe at wala siyang ginagawa, mas malamang na kulitin ako nito. Marami
siyang itinatanong. Kung minsa’y matino kaya napipilitan akong bigyan siya ng mahabang paliwanag.
Kung minsan nama’y sinasadya kong lokohin siya. Halimbawa ng sagot, “Pare, ano ba ang Ingles ng
babanatan kita?” Sasagutin ko naman ito ng “I will stretch you.” Hind niya nahahalatang nagpapa-corny
ako. Makakahalata lamang siya kapag hinaluan ko ng tawa ang sagot sa tanong niya. Sa garahe nga
pala ay agad mapapansin ang paskil na “Beware of Tools.” Hindi ko na ipinagtatanong kung sino ang
may kagagawan noon at kung ano ang ibig sabihin nito. Basta alam kong dapat ay pinag-iingatan ang
mga kagamitan sa garahe.

Pahina 5 ng 15
33 Kung minsa’y pinag-aaralan ko ang laman ng kukote ni Nelson. Kung tutuusi’y halos magkakaidad
lamang kami pero kung wariin ko’y napakainosente pa niya sa buhay, parang walang magiging mabigat
na problema. May solusyon siya sa lahat ng bagay. Mga simpleng paliwanag nga lamang at madaling
masakyan kahit hindi gaanong tama.

34 Natatandaan ko pa noong una siyang magawi sa garahe. Taga-Sipak daw siya, isang barangay rito
na malapit sa munisipyo. Squatter area ang lugar na iyon. Kailangan nilang iwanan ang lugar na iyon
sapagkat doon itatayo ang parke at playground ng munisipyo. Edad kinse na siya noon.

35 Tinanong ko siya kung ano ang nararamdaman kapag nakikitang ginigiba ang sariling bahay. “Wala
pare; nagprisinta pa nga ako sa kapatas na tutulong sa paggiba. Sayang din ang otso pesos na bayad
nila.”

36 “Pero doon ka lumaki, hindi ka ba nalulungkot? Doon ka unang naglaro noong bata ka pa, hindi mo
ba naaalala?”

37 Pero, mga eskinita hanggang kalsada lang naman ang laruan namin. Marami naman noon kahit
saang lugar. Saka malaki na ako, hindi ko na kailangan ng laruan.”

38 Noong mayari ang parke, kay ganda nitong tingnan. Kay raming namamasyal, lalo na kung hapong
papalubog ang araw. kaya lang ang karamihan ng parte sa parke ay may mga palatandaan na dapat
tandaan. Doo’y nakasulat ang “Keep off the Grass.” Waring ang ganda’y hindi para damahin ng mga
kamay at paa, kung hindi para tingnan lamang.

39 Kung ako siguro si Nelson, katakut-takot na sentimiento de asukal ang iiwanan ko sa lugar na iyon, at
tuwing madadaan ako roon, tiyak na kakantahan ko ‘yon ng “Ashes to ashes, dust to dust….. they’re
tearing down the street where I grew up.” Bakit kaya wala siyang ganoong damdamin? Pa-burgis nga
lamang kaya ang pa-alienation at pa-nostalgia? Siguro nga’y wala nang oras si Nelson para mag-isip
tulad ng iniisip ko. Pati pala pag-iisip kung tutuusi’y luho na rin. Mas praktikal ang kanyang pagtanggap
sa buhay na para sa akin ay problema na.

40 Isang araw ay sinasadya ako ni Nelson sa bahay. Tulad ng dati, paikot-ikot at hindi agad niya
maderetsa ang gustong sabihin. Pati kilos niya, parang hiyang-hiya na hindi mawarian. Excess energy
ang tawag doon ng titser namin, galawgaw naman sa pamantayan namin. “O bakit?” paderetsong
tanong ko. “Pare, kasi yung ano, yung kuwan, me ipagagawa sana ako, yung ano kung puwede.”
“Anong ano?” Love letter na Ingles pala ang sadya ni Mokong. “Sinong malas yung gusto mong kulitin?”

41 “Pare, siyempre yung pinakamagandang chick dito sa atin.” Sa loob-loob ko, maganda? Dito sa atin?
Ba’t di ko kilala? Himala. Pero meron daw, yung bagong katulong nina Mrs. Ignacio.

Pahina 6 ng 15
42 “Akala ko ba’y wala munang chick at aral muna?”

