You are on page 1of 15

Higit 6 milyong SIM cards, nakarehistro na

MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng National Telecommunications Commission (NTC) na mahigit


na sa anim na milyong SIM cards ang nairehistro sa bansa.

Ito’y sa ikatlong araw pa lamang ng pag-iral ng implementing rules and regulations (IRR) ng SIM Card
Registration Act.

Base sa datos na inilabas ng NTC, nabatid na hanggang alas-12:00 ng tanghali kahapon ay mayroong
mahigit anim na milyong SIM cards na ang nairehistro.

Kabilang dito ang 759,532 ng DITO Telecommunity Corp.; higit 2.7 milyon ng Globe Telecom Inc.; at 2.6
milyon ng Smart Communications Inc..

Matatandaang Disyembre 27 nang simulan ang pagrerehistro ng mga SIM.

Mayroon lamang 180 araw ang mga users para irehistro ang kanilang gamit na SIM cards upang hindi
ma-deactivate ang mga ito.

Ang mga bagong SIM cards naman ay kinakailangang irehistro muna ng users bago magamit ang mga ito.
Bong Go: Mataas na presyo ng sibuyas, talupan

MANILA, Philippines — Dahil sa umano’y smuggling ng mga ani mula sa ibang bansa, sinabi ni Senator
Christopher “Bong” Go na suportado niya ang mga panawagan na imbestigahan ng Senado ang
“nakaiiyak” na pagtaas ng presyo ng mga lokal na sibuyas.

“Ako po ay sang-ayon kung kailangang imbestigahan sa Senado ‘yung nakababahalang pagtaas ng presyo
ng sibuyas,” ani Go sa ambush interview matapos niyang personal na ayudahan ang mga nasunugan sa
Parañaque City.

“Naghain na po ng resolution si Senator Imee Marcos para imbestigahan po ang pagtaas ng presyo ng
sibuyas at kung kailangan pong imbestigahan, imbestigahan natin ito sa Senado,” dagdag niya.

Sa Senate Resolution No. 350 ni Marcos, binanggit ang Administrative Circular No. 09 ng Department of
Agriculture na nagtatakda ng retail price para sa pulang sibuyas sa Metro Manila sa P170 kada kilo.

Ngunit sa kabila ng taas ng presyo, binanggit ni Marcos na patuloy na nagmamahal ang sibuyas sa mga
pampublikong pamilihan.

Samantala, binanggit ni Go ang Republic Act No. 10845, na kilala rin bilang Anti-Agricultural Smuggling
Law, kung saan maaaring parusahan ang sinumang mapatutunayang nagkasala ng economic sabotage.

Sa price monitoring ng DA, ang going rate para sa locally grown red onions noong Martes ay P500 per
kilo, tumaas ng 150% mula sa P200 noong nakaraang taon.

Sinabi ng DA noong Miyerkules na tumaas ang presyo ng sibuyas sa P600 hanggang P720 kada kilo sa
ilang pampublikong pamilihan.

Samantala, umapela si Go sa executive department na tingnan ang anumang anomalya na maaaring


mag-ambag sa pagtaas ng presyo ng mga sibuyas at iba pang bilihin na karaniwang ginagamit ng mga
Pilipino.

“Nakababahala po ito. Mahalagang walang nakalulusot na illegal smuggling ng mga sibuyas,” ani Go.
Pagpapatuloy ng mga programa ng DSWD, titiyakin ng bagong OIC

MANILA, Philippines — Tiniyak ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Officer-in-
Charge (OIC) Eduardo “Edu” Punay na sisiguruhin niya ang pagpapatuloy ng mga programa ng
departamento, kasunod nang pagkakatalaga sa kaniya bilang bagong pinuno nito.

Matatandaang si Punay, na dating reporter ng The Philippine Star, ang itinalaga bilang OIC ng DSWD
matapos na dalawang ulit na i-defer ng Commission on Appointments (COA) ang appointment ni
Secretary Erwin Tulfo, bunsod ng ilang kuwestiyon sa kanyang US citizenship at libel conviction.

