You are on page 1of 10

BATAYANG KAALAMAN SA PAGSULAT NG

AKADEMIKONG SULATIN

Ang pagsulat ay isa sa mga makrong kasanayan na gumagamit ng mga simbolo (mga
titik, bantas at espasyo) upang maiparating ang mga kaisipan at ideya sa isang
nababasang anyo. Manunulat ang karaniwang tawag sa mga gumagawa nito na
maaaring gumamit ng panulat/lapis (sulat-kamay) o keyboard (pag-type) upang
maipahayag ang saloobin, damdamin, at kaalaman. At mula elementarya, isa ito sa mga
pangunahing gawain at mahahalagang kasanayan na kinakailangan upang maging
matagumpay sa pakikipagkomunikasyon at pagkakaunawaan.

Ang pagsulat ay hindi natural na proseso. Upang mapagtibay at maging mahusay dito,
kailangan ng mga pagsasanay at isang malawak na hanay ng mga kasanayan. At sa
aralin na ito ay uunawain ang mga pangunahing kasanayan sa pagsulat.

Ayon kay BADAYOS (2000) ang mabisang kakayahan sa pagsulat ay sadyang mailap
sa nakararami, kahit pa ang isang akda ay sinulat sa una o pangalawang wika ng
may-akda, ngunit napag-aaralan. Ito ay patuloy na nangangailangan ng pagsasanay;
walang katapusan at may paulit-ulit na proseso, upang maabot ang mga layunin nito
(makalikha at makagawa ng maayos na sulatin na makakapagbahagi ng kaalaman at
makakakumbinsi ng ibang tao sa katotohanan o ibinibigay na opinyon). Kaya, kapag
natamo ay maituturing isang biyayang tanging pinagkaloob; isang pangangailangan, at
nakapagtatamo ng kaligayahan sa sinumang nakapagsasagawa nito (ayon kay
KELLER (1985), sa BERNALES et al. (2006)).

MGA BATAYANG KAALAMAN AT KASANAYAN SA PAGSULAT

I. Wastong Pamamaraan ng Pagsulat.


- Ito ay ang tamang paggamit ng malaki at maliit na titik (capitalization), tamang
baybay, tamang paggamit ng batas sa pagbuo ng talata, at ang masining at
obhetibong paghabi ng mga kaisipan upang makabuo ng isang epektibong
sulatin. Kaya, mainam na ang manunulat ay may:

a. Kasanayan sa Pampag-iisip. Ito ang ugnayan ng ideya, imahinasyon,


nararamdaman, saloobin, at tiyak na kilos na ngiging pundasyon at batayang
sandigan ng manunulat na nakapagpapalawak, nakapagpapalalim, at
nakapagpapatibay ng anumang ipapahayag sa sulatin. Kasama rin dito ang
kakayahang mag-analisa ng datos o impormasyon na ilalapat sa pagsulat.

b. Kasanayan sa Paghahabi ng Buong Sulatin. Ito ang kumbinasyon ng lahat ng


kasanayan pagsulat na ipinakikita ang kakayahang mailatag ang mga kaisipan at
impormasyon (mula panimula hanggang wakas) na maayos, organisado, obhetibo,
at sa masining na pamamaraan.
II. Wastong Pagbuo ng Teksto.
- Ito ay kinabibilangan ng pagpili ng tamang salita (bokabularyo) para sa kalinawan ng
sulatin at pagsasaayos nito na may panimula, gitna, at wakas. Kasama din dito ang
pagpapaliwanag ng detalye, at ang kalinawan ng pagpapahayag na maaaring sa
iba’t ibang kaparaanan o anyo, kaya dapat na may pag-unawa sa diskurso at genre.

a. Deskriptibo o Paglalarawan. Ito ay naglalayong makabuo ng malinaw na larawan


sa isip ng mambabasa o tagapakinig gamit ang nagbibigay-kulay, tunog, galaw, at iba
pang kauri nito na salita (masining na paglalarawan). Maaari din itong maisagawa sa
pagbibigay katangian sa paksa o pinag-uusapan (karaniwang paglalarawan).

