You are on page 1of 5

Paksa: Pagsulat ng Bionote / Tala sa May-Akda

Kasanayang Pampagkatuto
Ang mga mag-aaral ay naisusulat ang detalyadong bionote ng isang kilalang tao sa lugar na
nagkaroon ng kontribusyon sa lipunan.

Gawaing Pampagkatuto
Ang mga mag-aaral ay masasagot ang mga sumusunod na katangungan:
1. Ano ang bionote?
2. Ano-ano ang mga hakbang sa pagsulat ng isang bionote?

Panimula
Mahalaga ang pagkakakilanlan maging sa mga ordinaryong bagay sa paligid o sa mga
mga taong nakasasalamuha sa anumang aspekto ng buhay. Ang gawain ay nagkatuon sa
pagtalakay sa bionote bilang halimbawa ng akademikong sulatin. Ang bionote ay isang
maikling paglalarawan ng manunulat gamit ang ikatlong panauhan na kadalasang inilalakip sa
kaniyang mga naisulat. Ito rin ay isang nakapagtuturong talata na nagpapahayag ng mga
katangian ng manunulat at ang kaniyang kredibilidad bilang propesyonal. Sinusulat ito para
malaman ng mga mambabasa ng karakter at kredibilidad sa larangang kinabibilangan, ito rin ay
isang daan para maipakilala ng manunulat ang kanyang sarili sa mga nagbabasa.

Nilalaman
Ang pagsulat ng bionote ay binubuo ng ilang mahahalagang hakbang:

1. Tiyakin ang layunin.


Ang layunin ang magsisilbi gabay kung ano ang mga impormasyon ang mahalagang
isama at mula rito ay matutukoy rin ang magandang paraan upang mailahad ito. Kapag tiyak na
ang layunin, matutumbok ang mga detalyeng nararapat na mabasa o marinig ng mga tao.

2. Pagdesisyonan ang haba ng susulating bionote.


Mahalaga ang pagdedesisyon sa haba ng bionote sapagkat kadalasan ay may
kahingian ang mga organisasyong humihingi nito.

3. Gamitin ang ikatlong panauhang pananaw.


Ito ang makakatulong upang ipakilala nang obhektibo ang paksa ng bionote.
Nababalanse ng paggamit nito ang tila pagbubuhat ng sariling bangko dahil dito inilalahad ang
pinakamahahalagang tagumpay na natamo.

4. Simulan sa pangalan.
Kapag pangalan ang unang nakita sa bionote, mayroon na agad katauhan ang taong
ipinakikilala, at unang mairerehistro sa kamalayan ng mga tao ang pangalang ng ipinakikila.
Mahalaga ito dahil ang pangalang ang pinakaimportanteng matandaan ng mga tao bilang isang
propesyonal at sinusundan naman ng mga ginawa at natamo na paksa.
5. Ilahad ang propesyong kinabibilangan.
Kung ang pagpapakilala ay sa komunidad ng mga inhinyero, mahalagang banggitin na
ang ipinakikilala ay kabilang din sa naturang komunidad; o kung hindi man, kabilang sa isang
larangan na may kaugnayan sa kanila. Importanteng mabanggit na kabilang ang indibidwal sa
larangan na may kinalaman sa komunidad. Sa pamamagitan nito, maitataas ang antas ng
pagtitiwala ng mga tao.

6. Isa-isahin ang mahahalagang tagumpay.


Tanging ang mga nakamit at nagawa lamang na may kinalaman sa manonood ang
kailangang isama sa bionote. Dapat piliin lamang ang mga impormasyong ibibilang na maaring
makapagpataas ng antas ng pagkilala rito. Hindi naman sa walang halaga ang ibang gawad na
natamo, ngunit kung hindi ito esensyal sa pagkakataon, maaaring huwag na ito isama.
Kadalasang limitado ang espasyo sa pagsulat ng bionote, krusyal ang pagdedesisyon sa mga
impormasyong ilalagay dito.

7. Idagdag ang ilang di-inaasahang detalye.


Kung mayroong mga detalye ukol sa paksa ng bionote na wala pa sa kamalayan ng
target na manonood o mambabasa, idagdag ito sa bionote. Mahalaga na may element of
surprise ang pagpapakilala. Ito ay magandang teknik upang mapukaw ang interes, basta tiyakin
na ito ay maiuugnay sa okasyon o pangangailangan ng pagpapakilala.