43 “Pare naman, dyeta ‘yan. Di trenta na ako’y kape puro pa ‘ko. Hindi na uso ang pa-birhen ngayon,
puwede pa rin namang mag-aral.”

44 Me katwiran, sa loob-loob ko.

45 “Saka pare, masama talaga ang tama ko, na-t.l. yata ako.”

46 “Pero ba’t kailangan pang inglisin?”

47 “Para sikat, istudyante naman ako a. Pare, tama ba yung I can’t believe it’s true, you needed me?”

48 “E kanta naman yan, kung sagutin ka nito ng Ewan? ‘Di naghagilap ka pa ng lyrics sa juke box?”
Kapipilit ni Nelson, iginawa ko rin siya ng sulat, pero sa Pilipino, mahirap nang maging comedy ang
resulta ng himutok ng kanyang puso.

49 Tila iisang buwan lamang ang nagdaan nang maghanap ng katulong si Mrs. Ignacio. Nadale rin pala
ni Nelson ang pinuntirya niya nang minsan kaming magkita. “Paano ang trabaho kay Misis?” “Wala
namang oras yon, puwede isingit basta walang tao sa bahay.

50 Ilang buwan pa at muli kong kinamusta ang kanyang pag-aaral. “Pare, yung pag-aaral, nakakasira
‘yon sa barkada at sa asawa.” Hindi man deretsuhin ay para na rin niyang sinabing, ano bang aral-aral,
ambisyon-ambisyon. ‘Yung pangarap ni Lolo para kay Tatay, iyon na lang ang ipamamana ko sa aking
magiging junior.

51 May kuwentong naglalaro sa isip ko. Si Nelson, magiging katulad din ng kanyang tatay? Kung baog
din siya, mahina ang isang dosena sa pamilya. Ang kanyang lolo, tatay at ngayo’y siya, parang pisong
nakiraan lamang sa kamay, naubos ay hindi nakita kung saan ito napunta. Luho na rin pala ang
mangarap. Ganoon ba talaga? Ang nabubuhay nang mahirap ay namamatay rin nang mahirap? Iyon ba
ang kabaligtaran ng kasabihang ang puhunan ay nanganganak ng puhunan?

52 Kung tingnan ko si Nelson ay parang kung ilang taon na ang nadagdag sa kanyang edad, pero mas
gusto kong isiping paslit pa rin siya, puno ng pag-asa at sigla na waring siyang lakas na sisira sa ritwal
ng looban. Igagawa ko na ng isang seryosong kuwento si Nelson. Pamamagatan ko iyong
“KAMATAYAN NG ISANG MUNTING PANGARAP.”

53 Si BONG alyas Max. Isa rin siya sa gusto kong gawan kuwento tulad ni Linda, aksidente ko rin siyang
nakilala. Ganito sana ang gagawin kong pambungad.

Pahina 7 ng 15
54 May squatter at lumpen. Natutuhan ko ang kahulugan ng salitang lumpen sa titser ko noong ako’y
estudyante pa. Sila raw yung mga taong hindi pinapakinabangan sa paglika ng kabuhayan, sila ang
walang silbi sa lipunan, sila na iniiwasang masabing kaibigan natin. Sa madaling salita, sila raw ang
latak ng lipunan, ang hampaslupa ng bantay-kanto. Sabi rin ng titser ko, ibebenta ka nang buhay ng
mga ito nang hindi mo namamalayan kapag tatanga-tanga ka.

55 Wala akong matandaang kaibigang lumpen. Pero meron akong mga kakilala na naglulumpen-
lumpinan. Tulad halimbawa ng mga pintor na gustong kumain, pero ayaw namang magtrabaho, dahil
ang kanila raw pintura ay hindi kumersiyal at ang kanilang sangkalan sa kawalan ng katuturan sa mundo
ay “art for art’s sake” raw. Kung sa bagay ay magandang pakinggan ang kanilang pangangatwiran, kaya
lang ay mahirap itong hanapan ng kabuluhan. Meron din akong kakilalang mga lumpeng intelektuwal.
‘Yung klase ng tao na maraming laman ang utak, pero wala namang mapaggamitan. Kasi raw ‘apolitical
ang kanilang drama sa buhay. Basta ang paki lang nila sa mundo ay dumaldal nang dumaldal at
tumingin tingin sa buhay buhat sa kanilang kinalalagyang pedestal. Sapat na ang pakikipagdebate sa
araw-araw na ginagawa ng Diyos, kahit sa daldala’y wala namang kongkretong nangyayari. Para na ring
ginagawang therapy sa sarili na naibubulalas ng kanyang bibig ang mga bagay na hindi niya kayang
gawin, at tuloy makahanap ng mali at masisisi kung bakit sa mundo’y walang mangyari.