Ayon kay Punay, isa sa mga tagubilin sa kanya ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ay tiyaking tuluy-tuloy at
maayos ang patakbo ng mga programa sa DSWD, na siya umano niyang gagawin.

“Talaga pong bilin ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na siguraduhin na tuluy-tuloy at
maayos ang patakbo ng mga programa namin sa DSWD na napaka-crucial specially now sa naranasan
nating pagbaha sa Visayas and Mindanao, crucial po ang role ng DSWD sa disaster response. Lalo na sa
ating relief operations,” ani Punay, sa panayam sa teleradyo.

Sa ngayon aniya ay nakapagbigay na sila ng mga relief packs at cash aid sa mahigit 91,000 Pinoy, na
apektado ng mga pagbaha sa ilang bahagi ng bansa noong Pasko.

Nilinaw naman ni Punay na ang kanyang designasyon bilang OIC ng DSWD ay pansamantala lamang, at
ginagampanan niya ito, kasabay ng kanyang mga tungkulin bilang undersecretary for special projects ng
ahensiya.

“Sabay po nating tinatrabaho ang ating duties bilang undersecretary ng special projects at ngayon ang
designation natin bilang OIC, at itong OIC lang naman designation natin, linawin natin, temporary
designation po ito until may ma-appoint na permanent secretary po ang ating pangulo,” paglilinaw pa
niya.

Dagdag pa ni Punay, sa ngayon ay hindi pa niya nakakausap si Tulfo, na kasalukuyang nasa ibang bansa.
Philippine Onion Research Institute, giit itayo

MANILA, Philippines — Sa gitna na rin ng patuloy na pagsirit ng presyo ng sibuyas na nakakaiyak na sa


mga mahihirap, isinusulong ni Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing ang pagtatayo ng Philippine
Onion Research Institute sa bansa.

Base sa pinakahuling monitoring sa merkado, ang presyo ng sibuyas ilang araw bago ang Disyembre 25 o
Pasko ay pumalo sa P450.

Ilang araw pa lamang ay nasa P500 na ang kilo ng sibuyas pero sa pinakahuling update ngayong bago
mag-Bagong Taon ay nasa P620-P630 na ito sa pamilihan.

Si Suansing ay naghain ng House Bill (HB) 1379 o ang pagtatatag ng “Philippine Onion Research
Institute”.

Ayon sa lady solon, mahalaga na mapataas ang produksyon ng sibuyas sa bansa na malaki ang
maitutulong upang mapaangat ang ekonomiya ng bansa.

Alinsunod sa HB 1379, nilalayon nito ang pagtatayo at operasyon ng isang central experiment station
kung saan gagawin ang mga pag-aaral upang maparami ang suplay ng sibuyas sa bansa.

Ang institute ay ilalagay sa ilalim ng Department of Agriculture.


Dagsa ng mga pasahero sa mga paliparan, dapat mapaghandaan

MANILA, Philippines — Pinulong ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager
Cesar Chiong ang mga kinatawan mula sa mahigit 30 airline companies na pawang mga stakeholders sa
NAIA Terminals, at siniguro sa mga ito ang direktiba para tiyaking walang abala sa paglalakbay sa
pagtatapos ng holiday.

Sinabi ni Chiong, kasama ang kanyang senior assistant general manager na si Bryan Co, ang
pangangailangang buksan ang check-in counters sa oras at posibleng mas maaga pa, para ma-
accommodate ang mga pasaherong maagang dumating para makaiwas sa traffic.

Sinabi nito, batay sa mga karaniwang advisories na inilabas ng mga airline, ang mga pasahero ay
sinasabihan na pumunta sa paliparan tatlong oras bago ang kanilang nakatakdang oras ng boarding kung
sila ay lumilipad sa internasyonal at dalawang oras para sa mga domestic travellers.