Halimbawa: Ang Pilipinas ay isang bansa na binubuo ng mga kapuluan o mga


isla sa Timog Silangang Asya. Ito ay may mayaman na kalikasan kaya sa pagitan
ng Pebrero at Mayo kapag ang panahon ay mainit at tuyo, maraming dayuhan ang
bumibisita sa mga magagandang baybayin at mga lupain na may luntiang tanawin.

b. Naratibo o Pagsasalaysay. Ito ang pagkuwento ng mga magkakaugnay o


sunod-sunod na pangyayari na maaaring totoo o likhang isip ng mga sariling karanasan
o pangyayaring nabasa, nakita, napanood, napakinggan o nabalitaan.

Halimbawa: Ang bagong set-up ng pagkatuto ay isa sa mga malalaking hamon na


kinakaharap ng mga guro ngayong pandemya. Upang maipagpatuloy ang
edukasyon, kasabay ng pagpapanatili ng kaligtasan, ang mga guro ay
nagsasagawa ng mga pagpupulong online at dumadalo ng webinar ukol sa "pure
online instructions" at mga dapat isaalang-alang sa mga gabay sa pagkatuto o
modyul. Sila din ay bumibili ng laptop at nagpapakabit ng internet connection.
Isinasaayos din nila ang kanilang tahanan batay sa kinakailangang setup upang
maayos nilang maisagawa ang pagtuturo.

c. Ekspositori/Impormatibo o Paglalahad. Ito ang pagpapahayag at pagbibigay


kaalaman, kabatiran o kuro-kuro sa mga pangyayari, bagay, lugar o kapwa-tao. Ito ay
nagbibigay-linaw upang lubos na maunawaan ng may interes.

Halimbawa: Ayon sa Kagawaran ng Kalusugan, kung ikaw ay nakasalamuha ng


hinihinalang positibo sa 2019 NCOV INFECTION ay kailangang bantayan ang
iyong kalusugan mula sa unang araw na nakasalamuha ang nasabing tao na may
sintomas hanggang sa 14 na araw matapos nito. At kapag nagpakita ng isa o higit
pa ng mga sintomas: lagnat, ubo, hirap sa paghinga, sore throat, sakit ng katawan,
sakit ng ulo, pagkahilo, pagtatatae, atbp, dapat sundan at sundin ang prevention
steps.

d. Argumentatibo o Pangagatwiran. Ito ang di-mapapasubaling pagsisiwalat ng


prinsipyo o paninindigan kalakip ang mga ebidensya mula personal na karanasan,
kasaysayan, resulta ng pananaliksik o pag-aaral.

Halimbawa: Ayon sa yumaong Pangulong Manuel L. Quezon sa isa sa kanyang


talumpati, ang lakas ng isang bansa ay mabubuo lamang sa pamamagitan ng
mahusay, disiplinado at makabayang mga kababayan. Kaya ang pagtuturo ng
Good Manners and Right Conduct (GMRC) at Values Education ay hindi dapat
nawawala sa kurikulum, mula Elementarya hanggang Sekondarya - kasama ang
dalawang taon na idinagdag sa pag-aaral. Ito ay para magkaroon sila ng sapat na
pagkakataong maipakita ang kanilang buong potensyal bilang indibidwal sa
pagpapakita ng kanilang aplikasyon tungkol sa kanilang natutunan sa dalawang
nabanggit na asignatura, bilang sila (ang kabataan) ang pag-asa ng bayan.

III. Maayos na Pagpaplano at Pag-edit.

Bahagi ng proseso ng pagsulat ang maayos na pagpaplano, pagrerebisa, at pag-edit ng


gawa. Ang mga kasanayang ito ay kailangang-kailangan sa pagiging isang mahusay na
manunulat.

Ang mga sumusunod ay maaaring maging gabay o pormat sa pagsasagawa ng isang


sulatin.

BAGO SUMULAT

○ BUMUO NG KOMPREHENSIBONG PAKSA. Ito ay maaaring mula sa mga


nakalap na datos o sa iyong interes, at kailangan na kawili-wili at
napapanahon.

