You are on page 1of 1

Kapistahan ngayon ng Pentekostes.

  Ang Pentekostes ay galing sa salitang Griego na ang ibig sabihin ay ika-


limampung araw, sapagkat ito ang ika-limampung araw pagkatapos ng muling pagkabuhay ng Panginoong
Jesukristo.  Ito ang araw na pinili ng Panginoon upang ipadala sa atin ang Banal na Espiritu.  Marahil hindi
ganoon kadaling maunawaan ang kanyang pananatili sa ating piling sapagkat una ay wala tayong malinaw na
paglalarawan sa kanya sapagkat siya ay isang "Espiritu." Di katulad ni Jesus na Anak ng Diyos na nagkatawang
tao o kaya naman ay ang Diyos Ama na Manlilikha, ang ating pagkilala sa Banal na Espiritu ay walang
kapayakan at kasiguruhan sapagkat ang mayroon lamang tayo ay ang mga simbolong matatagpuan natin sa
Banal na Kasulatan. Nariyan na ang simbolo ng hangin tulad ng ating narinig sa unang pagbasa, ang dilang
apoy na nanahan sa ulo ng mga apostol noong araw ng Pentekostes, ang tila kalapati o ibon na lumabas mula sa
langit ng mabinyagan si Jesus sa ilog ng Jordan. Ang hangin o hininga ay simbolo ng buhay. Ang apoy ay
simbolo naman ng init at ningas ng pagmamahal. Ang ibon ano kaya? Ano ang ipinahihiwatiog nito? Isang paring
misyonero na galing Ireland na nakapag-aral ng kaunting tagalog ang naupo sa kumpisalan. Sapagkat kapos ang
kanyang bokabularyong nalalaman sa Tagalog ay nagdala siya ng maliit na Tagalog-English Dictionary saka-
sakali mang meron siyang salitang hundi maintindihan. Maayos namang naidaos ang unang oras ng kumpisal.
Naintindihan niya ang mga kasalanan at nakapagbigay pa siya ng payo. Bigla na lamang may nagkumpisal ng
ganito: "Father, patawarin po ninyo ako; ako'y nagkasala. Nagnakaw po ako... yung biyenan ko minura ko... At
Father, mayroon po akong ipagtatapat: mayroon po akong "kulasisi" (kabit o babaeng kinakasma ha hindi
asawa). Biglang napaisip ang pari, "What is "kulasisi?" Binuksan niya ang kanyang pocket dictionary at tiningnan:
"Kulasisi: noun, a little bird, good for pet." Sabi ng pari: "Magaling, magaling... ilan ang kulasisi mo?" Sagot
naman ng nagulat na lalaki: "E...e.. dalawa po padre!" "Kung ganon, ibigay mo sa akin ang isa ha? Ako na ang
mag-aalaga! " Ang hirap nga naman pag di malinaw ang pag-intindi mo sa isang salita. Ang resulta: hindi
pagkakaintindihan, maling pagkaunawa, pagkakagulo, pagkakawatak-watak! At batid din naman natin na ang
"kulasisi" ay dahilan ng pagkasira ng pamilya at relasyon.  Ang biyayang dulot ng Espiritu Santo ay
pagkakaisa. Ito ang narinig natin sa unang pagbasa: "At silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at
nagsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu." Bagamat iba't ibang wika ang
ipinagkaloob sa kanila ay naiintindihan sila ng mga nakarinig sa kanila. Bakit nagkaganoon? Ang sabi ni San
Pablo sa ikalawang pagbasa: "Iba’t iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga
ito."  Ibig sabihin, ang Espiritu Santo ang nag-uugnay at dahilan ng pagkakaisa. Nakakalungkot tingnan ang
mga Kristiyanong nagbabangayan at nagsisiraan sa isa't isa. Ang mas nakakalungkot ay may mga taong
gumagamit pa ng Salita ng Diyos upang tuligsain ang kanyang kapwa. Ang dapat na epekto ng biyayang kaloob
ng Espiritu ay kapayapaan at hindi kaguluhan.  Ang hatid ng Banal na Espiritu ay KATOTOHANAN at hindi
kalituhan!  At ito ang napapanahong pangangailangan ng ating mundo, ang mabuhay sa katotohanan at hindi
kasinungalingan.  Ang ating mahal na Cardinal ay nagpapaalala sa atin na maging mapanuri at mapagmatyag
sapagkat nakararanas tayo ngayon ng "krisis ng katotohanan" dahil sa mga nagdaang pangyayari sa ating
lipunan.  Kung babasahin natin ang mga kasalukuyang pangyayari gamit ang mata ng pananampalataya ay
sasang-ayon tayo na talagang may krisis tayo sa katotohanan.  Kailangan natin ang tulong ng Banal na Espiritu! 
Ito ang pambungad na bati ni Jesus pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay.  "Pagkatapos, sila’y
hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo." Tingnan natin ang ating buhay. May
kapayapaan ba sa loob ng aking pamilya? May kapayapaan ba sa aking sarili? May kapayapaan ba sa aking
lipunan?  Kung hindi pa natin ito nararanasan ay marahil hindi pa natin hinahayaang maghari ang Espiritu sa
ating buhay. Ang Espiritu Santo ay hindi "kulasisi". Ang "kulasisi" ay sumisira, nagwawatak-watak, naghihiwalay
sa ugnayan ng pamilya. Ang Espiritu ay nag-uugnay, nagtitipon, nagbubuklod... ang dulot Niya ay
kapayapaan at pagkakaisa.  At higit sa lahat ang biyayang handog ng Espiritu Santo
ay KABANALAN.  Bagama't ang Simbahan ay binubuo ng mga taong makasalanan, ang Espiritu Santo naman
ang nagpapanatili ng Kanyag kabanalan.  Ang kabanalan ang nais ng Diyos para sa ating lahat at ito ang
katibayan na pinaghaharian Niya tayong Kanyang mga anak.  Hingin natin ang biyaya ng Banal na Espiritu upang
mapuspos tayo ng pagkakaisa, katotohanan at kabanalan.

You might also like