You are on page 1of 7

Retorika

• galing sa salitang rhetor (griyego) na nangangahulugang ‘guro’ isang orador o mananalumpati.


• susi sa mabisang pagpapahayag na nauukol sa kaakit-akit, kaiga-igaya at epektibong pagsasalita at
pagsulat.
• pag-aaral kung paano ng isang kaisipan sa pamamagitan ng mga piling salita at wastong
paghahanay ng mga ito para sa kinauukulang awdyens.
• Ito ay isang sining o teknik ng panghihikayat na kadalasan ay sa pamamagitan ng wika.
• Ito rin ay may kinalaman sa panghihikayat sa publiko at sitwasyong
pampulitika gaya ng mga asembleya at mga hukuman. Dahil dito,
umunlad o nakilala ang retorika sa mga demokratikong lipunan na may
karapatan sa malayang pamamahayag, malayang pagtitipon at
pagpapatanggap sa pagbabagong politikal.

Depinisyon ng Retorika mula sa mga pangunahing awtoridad sa larangang ito sa iba’t ibang lokasyon at
panahon (mula sa www.gsu.edu).

a. Aristotle - kakayahan ng pagtuklas ng lahat ng paraan ng panghikayat sa ano mang partikular na


kaso.
b. Plato – an ‘art of winning soul’ sa pamamagitan ng diskurso.
c. Cicero – pagpapahayag na dinisenyo upang makapanghikayat.
d. Quintillan – sining ng mahusay na pagsasalita
e. Douglas Ehninger – disiplinang nakatuon sa pag-aaral ng lahat ng mga paraang ginagamit ng
mga tao upang makaimpluwensya ng pag-iisip at gawi ng iba sa pamamagitan ng estratehikong
paggamit ng mga simbolo.
f. Gerard A. Hauser – isang instrumental na paggamit ng wika. Layunin nitong impluwensyahan
ang pagpapasya ng mga tao hinggil sa mga ispesipikong bagay na nangangailangan ng agarang
atensyon.
g. C.H. Knoblauch – proseso ng paggamit ng wika upang mag-organisa ng karanasan at maipabatid
sa iba. Ito ay isa ring pag-aaral ng paraan ng paggamit ng wika ng tao sa pag-oorganisa at
pagpapabatid ng mga karanasan.
h. Charles Bazerman – isang pag-aaral kung paano ginagamit ng tao ang wika at iba pang simbolo
upang isakatotohanan ang mga layuning pantao. Ito ay isang praktikal na pag-aaral na
nagbibigay sa tao ng matinding kontrol sa kanilang mga simbolikong gawain.
i. Isang estratehikong paggamit ng komunikasyon, pasalita o pasulat, upang makamit ang mga
tiyak na layunin (The Art of Rhetorical Cristicism).

Sa kabuuan, ang retorika ay isang teorya at praktika ng pagpapahayag o kahusayan sa


pagsasalita o pagsulat. Ang pasalitang retorika ay tinatawag na oratoryo. Binibigyang-kahulugan ng
retorika ang mga tuntunin sa pagsulat ng komposisyon at pagbigkas ng oratoryo na dinisenyo upang
makaimpluwensya sa pagpapasya o damdamin ng ibang tao (http:encarta.msn.com).

Ngayon ang retorika ay inilalarawan bilang malawak na sining o kasanayan sa panghihikayat


sa pamamagitan ng kahit na anumang anyo o sistemang simboliko, lalo na sa paggamit ng wika.
Ginagamit din ito sa kasalukuyan kapag gustong lamin ng sinuman ang pagkakaiba ng hindi
makabuluhang mga salita at mga gawa o ang mga totoo at tamang impormasyon sa mga maling
impormasyon, propaganda at iba pang anyo ng huwad o hindi tunay na pangangatwiran.

Ayon kay Socrates ang retorika ay "agham ng pagpapahinuhod. Binigyang kahulugan naman
ni Aristotle ang retorika bilang "kakayahan sa pagwawari o paglilirip sa bawat pagkakataon ng
anumang paraan ng paghimok." Ayon naman kay Richard Whatley, isang pantas sa lohika noong
ika-19 na siglo, ang retorika "ang sining ng argumentatibong komposisyon."
Klasikong Retorika (C.5th CENTURY BCE TO 5TH CENTURY)

Plato - ito ay sining ng panghihikayat ng diwa sa pamamagitan ng diskurso

Cicero - isa itong malawak na sining na binubuo ng limang mas maliliit na sining: imbensyon,
argumentasyon, pagsasaayos, pagmememorya at pagtuklas. Ang retorika ay isang disenyo ng
pagtatalumpati para manghimok.