○ TIYAKIN ANG LAYUNIN NG PAGSULAT (BATAY SA PAKSA O SA MADLA


NG SULATIN). Ito ay maaaring maging motibasyon at gabay sa pagbuo ng
sulatin, at kailangan na may patutunguhan.

○ ILAPAT ANG NAAAYONG PARAAN NG PAGSULAT. Ito ay nakabatay sa


paksa at layunin ng pagsulat na maaaring nasa anyong naglalarawan
(Deskriptibo o Paglalarawan), nagsasalaysaysay (Naratibo o Pagsasalaysay),
naglalahad (Ekspositori/Impormatibo o Paglalahad), o nangangatwiran
(Argumentatibo o Pangangatwiran). Upang maayos na maisagawa ito,
kailangan na may sapat na pag-unawa sa diskurso at genre na kinakailangan
ng paksa o layunin.

○ MANGALAP NG KAKAILANGANING IMPORMASYON. Dapat na matiyak


na ito ay galing sa eksperto (may Awtoridad at Kredibilidad sa pagbibigay ng
ganoong uri ng impormasyon) o may akda. Matiyak din na tama ang
dokumentasyon:

Halimbawa:

"Distance Learning. Isa itong learning delivery mode kung saan nagaganap
ang interaksyon sa pagitan ng guro at ng mga mag-aaral na heograpikal na
malayo sa isa't isa habang nagtuturo. Nangangahulugan ito na ang mga aralin
ay ihahatid sa labas ng tradisyonal na face-to-face setup."
Magsambol, B. (n.d.). Fast facts: DepEd's distance learning. Rappler.
Retrieved February 7, 2022, from
https://r3.rappler.com/newsbreak/iq/262503-things-to-know-department-educat
ion-distance-learning

NOTA: Nilagyan ng panipi o quotation mark ang nakalap na impormasyon


upang ikulong ang siniping impormasyon o pahayag sa pinagkunan o
sanggunian. Kailangan ito upang maiwasan ang plagiarismo (ang
pangongopya o pang-aangkin ng ideya o gawa ng ibang tao ng walang
pahintulot). At ang istilo ng sanggunian ay American Psychological
Association (APA) na madalas na ginagamit sa akademikong pagsulat.

Narito ang iba pang mga dapat isaalang-alang sa pangangalap ng


impormasyon:

○ Katotohanan, Kawastuhan, at Katumpakan ng Impormasyon - dapat ay


mahusay na sinaliksik at may sapat na mga sanggunian (mga pagsipi,
footnote, o isang bibliograpiya) ang impormasyon o sanggunian na
magbibigay ng ebidensya sa kalidad ng impormasyon.
○ Layunin at nilalayong madla - madalas na nagbibigay impormasyon,
nanghihikayat o nagtataguyod ng impormasyon para sa tiyak na madla
(publiko o mamamayan, mga iskolar, akademikong mananaliksik, atbp.)
○ Obhetibo - walang pagkiling at may batayan na katotohanan o istatistikal na
datos.
○ Petsa ng Publikasyon at Kung ito ay Napapanahon - madalas na nasa
limang taon lamang, pero kung makasaysayan ay maaaring
katanggap-tanggap pa rin ang higit sa limang taon na impormasyon.
○ BUMUO NG BALANGKAS. Ito ang nagsisilbing pangkalahatang plano sa
pagkakasunod at pagkakahati ng kaisipan. Ang kayarian nito ay dapat na
may kaisahan, at balanse upang maipakita ang lohikal na daloy ng kaisipan
at pahayag.

Narito ang dalawang pangunahing uri ng balangkas:

● Balangkas na Papaksa - ang ideya ay inilalahad gamit ang isang salita o


parirala.

I. Panimula: Paggalang sa Guro

II. Katawan: Mga Paraan ng Paggalang sa Guro


A. Paggamit ng Po at Opo
B. Pagiging mapagpakumbaba
C. Pagrespeto sa alituntunin

III. Kongklusyon: Kabutihan ng Pagpapamalas ng Paggalang sa Guro

● Balangkas na Pangungusap - gumagamit ng pangungusap sa paglalahad


ng pangunahin at suportang ideya.

