You are on page 1of 19

PANANAPOS NA

PAGTATASA SA FILIPINO

SET A

Level Pamagat ng mga seleksyon:


Grade 1 Laro Tayo!
Grade 2 Ang Punong Narra
Grade 3 Magtulungan Tayo
Grade 4 Bote Dyaryo
Grade 5 Kapaligiran
Grade 6 Si Jose Rizal sa Dapitan
Grade 7 Digmaan
GRADE 1

LARO TAYO!
May manika si Nina.
Madumi ang manika ni Nina.
May lobo si Tina.
Asul ang lobo ni Tina. “Tara,
laro tayo,” sabi ni Nina. Naku!
Nasa taas na ang lobo!
Hala! Nasa puno na ang lobo ni Tina!
Mga Tanong:
1. Ano ang madumi ?
a. lobo
b. manika
c. puno

2. Sino ang nagsabi ng “Laro tayo!”?


a. si Dina
b. si Nina
c. si Tina

3. Saan naganap ang kuwento?


a. sa sala
b. sa kusina
c. sa bakuran

4. Ano ang naramdaman ni Tina sa katapusan ng kuwento?


a. galit
b. masaya
c. malungkot

5. Bakit kaya nasa puno na ang lobo?


a. Nilipad ang lobo.
b. Tinali ni Tina ang lobo.
c. Tinago ni Nina ang lobo.
ANG PUNONG NARRA
Naglalaro sa bakuran ang mga bata.
“Kilala mo ba ang punong ito?
Ito ang puno ng narra.” wika ni Dan.

“Oo, matigas ang kahoy nito,” sabi ni Ana.


“Hindi madaling matumba ang mga punong narra.
Iyan ang sabi ni Tatay,” wika ni Dan.

“Ginagawa pang mga mesa ang kahoy ng narra.


“Sabi yan ni Nanay,” dagdag ni Ana.
“Tara, akyat tayo sa puno”, sabi ni Dan.

“O, baka kayo mahulog!”


Mga Tanong:
1. Ano ang ginagawa ng mga bata sa kuwento?
a. umaakyat sa puno
b. naglalaro sa bakuran
c. naglalaro ng kahoy ng puno

2. Sino and nagsabing, “Matigas ang kahoy nito” ?


a. si Ana
b. si Dan
c. si Tatay

3. Bakit kaya hindi madaling matumba ang punong narra?


a. Hindi malakas ang hangin.
b. Matanda na ang puno ng narra.
c. Matibay ang kahoy ng punong narra.

4. Ano pa kaya ang ibang bagay na gawa sa narra?


a. bintana
b. kama
c. lutuan

5. Ilan ang nag-uusap sa kuwento?


a. apat
b. dalawa
c. tatlo
GRADE 3

MAGTULUNGAN TAYO
Papasok na ng paaralan ang tatlong mag-aaral. Nakita nila ang
nagkalat na mga sanga ng puno sa mahabang daan.

Katatapos lang ng malakas na bagyo at di pa nalilinis ang ilang kalsada.

Pagdating sa paaralan, gayundin ang kanilang nakita. Maputik ang


silid at madungis ang pader. Nagkalat ang mga dahon sa buong paligid.

“Halikayo,” tawag sa kanila ng mga kaklase. “Tulungan natin si Gng.


Ramos sa paglilinis.”

Mabilis na kumilos ang mga mag-aaral. Tahimik silang tinitingnan ni


Gng. Ramos.

“Maraming salamat mga bata. Natatapos agad ang gawain kung


nagtutulungan,” sabi niya.
Mga Tanong:
1. Ano ang nakita ng tatlong mag-aaral papunta sa paaralan?
Nakita nila ang .
a. malakas na bagyo
b. makalat na paligid
c. mga natumba na poste

2. Bakit marumi ang silid-aralan na nadatnan ng mga mag-aaral?


a. Matagal na walang pasok.
b. Katatapos lang dumaan ng bagyo.
c. Walang tigil ang pagkakalat ng mga mag-aaral.