Quintillan - ito ay sining ng magaling na pagsasalita

Kontemporaryong Retorika (19th TO 20th CENTURY)

Alexander Bain - tumatalakay sa mga paraan kung saan ang wika sa pagsulat at pasalitang pagpapahayag
ay maaaring mabisang maisagawa.

Hill, D. – ang retorika ay isang sining; ito ay nagpapahayag batay sa batas ng sining; bilang agham, ito ay
tumutuklas at nagpapatunay ayon sa batas ng agham. Samakatuwid, ang retorika ay agham ng mga
tuntunin sa mabisang diskurso.

Ayon sa mga lokal na may-akda:

Tumangan (1997) - ito ay mahalagang kaalaman sa pagpapahayag na tumutukoy sa kaakit-akit at


magandang
pagsasalita at pagsulat. Pinag-aaralan dito ang ukol sa mga tuntunin nang malinaw, mabisa,
at
kaakit-akit na pagpapahayag. Laging isaisip na nakakaakit pakinggan at basahin ang pahayag
na maayos ang pagkakabuo, pili at angkop ang mga salitang ginamit.

Badayos (2001) - ito ay isang sining ng epektibong pamimili ng wika, at ang di mapasusubaliang batayan ng
pamimili ay
ang pagkakaroon ng mga alternatibo. Ito ay susi sa mabisang pagpapahayag at nauukol sa
kaakit-akit, kaigaigaya at epektibong pagsasalita at pagsulat.

ANG RETORIKA, SAYANTIPIK AT PILOSOPIKAL NA PANANAW


(The Rhetorical act: Thinking, Speaking and Writing Critically nina
Campbell at Huxman, 2003)

Rhetor Pilosopo at Sayantista


• Ang pagtuklas at pagsubok sa katotohanan ang pinakamahalaga.
• Hindi makakalakad sa sarili niyang mga paa ang katotohanan. Kinakailangan itong ipahayag ng tao
sa kapwa.
• Hanggat maaari, kinakailangang suriin ang mga palagay sa pamamagitan ng lohika at eksperimento.
• Walang silbi ang katotohanan kung hindi ito kinikilala at tinatanggap ng lahat.

Nakapokus ang retorikal na pananaw sa katotohanan sa lipunan, ano mang uri ng katotohanan na
ginawa at sinusubukan ng mga grupo ng tao at nakakaimpluwensiya sa sosyal at politikal na
pagdedesisyon. Ang sining ng retorika ay nagsimula kay Corax ng Syracuse at sa kanyang estudyante na si
Tisias sa Gresya dahil sa pangangailangang atugunan ang suliranin ng mga mamamayan ng Gresya hinggil
sa kani-kanilang reklamo sa korte para maibalik sa kanila ang kanilang mga pag-aari. Si Homer, isang
makatang griyego na sumulat ng epikong Iliad ay tinaguriang ama ng orador.
TATLONG URI NG RETORIKA AYON KAY ARISTOTLE:

1. Panghukuman. May kinalaman sa mga nagawang kasong kriminal at ang angkop sa kaparusahan sa
krimeng ginawa, na naisasakatuparan sa pamamagitan ng mga batas ng hukuman at humahantong sa
pagkakamit ng katarungan o kawalang katarungan.

2. Pampulitika. Ang retorikang nakatuon sa mga patakarang ipinatutupad sa hinaharap na pinag-aaralan sa


sangay ng lehislatura.

3. Pang-okasyon. May kinalaman sa tao, lugar o ideya sa kasalukuyang panahon na nangyayari sa mga
espesyal na okasyon o pagtitipon para magbigay ng parangal o paratang.

Mga sangkap ng Retorika

1. Kaisipang gustong ipahayag. Ito ang pangunahing dahilang kung bakit nais nating magpahayag.
May mahalaga tayong kaisipang nais ipahayag.

2. Pagbuo ng organisasyon. Ang pagkakaroon ng lohika ay mabisang paglalahad. Ito ay


kumakatawan sa kaayusan ng pagbubuo ng pahayag.