Wala naman umano itong silbi kung hindi rin magbubukas ang mga counter para ma-accommodate sila
ng maaga.

Layon nito, na maiibsan ang pagsisikip o mahabang pila ng mga pasahero sa lobby area.

Libu-libo, ang inaasahang aalis kapag natapos na ang bakasyon at dahil dito, kailangang tiyakin na ang
mga proseso ay hindi lamang episyente kundi mabilis din.
Dep. Speaker Raymond Mendoza, re-elected national president ng Veterans Sons & Daughters

MANILA, Philippines — Muling inihalal ng Veterans Federation of the Philippines Sons and Daughters
Association, Inc. (VFP-SDAI) si Deputy Speaker at TUCP Party Representative Raymond Democrito
Mendoza bilang National President nito, sa idinaos nilang national assembly kamakailan.

Samantala, si Veterans Bank’s FVP Miguel Angelo Villa-Real naman ang nahalal bilang National Executive
Vice-President ng asosasyon.

Si Mendoza ay anak ng Labor Leader at WWII veteran na si Democrito T. Mendoza habang si Villa-Real ay
apo ni dating DepEd Usec Andres C. Clemente, na isa ring WWII veteran at naging 2nd Lieutenant sa first
Battalion, Infantry, 61st Division ng Philippine Army sa Visayas.

Naitatag noong 1988, ang VFP-SDAI ay isang non-stock, non-profit, non-sectarian corporation at auxiliary
unit ng Veterans Federation of the Philippines (VFP). Ito ang National Association ng mga direct
descendants ng mga Filipino Veterans mula sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa.

Binuo ang VFP SDAI upang depensahan ang Karapatan at interes ng mga Filipino Veterans, kabilang ang
kanilang mga biyuda at mga naulilang anak.

Sa ngayon, layunin ng grupo na maitatak ang patriyotismo at pagmamahal sa bansa, sa mga miyembro
nito at sa publiko, tulad nang ipinakita ng mga kanilang mga beteranong mga magulang, na nakipaglaban
para sa kalayaan at demokrasya.

Layunin rin nitong makapagkaloob ng tulong sa negosyo at livelihood training para sa kanilang mga
miyembro.

“Our immediate aim right now is to revive the membership of the SDAI which was affected by the
pandemic. Now that events and activities are returning to pre-pandemic levels, we can now not only
resume but expand our program and projects,” ani National President Mendoza.

“During the pandemic, our activities were severely limited. Nonetheless, we were still able to pass R.A.
11597 or the revised charter of Philippine Veterans Bank (PVB), effectively increasing the Bank’s
authorized capital from P100 million to P10 billion, and now allows other veterans to own PVB shares as
defined by the law. This includes post-war veterans such as Korean & Vietnam War veterans as well as
retirees of the Armed Forces of the Philippines (AFP),” aniya pa.
500 reklamo sa SIM registration, naitala ng DICT

MANILA, Philippines — Umaabot na sa halos 500 reklamo ang natanggap ng Department of Information
and Communications Technology (DICT) hinggil sa proseso ng SIM card registration.

Ito’y sa ikalawang araw ng pagsisimula ng pagrerehistro ng mga SIM cards, sa ilalim ng SIM Card
Registration Act.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DICT Undersecretary Anna Mae Lamentillo na umaabot na sa
481 reklamo ang kanilang natanggap.

Kabilang dito ang 195 reklamo mula sa Smart users, 121 sa Globe users, 83 sa Talk ‘N Text, 41 sa DITO,
20 sa TM, 14 sa Sun Cellular at 7 sa Gomo users.

Sinabi ni Lamentillo na karaniwan naman sa reklamo ng mga ito ay ang hirap sa pagkumpleto ng
registration process at pag-access sa registration portals ng mga telecommunication companies (telcos).

Ang mga senior citizen aniya na nahirapan sa registration process ay kanilang pinaasistihan.

Umapela rin siya ng pasensiya sa publiko dahil ang unang 15-araw aniya ng pagrerehistro ay test period
pa lang naman.

