You are on page 1of 5

Maikling Kuwento ni Pedro S.

Dandan

Ikalawang Gantimpala, 1965-66 Carlos Palanca Memorial Awards for Literature

HINDI ba kayo ay may anino na gaya rin ng sinumang nilalang?  Nguni, hindi pa kayo nakasaksi ng
pagmamalupit ng isang anino sa kapwa anino.  Matangi kaypala sa mga unang anino sa puting tabing
na napakikilos ng pagkutantang sa nakataling mga sinulid sa nakakubling mga tau-tauhan.  Sasabihin
ninyong isa itong kabulaanan.  Hindi ninyo batid na nagngyari na iyon kay Merto: sa kanyang anino at
sa anino ng kanyang ama.  Kitang-kita niya ang sukdulang kalupitan ng nakayungyong na anino ng
kanyang ama sa kanyang nakapanglaw na anino.  At sino sa palagay ninyo ang nasawing palad? 
Walang iba maliban kay Merto na siya ring nakasaksi sa pagpapamook ng dalawang anino.

               Naging isang mahiwagang krimen sa baryo ng Kalumpang, bayan ng B, ang naturang
pangyayari.  Subali, sa paningin ng isang manunuring-isip o saykoanalista (na nakapag-impok ng
kaalaman sa mga haka ni Sigmund Freud sa kasarian at mga panaginip at sa paniniwala ni Adler na
malaki ang kinalaman ng udyok na makapangyari sa mga gawi't kilos ng tao) ay nagkaroon ng
kahayagan ang paghahamok ng dalawang anino na gaya ng nasaksihan ni Merto.  Mangyari pa na
kung magpapakalabis ang anino ng amang sa tuwina'y nagkakanlong na kasama ng katutubong mga
damdaming walang tuto sa karimlan ng di-kamalayan (di-nakakamalay na sarili), upang lubusang
mapanaigan ang kamalayan (nakakamalay na sarili), hindi na makatutulong pa ang aninong nabanggit
sa pagsupil sa katutubong mga damdaming walang tuto, kundi manapa'y sisikil at lubhang
magmamalupit sa kamalayan hanggang sa takasan ng katinuan at maisadlak sa kasawian ang isang
nilalang.

               Sapul pa sa pagkabata hanggang sa paglagay ni Merto sa magaling ay nakapanagumpay na


sa kanya ang anino ng kanyang ama, sa anumang kasiyahang maidudulot sa kanyang katawan ng
pangingibabaw sa kanyang di-kamalayan ng katutubong mga damdaming walang tuto.  Noon na
lamang anihan naging maigting sa kanya ang pakikipaghamok ng kanyang anino laban sa anino ng
kanyang ama, samantalang ibinabalik niya sa sako ang ibinilad niyang palay sa ibabaw ng daambakal
na malaon nang hindi dinaraanan ng tren.  Noon niya nadamang naghihimagsik ang kanyang anino.

               Sandaan at limang kabang palay ang nakabahagi nila sa kanilang kasama sa sandaan at
limampung inani niya mula sa dalawang ektaryang lupang ari ni Kabesang Tomas ng Burol.  Hindi
niya iniinda ang uhaw at pagod at ang nakapapasong sikat ng araw sa kanyang hubad na likod.  Bihasa
nang makitalad sa hirap ang kanyang patpating katawan, na sa tag-ani lamang nagtatamasa ng ginhawa
sa paggawa.  Bawat sakong mapapintog niya sa butil ng palay at mailulan sa karitong panghakot ay
pagpintog naman sa kanya ng pag-asam sa magiging kahati niya sa kanyang ama.  Makasisiya na sa
kanilang mag-asawa ang apatnapung kabang palay.  Sa taya niya, tatagal sa kanila ni Tentay ng
dalawang buwan ang isang kabang bigas.  Sa apatnapung kabang palay, may matitira pang
dalawampu't walo matapos maipabigas ang labindalawa.  Bigyan man niya ng anim na kabang palay
ang kanyang biyenan at hipag, mayroon pa rin silang dalawampu't dalawang maipagbibili sa panahong
mahal.