3. Istilo ng pagpapahayag. Ito ay nagbibigay diin sa ikatlong bahagdang may kaugnayan sa istilo.
Ang anyo o kaayusang akda o komposisyon ay nakasalalay sa mga para-aparaan ng
pagpapahayag, hindi lamang sa kawastuan ng balarila kundi maging sa panitikan.

Mga kahalagahan ng maretorikang pagpapahayag:

1. kahalagahang panrelihiyon. Napahihikayat ang iyong tagapakinig na mananatili sa kanyang


paniniwala at huwag lumipat ng sasamahan.
2. kahalagahang pampanitikan. Ang mga manunulat ay may responsibilidad na palutangin ang mga
kahalagahang makatutulong sa pagpapalawak ng karanasan.
3. kahalagahang pampulitika. Marami sa ,ga matagumpay ngayon sa larangan ng pulitika ay
likhang personalidad at popularidad. Ang maretorikang pahayag ay isa sa pangunahing
puhunan upang makakumbinsi ng mga taong boboto sa isang kandidato.

Panghihikayat / Persweysyon — kakayahan ng isang tao na makaimpluwensya sa kanyang kapwa

Tatlong Uri ng Persweysyon Ayon kay Aristotle


1. Talumpating Panghukuman/ Forensic o Judicial—naglalayong patunayan ang pagiging matuwid o di
matuwid na ibinunga ng mga nakaraang pagkilos ng mga tao.

2. Pampubliko/ Deliberative—naglalayong pakilusin ang madla o hadlangan ang napipintong pagkilos ng


tao.

3. Ayon sa Okasyon/ Epideictic—ang talumpating binibigkas depende sa okasyon tulad ng sa mga lamay,
dedikasyon, atbp.

Tatlong Paraan ng Persweysyon


1. Logos—paggamit ng pangangatwirang umaapela sa isipan
2. Pathos—paggamit ng pangangatwirang umaapela sa emosyon
3. Ethos—ito ay tumutukoy sa karakter o raport na taglay ng isang mananalumpati

MGA BATAS NG RETORIKA

1. Imbensyon—tumutukoy sa malinaw na proseso ng paghahanap ng mga argumento na magagamit para


sa isang talumpati na maaaring sa paraang induktibo o deduktibo

Induktibo—pagbuo ng pangkalahatang kongklusyon mula sa partikular na linya ng pangangatwiran

Deduktibo—tumutukoy sa pangangatwiran sa pamamagitan ng paggamit ng mga analohiya o mga


impormal na anekdota

2. Pagsasaayos—proseso ng pag-oorganisa sa talumpati gayundin sa pagsasaayos o pagbabalangkas ng


bahagi ng isang talumpati ayon sa ss:

Introduksyon o panimula
Narasyon/paglalahad ng mahahalagang punto
Paghahain ng mga patunay sa kasong tinalakay
Pagpapabulaan/tunggalian
Kongklusyon

3. Istilo—proseso ng masining na pagsasatitik ng mga nadiskubre o naihanay na kaisipan o ebidensya.

4. Memorya—tumutukoy sa bahagi ng isinasaulo ang isang talumpati o mga mahahalagang punto ng isang
talumpati upang maging maayos ang pagbigkas nito sa harap ng publiko

5. Deliberasyon—tumutukoy sa aktwal na deliberasyon o pagbigkas kung saan kinokontrol ang


modyulasyon ng tinig gayundin ang paglalapat ng mga angkop na kumpas sa isang talumpati

Katangian ng Retorika

• Simbolikal. Ang mga simbolo ay kinakatawan ng mga letra, imahe o kaya’y kumpas na may
ipinararating na ideya I kaya nama’y natatagong kahulugan.

• Nagsasangkot ng mga tagapakinig. Lumalabas lamang ang paggamit ng retorika kapag nag-uusap o
nagkaroon ng intensyon ang dalawang tao na magpalitan ng impormasyon. Maaaring ang intensyon
ng retor ang magbigay ng impormasyon o manghikayat ng mga tagapakinig. Ang retor at ang mga
tagapakinig ay dapat nagkakaintindihan sa mga simbolong kanilang ginagamit. Ang wika o mga salita
ay dapat naiintindihan ng tagapakinig. Mas magkakaintindihan ang Ilokano kung ang kausap ay
kapwa Ilokano, kaysa ang Ilokano at isang Bisaya.