“Some were senior citizens who found it difficult to accomplish the registration process, so we’ve asked
someone to assist them. Others had trouble in getting into the system, but we’re asking the public to be
a little bit patient with us since we have a 15-day test period,” aniya.
Suspension ng e-sabong, pinalawig ni Marcos

MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang patuloy na suspensyon ng
operasyon ng e-sabong sa buong bansa.

“There is an urgent need to reiterate the continued suspension of all e-sabong operations nationwide,
clarify the scope of existing regulations and direct relevant agencies to pursue aggressive crackdown
against illegal e-sabong operations, in accordance with law,” base sa Executive Order (EO) No. 9, na
nilagdaan ni Marcos noong Disyembre 28.

Kabilang sa kautusan ang suspensyon sa live streaming o broadcasting ng live cockfights sa labas ng
cockpits o cockfighting arenas o premises kung saan ginaganap ang sabong.

Sakop din ng EO ang pagbabawal sa online/remote, o off-cockpit wagering/betting sa live cockfighting


matches o activities na naka-streamed o broadcast live kahit saan lokasyon o betting platform.

Habang ang operasyon naman ng traditional cockfights na otorisado o lisensyado sa ilalim ng batas ay
hindi sakop ng suspensyon.

Iginiit naman ni Marcos, na obligasyon ng gobyerno na protektahan ang public health, morals at i-
promote ang public safety at general welfare ng taumbayan.

Inatasan din ng Pangulo ang Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) na makipag-
coordinate sa local government units (LGUs), at iba pang kaukulang ahensiya ng gobyerno at private
entities para sa implementasyon ng EO No. 9.

Inaatasan din ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at the Philippine National
Police (PNP) na ipatupad ang kautusan at gawin ang kaukulang hakbang laban sa mga lalabag dito.

Matatandaan na ipinahinto ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng e-sabong noong May
3, 2022.
China trip ni Marcos Jr., tuloy

MANILA, Philippines — Hindi maaaring ipagpaliban ang biyahe ni Pangulong Bongbong Marcos sa China
kahit na mataas ang kaso ng COVID-19 doon.

Ito ang iginiit ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary for Asian and Pacific Affairs
Nathaniel Imperial at sinabing mahalaga ang state visit ng Pangulo sa China sa susunod na linggo.

Sa pre-departure briefing sa Malakanyang, sinabi ni Imperial na importante ang ugnayang panlabas ng


Pilipinas sa China kaya hindi maaaring i-postpone ang pagbisita ng Pangulo.

Nagbigay naman umano ng katiyakan ang China na naglatag ito ng mga hakbang para masiguro ang
kaligtasan ni Pang. Marcos at kanyang delegasyon.

Subalit ayon kay Imperial, hindi makikipagkita ang Pangulo sa Filipino community sa China bilang pag-
iingat kontra COVID-19.

Binanggit din ng opisyal na kung sakaling mayroong magpositibo sa COVID sa mga miyembro ng
delegasyon, kailangan muna nitong mag-quarantine bago bumalik sa Pilipinas.

Makakasama ni Pang. Marcos sa biyahe sa China mula Enero 3 hanggang 5 si First Lady Liza Araneta-
Marcos, dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, Speaker Martin Romualdez at mga kalihim ng DFA, DTI,
DOF, DOT at DICT.

Inaasahan naman na tatalakayin ni Marcos ang buong bilateral relations ng Pilipinas sa China
mapapositibo man o sensitibong aspeto kabilang ang mga aktibidad ng China sa pinag-aagawang -
teritoryo.
Sunog sa Quiapo: 6 patay

MANILA, Philippines — Anim na katao ang natusta sa naganap na sunog na tumupok din sa nasa 50
kabahayan sa isang residential area sa Quiapo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Hindi na makilala dahil sa matinding pagkasunog ang mga biktimang nakilalang sina Cheska Celine
Perito, 12 at kakambal nitong si Cheska Camille ; ang pinsan nilang si Ronan Cyrus Cayetano, 7 at mga
magulang na sina Jofemie Porio at Rul Daniel Cayetano at Rolando Briones,63.