               Pagsapit sa bahay, masaya niyang isinalansan ang mga sako ng palay sa kanilang pintungang
nakabukod sa likuran ng bahay.  Nakaharap ang kanyang ama at isa-isang binibilang ang bawat
namumutok na sakong maipasok niya sa pintungan.  Nang aapartnapung kaban na ang nalalabi sa
kanyang nila'y humihingal na itnigil niya ang pagsasampa.  Pumanhik siya sa batalan at kumadlo ng
tubig sa bangang inuminan.  Sa pag-inom ay wari bang mababasag sa kanyang lalamunan ang
namumuong kahilingang makabahagi siya ng apatnapung kaban sa sandaan at limang nasa pagmamay-
aring lubusan ng matanda.  Atubili man ay nakadulog din siya sa kanyang ama.  Nguni, nang sipatin
siya sa mukha'y parang nahulaan nito ang kanyang saloobin.  Hindi pa man siya nakapangungusap ay
tumudla na sa kanyang dibdib ang mahayap na tinig:
               "Pagkasiyahin n'yo, Merto, sa santaon ang labinlimang kaban!  May pagkakautang pa tayo
na kailangang bayaran.  Sandaan at limampu pa sa Facoma.  At may animnapung piso pa sa
tindahan ..."

               Opo, Tatang!  Opo, Tatang!

               Bumaling siya sa sako ng palay at iniatang niya sa kanyang balikat ang isang dulo.  Nguni,
napalugmok siya sa panlulupaypay.  Noon niya kauna-unahang nakita ang kanyang anino at ang anino
ng kanyang ama.  Kapwa yaon nakatapon sa lupa -- ang kanyang anino na nakagulapay at tinatapakan
sa likod ng naghuhumindig at yumuyunyong na anino ng kanyang ama.

               Isinilang si Merto na gaya rin ng ibang sanggol, malusog at walang sala sa katawan; nguni't
maagang kinamatayan ng ina.  Isa siyang malikot na bata sa kamusmusan.  Bihasa siyang magtanggol
sa sarili o makipag-away upang makagitaw sa paligid na kanyang ginagalawan.  Nguni, malabis ang
pagsansala at kabagsikan ng kanyang tatang.  Palagi itong may nakahandang pamalo sa isang
pagkakamali niya.  Gayon ang kanyang ama sa paghutok sa mga anak, upang umano'y hindi sila
maging suliranin sa tahanan at sa nayong kinamulatan.  Tama rin naman ang kanyang tatang. 
Datapwa, hindi iyon nakapigil sa kanyang mga karahasan ...

               May ilang buwang nagkasakit siya ng ite at galis.  Ikinalanta iyon ng kanyang pagbulas.  At
sumailalim siya sa bigat ng paghutok ng kanyang ama.  Hindi na siya nakaigkas sa tahasang pagkasupil
ng angking karahasan.

               "Napakaulit mo kasi, Merto.  Hayan, pinarusahan ka tuloy ng Diyos.  Mabuti't itinulot pa
Niyang gumaling ka.  Tingnan mo ang nangyari sa katawan mo, ginalis at namalikaskas ang balat. 
Pati mga tadyang mo'y umusli!"

               Nalirip niya ang kahayagan ng sinabi ng kanyang ama.  Inalihan siya ng takot sa Diyos, sa
bigat ng parusang ipinapataw ng Panginoon sa isang nilikhang sumusuway sa mga ipinag-uutos ng
magulang.  Hindi na siya ang dating si Merto, isa na siyang labi ng dating sariling malusog at malakas. 
Hindi na niya magagapi sina Aryong, Gusting, Kikoy at Tibo sa luksong-palyos, batakang-lubid, buno,
sumping o sa pagtalong una ang ulo sa ilog mula sa ituktok ng talampas na pantay-kawayan...

               Naantala man ang kanyang pagsibol ay sumapit din siya sa pagbibinata.  Nguni, malaki ang
ibinait niya at ikinaging kimi sa babae, hanggang sa tumanda siyang binata at makapag-asawa ang apat
niyang kapatid na lalaki at maiwan sila ng kanyang kaisa-isang kapatid na babaing kulang-kulang sa
piling ng kanilang ama.  Waring kinupasan na siya o hindi pa man kinukupasan ay naapula na sa kanya
ang alab ng pagnanasa ng isang kasibulan.  Ikinatakot niya ang ngalang pamimintuho sa kadalagahan
ng Kalumpang.  Tila sinusurot siya sa mukha kung natatangay ng tuksong pagpasasaan ng paningin
ang mapuputi at namimilog na binti ng dalaga ni Ba Ige, ang lantik ng baywang ni Ines na tukod ng
ganda sa Tiaong o ang namumutok na dibdib ng makabagong si Dely, ang kaisa-isang anak ni
Tininteng Itong, na nag-aaral ng medisina sa Maynila.

