“Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at
malansang isda; kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa
atin ay nagpala.” Isa ito sa mga katagang iniwan sa atin ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal upang gawing inspirasyon nating mga Pilipino at bigyan kahalagahan sa ating buhay ang ating sariling wika, ang wikang Filipino. Paano ba natin masasabi na ang ating wikang pambansa ang sandigan nating mga Pilipino? Ang ating wika ang tumatayong pundasyon at bumubuo sa ating pagkatao, ang pagiging isang Pilipino. Dahil dito, tayo ay nakilala sa buong mundo. Ito ang nagbuklod sa ating lahat para tayo ay magkaisa para makamit ang ating kalayaan. Ito ang boses natin para tayo ay magkaunawaan at magkaintindihan at maisakatuparan ang ating mga layunin at hangarin. Ginamit rin natin itong daan para sa ating kaunlaran at naging malaking hakbang para sa kapayapaan. Simula pa man noong panahon ng mga Espanyol hanggang sa dumating ang mga Amerikano at Hapon sa ating bansa, maraming Pilipino na ang nagbigay ng halaga sa ating wikang pambansa para mapagtagumpayan ang hangaring maging malaya, mamuhay ng payapa at makilala ang ating lahi at kultura. Kahit ilan digmaan na ang ating napagdaanan, tayong mga Pilipino ay nagkaisa upang makabangon ulit sa mga suliraning kinakaharap natin. Bukod sa ating pambansang bayaning si Jose Rizal, isinulong rin ni dating Pangulong Manuel Quezon na tayo ay magkaroon ng wikang pambansa kung kaya siya ang tinaguriang Ama ng Wikang Pambansa natin. Isinaad niya na ang wika ang salamin ng bayan na siyang bumibigkis tungo sa pagkakaisa ng mga mamamayan. Si Felipe R. Jose, na noong 1934 ay nagtulampati na ang Pilipinas ay wala na sa ilalim ng bandilang Espanyol at Amerikano at oras na para mahalin natin ang ating sariling wika dahil ayon sa kanya, ito ang pinakamabisang kasangkapan upang maipahayag natin ang ating damdamin, tumuklas ng karunungan at mapagtanggol ang ating mga karapatan. Si Lope K. Santos na sumulat ng “Balirala ng Wikang Pambansa” na siyang nagpakilala sa Abakada. Maraming suliranin ang kinaharap ng ating bansa noong sinakop tayo ng bansang Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sinikap ng mga Pilipino ang mamuhay ng maayos sa kabila nang banta ng panganib. Maraming ari-arian at buhay ang nawala at natigil ang pagsulong ng ating ekonomiya dahil sa pagkasira ng agrikultura, industriya, transportasyon at pananalapi ng ating bansa. Ngunit ang mga ito ay hindi naging hadlang upang paunlarin natin ang ating panitikan. Naging “Gintong Panahon ng Panitikang Pilipino” ang pagkakasakop sa atin noon ng mga Hapon dahil higit na naging malaya ang mga Pilipino sa pagsulat ng panitikan sa wikang pambansa dahil sa pagbabawal ng paggamit ng wikang Ingles. Noong 1943, iniutos ni dating Pangulong Jose P. Laurel ang pagtuturo ng Tagalog sa lahat ng paaralang elementarya at sanayin ang lahat ng guro sa wikang Tagalog. Ipinakilala rin bilang asignatura ang pagaaral ng wikang Tagalog sa kurikulum ng paaralan. Binuhay rin ang Surian ng Wikang Pambansa na naglayong ipalaganap ang wikang Pilipino sa buong bansa pati na rin sa mga Hapon at ibang dayuhan. Isa si Jose Panganiban sa mga nagsulong nito at nagturo rin siya ng Tagalog sa mga Hapon at iba pang hindi nakakaintindi ng wikang Tagalog. Bagama’t maraming naghirap noong panahon ng Hapon hanggang natapos ang digmaan dahil sa pagkawasak ng maraming kabuhayan, hindi nagpatalo ang mga Pilipino sa pakikipaglaban upang ang Pilipinas ay muling makabangon at magkaroon ng sariling pagkakakilanlan. Noong 1954, ipinagutos ni dating Pangulong Ramon Magsaysay ang taunang pagdiriwang ng “Linggo ng Wikang Pambansa”. Si Kalihim Jose Romero naman noong 1959 ay nagutos na tawaging “Pilipino” ang ating wikang pambansa imbes na Tagalog. Ipinagutos naman ni dating kalihim Alejandro Roces noong 1962 na ang lahat ng sertipiko at diploma ay ilimbag sa wikang Pilipino. Noong 1963, si dating Pangulong Diosdado Macapagal ay nagutos na ang Pambansang Awit ay awitin sa titik nitong Pilipino. Sa ilalim naman ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos ay may mga kautusan rin na nagpakita ng kahalagahan sa ating wikang pambansa. Nariyan ang pangalanganan sa Pilipino ang lahat ng gusali at tanggapan ng pamahalaan at lahat ng pinuno at empleyado ng pamahalaan ay kailangan dumalo sa mga seminar sa Pilipino na idinaraos ng Surian ng Wikang Pambansa. Iniutos rin niya na isulat sa Pilipino ang mga “letterhead” ng pamahalaan at ang pormularyo sa panunumpa ng mga pinuno at kawani ng pamahalaan, ang pagganap ng “Balagtasan” upang gunitain ang kaarawan ni Francisco Baltazar, ang pagsama ng Pilipino sa lahat ng kurilulum na pandalubhasang antas at maraming pang iba. Sa panahon naman ni dating Pangulong Corazon Aquino, napagtibay ang ating wikang pambansa bilang “Filipino” at pinalabas rin ang isang kautusang gamitin ang wikang Filipino bilang wikang panturo sa lahat ng antas ng paaralan kaalinsabay ng wikang Ingles. Nalagdaan din noon na gamitin ang wikang Filipino sa lahat ng opisyal na komunikasyon at transaksyon. Sa panahon naman ni dating Pangulong Fidel Ramos, ginawang “Buwan ng Wikang Filipino” ang buwan ng Agosto. Ang patuloy nating paglinang sa ating sariling wika ay napakahalaga sa ating lipunan dahil ito ang ginagamit natin para maipahayag ang ating damdamin at kaisipan. Ito rin ay mahalaga upang tayong lahat ay magkaisa. Ito ang kumikilala sa ating lahi, kung ano tayo at kung saan tayo nagmula. Tayong mga Pilipino ay may tungkuling pahalagahan at mahalin ang ating sariling wika dahil ito lamang ang maaaring pagkakaiba natin sa ibang lahi. Ang ating sariling wika ang diwa ng ating pagkamakabayan kung kaya’t kailangan natin itong pahalagahan.