Nagsimula ang sunog dakong alas-2:34 ng madaling araw sa tatlong palapag na bahay na yari sa light
materials sa Arlegui St., Quiapo.

Sinasabing nasa kahimbingan ng tulog ang mga biktima nang sumiklab ang apoy. At dahil gawa sa light
materials ang bahay ay mabilis na kumalat ang sunog na naapula pagsapit ng alas- 8:10 ng umaga.

Nadamay din sa sunog ang bahagi ng barangay hall ng Brgy. 387 at daycare center nito.

Sinikap pa umanong masagip ang mga biktima subalit bigo sila dahil sa pag-collapse ng bahay na yari at
pagsabog umano ng liquified petroleum gas.

Hindi pa naglalabas ng opisyal na report ang Bureau of Fire Protection na patuloy pa sa masusing
imbestigasyon sa naganap na sunog.

Umalalay na rin ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa pangunguna ni Re Fugoso, hepe ng Manila Social
Welfare and Development para sa ipagkakaloob na pagkain at relief goods.

Ilang pamilya ng nasunugan ang tumuloy na sa kalapit na covered court.


Safe trip mo, Sagot ko’, ipatutupad ng MPT South sa Enero 1-2, 2023

MANILA, Philippines — Ipapatupad ng Metro Pacific Tollways (MPT) South ang “Safe Trip Mo, Sagot Ko,”
ang assistance program para sa mga motorista sa Enero 1-2, 2023.

Ang “Safe Trip Mo, Sagot Ko” na programa ng tulong para sa Cavitex at C5 Link ay gagawin sa
pakikipagtulungan ng Philippine Reclamation Authority (PRA) sa pamamagitan ng operating subsidiary
nito, ang PEA Tollways Corporation.

Magsisimula ang assistance program mula alas- 6:00 ng umaga ng Enero 1, 2023 hanggang alas-6:00 ng
umaga ng Enero 2, 2023,

Sa ilalim ng programa, ang towing service para sa Class I na sasakyan ay libre hanggang sa pinakamalapit
na labasan.

Ang customer service ay gagana nang 24/7, kabilang ang emergency medical service.

Ang MPT South ay magkakaroon pa ng karagdagang pwersa para tumulong sa RFID lane, ambulant
tellers sa cash lane, at traffic operations personnel.

Sususpindehin din ang mga construction work sa kahabaan ng main line maliban sa emergency repairs.
533 bagong BuCor officers, nanumpa

MANILA, Philippines — May kabuuang 533 mga bagong Correction Officers 1 ang nanumpa na sa
tungkulin sa seremonyang isinagawa sa Sunken Garden, ng New Bilibid Prison (NBP) National
Headquarters, kahapon ng umaga.

Ayon sa Bureau of Corrections (BuCor), ang 289 sa mga ito ay itatalaga sa NBP, habang 119 ang
itatalaga sa Davao Prison and Penal Farm.

Ang oathtaking ceremony ay pinangunahan ni BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang Jr.

Kasabay nito, ipinalipat na rin ng BuCor ang mga matatanda, masasakitin at disabled na person deprived
of liberty (PDLs) sa Minimum Security Compound mula sa Maximum Security Compound, kahapon ng
umaga. Ilan sa inmates ang halos hindi na makalakad kung walang alalay.
4K slots ng TNVS application, bubuksan ng LTFRB

MANILA, Philippines — Simula sa Enero 9, 2023, magbubukas ang Land Transportation Franchising and
Regulatory Board (LTFRB) ng higit sa 4,000 slots para sa aplikasyon ng transport network vehicle service
(TNVS).

Ayon sa LTFRB, nahihirapan ang mga pasahero na mag-book ng sakay dahil sa kakulangan ng TNVS units
na nasa 7,000 lamang ngayon.