3. Maputik ang silid at "madungis" ang pader.


Ang ibig sabihin ng "madungis" ay .
a. madilim
b. madumi
c. makalat

4. Anong katangian ang ipinakita ng mga mag-aaral?


Pinakita ng mag-aaral ang pagiging .
a. matalino
b. magalang
c. matulungin

5. Ano kaya ang naramdaman ng guro sa ginawa ng mga mag-aaral?


ang guro.
a. Masaya
b. Nagulat
c. Nalungkot

6. Alin sa sumusunod ang magandang pamagat ng kuwento?


a. Makalat na Paligid
b. Ang Masayang Guro
c. Pagkatapos ng Bagyo
GRADE 4

BOTE DYARYO
Kapag bakasyon, maraming bata ang nag-iisip kung paano kikita ng
pera.

Nagtitinda ng dyaryo si Luis tuwing umaga. Nilagang mais at saging


naman ang itinitinda ni Karen.

“Luis, magkano ang kinikita mo sa pagtitinda ng dyaryo?” tanong ni


Karen.

“Humigit-kumulang sa isandaang piso araw-araw,” sagot ni Luis.


“Ibinibigay ko kay Nanay ang kalahati at inihuhulog ko sa alkansya ang
natitira,” dugtong pa niya. “Ikaw, magkano ang kinikita mo?” tanong ni
Luis kay Karen.

“Katulad mo rin. Nakapagbibigay din ako kay Inay at nakapag-iipon


pa ako,” sagot ni Karen.

“Dyaryoooo! Boteee!” ang sigaw ng isang binatilyo na may tulak ng


kariton.

“Malaki rin siguro ang kinikita ng namimili ng bote at lumang


dyaryo, ano,?” tanong ni Karen. “Tiyak iyon,”sagot ni Luis.

Para sa mga batang ito, ang marangal na gawain ay dapat ipagmalaki.


Mga Tanong:
1. Ano ang ginagawa ng mga bata sa kuwento?
a. Kumakain sila ng masarap na mais at saging.
b. Naglalaro sila ng inipong mga bote at dyaryo.
c. Naghahanap sila ng pagkakakitaan ng pera.

2. Ano ang ibig sabihin ng “humigit-kumulang sa isandaang piso”?


a. tiyak ang halaga ng pera
b. kulang ang halaga ng pera
c. hindi tiyak ang halaga ng pera

3. Ano kaya ang nararamdaman ng mga magulang nina Luis at Karen?


a. Nahihiya sila.
b. Natutuwa sila.
c. Nagugulat sila.

4. Ano-anong mga salita ang masasabi tungkol kina Luis at


Karen? Sila ay .
a. malinis at matipid
b. masipag at matipid
c. magalang at matulungin

5. Alin sa sumusunod ang nagpapakitang marangal ang ginagawa


nina Karen at Luis?
a. Pinag-uusapan nila ang kita nila.
b. Ipinagmamalaki nila ang pera sa alkansya.
c. Nais nilang gumawa ng paraan para kumita ng pera.

6. Ano ang mensaheng nais iparating ng kuwento?


a. Mainam kapag nakatutulong at nakaiipon.
b. Mainam kapag nagtatrabaho habang bata pa.
c. Malaki ang kita ng namimili ng bote at dyaryo.
GRADE 5

KAPALIGIRAN
Dumaan ang habagat sa Luzon. Nagdulot ito ng pinsala sa tao.
Maraming lugar sa Maynila, Pampanga, Quezon, at Aurora ang lumubog
sa baha. Nagmistulang malaking karagatan ang mga ito. Lumutang din at
natangay ng baha ang tambak na basura. Malaking halaga ang nawala sa
libo-libong mamamayan. Maraming pananim ang nasira sanhi ng malakas
at patuloy na pag-ulan. Marami ring buhay ang nakitil. Nasira ang mga
bahay, tulay, at malalaking gusali. Isang dahilan nito ay ang pagguho ng
lupa o landslide.