               Noong animnapu't lima na ang kanyang ama, sapagka't hindi na makalusong sa bukid lalo na
at kumikirot ang rayuma o sumasakit ang gulugod, ay naging mapiliit ang kanyang kuya upang ihanap
siya ng magiging kabiyak.  Isang gabing inaayos niya sa silong ang nakalas na taling yantok ng salakab
ng kanyang kuya ay inungkat sa kanya ang tungkol sa pag-aasawa.

               "Nagawi ka pala kina Aling Gare sa Losan," bukas nito at saka naupo sa karetang nakasilong
sa takyap na sinusunong ng tukod ng bintana.

               "Tinulungan kong magkumpuni ng bubong.  Kawawa naman ang mag-iina.  Sapul nang
mamatay si Mang Kulas ay wala na silang nakakawaksing lalaki.  Kung umulan ay maaari silang
matuluan." tugon ni Merto ...

               "Ganyan nga, nang wala namang maisurot sa 'tin ang ating mga kanayon.  Gayon din lang,
Merto, kung ako sa 'yo'y lulubus-lubusin ko na.  Magkabagay naman kayo ni Tentay na matandang
dalaga ng nasirang Kulas, a."
               "Sa palagay mo kaya, Kuya, maibigan pa 'ko ng babae?"  Pagsukat sa sariling naitanong
niya.

               "Nangurong ka na naman ... Ako ang bahala, ako ang liligaw para sa 'yo.  Lalong madali ang
matandaan.  Hindi ako matatanggihan ni Aling Gare!"  Nakatitiyak wari na usong ng kanyang kuya.

               "Pero, si Ta ..."

               "Gusto nga ng Tatang na mag-kaasawa ka na.  Hindi ka lang maibunsod nang tuwiran, baka
nga naman wikain mong pinagsasawaan ka."

               Inakala niyang nagkatimbang ang bigat na pumataw sa kanyang magkabilang balikat sa
pagkapag-asawa niya kay Tentay, yayamang ang dating bigat na dinadala niya sa kanan ay natumbasan
ng naatang naman sa kaliwa.  Nguni, lalong nakapanaig sa kanyang di-kamalayan ang anino ng
kanyang ama, sa pagtining sa kanya ng kalagayan ng kanyang biyenan at hipag.  May asawa man siya
at nararapat nang magsarili ay sa bahay pa rin siya ng kanyang ama't kapatid na babae nakasuno.  Ang
labas at loob niyon ay pinalagyan ng matanda ng partisyon sa pagitan.  Ang labas ang iniukol sa kanila
ni Tentay.  Bagama't magkasalo ang buong sambahayan tuwing dudulog sa hapag, malimit na sa bawat
pag-aangat niya ng isusubong kanin ay sumasagi sa kanya ang katanungan kung nakaraos na rin ang
kanyang biyenan, ang kanyang hipag.

               Ang anihan at ang pagdadalang-tao ni Tentay hanggang sa maging kagampan ito ay
nagmulat sa kanya sa kahayagan ng isang pagkakahawig:  Kapanabay ng pag-ani ng inihasik niyang
binhi sa lupa ang pag-aani naman niya ng inihasik niyang pag-ibig sa malusog na sinapupunan ng
kanyang asawa.  Mauunawaan na kaypala ng kanyang ama ang kahulugan ng pagsasarili alang-alang
sa iluluwal na kauna-unahang apo nito sa kanya.  Maaari nga bang hindi sumahagap iyon ng matanda,
samantalang kasang-ayon naman ito sa paglagay niya sa panatag?  Subali, napipigil din ang kanyang
ama ng bagay na ipinasasaka lamang sa kanila ang dalawanag ektaryang lupa, bukod sa di-maliwag na
pagtutol ng kanyang mga kapatid na umaasang siya ang nahuling nag-asawa at makatitingin na sa
kanilang kaisa-isang magulang.  Kung siya na sana ang pinaiiyahan sa mga suliranin sa pamumuhay na
halos siya ang nangangatawan.  Kung siya na nga sana ... siya na nga sana ... Marahil, taas-noong
mahahagkan niya ang sanggol na hindi malalaon at isisilang ... Isusulang na gaya ng pagsilang sa kanya
ng lakas ng bagong pagkalalaking nagpapahumindig sa kanyang lupaypay na anino upang
maghimagsik sa yumuyunyong pa ring anino ng kanyang ama ...