I. Panimula: Ang paggalang sa guro ay isang tungkulin ng mag-aaral.

II. Katawan: May iba't ibang kaparaanan upang maipamalas ng isang mag-aaral
ang kanyang paggalang sa guro.

A. Ang may paggalang na mag-aaral ay gumagamit ng "Po" at "Opo" sa tuwing


nakikipag-usap sa guro.

B. Ang may paggalang na mag-aaral ay mapagpakumbaba at nababatid ang


hangganan o limitasyon bilang isang mag-aaral.

C. Ang may paggalang na mag-aaral ay may respeto sa alituntunin tulad ng


pagtupad sa itinakdang oras ng pagpapasa ng gawain.

III. Kongklusyon: Ang kabutihan ng pagpapamalas ng paggalang sa guro ay


nakakatulong ang mga ito sa kaayusan ng klase, at napagtitibay ang samahan ng
guro at mag-aaral.

NOTA: Kung ang nilalaman ay hindi lamang pangunahin at suportang ideya kundi
pati ang pantulong na detalye (na maaaring gawin habang nangangalap ng
impormasyon at bumubuo ng burador) ay maaari itong ilahad sa paraan na isang
talata.

HABANG SUMULAT
- Dito naipapamalas ang pamamaraan ng pagsulat at pagbuo ng teksto/sulatin ayon
sa inaasahang/kinakailangang anyo o diskurso.

○ BUMUO NG BURADOR. Dito isinasagawa ang malayang pagdaloy ng ideya


at pagsasatitik ng kaisipan
○ Panimula (maaaring pagpapakilala sa paksa at kahalagahan nito, o
pagbibigay ng pangunahing kaisipan na nasa uring pahayag o tanong).
Inilalahad ito sa mabisang kaparaanan dahil ito ang nagsisilbing batayan ng
mambabasa kung itutuloy o hindi ang pagbasa.)

○ Gitna/Katawan (dito ang pagbibigay detalye/impormasyon, o pagpapahayag


ng pangunahing pagtalakay sa paksa). Ito ay tinitiyak na organisado, at
naglulundo ng kaisipan at damdaming nais ipahayag.

○ Wakas (nagsisilbing lagom, at maaaring mag-iwan ng mensahe sa


mambabasa). Ito ay tinitiyak na maiksi at nakakapukaw din ng atensyon
(tulad ng panimula) dahil ito ang nagsisilbing huling impresyon na mananatili
sa isipan ng mga mambabasa.
○ WASTUHIN NG BURADOR.
○ Pagrerebisa (maaaring pagdagdag o pagkaltas ng ideya)
○ Pag-eedit o pagwawasto (dito ang pagsasaayos ng kamalian sa
pagbabaybay ng mga salita, paggamit ng mga bantas, at iba pang kauri nito)

PAGKATAPOS SUMULAT

○ ISULAT ANG PINAL NA ANYO. Bago isagawa ang pinal na pagsulat,


basahing muli ang sulatin upang masigurado ang kaayusan nito

○ ILATHALA ANG SULATIN. Dito ang isinasagawa ang pagpapalaganap ng


gawa/sulatin sa target na madla (audience) na maaaring sa mga pahayagan,
social media, atbp.

At sa anumang uri o anyo ng sulatin, kailangan ang mga kasanayan na ito upang
makalikha at makagawa ng maayos na sulatin na makakapagbabahagi ng kaalaman at
makakakumbinsi ng ibang tao sa katotohanan o ibinibigay na opinyon.

IBA'T IBANG URI NG PAGSULAT O SULATIN


Ang lipunan ay mayroong iba’t ibang pangangailangang pangkaalaman. Sa pamamagitan
ng iba’t ibang sulatin ay napupunuan ang pangangailangang ito upang makapagpatuloy ang
iba’t ibang grupo ng mga tao sa mga aspektong pag-unlad maging sa kanilang mga sarili.
Ang mga sulating ito ay nagkakaiba sa kanyang gamit at sa mambabasang pinaglalaanan
nito.