Sinabi ni LTFRB technical division head Joel Bolano na ang aplikante ay dapat na kumuha ng
akreditasyon sa transportation network company (TNC).

Ang TNC naman aniya ang magsusumite ng aplikasyon sa LTFRB.

“Inuuna muna natin na ma-accredit sila ng TNC and the Board allows the TNC to help the accredited
TNVS operators or drivers to process their application,” aniya. “Ang tinitingnan ng Board dito, para
sigurado si Board na ‘yung ipa-file ni TNC are all genuine, vetted na siya.”

Pahihintulutan ng LTFRB ang mga TNCs na magkaroon ng 100 aplikasyon para sa prangkisa at hanggang
tatlong accredited vehicles kada indibidwal.

Wala naman anilang deadline para sa paghahain ng aplikasyon.

Pinadali rin naman ng LTFRB ang mga requirement para sa mga aplikante, na ang mga sasakyan ay nasa
ilalim ng installment plan.

Anang LTFRB, binuksan na rin nila ang aplikasyon para sa TNVS noong Mayo ngunit 2,000 lang sa mga ito
ang nakapasa at nakakuha ng prangkisa.
Kapitana ng Malabon inaresto sa ambush-slay sa ex-barangay chief

MANILA, Philippines — Inaresto ng mga operatiba ng pulisya ang brgy. chairwoman na itinurong nasa
likod at utak sa ambush-slay sa dating brgy. chairman ng Malabon City noong nakalipas na Mayo ng
taong ito, ayon sa Northern Police District (NPD) nitong Huwebes.

Kinilala ni NPD Director P/Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones ang suspect na si incumbent Brgy. Tonsuya,
Malabon Chairwoman Jennifer Loquez, 45, na tinukoy ng testigo na siyang mastermind sa pagpatay kay
dating Brgy. Chairman Felimon “Pilo” Villanueva, 68.

Sinabi ni Peñones na ang suspect ay inaresto bandang alas-11:50 ng umaga sa kahabaan ng Sanciangco
Street, Brgy. Catmon ng lungsod.

Sa pahayag naman ni Daro, kinumpirma nito na ang suspect ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na
inisyu ng korte matapos lumitaw sa imbestigasyon na ito ang utak sa pagpatay kay Villanueva.

Si Loquez ay isinailalim na sa kustodya ng Malabon City Police at inimpormahan na rin si Judge Josie
Rodil ng Regional Trial Court (RTC) Branch 293 sa pagkakaaresto sa target.

Magugunita na si Villanueva ay nakaupo sa harapan ng tahanan nito sa naturang siyudad noong Mayo
28 nang pagbabarilin ng riding-in-tandem na binawian ng buhay sanhi ng kumplikasyon matapos na
operahan sa tiyan sa tinamo nitong mga tama ng bala.

Samantalang dahilan si Loquez ang Number 1 sa mga Kagawad ay awtomatikong ito ang humalili sa
puwesto sa nasawing si Villanueva.
Lalaki na lumaya sa droga, balik-selda

MANILA, Philippines — Muling nagbalik sa kulungan ang isang kalalaya pa lamang na lalaki sa kaso ng
droga nang ito ay mahuli sa isang drug bust operation nitong Martes ng gabi sa Cebu City.

Kinilala ni Col. Ireneo Dalogdog, Cebu City Police Office director, ang nadakip na suspek na si Johndel
Abanid Dutallas, 22, ng A. Lopez Street sa Sitio Mahayahay, Barangay Calamba, Cebu City.

Nakabili ang operatiba ng Cebu City Police Station-6, ng shabu sa suspek at ng kapkapan nakuhanan ito
ng 43 pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu, buy-bust money at iba mga drug paraphernalia.

Ayon sa pulisya, dati ng nakulong ang suspek sa kaparehong kaso noong 2018 at nakalabas lamang ito sa
pamamagitan ng probation.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 o ilegal drugs ang suspek.

You might also like