Isang masiglang linggo nanaman ang lumipas. Masigla para sa akin sapagkat hinihintay ko ang araw ng biyernes na pagpunta namin sa paaralan. Ngunit hindi yata masigla para sa mga mag- aaral sa GSCAAFI dahil ang linggong ito ay ang kanilang ikatlong markahan. Buong linggo ang kanilang ginugol upang ito'y kanilang mapagtagumpayan. May mga araw na ako ang nanguna o nagbantay sa kanilang pagsusulit at mayroon namang ang aking CT. Pumunta kami sa paaralan nang araw ng biyernes, ito ang unang pagkakataon na pumunta kami sa paaralan ng sama-sama gayundin ang unang pagkakataon na kami'y magkita at magkakilala. Pamilyar na kami sa mukha ng isa’t isa dahil sa iisang paaralan lamang kami nanggaling ngunit hindi naming kilala at alam ang pangalan ng bawat isa. Nagkaroon kami ng laro na pinangunahan ni Maam Catrina, ang punong-guro. na naging daan upang magkakila-kilala kami. Nailabas ang kwela at kulit ng bawat isa, nawala ang hiyaan at agad na may nabuong mga samahan. At dahil iyon ay araw ng biyernes, ito rin ay ang araw ng pasahan ng mga sagutang papel ng mga mag-aaral kaya naman nagkaroon din kami ng pagkakataon na makita hindi lamang ang aming mga CT, kundi pati na rin ang iilan sa mga mag-aaral. Gaya ng aking inaasahan, sila ay higit na mataas pa sa akin. Sana ay magkaroon pa ng mga pagkakataon na makita at makilala ang iba pang mga mag-aaral upang kung sakali mang makasalubong ko sila sa daan o sa isang lugar ay malalaman ko na isa pala sila o siya sa mga mag-aaral na aking tinuturuan.