56 Si Bong o si Max ay isang totoong lumpen sa palagay ko. Nakilala ko siyang minsang pa-kritiko ang
papel ko sa buhay. Maraming kaibigan nagsasabing maganda raw ang pelikulang “Hindi sa Iyo ang
Mundo Baby Porcuna.” Nang umabot sa akin ang balita ay wala na ito sa Cubao o sa downtown.
Minsa’y nadaan ako sa Sine Ruby sa Tondo at ito ang palabas. Mag-aalas siete na ng gabi noon. Kahit
nasa kalagitnaan na ang pelikula ay pinasok ko na rin.

57 Mainit sa loob ng sinehan. Kung totoong nasa lupa ang impiyerno, palagay ko’y natagpuan ko na ito.
Pero ika nga’y huwag agad mawawalan ng pag-asa, baka sakaling impiyerno ma’y langit din. At kung
nakabalita na rin kayo ng tao na nangarap magkaroon ng sariling sinehan, dito ang pinagpalang nilalang
ay ang surot. Hinanap ko ang langit sa sinehan. Lumipat ako sa gawing unahan para makipag-hide and
seek sa mga inapo ni Drakula at tuloy matakasan ang init. Sa aking pagtakas ay iba naman ang bumati,
ang halimuyak na nanggagaling sa kubeta. Paano ako maiiyak sa kaapihang dinadanas ni Beth Bautista
bilang Baby Porcuna, kung tuwing sisinghot ako ay nagiging problema ang paghinga? Siguro’y alam
iyon ng management, kaya naman ang nagtitinda ng sigarilyo sa loob ng sineha’y kaliwa’t kanan. Iniisip
ko kung mayroon nang tao na nagka-kanser. Naisip kong mas mabuti pa sigurong mainitan kaysa
mabahuan. Kaya tumayo na lang ako sa gawing likuran. Di baleng nakatayo, tutal nama’y wala pang
nagka-kanser sa baga dahil sa amoy ng kubeta, pakiramdam ko’y malapit na akong magka-kanser.

Pahina 8 ng 15
Naisip kong mas mabuti pa sigurong mainitan kaysa mabahuan. Kaya tumayo na lang ako sa gawing
likuran. Di baleng nakatayo, tutal nama’y wala pang nagka-kanser sa talampakan.

58 Kontento na sana ako sa panonood. Magaling talagang artista si Beth Bautista, sa loob-loob ko, nang
biglang may nagalit na manonood. Sunod-sunod, parang de rapidong mura ang ibinuga ng kanyang
bibig. Kaya pala, may kung sinong tampalasan ang nagtapon ng kung ano buhat sa itaas ng sinehan at
ang pobreng Ginang ang minalas na tinamaan. Gusto kong magtawa, pero hindi naman comedy ang
nangyari, mahirap nang mapikon si Ginang at baka ako ang mapagbalingan. Balik ako sa panonood ng
buhay ni Baby Porcuna.

59 Natapos ang pelikula, hindi ko naintindihan. Hindi bale’y uumpishan ko na lang ulit mamaya. Isinunod
ang ka-double. Si Max Alvarado ang bida sa “Gorgonya.” Kailangang pagtiyagaan si Max, tiis na lang
ako. Sa kalagitnaan ng kakornihan nito, biglang naghabulan sa loob ng sinehan. Iba na ito, hindi talaga
pwedeng bumungisngis, totoong aksiyon ang nagaganap. Sa harapan ko nagawi ang naghahabulan.
Tila yata kutsilyo o tubo ang hawak ng nanghahabol. Bigla akong naging relihoyoso. Gusto kong
tumawag at humingi ng instant tulong sa Ina ng Laging Saklolo. Matapang ako, paalala ko sa aking
sarili, pero ayaw maniwala ng tuhod ko.

60 Nang makalabas ng sinehan ang naghahabulan, bigla akong natauhan. Pero dyahi, sa likod pala ng
isang mama ako nagtago.