Maiiwasan sana ang pagguho ng lupa sa mga kabundukan kung


isasagawa ng mga tao ang programa ng Kagawaran ng Pangangalaga sa
Kapaligiran at Likas na Yaman. Ang muling pagtatanim ng puno sa gubat o
reforestation sa mga nakalbong kabundukan ay makatutulong sa pag-iwas
ng pagguho ng lupa.

Malaki ang magagawa nating mga kabataan. Iwasan natin ang paggamit
ng mga plastik at ang pagtatapon ng basura kung saan-saan.Mag-umpisa
tayong maglinis ng paligid at magtanim ng mga puno sa mga bakanteng
lupa ng ating bakuran. Gawin itong luntian upang maging maganda ang
kapaligiran.
Mga Tanong:
1. Ano ang sanhi ng paglubog ang mga bahay at pananim?
a. Natumba ang mga puno.
b. Malakas ang hanging habagat.
c. Dumaan ang habagat sa maraming lugar.
d. Nagmistulang dagat ang maraming lugar.

2. Alin sa sumusunod ang kahulugan ng pangungusap sa kahon?

Nagmistulang malaking karagatan ang maraming lugar.

a. Maraming lugar ang lumubog sa karagatan.


b. Naging bahagi ng karagatan ang maraming lugar.
c. Malapit sa malawak na karagatan ang lugar na nabanggit.
d. Maihahambing sa karagatan ang nangyari sa maraming lugar.

3. Ano ang kasingkahulugan ng salitang nakitil sa binasang seleksyon?


a. naalanganin
b. nagkasakit
c. nagulo
d. nawala

4. Ano kaya ang sanhi ng pagguho ng lupa?


a. Walang bakod ang mga lupain.
b. Maraming mga puno ang pinuputol.
c. Kulang sa paghahanda ang mga tao.
d. Hindi agad nasabi ang pagdating ng habagat.

5. Bakit kailangang alagaan ang kapaligiran? Kailangang alagaan


ang kapaligiran upang .
a. maiwasan ang habagat
b. maiwasan ang pagbabaha
c. makatulong sa komunidad
d. maitayo ang nasirang mga bahay
6. Ano ang pangunahing ideya na tinalakay sa seleksyon?
Tinalakay sa seleksyon ang .
a. sanhi ng habagat
b. mga tinamaan ng habagat
c. pangangalaga sa habagat
d. habagat at ang mga dulot nito

7. Ano ang ginamit ng may-akda upang ipaabot ang mensahe nito?


a. Tinalakay ang bunga at solusyon ng paksa.
b. Ibinigay ang mga problema tungkol sa paksa.
c. Inilahad ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari.
d. Gumamit ng maraming halimbawa sa buong seleksyon.
GRADE 6

SI JOSE RIZAL SA DAPITAN


Si Jose Rizal ay ipinatapon sa Dapitan noong Hulyo 17, 1892.
Ginugol niya ang kanyang oras sa mga makabuluhang gawain. Ginamot niya
ang mga maysakit. Matiyaga siyang nagsaka at maingat na nagplano ng
patubigan para sa mga tanim. Nagturo rin siya ng mga samahang sibiko.
Gumawa siya ng ilang eskultura at mga drowing. Sumulat din siya ng mga
tula. Lubos siyang hinangaan at iginalang ng mga taga-Dapitan, pati na rin
ng kanilang gobernadorsilyo.

Isang araw, nagulat si Rizal nang biglang dumating sa Dapitan si Pio


Valenzuela. Ibinalita nito ang pagkakatatag ng Katipunan at ang isang
balak na paghihimagsik sa pamahalaan. Binanggit din niya ang alok na
ibibigay ni Bonifacio kay Rizal, ang liderato ng Katipunan kung sakaling
aanib ang doktor sa kilusang ito.

Biglang tumayo si Rizal at sinabi na hindi pa panahon upang


maghimagsik. “Ang binabalak ninyo ay isang kabaliwan. Kung ako ang
tatanungin, dapat itigil agad ang inyong balak habang maaga. Sabihin mo
kay Bonifacio na dinaramdam kong hindi tanggapin ang kanyang iniaalok.”
Nagpasalamat siya at sinabing, “Mayroon pang ibang mapayapang paraan
upang makamit ang minimithi nating pagbabago para sa ating bayan.”