Narito ang mga halimbawa ng bionote:

Patrocinio Villafuerte (Manunulat)


Si Patrocinio Villafuerte y isang guro at manunulat sa Filipino. Siya ay ipinanganak
noong ika-7 ng Mayo 1948 sa San Isidro, Nueva Ecija. Isa siyang manunulat na may bilang na
145 na akda. Nagtapos siya ng Batsilyer sa Agham sa Edukasyon. Pangulo siya ngayon ng
Departamento ng Pilipino sa Philippine Normal University. Marami siyang nakuhang mga
parangal sa iba’t ibang paggawad, tulad ng Gawad Merito na kanyang nakuha at nakamit sa
Manuel Luis Quezon University.
Tumanggap rin siya ng mga parangal. Ang kanyang kauna-unahang nakamit ay mula sa
Genoveva Edroza Matute Professional Chain in Filipino, Sampung gawad Surian Gantimpalang
Collanters. Dalawang Presidential Awards sa Malacañang Palace at walong Carlos Palanca
Memorial Awards For Literature. Pinarangalan ng Komisyon ng Wikang Filipino, PNU Alumni
Association, Kapisanan ng mga Propesor sa Pilipino (KAPPIL), Ninoy Aquino Foundation at
Philexers.

Ascension Salvani (Guro)


Si Ascension Salvani, o kilala bilang si Siony, ay naging isang guro sa isang
pampublikong paaralan sa Lungsod ng Pasay. Siya ay ipinanganak at lumaki sa lalawigan ng
Bohol, at doon nakapagtapos ng kursong Edukasyon sa University of Bohol noong 1965.
Naging aktibo rin si Siony sa Physical Education, kung saan nakapagturo siya ng mga
estudyanteng may hilig sa volleyball.
Nang makapagturo ng ilang taon, nagpasiya siyang kumuha ng Masteral Degree sa
Philippine Normal University sa Maynila. At sa Maynila na niya itinuloy ang kanyang pagtuturo,
at nanilbihan ng ilang taon bilang guro ng isang pampublikong paaralan. Dahil sa kanyang
dedikasyon sa pagturo, nakakuha rin siya ng gantimpalang ‘Teacher of the Year’ ng ilang beses
sa loob ng apatnapung taon sa serbisyo.

Carlito Y. Correa (Doktor)


Si Dr. Carlito Y. Correa ay isang ekspertong doktor sa pangkalahatang operayon at
nagtatrabaho sa Chong Hua Hospital, Madaue City, Cebu. Siya ay Ipinanganak sa Mangagoy,
Bislig, Surigao del Sur noong Setyrmbre 8, 1978. Ina niya si Ginang. Nena Y. Correa, isang
guro; at ama niya si Ginoong Jovencio V. Correa, isang mechanical engineer.
May walong taong taong karanasan sa serbisyo si Dr. Correa. Nag-aaral muna siya sa
Southwestern University at sa Matias H. Aznar Memorial College of Medicine para sa kursong
BS Biology bago niya narating ang kanyang propesiyon. Pagkalipas ng apat na taon ay nag-aral
siya sa Vicente Sotto Memorial Medical Center at nagtapos si Correa sa kursong medisina.
Pumasa sa kanyang unang subok sa Physician’s Licensure Examination.
Sumali si Dr. Correa sa Philippine Board of Surgery, Inc. at kabakas niya ang mga
kompanyang seguridad ng kalusugan tulad ng Generali Life Assurance Philippines, Inc., Health
Plans Philippines, Inc., Philhealthcare, Inc. at marami pang iba. Ngayon, patuloy parin ang
kanyang serbisyo sa Chong Hua Hospital, Madaue City, Cebu.

Paglalahat
Ang bionote ay ginagamit upang ipakilala ang isang tao sa isang partikular na larangan.
Karaniwang binabanggit ang mga personal na impormasyon, kaligirang pang-edukasyon at
ambag sa larangang kinabibilangan.

Paglalapat
Pangkatang Gawain: Pagsulat ng bionote mula sa maikling talambuhay na pinamagatang
“National Scientist, Dra. Fe Del Mundo, Namaalam Na” ni Cathy Cruz.

National Scientist, Dra. Fe Del Mundo, Namaalam Na


ni Cathy Cruz, PsciJourn Mega Manila

Inihatid na sa huling hantungan sa libingan ng mga bayani ang paham at tinaguriang


