You are on page 1of 3

DEPINISYON NG RETORIKA: KLASIKO AT KONTEMPORARYO

“Kahit saang may panghihimok, may Retorika. At kahit


saang may kahulugan, may panghihikayat” (K. Burke).

Ang retorika ay mula sa salitang Griyego na rhetor na ang ibig sabihin ay isang tagapagsalita sa
publiko. Samaktuwid, ang sino mang tumayo at magsalita sa harap ng publiko ay marunong magretorika. Ang
titser, newscaster, lider ng mga estudyante, lider ng mga manggagawa at iba pang organisasyon, pulitiko, pari,
at iba pang lider ng iba’t ibang relihiyon at abogado, biktima, at akusado sa korte ay gumagamit ng retorika. Ang
retorika ay isang sining o teknik ng panghihikayat na kadalasan ay sa pamamagitan ng wika. Isa ito sa tatlong
orihinal na malalayang sining (ang iba ay ang dayalektik at gramar) sa kultura ng mga kanluranin. Noong una at
medieval na panahon, ang gramar ay may kinalaman sa tamang gamit ng wika sa pamamagitan ng pagaaral at
pagsusuri ng mga akdang pampanitikan. Samantalang ang dayalektik ay may kinalaman naman sa pagsubok
at pagtuklas sa mga bagong kaalaman sa pamamagitan ng proseso ng pagtatanong at pagsagot. Ang retorika
naman ay may kinalaman sa panghihikayat sa publiko at sitwasyong pampulitika gaya ng mga asembleya at
mga hukuman. Dahil dito, umunlad o nakilala ang retorika sa mga demokratikong lipunan na may karapatan sa
malayang pamamahayag, malayang pagtitipon, at pagpapatanggap sa pagbabagong pulitikal. Ang konsepto ng
retorika ay nagkaroon ng malaking pagbabago noong 2500 taon ng kasaysayan. Ngayon ang retorika ay
inilalarawan bilang malawak na sining o kasanayan sa panghihikayat sa pamamagitan ng kahit na ano mang
anyo o sistemang simboliko, lalo na sa paggamit ng wika. Maaari itong ilarawan bilang sangkap o kagamitan sa
panghihimok sa lahat ng gawaing pantao, kasama ang simbolikong pagkilos. Ginagamit din sa kasalukuyan ang
retorika kapag gustong alamin ng sino man ang pagkakaiba ng hindi makabuluhang mga salita at mga gawa o
ang mga totoo at tamang impormasyon sa mga maling impormasyon, propaganda, at iba pang anyo ng huwad o
hindi tunay na pangangatwiran. Gayun pa man, ang retorika bilang sining ng panghihikayat ay patuloy na
gumaganap ng mahalagang papel sa kontemporaryong panahon.

Kay Badayos (2001), ang retorika ay sining ng epektibong pamimili ng wika at hindi mapasusubaliang
batayan ng pamimili ay ang pagkakaroon ng mga alternatibo. Halimbawa, kapag nagbabasa ka ng aklat na may
parehong paksa ngunit magkaiba ang sumulat, kapansin-pansin na iba ang kanilang pamamaraan ng
pagpapaliwanag dito. Maaaring iba ang ginamit nilang argumento, estilo, wika, at pagpapaliwanag sa kanilang
mambabasa. May mga manunulat na nagagawa nilang pasimplehin ang pagpapaliwanag hinggil sa paksa
sapagkat ang ginamit na wika ay pangkaraniwan lamang. Samantala, may mga manunulat na nagiging mahirap
ang pagpapaliwanag na ginawa dahil sa paggamit ng mga teknikal na salita na nagiging sanhi ng hindi
pagkaunawa ng mga mambabasa.

Ayon pa rin kay Badayos (2001), ang retorika ay susi sa mabisang pagpapahayag. Ito ay nauukol sa
kaakit-akit, kaiga-igaya, at epektibong pagsasalita at pagsulat.

Idinagdag pa niya na ang retorika ay pag-aaral kung paano mabisang makabubuo ng isang kaisipan sa
pamamagitan ng mga piling salita at wastong pag-aayaw-ayaw ng mga ito upang maiangkop sa target na
awdyens at matamo ng manunulat ang kanyang layunin.

Kung gayon, ang kaalaman sa retorika ay may mahalagang gampanin sa mabisang pagpapahayag. Ibig
sabihin, hindi sapat ang kaalamang panggramatika sa mabisang pagpapahayag, kailangan din ang kaalaman sa
retorika upang maging isang kaakit-akit at mabisang tagapagsalita o manunulat ang isang indibidwal.

Klasikong Retorika (c. 5th Century BCE to 5th Century CE)

 Para kay Plato, ito ay sining ng paghihikayat ng diwa sa pamamagitan ng diskurso.

 Sinabi naman ni Cicero na isa itong malawak na sining na binubuo ng limang mas maliliit na sining: (1-
5) imbensyon, argumentasyon, pagsasaayos, pagmememorya, at pagtuklas. Ang retorika ay isang
disenyo ng pagtatalumpati para manghimok.

