You are on page 1of 2

Address: Blk. 31 Lot 13 A. Bonifacio St.

,
New Capitol Estate 1 Subd.,
Brgy. Batasan Hills, Quezon City
Telephone #: (02) 7550890
Email: maknational@gmail.com

Enero 29, 2022

Deklarasyon ng suporta para kay Leni Robredo at Kiko Pangilinan


Koalisyong Makabayan

Batid ang natatanging halaga ng nalalapit na halalang 2022, kami mula sa Koalisyong Makabayan ay nagpapahayag
ng kapasyahan ng pag-endorso at malakas na suporta para kay Vice President Leni Robredo bilang kandidato para
sa pagkapangulo, at Kiko Pangilinan bilang kandidato para sa ikalawang pangulo. Sa panahong nananalasa ang mga
pwersa ng tiraniya, at nais manumbalik ang mga tagapagmana ng diktador, sina Leni at Kiko ang tumindig bilang
tunay na pwersang oposisyon. Kinakatawan nila ngayon ang pinakamahusay na tsansa natin para biguin ang
tambalang Marcos-Duterte.

Ineendorso ng Makabayan sina Leni at Kiko batay sa nakikita naming kumon na tindig sa mahahalagang isyu na
hinaharap ng mamamayan — mga isyung dapat pagtulungan at ipaglaban.

Nakikipagkaisa kami sa pagsusulong ng siyentipiko at makataong tugon sa pandemya. Kaisa din namin sila sa
pagsusulong ng kapakanan ng mga manggagawa laban sa endo, gayundin ng kapakanan ng mga magsasaka para sa
karapatan sa lupa. Pinahahalagahan namin ang pagtindig nila para sa karapatang pantao, kasama ang mariing
pagtutol sa mga abuso mula pa panahon ng diktadura hanggang sa kasalukuyan. Suportado namin ang tindig nila
para sa pambansang soberanya at pagigiit ng ating karapatan sa West Philippine Sea. Batid din namin ang hangarin
nilang magkaroon ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa ating bayan.

Ang mga komon na tindig sa isyu, ang naging track record ng mga kandidato, at ang napakahalagang laban para
biguin ang tambalang Marcos-Duterte, ang naging batayan ng Makabayan para pormal na suportahan sina Leni
Robredo at Kiko Pangilinan. Hindi sa lahat ng bagay ay magkakasundo kami, ngunit kapwa kaming bukas na pag-
usapan ang mga usapin at abutin ang kaisahan para sa kapakanan ng bayan.

Nakataya sa darating na halalan ang buhay, demokrasya, at kinabukasan ng ating bansa. Tayo ba ay aatras muli at
mananatili sa panahon ng kadiliman at sigalot, o tayo ba ay susulong para iangat ang ating bansa mula sa
pagkakalugmok? Malinaw ang sagot. Klaro ang pagpipilian.

Sa aming mga kababayan, panahon ngayon ng pagtindig para sa ating bayan, para sa kapakanan ng nakararami at
para sa ating kinabukasan. Tama na ang abuso sa kapangyarihan, ang paglabag sa karapatan, pagyuko sa mga
dayuhan, at pagnanakaw sa kabang-bayan! May pambihirang pagkakataon tayo. Sama-sama nating ipanalo ang
pagbabago!

Mga Nakikitang Kumon na Tindig sa mga Isyu at Plataporma


ng Makabayan at Tambalang Robredo-Pangilinan

1. Isulong ang siyentipiko, makamamamayan at hindi-militaristang tugon sa pandemya. Isagawa ang libreng mass
testing, mabilisan at sapat na contact tracing, isolation at treatment ng mga apektado ng pandemyang COVID-19.
Maglabas ng sapat na ayuda para sa mga nawalan ng hanapbuhay, naluging micro, small, at medium enterprises at
mga mahihirap na naapektuhan ng pandemya. Ibigay sa takdang panahon at tamang halaga ang Special Risk
Allowance, iba pang benepisyo, sapat na proteksyon, at pagkilala sa mga manggagawang pangkalusugan.
Palawakin at palakasin ang pampublikong sistemang pangkalusugan. Tiyakin ang ligtas na balik-eskwela sa mga
lugar na mababa ang kaso ng hawaan. Isulong ang balik-pasada ng lahat ng jeepney, bus, UV Express, at iba pang
pampublikong transportasyon.