• Nakabatay sa panahon. Ang gumagamit nito ay nangungusap sa wika ng kasalukuyan, hindi ng bukas
o kahapon. Ang ibang sangkap ng retorika tulad nf paksa at paraan ay laging naiimpluwensyahan ng
kasalukuyang panahon.

• Mapagmalabis sa paggamit ng wika. Sa ilalim ng mga tayutay, malimit gawing bahagi ng pahayag
ang personipikasyon at hyperbole. Nilalayon nitong tumalon mula sa realidad ng mapaglarong
mundo ng imahinasyon ng awdyens. Nakadadala ng damdamin ang ganitong mga pahayag.
Nakadaragdag din ng kulay at nagbibigay ng ibayong kahulugan.
• Nagbibigay lakas/kapangyarihan. Ang kapangyarihang panlipunan ay karaniwang nakukuha mula sa
pagsasalita sa harap ng publiko. Ang mga pulitiko, pastor, negosyante, titser, at iba pang may
awtoridad ay nakaiimpluwensya ng mga tao. Sa pamamagitan ng kanilang talumpati, sermon,
salestalk at lektyur ay napasusunod, napahanga at napakikilos nila ang kanilang awdyens.

• Malikhain at analitiko. Ang konsepto ng pagiging malikhain ng isang retorika ay maipapakita ng isang
tagapagsalita kung nagagawa niyang mabigyan ng kongkretong imahe ang mga tagapakinig sa
pamamagitan lamang ng mga salita. Sa pagiging malikhain, kailangan ng isang tagapagsalita na
magkaroon ng malinaw na ugnayan sa mga tagapakinig upang maging epektibo ang komunikasyon sa
pagitan niya at ng tagapakinig. Kung may kakayahang maging malikhain ang isang tagapagsalita,
nangangahulugan itong anumang ideya ang kanyang nasasagap ay kaya rin niyang maanalisa.

• Nagsusupling ng Sining. Nagsusupling ng kaalaman ang retorika. Halimbawa, ang isang manunulat ay
nagsisimula sa isang ideya sa isipan at nagsusupling ng isang akda. Ang mambabasa naman ay
nagsisimula sa pagbabasa at nagbibinhi ng kaalaman sa kanyang isipan. Walang hangganan ang
pagsusupling at pagpapasa ng kaalaman sa pamamagitan ng retorika hanggat may nagsasalita at
nakikinig, may nagsusulat at nagbabasa.

Layunin sa Maretorikang Pagpapahayag


• Maakit ang interes ng kausap na tutok ang atensyong makinig sa sinasabi ng nagsasalita.
• Masanay sa pagsasalitang may gilas, may mapamiling kaangkupan at panlasa ang ginagamit na
salita, at kalinawan ang bigkas.
• Maliwanag na mapaintindi ang mga sinasabi
• Maikintal sa isip at damdamin ng kausap ang diwa ng sinasabi
• Maiaplay sa sarili ng tagapakinig ang nakuhang mensahe

Kakayahan sa Pagpapahayag
• Kakayahang linggwistika. Ang bawat aspektong pangwika (ponolohiya, morpolohiya at sintaksis) ay
masusing pinag-aaralan, sa gayon, ang paggamit ng wika, ang pinakainstrumento sa pagpapahayag
ay magiging matatas, masining at mabisa.
• Kakayahang komunikatibo. Bukod sa maingat, maayos at masinop na paggamit ng wika, ang
matalino, masining at masinop na paggamit ng wika, ang matalino at malikhaing pagsasabuhay nito
sa bawat sitwasyong kinalalagyan ng tao ay napangyayaring matagumpay.