61 Siguro’y kangina pa ko mukhang tanga. Kaya nasabi nitong “Pare, relaks lang, walang ano man
‘yan.” Hindi ko alam kung ngingiti ako o magkakamot ng ulo. Basta nasabi ko na lang “Oo nga ho,
walang ano man yan.” Sabay alok ng sigarilyo sa mama. Kumuha naman siya, pero lalo na akong
kinakabahan nang sabayan niya ng tawa. Nang tingnan ko siya sa mukha habang nagsisindi siya ng
sigarilyo, tingin ko’y kamukha siya ni Max Alvarado, hindi ko lang matiyak kung Gorgonya rin siya. Diyos
ko, ipag-adya mo po ako sa masasama, gusto kong dasalin.

62 Nang totoong natauhan na ako, naalala ko yung lumpen na itinuro ng teacher ko. Mga taga-Tondo
raw ito. Gusto kong tanungin yung mama kung gaano kahaba yung tato niya, yung tatanungin ko sana
ng ganito, “Pare (matapang din ako), magtapat ka na, lumpen ka ano? Huwag kang kabahan,
naghahanap lang ako ng kakilala para ma-interview.” Kaya lang kung tatanungin din nito ng “Ano bang
lumpen-lumpen ang pinagsasabi mo?” Paano ko iyon sasagutin? Saka kung alam niya ang kahulugan
noon, e kung banatan ako nito at kung hilo na ko’y saka ako nito ipagbibili nang buhay. Lintik na buhay
ito, may dila ka ngang maturingan, hindi naman magamit kung kailan kailangan.

63 Nang matapos na si Gorgonya, inabangan ko ang pagbabalik ni Baby Porcuna, pero nagtayuan ang
mga tao para pumila sa pinto. Sa lagay palang iyon ay ‘Bayang Magiliw’ na ang inabutan ko. Nakipila na

Pahina 9 ng 15
rin ako palabas. May kumausap sa akin, kinabahan na naman ako, tiyak kong wala akong kakilala rito,
wala akong kaibigang lumpen. “Hindi ka tagarito ano?” Si Max pala ang nagtatanong. Napatango na
lang ako. Iniisip kung paano niya nahulaan. Nang tingnan ko ang sarili ko, bitbit ko pala yung HISTORY
OF POLITICAL THEORY ni Sabine at yung diksyunaryo ni Panganiban. Mukhang estudyante pala ako,
kung hindi dapat nasa eskuwelahan ay dapat titingin-tingin ng buyer sa mga secondhand bookstore sa
gawing Claro M. Recto.

64 Estudyante rin daw siya noong araw. Kumukuha raw siya ng Commerce sa F.E.U. kaya lang hindi
siya nakatapos. Kung bakit hindi siya nakatapos ay hindi ko na itinanong. Palagay ko noong mga oras
na iyon ay mabait naman siya. Noon ko lang naalalang may dila rin pala ako. Kaya nang itanong niya
kung ano ang ginagawa ko roon, ‘ka ko’y “Gusto kong gumawa ng review tungkol sa pelikula o kaya’y
makapulot ng kahit na ano tungkol sa Tondo na pwedeng isulat.” “A, ahente ka pala.” Sabi ko’y “hindi,
manunulat ako.” Saka ako uli nagpaliwanag. “A, nagsasarbey ka, ano?” Napailing na lang ako. “Sa
amin, tiyak na marami kang makikita,” pagpapatuloy niya. Taga Sangang-daan daw siya, bahagi iyon ng
Caloocan, pero malapit lang dito. Niyaya niya akong tingnan ang lugar nila, sa likod daw ng tambakan
ng basura. Magandang lugar sa imahinasyon ko, pero ano ako, bale? Malay ko kung ibebenta na niya
ako sa kapwa niya lumpen, tapos ipapatubos ako sa lola ko, ayaw. Pero hindi ko naman iyon pwedeng
sabihin, kaya nagpasalamat na lang ako sa kagandahang loob niya. “Pare, weird ang pagkakilala natin.”
Napakunot ang kanyang noo. “Anong wird?” Gusto ko nang murahin ang sarili ko. Kung bakit ba naman
kasi nauso pa ang Ingles bitin sa mundo, hindi ko tuloy masabi nang deretso ang gusto kong sabihin.
Siguro, akala niya’y nagpapa-class lang ako.