Malungkot na umalis sa bahay ni Rizal si Pio Valenzuela.


Kinabukasan, naglakbay siyang pabalik patungo sa Maynila.
Mga Tanong:
1. Alin sa sumusunod ang unang naganap sa seleksyon?
a. Naglakbay si Valenzuela papunta sa Dapitan.
b. Nalaman ni Rizal ang balak na paghihimagsik.
c. Hindi sang-ayon si Rizal na maging lider siya.
d. Hinangaan at iginalang si Rizal ng mga tao sa Dapitan.

2. Alin sa sumusunod ang HINDI nasasaad sa seleksyon?


a. May nagdala ng balita tungkol sa Katipunan kay Rizal.
b. Napabalita sa Dapitan ang magaganap na paghihimagsik.
c. Hindi sang-ayon si Rizal sa balak ni Bonifacio para sa bayan.
d. Naging mabuti ang buhay sa Dapitan nang dumating si Rizal.

3. Ano ang kahulugan ng salitang ginugol sa pangungusap sa kahon?

Ginugol niya ang kanyang oras sa mga makabuluhang gawain

a. ibinuhos
b. inayos
c. iningatan
d. plinano

4. Ano ang kahulugan ng salitang aanib sa pangungusap sa kahon?

Ang liderato ng Katipunan ay ibibigay kay Rizal kung sakaling aanib ang
doktor sa kilusan.

a. magsisilbi
b. sasali
c. sasang-ayon
d. susuporta

5. Ano kaya ang magiging reaksyon ni Bonifacio sa desisyon ni Rizal?


a. Magagalit siya sa tagadala ng balita.
b. Ipagdiriwang nila ang desisyon ni Rizal.
c. Aayon ang Katipunan sa paniniwala ni Rizal.
d. Hindi ikatutuwa ni Bonifacio ang maririnig na balita.
6. Alin ang ibig ipakahulugan ni Rizal sa “Mayroon pang ibang mapayapang
paraan upang makamit ang minimithi nating pagbabago para sa ating
bayan.”?
a. Pangarap pa rin ang minimithing pagbabago sa bayan.
b. Makakamit din ang kapayapaan pagdating ng panahon.
c. Himagsikan ang daan para makamit ang pagbabago ng bayan.
d. Hindi lang sa himagsikan magkakaroon ng pagbabago sa bayan.

7. Ano ang ginamit ng sumulat ng seleksyon upang ipaabot ang mensahe


nito?
a. Maingat na isinalaysay ang mga pangyayari.
b. Maliwanag ang solusyong nakasaad sa seleksyon.
c. Tinalakay ang mga sanhi at bunga ng himagsikan.
d. Nailarawan ang mga tauhan at ang tagpuan sa seleksyon.

8. Alin sa sumusunod ang isa pang magandang pamagat para sa seleksyon?


a. Ang Balita kay Rizal
b. Balita ng Katipunan
c. Ang Buhay ni Rizal sa Dapitan
d. Magandang Pagbabago sa Dapitan
GRADE 7

DIGMAAN
Sa simula pa lang ng kasaysayan ng ating mundo, mayroon nang di-
pagkakasundo sa pagitan ng dalawang grupo ng tao. Anumang pag-aaway
na naglalayong sirain, talunin at pagharian ang bawat isa ay maituturing
na digmaan.

Ang digmaan, civil war, cold war o world war ay nagsisimula lamang
sa di-pagkakaunawaan sa isang maliit o hindi kaya ay malaking bagay.
Nagmimistulang bingi ang magkabilang panig sa pananaw at pangangailangan
ng bawat isa kaya’t ito ay nagbubunga sa mas matinding pag-aaway.
Ang digmaan ay nagaganap kapag ang isang grupo o bansa ay handang
makidigma, makuha lamang ang ninanais.