Saklaw ng Retorika
• Tao/Mga tao. Tumutukoy ito sa mga tao o lipunang makikinig o di kaya’y babasa ng isinulat o
ipinahayag ng manunulat. Ang bawat ipinahahayag, oral man o berbal ay tiyak na may
patutunguhan sa tulong ng pokus ng talakay.
• Kasanayan ng manunulat. Kung walang kasanayang pansarili ang manunulat mahirap magkaroon
ng sining ang mabisang pahayag. Ang kasanayan sa pagpapahayag ay dinedebelop upang ibahagi sa
iba at hindi sarilinin.
• Wika. Ang wika ay sadyang makapangayarihan. Nagagawa nitong maging kilala at hinahangaan ang
isang tao dahil sa kagalingan nitong gamitin ang wika.
• Kultura. Malaki ang kinalaman ng kultura sa pagpapaunlad ng sinabi o ipinahayag dahil anumang
gampanin ng isang mamamayan, tuwina ito’y saklaw ng kulturang kinabibilangan. Kabilang dito ang
mga pinaniniwalaan, mga tradisyon, wika, awit at iba pa.
• Sining. Kumakatawan ito sa taglay na galing o talino ng manunulat o mananalita sa larangan ng
pagsasalita o pagsusulat. Pumapasok dito ang taglay na pagkamalikhain ng taong gumagawa ng
masining na pahayag.
• Iba pang larangan. Ngunit ang retorika ay hindi lamang eksklusibo sa larangan ng Wika. Sining,
Pilosopiya at Lipunan. Sinumang tao, saan mang larangan ay may hangaring maging mabisa sa
pagpapahayag. Sa anumang larangan, hindi maaaring hindi magsasalita o magsusulat ang mga
taong kasangkot. Samakatwid, maging sa ibang larangan, malaki ang kahalagahan ng retorika.

Kahalagahan at Kaugnayan ng Retorika at Wika sa iba pang Larangan. Mahalaga ang retorika sa pang
araw-araw na buhay ng tao dahil ito ay nagbibigay daan sa mga gawain ng tao tulad ng pakikipag-usap,
pakikipag-argumento at paghahanap ng impormasyon at kaalaman. Sa pakikipag-usap, mahalagang
sangkap ang retorika upang maipahayag nang mabuti at komprehensibo ang mga damdamin ng nag-
uusap. Mahalaga rin ito sa pakikipag-argumento dahil ito ay tanda ng pagbibigay diin sa mga puntong
nais na ipahayag. Mahalaga rin ito upang magkaroon ng maayos na pagkakaintindihan sa pagitan ng
dalawang panig na hindi magkasundo sa iisang pamamaraan o paniniwala. Higit sa lahat, ang retorika
ay mainam na instrumento sa pagkalap ng impormasyon at pamamahagi nito. Sapagkat kinakailangan
ng tao ang matuto at malinang ang pag-iisip.

"Ang kahalagahan ng retorika ay maihahalintulad sa mga sangkap o rekado sa isang putahe. Ito'y
nagbibigay lasa sa isang sulatin o sa talumpati ng tagapasalita. Nasusukat din dito ang lalim ng pag-
iisip ng isang tao. Ito'y pinag-iisipan. Napakasarap pakinggan ng mga salitang ginamitan ng retorika.
Nakaaaliw din basahin ang isang sanaysay kapag ito'y ginamitan ng retorika."- (halaw mula sa salaysay
ni Shark Shedie).

Edukasyon. Sa pamamagitan ng retorika, ang isang tao ay nagkakaroon ng pagkakataon na magbigay


ng panuto at paglalapat nito sa anumang bagay kung saan nananalamin ang mga natatagong kaalaman
nito sa isang paksa. Ang retorika ay nagbibigay rin ng daan upang maayos at mabisang malaman ang
mga dapat bagay na dapat matutunan ng isang mag-aaral at magamit ito sa pang araw-araw na
pakikipag-ugnayan sa mga kapwa mag-aaral. Ito rin ang ginagamit na "medium" ng mga guro sa
paghahatid ng mga impormasyon at kaalaman na kinakailangang malaman ng kanilang mga
estudyante.

Relihiyon. Mahalaga ang retorika sa aspetong panrelihiyon sapagkat ito ay isang salik na makatutulong
nang malaki sa pagpapalawak ng personal o biblikal na pananaw ng isang indibidwal upang magkaroon
ng kaisahan ang magkakasalungat na paniniwala ng bawat mananampalataya. Ang retorika ay
mabisang paraan sa pagsusuplay ng dahilan at pangangatwiran. Ang mga alagad ng simbahan tulad ng
mga pari ay masasabing mga retor na kinakailangang magtaglay ng malawak na pag-iisip at mabisang
pananalita upang maipahayag ng may paggalang at kabanalan sa mga sumasampalataya ang bawat
sentimiyentong biblikal na umaayon sa winika ng Panginoon na kinikilala nito.

