You are on page 1of 2

MABUTING BALITA

Juan 14, 1-6

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag kayong mabalisa; manalig kayo
sa Diyos at manalig din kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid; kung hindi gayun, sinabi
ko na sana sa inyo. At paroroon ako upang ipaghanda ko kayo ng matitirhan. Kapag naroroon na ako at
naipaghanda na kayo ng matitirhan, babalik ako at isasama kayo sa kinaroroonan ko. At alam na ninyo
ang daan patungo sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung
saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?” Sumagot si Hesus, “Ako ang daan, ang
katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang paggunita po sa lahat ng mga pumanaw na Kristiyano! Tayo pong mga may
pananampalataya ay naniniwala na hindi na lamang sa pagkamatay natatapos ang lahat. Ang kamatayan
ay isa nang daan papunta sa isa pang naghihintay na buhay. Kaya nga tinawag na “kabilang buhay”. Ang
kabilang buhay na ito ay ang buhay na walang hanggan. Ang ating permanenteng tahanan ay ang langit.
Kaya nga napapansin ninyo, lahat ng bagay dito sa lupa ay nagtatapos. Lahat dito ay may hanggan.
Pagdating natin sa langit, doon lamang ang walang wakas. Ang buhay natin dito ay isang paghahanda
para sa buhay na iyon. Para tayo ay maging karapat dapat sa langit.

Kaya naman lahat ng mga nararanasan natin dito ay maaring maging daan upang tayo ay padalisayin. At
ang purgatoryo ay isang lugar kung saan, pagkamatay ay pinapadalisay pa ang kaluluwa. Nililinis pa lalo,
at iniaalis ang mga natitira pang kapintasan bago tuluyang makapasok sa kalangitan. Dahil hindi po lahat
tayo ay namamatay na mga santo. Ang mga santo ang pinaniniwalaan nating pagkamatay ay dumiretso
sa langit sapagkat sukdulan ang kanilang mga gawa at pagkabanal dito sa lupa. Tayo ba ay
nakakasiguradong mamatay at didiretso sa langit? Siguraduhin muna nating ni kahit isa man sa mga
banal o santong ipinagdiwang natin kahapon ay natularan natin ang kanilang buhay. Mahirap ito subalit
hindi imposible. Ang isa sa mga pinakakalaban natin ay ang pagkakampante at ang mga kasinungalingan
o hindi tunay na katuruan upang ipagsawalang bahala natin ang pagsisikap sa buhay pananampalataya.

Nawa, ay araw-araw at hindi lang ngayon maisama natin sa ating panalangin ang mga kaluluwa sa
purgatoryong naghihintay upang tuluyang makapasok sa kalangitan. Sapagkat hindi nila kayang
ipagdasal ang kanilang sarili. Tayo po ang magdadasal para sa kanila. Ang mga banal o santo naman ang
magdadasal para sa atin. Kapag ang mga kaluluwa na ito ay ating natulungan sa pamamagitan ng
panalangin,sila rin ay makakatulong sa pagdarasal para sa atin. Alalahanin po natin sila nang may pag-
ibig at awa sa ating puso. Amen. +

You might also like