65 Nang may magdaang taxi, sumakay na ako. Sa loob ng sasakyan, iniisip ko ang posibleng kuwento
ng magagawa ko. ‘Yun kayang kasaysayan ng isang tatanga-tangang intelektuwal. ‘Yung tipong alam
lahat ang teorya sa mundo mula kay Plato hanggang kay Marcos. Ano kaya’t ako pala yon? At si Bong
alyas Max ay totoong loko? Ano kaya ang posibleng nangyari? Siguro’y ganito ang labas ng balita sa
diyaryo. “Isang iskolar ang naholdap sa katangahan habang nanonood ng sine sa Tondo…” Saka
sasabihin ang pangalan ko. ‘Di laking kahihiyan noon, minsan lang madiyaryo ang batang Cubao, Quad
at Harrison Plaza, sa katangahan pa at sa Tondo pa man din.

66 Malisyoso ang ganoong hinala. Hindi na lang siguro ganoong kuwento ang gagawin ko, sa halip,
gusto kong malaman kung ano ang simula ng pagiging lumpen at anong karanasan ang dapat
matutuhan sa kanilang lipunan. Saka ko ito PAMAMAGATANG “THE DEBOURGEOISIFICATION OF
THE INTELLECTUAL X,” o ang pamamaalam sa mga karanasang itinuturo ng libro tungo sa mga
kuwentong panlipunan.

Pahina 10 ng 15
4

67 Alam kong maraming sumasamang tao sa Maynila. Pero paano kaya ako magkakaroon ng isang
matalik na kaibigan na isang masama. Sana’y pwedeng tanungin ‘yung mga tao sa kanto, ‘yung
holdaper, kidnaper, carnaper, simpleng mandurukot, magnanakaw, o kahit na isang ordinaryong
mambabakaw sa palengke at kahit na sino pang itinatatuwa ang uri ng trabaho kapag nabuko o
hayagang tatanungin. Gusto ko ring interbyuhin ang kanilang mga asawa, nanay, kapatid o kahit anak.
Paano kaya ang buhay ng isang pusakal kung hindi sa diyaryo hahanapin ang kuwento? Paano ko kaya
itatanong ang ganito: Mister, ‘yun nga bang dalaginding mo’y ago-go dancer sa beer house na pang-
DOM? Misis, paano ba ang pakiramdam ng iniintregahan ng nakaw? O sa madaling salita, ano kaya ang
lihim sa kabila ng bawat krimen? Alam kong maraming halimbawa sa uri ng tao na gusto kong
makadaop-palad, kung ipagtatanung-tanong ko lamang sila sa bawat likod ng mga bakod na pinintahan
ng kalburo. Kaya lang, ipagpalagay na natin na makakita ako nito, pumayag kaya silang ipamalita ko
ang kanilang uri ng pamumuhay’ kahit na sabihin at ipilit kong ito’y palalabasin kong isang kathang-isip
lamang?

68 Sa Cubao, minsa’y nadukutan na ako pero nang mamalayan kong pipiso na lamang ang laman ng
bulsa ko, wala na ang hayupak na pwede ko sanang interbyuhin. Kay hirap talagang maghanap ng
magnanakaw. Bukod sa hindi ito aaminin ay napakatahimik pa nilang tao. Sa oras ng kanilang trabaho,
ni imik o kaluskos ay hindi sila gumagawa.

69 Sa wakas, nagkaroon din ako ng isang kaibigang magnanakaw. Hindi ko lamang malaman ang
gagawing pakikipag-usap sa kanya, kasi kami yung ninakawan niya. Ordinaryo siyang tao, ni hindi mo
pagususpetsahang ganoon pala siya.

70 Si ROBERT ang tinutukoy ko. Dalawang taon na namin siyang driver ng jeep. Hindi siya itinuturing na
iba sa bahay. Hindi siya masalita, ni hindi ko pa rin nakitang magalit o naringgang magtaas ng boses.
Panay “po” at “ho” lamang siya kapag kinakausap. Kung nagkataong mayaman siya, iisiping malaking
tao siya dahil sa ugali. Pero dahil nga mahirap lamang, hindi siya napapagkamalang suplado,
ipinagpapalagay na lamang na kimi siya o kaya’y may pinu-problema.

