You are on page 1of 4

Lulong

Ni Kim A. Gevila

Ang matingkad na kulay berdeng dahon ng mga puno ay nagsasayawan sa


mabining hampas ng hangin. Ang mga ibon ay nag-aawitan na wari'y kay saya.
Nasamyo niya ang halimuyak ng mga bulaklak na lalong tumingkad at
namukadkad sa init ng araw.

"Tingnan mo nga ang suot niya, parang manang."


"Oo nga parang galing pa sa kaban ng lola niya." At sabay-sabay na
nagtatawanan ang mga ito na tumutulig sa kanya at nagpakulimlim sa
kagandahan ng paligid.

Nagpatuloy siya sa paglalakad, binilisan ang kanyang mga hakbang upang


huwag ng marinig pa ang mga masasakit na panlalait sa kanya. Kahit hindi na
bago sa kanyang pandinig ang mga panlalait nila ay nasasaktan pa rin siya.
Palagi siyang pinagtatawanan sa paaralan na kanyang pinapasukan. Dahilan
sa kaiba ang kanyang ayos at pananamit sa kanila. Nagsusuot siya ng mga
damit na may mahahabang manggas, at saya na hanggang talampakan ang
taas. Walang anumang bakas ng kolorete ang kanyang inosenteng mukha.
Palagi rin niyang suot ang salamin niya sa mata at ang kanyang buhok ay laging
nakapusod. Malayong-malayo siya sa kanyang mga kaklase na halos kita na ang
kaluluwa sa iksi ng suot ng mga ito, halos hindi na rin makilala sa kapal ng
kolorete sa mukha.

Sa pagdaraan ng mga araw ay lalo siyang nahihirapan. Nariyang paglalaruan


siya kung minsan. Tampulan ng tukso. Sumidhi ang kalungkutan na kanyang
nadarama. Sumibol ang pagnanais ng puso na maging kabahagi sa kanila upang
makaramdam man lang na may kaibigan at karamay siya. Ngunit mistulang may
ketong siya na hindi nilalapitan.
Isang araw sa silid-aklatan, himalang may lumapit sa kanyang dalawang
babae. Magaganda ang mga ito maiiksi at hapit na hapit sa katawan ang damit.

"Hi, pwede bang maki-upo?"


"O-oo sige." matipid niyang tugon.
"Ako nga pala si Jessy at ito naman ang pinsan kong si Amanda."
pagpapakilala nito na may ngiting nag-aanyaya.
"A-ako si Samantha" tugon niya na may pag-aalinlangan. Maya-maya pa ay
napangiti na rin siya at magaan na nakipag-usap sa dalawang kaluluwang
nagdulot ng kakaibang ligaya sa puso niya.