1. TEKNIKAL. Ito ay isang uri ng sulatin na may partikular na paksa na


nangangailangan ng direksyon, pagtuturo, o pagpapaliwanag. Ito ay madalas na
ginagamitan ng teknikal na terminolohiya at nakatuon sa ispesipikong audience o
pangkat ng mga mambabasa. Halimbawa: Feasibility Study, User’s manual, Project
Proposal at mga Korespondensyang Pampangangalakal
2. PROPESYONAL. Tulad ng teknikal na pagsulat/sulatin, ito ay may partikular na
paksa at ginagamitan ng teknikal na terminolohiya dahil sa ang sulating ito ay ginagawa
lamang ng mga nasa tiyak na propesyon o larangan, at ang mga propesyonal lamang
ang maaaring sumulat at magsagawa nito. Bilang paghahanda, ang mga mag-aaral sa
ganitong larangan ay hinuhubog upang maging dalubhasa rito. Halimbawa: Medical
Report ng mga nars at doktor, Police report ng mga police, at Legal Forms ng mga
abogado.

3. REPERENSYAL. Ito ang uri ng sulatin na nakatuon sa pagbibigay impormasyon at


pagsusuri sa paksa. Upang maging wasto, tumpak, at makatotohanan, tinutukoy ng
manunulat ang pinaghanguan ng iba’t ibang sors o reperens gamit ang pagtatalang
parentetikal, talababa, endnotes at marami pang iba na ginamit sa sulatin. Halimbawa:
Pamanahong Papel, Disertasyon at Interbyu.

4. JORNALISTIK. Ito ay madalas na isinusulat sa iba't ibang pormat ng media upang


mag-ulat ng mga importante at detalyadong impormasyon tungkol sa mga iba't ibang
pangyayari sa loob at labas ng isang bansa. Ang mga journalist o mamamahayag ang
malimit na gumagawa nito. Halimbawa: Balita, Editoryal, at Kolum o Lathalian sa
magasin.

5. MALIKHAIN. Ito ang mga sulating nasa larangan ng literatura na anyo ng panitikan
at lumalabas sa mga hangganan ng propesyonal, jornalistik (pamamahayag), o
teknikal na pagsulat/sulatin. Maaaring ito ay di-piksyonal (batay sa katotohanan) o
piksyonal (mula sa imahinasyon ang mga pangyayari at tauhan). Halimbawa: Tula,
Dula, at Nobela.

ANG AKADEMIKONG PAGSULAT

Ang madalas na isinasagawang pagsulat sa isang akademikong institusyon ay tinatawag


na akademikong pagsulat. Ang mga sulatin dito ay isinusulat at ginagamit ng mga guro,
mag-aaral, at mga iskolar upang mapalawak ang kanilang kaalaman at mapagtibay ang
kanilang mga pahayag, kaisipan, o ideya. Sa paglilinang nito, ang guro ay nagtatakda ng
isang partikular na pagsulat at pangangailangang pampag-unlad upang makapagpahayag
ang mag-aaral ng mga impormasyon tungkol sa isang paksa ng makabuluhan at may
kapakinabangan sa sarili, pamilya, lipunan at bansa.

Bilang ito ay pagsulat na ginagawa sa akademiya, nagbibigay daan ito sa intelektuwal


na pagbabahagi ng mag-aaral ng kaniyang kaisipan o ideya bilang manunulat o
mananaliksik ukol sa isyu o paksa. Kaya ang ganitong uri ng sulatin ay nangangailangan ng
mataas na antas ng kasanayan sa pagsulat upang maging makabuluhan at may
kapakinabangan na sulatin. Upang maging epektibo at katanggap-tanggap ay hinahanguan
ito ng mga kaisipan mula sa iba't ibang sorses, perspektibo, dulog, teorya at pag-aaral. At
kapag maayos na naisagawa ay maaaring maging batayan ng marami pang pag-aaral.
Kalikasan ng Akademikong Sulatin