71 Sa mga driver namin, siya ang pinakamailap. Hindi ko masasabing kaibigan ko nga siya, siguro’y
dahil hindi nga siya palasalita o sa kung ano pa mang dahilan. Noong huli ko siyang makausap,
bumabale siya ng pampabunot daw ng ngipin. Halos matabingi na ang kanyang mukha sa pamamaga
ng gilagid. Lalo ko na siyang hindi pwedeng kausapin. Bukod sa pinabale, binigyan ko pa siya ng
antibiotic matapos tiyaking wala siyang allergy.

Pahina 11 ng 15
72 Nitong mga huling araw ay nagpaalam si Robert na aalis na sa pagmamaneho. Uuwi na lang daw
silang mag-asawa sa probinsiya.

73 Nakasaksak daw ang kanyang kapatid, ayon sa natanggap na sulat, at humihingi ng tulong na pera
ang kanyang ama. Sarili lang ang pwede niyang ipadadalang tulong sa amang matanda. Uuwi na lang
siya para mag-araro ng bukid sa Bisaya. Pero wala siyang nabanggit na problema sa pamasahe.

74 Siguro’y noon magulo ang utak ni Robert. Isang gabi’y tumawag siya sa telepono. Ako ang
nakasagot. Nasa kalye Almeda, Sta. Cruz dahil nabutas ang hose. Noong umaga pa lamang ay inire-
reklamo na niya ang kanyang preno.

75 “Paano ka napunta ng Almeda, out of line ka?” tanong ko naman sa telepono. Ang Almeda kasi ay
kabalitaan sa pagiging hustler ng mga tambay.

76 “E pinilit ako ng sakay kong pulis na doon magdaan, dahil sa karerahan sila bumaba.”

77 “Anong pulis-pulis? Nasaan ka ba talaga?”

78 Sinabi niya ang eksaktong lugar na kinalalagyan niya. Saka ko na lang sinabing huwag iiwan ang
jeep, mahirap nang masingitan at padadalhan ko agad siya ng mekaniko.

79 Alas diyes pasado dumating ng garahe ang jeep. Buo na ito, pero wala ang stereo. May nagnakaw
raw habang tumatawag siya sa telepono.

80 “Ano? Gaano ka ba katagal nawala?” tanong ko.

81 “Medya ora siguro. Parati kasing busy ang telepono.”

82 “E bakit mo naman kasi iniwan nang ganoon katagal ang jeep. Sana’y itinulak mo nang unti-unting
hanggang makakita ka ng telepono.”

83 “Natatakot kasi akong kumatok ang makina.”

84 Gusto ko nang magmura. Marami pang pangangatwiran si Robert na kung sa eskuwelahan niya
gagamitin ay malamang na mapagsasabihan siya ng kanyang teacher na “Tumigil ka sa kabobohan mo,
hangal.”

85 Dahil ipinaglihi ako kay Sherlock Homes, si imbistiga naman ako. Hindi ko muna ginising sina Lolo at
Lola at baka mabigla ang mga ito ay atakihin pa sa puso.

86 Duda ako sa pagkabutas ng hose, mukhang sinundot ng distilyador. Duda ako sa pagdaan niya sa
Almeda, mukhang plinano. Lalo na akong nagduda nang may nakapagsabing nakasalubong siyang

Pahina 12 ng 15
paluwas pero walang sakay noong bandang alas singko ng hapon. Meron ba namang namamasada na
walang mapulot na sakay sa rush hour? At lalong nakakaduda nang ipinagpilitan niyang nakita sa
kalsada ang tulo ng langis, gayung nasiraan siya ng alas siyete ng gabi. Anong mata niya, bionic?

87 Sabihin na nating bobo si Robert, hindi kasi siya sanay magsinungaling. Pero kung matalino siya,
natural na hindi siya papasok na driver. Dapat ay manager siya sa kung saang opisina. Kung matalinong
magnanakaw naman siya, hindi lang ang stereo ang kukuhanin niya. Pero hindi kasalanan ang pagiging
bobo. Sana lamang ay medyo smart siyang sumagot, para hindi siya madaling bukuhin. Sana’y may
sophistication siya kahit kaunti, para kahit buo-buong jeep ay makuha niya nang walang sabit. Tulad
sana ng anomalya sa Ministry of Public Highways, sana’y buo-buong kalsada ang nakukuha niya nang
hindi agad napapansin ng Commission on Audit. Sana’y milyon na ang ninakaw niya para mawalan man
siya ng trabaho’y hindi maghihirap ang kanyang pamilya.