Politika. Ang politika ay isang kumplikadong larangan na nananaghoy sa kaibuturan ng isang estado.
Kung kaya't sa mga pampolitikang pagkilos sa kontemporaryong lipunan, nangangailangan ng retorikal
na paggamit ng salita. Isang kongkretong aplikasyon ng salaysay na ito ay ang pangangampanya, sa
layuning makakalap ng boto sa darating na halalan. Sa isang kampanya, may pagkakataon ang isang
kandidato na makapagpabatid ng kanyang mga aspirasyon para sa mamamayan. Sa pamamagitan ng
paghahayag ng plataporma, natutulungan ang mamamayan kung sino ang iboboto sa araw ng eleksyon.
Sa ganitong sitwasyon, ang isang kandidato ay gumagamit ng argumento sa tulong ng retorikal na
paraan ng pagpapahayag upang maakit at maengganyo ang mga botante na suportahan ang
kandidatura nito. Sa ganitong pamamaraan, naipapakita ng isang tao, partikular sa konteksto ng isang
kandidadto, hindi lamang ang kanyang berbal na abilidad kundi maging ang kanyang angking
katalinuhan na siyang magsisilbing beneficial asset upang makamit ang kanyang mga adhikain.
Legalidad. Likas na ang paggamit ng mga teknikal na terminolohiya sa isang pagdinig. Kung kaya't
pinagtutuunan sa aspetong ito ang kahalagahan ng retorika sa mga usaping legal. Sa isang pagdinig,
mahihinuha ang tipikal na serye ng pagpapalitan ng argumento upang magawa ng isang partido o
kampo na patunayan ang akusasyon nito sa isang kampo o kaya naman ay bigyang beripikasyon ang
pagiging inosente ng isang indibidwal laban sa isang kaso na nakasampa laban dito. Sa karaniwang
pananaw, makikita ang kahalagahan ng retorika dahil dito umiiral ang katayuan ng isang kaso, ang mga
retorikal na panambitan ng isang abogado ang siyang kolektibong datos na ginagamit ng husgado
upang tiyakin ang kredibilidad ng isang kampo na siyang magiging batayan ng pasya nito sa katapusan
ng isang legal proceeding. Kadalasan, batay sa mga obserbasyon, nangingibabaw sa isang pagdinig ang
kampo na nagtataglay ng mas mahusay na abogado, marahil dahil mas detalyado at komprehensibo
ang mga salaysay na naipapaabot nito dulot ng tahasang husay sa pagsasalita.

Kultura. Ayon sa pilosopiya, ang kaugnayan ng kultura ng isang tao at ng wikang ginagamit nito ay
magkaugnay. Samakatwid, masusukat ang kultura ng tao sa kadalubhasaan niya sa paggamit ng wika.
Gayundin, mahuhulaan ang galing niya sa wika ayon sa tayog ng kanyang kultura. Subalit ito’y batay rin
sa edukasyon, panahon ng kabataan, tradisyon ng angkan, ng panrelihiyon, at ng mga paniniwala.
Alinmang wika ay ekspresyon, imbakan-hanguan ng kultura ng isang grupo ng mga tao, maliit man o
malaki, na may sarili at likas na katangian. Wika ang ekspresyon ng pagkakakilanlan ng isang kultura,
sapagkat ito ang nagbibigay-anyo rito, ang siyang nagtatakda ng pagkakaiba at identidad—ng kanyang
kaibahan sa ibang kultura.

Sosyolohiya. Ang malaking kaugnayan ng wika at sosyolohiya ay pinatutunayan ng sosyolinggwistika,


isang sangay ng pag-aaral tungkol sa wika na itinuturing na bagong larangan sa panahong ito subalit
kung tutuusi’y halos kasintanda na ng panahon. Ito ay galing sa salitang socius at linggwistika.
Ang socius ay salitang Latin na nangangahulugang interaksiyon,
pakikisalamuha, pakikibagay at pamumuhay ng tao sa kapwa tao. Dito lumilitaw ang iba’t ibang
variation ng wika mula sa isang variety. Halimbawa nito ang wikang Cebuano/Bisaya. Maraming
variation ang wikang Cebuano depende sa lugar na gumagamit nito. Iba ang Bisaya ng Cebu sa Bisaya
ng Davao at Bisaya ng Cagayan de Oro.

You might also like