Makakatulong ang unang aralin sa gabay sa pampagkatuto upang maisagawa ng


mainam at maging maayos ang akademikong pagsulat. Ang mga kasanayan at proseso
sa maayos at epektibong pagsulat gamit ang masinop at sistematiko na pagtuklas at
pagbabahagi ng karanasan, obserbasyon, at impormasyon ay may malaking bagay sa
pagsusulat na ito. At ang kaibahan nito sa ibang mga sulatin ay inilalaan ang mga
sulatin sa isang madla ng iskolar (samantalang ang ibang uri ng pagsulat ay naglalayon
sa publiko), kaya ang paraan ng pagsulat ay umiikot lamang sa apat na batayang
diskurso (magsalaysay, maglarawan, maglahad, at mangatuwiran) at may mga
kalikasan ng pagsulat na dapat pakaisipin ng isang may-akda (batay kay Fulwiler at
Hayakawa (2003)):

● walang pagkiling o obhetibo;


● balanse sa paglalapat ng impormasyon;
● nasasalamin ang katotohanan sa mga datos (balido at gumagamit ng
angkop at wastong metodo); at
● may mapagtitiwalaang katibayan o ebidensya.

Ang akademikong sulatin ay madalas na nagmumula sa isa o maraming tanong at


pala-palagay na maaring galing sa guro, kahingian ng klase, o interes ng mga
mag-aaral/manunulat. Ang mga ito ay nag-uudyok para makahanap ng sagot o
makapg-usisa, at makapag simula ng isang masinop na pananaliksik o pagtuklas ng
kaalaman.

Katangian ng Akademikong Sulatin

Anu-ano ang mga katangian ng Akademikong Sulatin?

Narito ang mga katangian na kailangang maisaalang-alang sa pagsulat at pagsusuri


ng akademikong sulatin:

1. PORMAL. Hindi ito ginagamitan ng mga impormal o balbal na pananalita maliban na


lamang kung bahagi ng isang pag-aaral. Kailangan din na masunod ang istandard ng
estilo ng wika (karaniwan itong nasa ikatlong panauhan) at paraan ng pagsulat o
pagbuo ng sulatin (naglalarawan (Deskriptibo o Paglalarawan), nagsasalaysaysay
(Naratibo o Pagsasalaysay), naglalahad (Ekspositori/Impormatibo o Paglalahad), o
nangangatwiran (Argumentatibo o Pangangatwiran)).
2. OBHETIBO. Ito ay mula sa katotohanan na tiyak ang pagbibigay detalye (batay sa
datos, pag-aaral at pananaliksik) at hindi opinyon lamang.
3. MALIWANAG AT ORGANISADO.
○ Sistematiko. Isinasagawa ng may maingat na pagpaplano (mula proseso,
pagbuo, at hanggang sa pagsasaayos).
○ Diskretibo. Depende sa inaasahan at kinakailangang kaparaanan ng
pagsulat, pero ito ay madalas na detalyado at may kalidad na pagpapahayag
at paraan.
○ Malinaw. Ito ay madaling maunawaan at mabigyang-kahulugan; may
patutunguhan; at maaayos ang pagkakasalansan ng impormasyon at
paggamit ng salita.
4. MAY LOHIKAL NA DALOY. Ito ay ayon sa mga tuntunin ng pormal na argumento o
pagpapahayag ng kaisipan na ipinakikita ang kaisahan, balanse, at katuturan ng
kayarian.
5. MAY PANININDIGAN. Ito ay depende sa isinasaad na paninindigan ng manunulat
(pagdepensa, pangangatwiran, o pagpapaliwanag) at naglalaman ng pag-aaral o
mahahalagang impormasyon mula sa mga tiyak na datos at impormasyon.
6. MAY PANANAGUTAN. Bilang manunulat ay kailangan na maging responsable sa
paglalahad ng datos: totoo ang mga datos at hindi nasusumpungan sa plagiarismo
(hindi nangongopya ng impormasyon o ideya at may pagkilala sa mga sangguniang
pinaghanguan ng mga impormasyon). At sa pagbuo ng akademikong sulatin, may
pananagutan na magkaroon ng mga sumusunod (batay kina Bandril at Villanueva,
2016):