2. Isabatas ang Security of Tenure Law para wakasan ang “endo” at tiyakin ang paglikha ng mga trabaho sa
pamamagitan ng public employment program. Repasuhin ang kasalukuyang minimum wage na may layuning itaas
ito at ilapit sa living wage. Suportahan ang micro, small, at medium enterprises at paunlarin ang lokal na mga
industriya sa bansa. Sugpuin ang manipulasyon ng mga kartel sa presyo ng mga pangunahing bilihin at kumilos
para maibaba ang presyo ng langis, kuryente, at tubig. Isagawa ang “on-site at in-city” na programang pabahay
para sa mga komunidad ng maralitang tagalunsod.

3. Gumawa ng mga hakbang para maihinto at maiwasto ang arbitraryo at malawakang kumbersyon ng lupaing
agrikultural. Repasuhin ang pagpapatupad at mga pagkukulang ng CARP at CARPER upang makagawa ng mga
hakbang para sa makatarungang redistribusyon ng lupa sa mga magsasaka. Repasuhin ang rice tarification law.
Suportahan at paunlarin ang lokal na produksyong agrikultural.

4. Irebyu at irebisa ang mga patakaran at batas sa pagmimina para mahigpit na mapangalagaan ang kalikasan at
mga komunidad at mga karapatan ng mga katububo, magsasaka at mangingisdang Pilipino. Irebyu ang mga kaso
ng pagsasara at ikonsidera ang muling akreditasyon mga Lumad school.

5. Ituloy ang usapang pangkapayapaan batay sa mga naunang napagtibay nang mga kasunduan sa pagitan ng GRP
at NDFP. Bigyang prayoridad ang pag-uusap para sa pagpapatibay ng isang interim peace agreement habang
ipinagpapatuloy ang negosasyon tungo sa final peace agreement.

6. Itaguyod ang karapatang pantao. Ibasura o amyendahan ang Anti-terrorism Act para matanggal ang mga
unconstitutional provisions nito na hindi ipinawalambisa ng Korte Suprema. Irebyu at palitan ang EO 70 na lumikha
ng NTF ELCAC at ilaan ang pondo nito para sa serbisyong panlipunan at mga lokal na proyektong pangkaunlaran.
Maglabas ng mga patakaran at kautusan para ipatigil ang red-tagging, extrajudicial killings, pagsasampa ng gawa-
gawang kaso, kwestyunableng pag-isyu at paggamit ng search warrants at ilegal na mga pag-aresto at detensyon.

7. Unahin ang rebyu sa mga kaso ng mga matatanda at may sakit para mapalaya na ang kailangang mapalaya sa
batayang humanitarian. Repasuhin ang mga gawa-gawang kaso laban sa mga bilanggong pulitikal. Palayain si Sen.
Leila de Lima. Ibalik ang prangkisa ng ABS-CBN.

8. Papapanagutin ang matataas na upisyal at iba pang sangkot sa mga paglabag sa karapatang pantao at
pandarambong. Payagan ang imbestigasyon ng International Criminal Court at pag-uusig kay Duterte et al. sa mga
kaso ng EJK at krimen sa sangkatauhan. Magpasa ng batas para sa indemnipikasyon ng mga biktima ng mga
paglabag sa karapatang pantao / tiraniya ng rehimeng Duterte. Isulong ang pag-uusig at pagbabalik ng yamang-
nakaw ng matataas na upisyal at kasabwat nila sa mga kaso ng korupsyon at pandarambong.

9. Isagawa ang mga repormang pulitikal at elektoral laban sa pag-abuso sa kapangyarihan at para maitaas ang
partisipasyon at boses ng mamamayan. Ipasa ang batas para iabolis ang dinastiyang pulitikal. Iutos at isabatas ang
pagsasapubliko ng SALN ng mga upisyal ng pamahalaan. Ipasa ang Freedom of Information Act. Amyendahan ang
party list law para matiyak na ito ay eksklusibo sa marginalized at underrepresented.

10. Ipaglaban ang soberanya at tiyaking mapakinabangan ng mga Pilipino ang Exclusive Economic Zone at
continental shelf ng bansa laban sa pananakop, pagsasamantala at pagtatayo ng base militar ng China sa West
Philippine Sea. Igiit ang pagpapatupad ng UN Arbitral ruling sa West Philippine Sea. Repasuhin ang mga probisyon
ng Visiting Forces Agreement na salungat sa pambansang soberanya, lalo na ang mga probisyon kaugnay ng
pagtrato sa mga tropang Amerikanong lumalabag sa batas ng Pilipinas, at bigyan ng katarungan ang mga biktimang
Pilipino. #

You might also like