Pambansang Sayentista noong 1980 si Dra. Fe Del Mundo na dinaluhan naman ni Pangulong
Benigno Aquino III bilang pagbibigay pugay.
Matatandaan na si Dra. Fe Del Mundo ang itinuring na pinakamagaling na
manggagamot sa Pilipinas. Ang kanyang galing ay higit na naipamalas nang kanyang
pasimulan ang Ospital ng Pambata sa Pilipinas o mas kilala sa Philippine Children’s Medical
Center.
Ipinanganak si Dr. Fe Del Mundo noong Nobyembre 27, 1911 sa Maynila. Isa sa walong
(8) anak nina Atty. Bernardo at Paz Del Mundo. Sa murang edad na sampung taon ay naulila sa
ina.
Natapos sa Manila South High School noong 1926 at kabilang sa sampung porsiyentong
nakapasa sa Pre-Medicine Test nang sumubok sa Unibersidad ng Pilipinas. Sa dalawang-
daang estudyante ay labing tatlo lamang dito ang babae.
Natapos ni Dra. Fe Del Mundo ang Pre-Med sa loob lamang ng dalawang taon sa UP
College of Medicine at tanging may pinakamataas na markang nakuha sa Pediatrics o
panggagamot sa mga bata. Nakamit ang Class Valedictorian noong 1933 sa Doctor of Medicine
at nasungkit naman nya ang 3rd Place sa Medical Board Exam.
Sa angking kagalingan sa medisina nang ipinadala sya ng dating Pangulong Manuel L.
Quezon noong panahon ng Commonwealth sa Amerika. Itinuring si Dra. Fe Del Mundo na
kauna-unahang babae at asyanong nakapag-aral sa Pediatrics sa Harvard Medical School
noong taong 1935-1940. Limang taong nagpakadalubhasa sa Harvard University at natapos ng
Master of Arts in Bacteriology sa Boston University.
Nang panahon ng digmaang pandaigdig ay nag-boluntaryo sya sa International Red
Cross noong 1941.
Siya rin ang naging susi kung bakit nagkaroon ng bakuna sa Pilipinas dahil sa kanyang
mga pag-aaral na isinagawa at nagpadala ng mga ‘specimen’ sa ibat’-ibang panig sa bansa.
Kabilang dito ay ang Polio sa New York, Tigdas sa London, Rubella o German Measles sa
Switzerland at Varicella o Chiken Pox sa Japan.
Dahil sa kanyang pagmamahal at pagkalinga sa mga sanggol na naging daan upang
malikha nya ang ‘incubator’ sa pamamamagitan ng kawayan. Sa pamamagitan din ng kawayan
nang ginamit nya na pinagmulan ng enerhiyang pampainit at ‘photo theraphy device’ na
nakakagaling sa mga sanggol na may ‘jaundice’.
Ang paham na sayentista na si Dr. Fe Del Mundo ay inilaan ang kanyang buhay sa
paglilingkod kaya di kataka-taka na halos may kaugnayan sa medisina at kalusugan sa
kasalukuyang panahon na pinakikinabang ng bayan ay pawang sya ang nagpasimula.
Ilan dito ay bilang Director ng Manila Children’s Hospital na naging Dr. Jose R. Reyes
Memorial Hospital. Sya rin ang unang Pilipino Diplomat ng American Board of Pediatrics noong
1947, naging kauna-unahang Asian President ng Medical Women’s International Association na
nasa posisyon mula 1962-1967 at naging Emeritus Fellow ng American Academy of Pediatrics.
Nagpasimula rin sya ng Philippine Pediatric Society at namuno mula 1952-1955 gayundin ng
Philippine Medical Women’s Association.
Taong 1972 nang sya ay inihalal ding Pangulo ng Philippine Medical Association at
kauna-unahang delegado ng Pilipinas sa World Academy of Science in Trieste, Italy noong
1993.
Sa kagustuhan na maibahagi ang kaalaman kaya nagturo sya ng Pediatrics noong 1943-
1954 sa Yunibersidad ng Santo Tomas subalit noong 1954-1974 nang lumipat sya ng Far
Eastern University at naging Chairman ng Pediatrics Department na naghatid sa kanya bilang
Professor Emeritus.
Pinagkalooban din sya ng Honoris Causa ng Philippne Women’s University, Medical Women’s
College of Pensylvania, Smith College in Northampton, Massachusetts at ng Yunibersidad ng
Pilipinas noong 1996.
Dahil sa napatunayang paglilingkod at kagalingan sa larangan ng medisina kaya
napabilang sya sa National Academy of Science and Technology (NAST) noong 1979 at kauna-
unahang naging National Scientist na syang pinamataas na antas na kinikilala ng pamahalaan
dahil sa mga di maikakailang kontribusyon sa siyensya at teknolohiya.
Ang buong Science Community ay saludo sa iyo Kagalang-galang at Paham na Dra. Fe Del
Mundo!

Pagtataya
Indibidwal na Gawain: Pagsulat ng bionote tungkol sa sarili batay sa pinapangarap na
propesyon.

Sanggunian
Briones, John Kelevin R. & San Juan, David Michael M. 2017. Salimbay: Filipino sa Larangang
Akademiko. Don Bosco Press, Inc. Pahina 27-35

Inihanda ni:

HONEY GRACE B. ALMAZAR, LPT


Tagapagturo ng Asignatura

You might also like