88 Madaling araw na nang isumbong ko siya kina Lolo. Agad siyang ipinatawag. Muli akong pumasok ng
looban. Hindi ko matiyak kung alin sa mga barung-barong na kaharap ko ang sa kanila. Basta tinawag
ko na lamang ang kanyang pangalan.

89 Mabaho ang looban. Tag-ulan noon kung kaya’t ang mga barung-barong ay parang mga tikling na
nakatingkayad sa pusalian. Makapal pa rin ang lamok kahit madaling araw na. Sa isang silong na may
dalawang dangkal siguro ang taas sa pusalian nanggaling ang bulong na narinig ko. “Robert, Robert,
gising at may tumatawag.” Asawa niya iyon, halos natitiyak ko. Ubo ang unang naririnig kong nanggaling
sa bibig ni Robert, bago ito nagtanong ng “Sino yan?”

90 Sa bahay ay naghihintay na ang mga pulis na ipinatawag ni Lolo. “Wala ho ako talagang kinalaman,”
at iba pang pangangatuwiran ni Robert na sinagot lamang ng pulis ng “Sa presinto ka na
magpaliwanag.”

91 Sumama rin ako sa presinto para magbigay ng deklarasyon. Hindi na nagtatanghali ay umamin na si
Robert sa bintang. Inilabas lamang siya ng pulis na naghubad muna ng uniporme para siya ‘lecturan’ at
nang magbalik ito’y nakangiting nagsabi kay Lolo na “Ayos na.”

92 Noon ding araw na iyon ay nakuha ang stereo buhat sa kanyang kasabwat. Samantala’y patuloy ang
pakikiusap ng kanyang asawa na kung maaari’y dispatsahin na lamang sa trabaho si Robert at hayaan
na lamang itong umuwi sa kanilang probinsiya. Matindi ang galit ni Lola. Isa pa’y kung papayagang
makawala si Robert, baka pamarisan pa ito ng iba pang mga driver. Mahirap para sa amin na mauso
ang kanyang binalak na sideline. Para sa bahay, isang masamang halimbawa si Robert.

Pahina 13 ng 15
93 Kumalat na parang apoy ang balita tungkol sa ginawa ni Robert. Panay ang “Tama nga naman…” at
di sukat akalain…” ng mga tsismosa. Ang kanyang mga kasamahang driver sa garahe ay alanganing
dumalaw, sa katuwirang “Mahirap nang madamay……” Samantala, ang asawa ni Robert ay hilong
talilong na hindi malaman ang gagawin. Lahat na yata ng tao na pwedeng itapat sa amin ay
pinakiusapan na nito para kami kumbinsihin na iurong ang demanda. Ngunit wala siyang makuhang
kakampi, kaya walang nangyari.

94 Ilang araw pa at nabalita na naglulugaw na lamang ang mag-ina ni Robert. Ang mga mababait na
kapitbahay ay nag-aabot daw kahit barya. Para lamang huwag sumala sa maghapon ang pamilya at
tuloy nang magkapamasahe ito para madalaw ang kabiyak. Nabalita ring namamasukan daw ito, kahit
na katulong, kahit waitress, masahista, hostess, kahit na ano ay gagawin para lamang kumita habang
nakakulong si Robert. Kahit sa lungkot nila’y mayroon pa ring nakukuhang matuwa.

95 “Sinong papatol diyan, e parang tubo yan, panay buko ang katawan.”

96 “Anong tubo, sabihin mo’y tubong payat na wala nang katas.”

97 Iba na ang pakiramdam ko. Gusto kong makatulong kahit na papaano, pero anong gagawin ko?
Gusto kong isipin na ang nangyari ay isang uri ng wealth redistribution, gusto kong kumbinsihin ang
sarili ko na dalawin ko siya kahit minsan man lamang, pero ano naman ang sasabihin sa akin sa bahay?
Natataranta na rin ako.

98 Unang hearing ng demanda. Binasa ito sa kanya sa Ingles. Tango lamang ang isinasagot ni Robert,
hindi siya nagtatanong kung ano ang kahulugan ng sinabi ng piskal, tulad din noong pumirma siya sa
statement na inihanda ng pulis, na kung sa atin nangyari ay tiyak na sasagutin natin ito ng “Ang
abugado ko ang inyong kausapin.”