Ang digmaan ay maihahalintulad sa pakikipag-away ng magkaibigan;


mas malawak lamang ang bunga at mas malupit ang kinahihinatnan. Ang
away ay nagsisimula dahil may nag-umpisa at sinusundan pa ito ng
kampihan. Mayroon ding tumatangging makisangkot at nanatiling neutral.
Mayroon din kung saan higit na makikinabang ay doon papanig; at kapag
nagbago ang kapalaran ng pinapanigan at nahalatang natatalo, lilipat na
lamang sa panig ng nananalo.

Sa kasalukuyan, maraming bansa ang handang makidigma. Bagaman


walang malawakang deklarasyon ng digmaan, nakakakita tayo ng maliliit
na hidwaan na nangyayari sa loob at labas ng ating bansa. Sa gitna ng
diplomatikong pag-uusap upang mapanatili ang kapayapaan sa buong
mundo, may ilang malalakas at malalaking bansa ang naghahanda kung
sakaling sumabog ang isang malawakang digmaan. Patuloy na pinapalawak
ng maraming bansa ang military at warfare nito. Halos kalahati ng mundo
ay naglalaan ng badyet sa militarisasyon kaysa sa pangunahing
pangangailangan ng tao.
Mga Tanong:
1. Ano ang layunin ng isang digmaan?
Layunin ng isang digmaan na .
a. pagharian o talunin ang kabilang panig
b. maabot ang kapayapaan pagkatapos nito
c. manakot para mapakinggan ng kabilang panig
d. makisangkot sa mahahalagang kaganapan sa mundo

2. Paano naghahanda ang mga bansa para sa digmaan?


a. Humahanap sila ng maraming kakampi.
b. Pinapalakas nila ang bansang kaanib nila.
c. Naglalaan sila ng malaking badyet dito upang makapaghanda.
d. Pinapahalagahan nila ang pangunahing pangangailangan ng bayan.

3. Ano ang kahulugan ng pangungusap sa loob ng kahon?

Nagmimistulang bingi ang magkabilang panig sa pananaw ng bawat isa


kayat ito ay nagbubunga sa mas matinding pag-aaway.

a. Pinapakinggan lamang ang pananaw ng mga bingi.


b. Hindi mahalaga ang pananaw ng mga kakampi nila.
c. Hindi nais ng bawat panig na makinig sa pananaw ng iba.
d. Marami silang kasamang hindi sumasang-ayon sa pananaw ng iba.

4. Ano ang kahulugan ng salitang hidwaan sa sa loob ng kahon?

Nakakakita tayo ng maliliit na hidwaan na nangyayari sa loob at labas ng


ating bansa.

a. pagkatalo
b. pag-aaway
c. maliit na digmaan
d. di-pagkakaunawan
5. Ano kaya ang pinakamagandang paraan upang maiwasan ang
digmaan?
a. Humanap ng malalakas na kakampi.
b. Sumang-ayon sa nais ng kabilang panig.
c. Sikaping pakinggan ang pananaw ng ibang panig.
d. Makisangkot sa nangunguna at malalakas na bansa.

6. Ano ang pangunaking ideya na tinalakay sa seleksyon?


Tinalakay sa seleksyon ang .
a. sanhi ng digmaan
b. mga uri ng digmaan
c. solusyon sa digmaan
d. pag-iwas sa digmaan

7. Ano ang ginamit ng may-akda ng seleksyon upang ipaabot ang


mensahe
nito?
a. Tinalakay nito ang mga salot na bunga ng digmaan.
b. Maingat na pananalita at paglalarawan ang ginamit.
c. Nagbigay ito ng mahusay na paglalahad ng mga pangyayari.
d. Nagmungkahi ito ng makatotohanang solusyon para sa
problema.

8. Alin sa sumusunod ang isa pang magandang pamagat para sa


seleksyon?
a. Mga Bunga ng Digmaan
b. Maiiwasan ang Digmaan
c. Paghahanda sa Digmaan
d. Digmaan: Ano Nga Ba Ito?

You might also like