Naging kaibigan niya ang dalawa. Tinuruan siya ng mga ito kung papaano
manamit, mag-ayos at humanap ng mga bagong uso sa internet. Madali naman
siyang natuto sa pasikot-sikot na paggamit ng kompyuter. Marami siyang
natuklasan at nadagdagan pang lalo ang kanyang kaalaman kung kaya naman
ay pabalik-balik siya sa internet cafe. Malaki ang pinagbago niya simula no'n.
Mistulang batang namulat sa katotohanan at sabik na sabik na tuklasin ang mga
nakatagong kahiwagaan.
Sumasabay na siya sa uso. May bumangon na kakaibang kasiyahan sa puso
niya dahil hindi na siya iba sa kanila. Ramdam niyang kabilang na siya sa mga
makabagong kabataan. Hindi na siya tampulan ng tukso, at hindi na rin siya
pinagtatawanan. Ngunit kaakibat nito ay ang pagiging alipin niya sa
teknolohiyang naging sandigan niya upang tumatag.
Unti-unting napabayaan niya ang kanyang pag-aaral dahil sa pagkahumaling
niya sa kompyuter. Hanggang umabot sa puntong humingi na siya ng laptop sa
kanyang mga magulang. Naghabi siya ng mga dahilan at kasinungalingan upang
mapagbigyan lang. Dahil dito ay mas lalong lumala ang pagkalulong niya sa
teknolohiya, nagmistulang halimaw ito na lumamon sa buong pagkatao niya.
Isang araw ay may nakilala siyang lalaki mula sa isang website na pinasukan
niya. Mas lalong naging dahilan ito ng pagkalulong niya sa teknolohiyang
nagmistulang droga na hindi niya maialis sa kanyang sistema. Sa katagalan
naging kaibigan niya ang lalaki, at isang mensahe mula rito ang kanyang
natanggap na nagpabago ng lahat. Naramdaman niya ang unang tibok ng pag-
ibig. At nagpadala siya sa silakbo ng kanyang damdamin, naging kasintahan niya
ang lalaking walang mukha at tanging sa chat lamang niya nakilala.
Gabi-gabi ay puyat siya sa pakikipag-usap kay Ryan, ang lalaking inalayan
niya ng kanyang puso. Napakalambing nito, kaya naman ay lubos na nahulog
ang kanyang damdamin at nagtiwala rito.
Mistulang yelo sa lamig ang kanyang kamay dulot ng kabang nadarama.
Hindi siya mapakali sa kinauupuan. Tanaw niya ang mga batang naglalaro at
naghahabulan sa malapad na parkeng kinaroroonan niya. Hinihintay niya si
Ryan, ngayon ang araw ng una nilang pagkikita ng personal.

"Samantha ikaw ba yan?"


Napapitlag siya sa pagkakaupo. "O-oo ako nga." halos hindi makahingang
tugon niya. Sa isip niya napakagwapo ni Ryan lalo na sa malapitan.
"Napakaganda mo talaga at napakasexy pa," parang nabatubalaning sambit
ng binata habang titig na titig sa kanya.
"Salamat, ngayon lang ako pinuri ng ganito sa buong buhay ko," namumula
ang pisnging sambit niya.
"Halika sumama ka sa'kin, may alam akong isang lugar na makakapag-usap
tayo na walang istorbo." Bigla siya nitong inakbayan, sumilay ang makamandag
nitong ngiti, habang may kislap ng panganib siyang nakikita sa mga mata nito.
Lumukob ang matinding takot sa kanyang pagkatao. Nakaramdam siya ng
kakaiba sa mga kilos at pananalita nito. Nakikinita niyang unti-unting nagkabitak-
bitak at nagbabadyang mabasag ang pinanghahawakan at binuo niyang pag-
asa, pag-asang may magmamahal sa kanya at tatanggapin siya ng hindi nilalait
at pinagtatawanan.

Namalayan na lamang niya na naroon na sila sa isang malamig na silid.


Tumutol siya sa nais nitong mangyari. Nagpambuno silang dalawa. Isang
malakas na suntok sa sikmura ang nagpagupo sa kanya. Ramdam niyang
tuluyang nabasag at nagkapira-piraso ang pag-asang iyon. Ang mga mumunting
bubog ang tumusok at nag-iwan ng sugat sa kanyang pagkatao. Ang inakalang
kaligayahan ay kapahamakan pala ang kinahantungan. Nanlaban siya ngunit
sadyang malakas ang binata, mistulang demonyong naninibasib, bumubuga ng
apoy. Tinutupok siya, winawasak ang buo niyang pagkatao. Niyanig ang kanyang
mundo. Tuluyang lumukob ang dilim at unti-unting nilunod ng karimlan ang
kanyang kamalayan.

Nagising siya sa malalim na pagkakahimlay. May sumigid na kirot sa


kanyang kaibuturan. Nanginig siya sa katotohanang sumambulat sa kanya.
Gusto niyang sumigaw. Magwala. Ngunit walang katagang lumabas sa bibig
niya. Tumulo na lamang ang masaganang luha sa kanyang mga mata. Nag-iisa
siya sa malamig na silid na iyon, puno ng pagsisisi, sugatan ang puso, wasak
ang pagkatao at kaluluwa niya. Higit sa lahat durog na durog ang binuo niyang
pag-asa.

You might also like