a. Komprehensibong Paksa. Kumpleto at kasama ang lahat ng kinakailangan


dahil dito nag-uumpisa at umiikot ang sulatin;

b. Angkop na Layunin. Nakatuon sa kung ano ang nais o kinakailangang


makamit na nagsisilbing gabay sa paghabi ng datos at kaisipan;

c. Gabay na Balangkas. May nagsisilbing gabay at batayan sa pagrerebisa ng


pinal na sulatin, at nakakatulong sa pagbubuo at pagsasaayos ng mga ideya sa
sunod-sunod na paraan at malinaw o lohikal na daloy.

d. Halaga ang Datos. Ito ang nagpapatatag ng paksa, layunin, at kayarian ng


sulatin upang maging katanggap-tanggap na kuhanan ng batayang kaalaman ng
mambabasa. Kailangang maging maingat sa pagsusuri at pagsisipi ng mga
gagamiting impormasyon at datos, kaya dapat na may kaalaman sa wastong
dokumentasyon (kadalasang nasa APA na pormat ang ginagamit na pagsisipi sa
akademikong sulatin);

e. Epektibong Pagsusuri at Paraan ng Pagsulat. Ito ang pagsusuri ng mga


pangunahin at gagamiting impormasyon, at ang paggamit ng wastong paraan ng
pagsulat batay sa layunin o pakay nito (impormatibo, ekspresibo, naratibo,
deskriptibo, o argumentatibo) para sa maayos na pagpapahayag at paghahabi ng
kaisipan;

f. Tugon ng Konklusyon. Taglay ng konklusyon ang pangkalahatang lagom,


paliwanag sa nais na maipahayag, o ang kasagutan sa mga itinampok na
katanungan sa isinulat na pag-aaral. Matiyak na tumpak, maiksi, at nakakapukaw
din ng atensyon dahil ito ang nagsisilbing huling impresyon na mananatili sa isipan
ng mga mambabasa.
Kahalagahan ng Akademikong Sulatin at Pagsulat Nito

Mula sa mga katangian at kalikasan ng akademikong sulatin, masasabi na tunay na


malawak ito. Ito ay nakabatay sa isang tiyak na disiplina o larangan na maaring
interdisiplinari o multidisiplinari (mula sa disiplinang siyentipiko, pilosopikal, agham,
humanistiko, at iba pa). Naglalaman din ng maraming kaalaman na madalas ay bunga ng
mga pananaliksik. Kaya, nakapagpapalawak ng kaalaman at kabatiran, nasusuri at
nawawasto ang kaisipan o hinuha, at nakapagdudulot ng kapakinabangan sa sarili, pamilya,
lipunan at bansa.

Sa pagsulat nito, natututo ang mga mag-aaral sa:

1. wastong pangangalap ng mga impormasyon at pagsasagawa ng ulat;


2. pagsusuri ng iba't ibang uri ng teksto/sulatin na magagamit;
3. paglinang ng kritikal sa pag-iisip: obhetibo na pagtalakay sa paksa, organisadong
pagbuo at pagkakaugnay ng ideya at kaisipan (Halimbawa: (a) nakatutukoy ng sanhi
at bunga, (b) nakapaghahambing, (c) nakabubuo ng konsepto, at (d) nakalulutas ng
suliranin para sa ikabubuti ng kanyang sulatin); at
4. pagiging inobatibo (nakapagsusuri at nakabubuo ng wastong konsepto mula sa
tinalakay na paksa ng mga naisagawang pag-aaral) at sa pagkakaroon ng mataas na
pagkilala sa edukasyon.

Ang mga kaalaman at kasanayang ito ay tunay na makakatulong sa pagbuo pa ng iba


pang uri ng sulatin - na kailangan bilang paghahanda sa mas malalaking hamon sa kolehiyo
at sa paghahanap buhay.

You might also like