You are on page 1of 2

“Pagyanig: The Bohol 2013 Earthquake

Experience”
By: Laurence Julienne Salubre

Marahil ay hindi niyo rin malilimutan ang kaganapan noong ika-labinlima ng


Oktubre taong dalawang libo’t labintatlo dito sa Bohol. Pangyayaring hindi ko lubos
maisip na mararanasan ko, isang trahedyang labis na nag marka at hindi mawala-wala
sa aking memorya. Sino ngaba ang mag-aakala na sa isang maaliwalas at tahimik na
umaga ay may mangyayaring sakuna?
Martes ng umagang iyon maaga akong nagising. Napakaganda ng araw,
namumukadkad ang mga bulaklak sa paligid, berdeng-berde ang mga dahon ng puno’t
halaman, at walang nagbabadyang pag-ulan dahil sa napaka asul na kulay ng
himpapawid. Tamihik, maaliwalas at malamig ang simoy ng hangin. Kasama ang aking
pinsan ay umalis sila ng aking inay upang magpunta sa isang kaibigan na di kalayuan
saamin. Habang ang itay naman ay abala sa kanyang mga alagang manok, ako naman
ay pinagkakaabalahan narin ang pagsusulat sa isang journal. Walang pasok noong
araw na iyon bilang pagbibigay respeto sa Muslim Feast of Sacrifice o Eid’l Adha.
Naalala ko pa kung gaano kami natuwa dahil ideneklarang walang pasok at bilang mag-
aaral, makakapagpahinga kami at makakapamasyal. Habang abala sa pagsusulat ay
bigla akong nakaramdam ng tila pagbaluktok ng aking sikmura kung gayun ay naisipan
kong pumasok ng banyo at ilabas ang kung anomang mayroon sa aking tiyan. Oo, sa
madaling salita ay natatae ako. Malinaw pa sa isipan ko ang suot ko noong mga oras
na iyon. Nakapantulog pa lamang ako at sa tuwing nagbabanyo ay nakahiligan ko na
noon ang paghuhubad ng aking saplot sa ibaba dahil doon ako mas komportable. Hindi
ko lubos maisip kung ilang minuto ang lumipas nang bigla nalang akong nakaramdam
ng tila ba mayroong dumuduyan saakin habang nakaupo ako na inuduro. Di nagtagal
ay mas naramdaman ko ang lakas nito. Mabilis, malakas at nakakalula. Napatingin ako
kisame, napahawak ako sa dalawang pader sa paligid ko bilang supporta at tila ba
pinipigilan ko ang pagguho nito. Nakita ko ang unti-unting pagbiyak ng mga semento at
ang pagkahulog nito sa harapan ko. Kasabay ng bilis ng pintig ng puso ko ay ganoon
din ang bilis ng pagguho ng nasa paligid ko. Akala ko matatabunan ako dahil sa liit ng
banyo at rupok ng pader nito. Akala ko magigising nalang ako na nakatitig sa sariling
katawan, akala ko iyon na ang katapusan ng mundo.
Isang tawag ng pangalan ko ang nagpabalik saakin sa wisyo. Nakita ko ang itay
na nakatingin saakin habang puno ng mga puting alikabok ang kanyang katawan. Hindi
niya pala ako iniwan, hindi niya ako hinayaang mag-isa. Habang patuloy ang pagyanig
ay naroon lang siya, hinahanap ako at hindi man lang dinamdam ang sakit dahil sa
pagbagsak ng mga semento sa kanyang katawan. Nang unti-unting humina ang pag
lindol ay dali-dali niya akong hinagisan ng pang-ibabang damit. Mabilis rin kaming
lumabas ng bahay at doon nakita ko kung paano pinabagsak ng lindol ang bahay na
dugo’t pawis na pinaghirapang mabuo ng lolo at lola ko. Narinig ko ang iyakan ng mga
kapitbahay ko, nakita ko si inay kasama ang aking pinsan na nabalot sa takot at
pangamba, nakita ko ang lahat pero hindi ko lubos maintindihan kung ano ang dapat na
maramdaman. Napansin ko ang mga sugat ko pero ni hindi ako nakaramdam ng kirot at
hapdi. Hindi ko alam kung matatakot ba ako o iiyak. Namanhid ako at sa mga oras na
iyon, patuloy parin na pinoproseso ng utak ko ang nangyari. Napatitig nalang ako sa
bahay namin at napaisip kung gaano kami kamahal ng Diyos at kung paano niya kami
ginabayan upang makaligtas. Ayon nga sa opisyal na report ng National Disaster Risk
Reduction and Management Council (NDDRRMC), nasa 222 ang naitalang patay, 8
ang nawawala at 972 naman ang labis na nasugatan dahil sa lindol. Nasa 73,000
naman ang mga imprastrakturang napinsal kung saan 14,500 sa mga ito ang tuluyan ng
nasira.
Ngayon kung tatanungin ako kung saan ako labis na nagpapasalamat? Marahil
ay marami akong sagot dahil sa dami ng biyayang ibinibigay ng Diyos saakin, pero higit
sa lahat ang pagbibigay niya saakin ng napakaraming pagkakataon upang magpatuloy
sa buhay ang isang bagay na habang buhay kong ipagpapasalamat. Sa gitna ng dilim,
naway makita natin ang linawag na maghahatid saatin na magandang bukas. Huwag
sana tayong mawalan ng pag-asa dahil tulad ko, gumuho man ang kahit na ano sa
paligid ko, may Diyos parin na laging nagbabanyay sayo at may isang tao na hindi ka
iiwan at patuloy na maghihintay sayo.

You might also like