99 Noong araw ng bista, binigyan naman siya ng libreng abugado ng munisipyo na sa malas ay hindi
interesado sa kanyang kaso. Sa pag-uusap ng abugado, piskal at huwes, halos natitiyak kong walang
nauunawaan si Robert. Kahit siya hatulan ng bitay sa oras na iyon ay tatanggapin niya. Inglisan nang
inglisan ang mga ito, dahil ang batas ay nakasulat sa Ingles. Samantalang ang pobreng nasasakdal ay
hanggang pirma at tango lamang ang nawawawaan sa batas. Speedy trial at justice na raw ang
ginagawa ng mga iyon, pero hindi ko talaga maintindihan ang kahulugan ng kanilang ginagawa.

100 Sa oras na iyon, kumbinsido ako. Kahit beinte pesos man lamang, kahit na mukhang pakonsuwelo
de bobo, tutulungan ko si Robert. Pero paano ko iyon iaabot? Naiinsulto ang sarili ko. Lintik, bakit ba
kasi nauso pa ang pride-pride. Alam kong hindi malulutas ang kanyang problema sa ganong paraan. At
kung nagkapalit kami ng kalagayan, baka itapon ko sa mukha niya ang pera na balak kong iabot. Kung

Pahina 14 ng 15
isang pamamaraan ng pang-iinsulto ang binabalak kong gawin, alin ang nararapat? Paano ako
makatutulong? A, si Nelson, ang mekaniko sa talyer, uutusan ko siyang dalawin si Robert. Palalabasin
nitong sa kanyang bulsa nanggaling ang pera.

101 Hindi dumating ang araw na pwede kong utusan si Nelson. Mas mabilis magpasiya si Robert. Isang
umaga’y may pulis na kumatok sa bahay. Nanghihiram ng litrato ni Robert at nagtatanong ng ilang
detalye sa buhay nito na alam namin, tulad ng address ng mga kamag-anak nito at kaibigan na maaari
nitong takbuhan. Ang dahilan, sumamang tumakas si Robert sa mga umiskapo ng presinto.

102 Dalawang araw pa ang nagdaaan at lumabas sa diyaryo ang balita na may headline na shoot to kill.
Ilang ina ang agad boluntaryong nagsuko ng anak sa kinauudlukan. Ngunit wala ni anino ni Robert.
Nasaan siya? Saan siya pupunta? Ano ang mangyayari sa kanya? Ewan, natataranta na ako, wala
akong maintindihan, kahit ang pabirong salita ng isang matabil ang dila na “Ang asawa na muna ni
Robert ang ipakulong n’yo, habang hindi ito nahuhuli” ay hindi nakakatawa sa akin.

103 Ay Robert, Linda, Nelson, Bong, at marami pang iba, saan ko hahalukayin ang sagot sa mga tanong
ko sa buhay? Uumpisahan ko ba uli sa amoy ng hininga ng patay? Sa aming eskuwelahan, si
Shakespeare lamang ang katotohanang pinag-uusapan. Sa opisina ni Lolo, tubo ng pabrika ang tanging
mahalagang tema. Sa bahay, Crispa-Toyota ang pinagtatalunan.

104 Sa diyaryo, iisang litrato ang laman. Sa simbahan, marami pa ring kuntento na sa pag-amen at pag-
aatanda lamang. Gusto kong gumawa ng mga alibi, gusto kong mag-rationalize sa mga katangahan ko
sa buhay, kahit sa sarili ko man lamang. Sana’y marunong akong magnobena para maihingi ko ng
tulong ang buhay ng mga maralitang tulad ni Linda, ng isang manggagawang tulad ni Robert at
maintindihan ang isang estudyanteng tulad ni Nelson at mabago ang mga Bong. Sana’y sa ganoong
paraan nabubuhay ang pag-asa sa bawat isa. Pero ano ang silbi ng mga sana? Samantala’y gagala ako
sa mga daan. Hahanapin ko sa karanasan ang katotohanang hindi ko makita sa eskuwelahan, bahay,
diyaryo at simbahan. At kung ganap ko nang alam ang mga sagot sa aking mga katanungan, tatapusin
ko na ang mga kuwentong ito, pamamagatan ko itong MGA KUWENTO NG AKING PANAHON: ISANG
PAGBABALIKWAS. Gagawin ko itong isang epiko, at sama sama nating bubuhayin ito.

Pahina 15 ng 15

You might also like