 Si MARCUS FABIUS QUINTILIANUS (Quintillan) ay naniniwala naman na ito ay sining ng magaling na


pagsasalita.
 Ayon kay Socrates (350 B.C.), ang retorika ay agham ng pagpapahinuhod. Makalipas ang
dalawampung taon, binibigyang-kahulugan naman ni Aristotle ang retorika bilang kakayahan sa
pagwawari o paglilirip sa bawat pagkakataon ng ano mang paraan ng paghimok.

Kontemporaryong Retorika (19th to 20th Century)

 Ayon naman kay Richard Whatley, isang pantas sa lohika noong ika-19 na siglo, ang retorika ay ang
sining ng argyumentatibong komposisyon. Masasalamin sa mga depinisyong ito ang pananaw na
kasangkot sa retorika at ang mga estratehiyang ginagamit ng mga nagsasalita/manunulat sa tuwing
sila’y makikipagtalastasan.

 Ayon kay Day, ang retorika ay tama lamang na sabihin bilang sining ng diskurso. Ang depinisyong ito ay
nagpapakilala sa retorika bilang sining na kaiba sa agham.

 Sinabi naman ni Bain na ang retorika ay tumatalakay sa mga paraan ng paggamit sa wika sa pagsulat at
pasalitang pagpapahayag ay maaaring mabisang maisagawa.

 Para kay Hill, D., ang retorika ay isang sining; nagpapahayag ang retorika batay sa batas ng sining,
bilang agham, ito ay tumutuklas at nagpapatunay ayon sa batas ng agham. Samakatuwid, ang retorika
ay agham ng mga tuntunin sa mabisang diskurso.

 Maaaring ipaliwanag ang retorika ayon kay Hill, A.S. bilang sining ng mahusay na komunikasyon gamit
ang wika. Ito ay sining ng mga simulain na maaaring alam o hindi alam ng isang mahusay na manunulat
o tagapagsalita na sinasang-ayunan niya. Ito ay isang sining at hindi agham.

Ang Retorika, Sayantipik, at Pilosopikal na Pananaw

Ang pagtuklas at pagsubok sa katotohanan ang pinakamahalaga para sa mga sayantista. Ang pananaw
naman ng mga rhetor, hindi makapaglalakad sa sarili niyang mga paa ang katotohanan. Kinakailangan itong
ipahayag ng tao sa kapwa. At dapat itong ipaliwanag, panindigan, at ibahagi sa pamamagitan ng wika,
argumento, at panawagan. Ang sagot naman ng mga pilosopo at sayantista, hanggat maaari, kinakailangang
suriin ang mga palagay sa pamamagitan ng lohika at eksperimento. Sa katunayan, sinasabi nila na dapat nating
bigyan ng mas maraming atensyon kung paano sinusubok at ginagawa ang kongklusyon.

Ang sagot naman ng mga rhetor, walang silbi ang katotohanan kung hindi ito kinikilala at tinatanggap
ng lahat. May kinalaman ang retorikal na pananaw sa pagbibigay-pansin sa makapangyarihang paggamit sa
wika ng tao para makapagpahayag nang malinaw na ideya at may mabigat na argumento. Nililinlang ng mga
sayantista at pilosopo ang kani-kanilang sarili sa pagsasabi na hindi sila gumagamit ng maretorikang
pagpapahayag sa kanilang mga isinusulat na pahayag. Sa ibang salita, kayang kilalanin ng mga rhetor ang mga
maretorikang pagpapahayag kahit na anong uri ng diskurso, kasama na ang sayantipik at pilosopikal na
komunikasyon.

Nakapokus ang retorikal na pananaw sa katotohanan sa lipunan, ano mang uri ng katotohanan na
ginawa at sinubukan ng mga grupo ng tao at nakaiimpluwensiya sa sosyal at pulitikal na pagdedesisyon.

Ilang halimbawa ng katotohanan sa lipunan ay ang pagtaas ng bilihin, pagkakaroon ng pagbabago sa


sistema ng pamahalaan, pagluluklok ng pulitiko sa pwesto, dapat bang ituro ang sex education sa elementarya
at mabisa bang wikang panturo ang Filipino sa lahat ng aralin at marami pang iba.

Ang sining ng retorika ay nagsimula kay Corax ng Syracuse at sa kanyang estudyante na si Tisias sa
Gresya dahil sa pangangailangang matugunan ang suliranin ng mga mamamayan ng Gresya hinggil sa kani-
kanilang reklamo sa korte para maibalik sa kanila ang kanilang mga pag-aari. Si Homer, isang makatang
Griyego na sumulat ng epikong Iliad ay tinaguriang ama ng orador.

Samantala, nagbigay si Aristotle ng tatlong uri ng mapanghikayat na talumpati: forensic o


panghukuman, ang talumpati sa loob ng hukuman, na naglalayong patunayan ang katarungan o kawalang
katarungan ng isang nakalipas na pagkilos, deliberative, ang talumpati sa publiko o porum na naglalayong
magpakilos o pigilang kumilos ang awdyens, at epideictic, ang talumpati sa seremonya, na nagpapakita ng
tamang sentimyento para sa isang okasyon gaya ng paglilibing, pagpapasinaya, at pag-aalay o paghahanda.

You might also like