               Tila nga nasususian ang kanyang bibig tuwing tatangkain niyang ipagtapat sa kanyang ama
ang balak niyang magsarili.  Bumilang ng mga sandali, ng mabagal na paghahalili ng araw at gabi, ng
balisang pag-usad ng mga linggo, bago nabuo ang kanyang loob.  Isang mahalumigmig na hapon ng
Disyembre, samantalang nagbabayo siya ng palay na isasaing at nagkakayas naman ng kawayang
pansahig ang kanyang tatang, ay nagkatinig din ang kanyang kahilingan.

               "Ta-tang ..." paputol niyang sambitla nang makuha niyang magsimula.

               Napasulyap sa kanya ang matanda at saglit na ibinaba ang kinikinis na pansahig.

               "Me kailangan ka ba, Merto?"

               "Siyanga po sana, e ..."

               "Tungkol ba sa iuulam mamaya?"

               "Hindi po, tatang.  Meron pa po namang talangka at susong natira sa 'king nahuli kahapon." 
Lumunok siya.  "Ganire po, tatang ... Ma-magiging tatlo na po kami sa ... sa buwang ito .. Hi-hindi po
ba n'yo ikagagalit kung hilingin kong ... ma-magkaroon na ng ... ng sarili?"

               Tumigil siMang Berong sa pagkakayas at itinusok ang gulok sa lupa.  Nag-angat ng mukha
at minasdan ang anak.  Kinabahan si Merto.

               "Bahay ba, anak, o saka?"


               "Pa-pareho po sa-sana, Tatang ..." bahagya nang namulas sa kanyang mga labi. 

               Namula ang mukha ng kanyang tatang at lumitaw ang mga ugat sa pilipisan.

               "Merto, huwag mo 'kong piliting magalit!  Da-dalawampung taon nang di ko nahihipo ang
latikong nakasabit sa likod ng haligi.  Ako ang magsasabi kung kailan ka makapagsasarili! ... Ako ..."

               "Opo, Tatang , opo!  Pero, kung may sarili na po kami'y makakikilos ako nang malaya,
makapananagot sa sariling pasanin, makatutulong sa 'king biyenan, sa hipag.  Matututo 'kong mabuhay
... mabuhay ... mabuhay ... nang hindi na sa lilim ng inyong mga pakpak ... Hindi na!  ... Hindi na! ..."

               Sumasaloob niya habang ubos-lakas niyang binabayo ang lusong upang mapalitaw sa ipa ang
mga butil ng bigas.

               Sapul noon, naalipin si Merto ng pagkabagabag.  Sa halip na kasabikan ay bumalisa sa kanya
ang tanging araw na siya'y magiging isa nang ama.

               Waring ang nakalulunos na daing at halinghing ng nanganganay na asawa ay sumusukat sa


kanyang pagkatao.

               Ikaw ba ang aking aswawa?  Ikaw ba?  Ni hindi mo 'ko naitawag ng hilot, ni hindi ka
makahingi sa 'yong ama ng halagang pambayad sa pagpapaanak sa 'kin!  Merto, asawa ko?  Ikaw ba?
Ikaw?  Salamat at nadamayan tayo ni Inang ... Salamat at di niya 'ko pinabayaan.

               Waring pati sa sanggol ay ikinahihiya niya ang kawalan ng lakas at paninindigan sa
katuwiran.  Waring ang matinis na pag-uha niyon ay isang pagsumbat sa kanyang pagkalalaki.

               Ama ko!  Ama ko!  Ikaw ba ang aking ama?  Ikaw ba?  Ikaw ...

               Tatlong gabing singkad na hindi siya dinalaw ng antok, pilitin man niyang pumikit.  Hindi
siya makatingin sa kanyang biyenan at hipag.  Hindi niya matitgan ang kanyang anak na kasisilang.
Iniiwasan niya ang mga tingin ng kanyang asawa kung siya ang nagdudulot ng lugaw at kaputol na
tuyo sa nakaratay.  Nanghapdi at namula ang kanyang mga mata sa puyat.  Sumakit ang kanyang ulo
na waring binabalibol.

               Naisipan niyang magsibak ng kahoy nang ibabala ng kanilang matandang orasan ang
hatinggabi upang kung mahapo'y hilahin siya ng antok.  Kung makatipon siya nga panggatong, lihim
siyang magbibigkis ng maaari niyang ipagbili sa bayan upang maipangtakip sa mga nagugol sa
panganganak bilang kahustuhang bayad sa manggagamot.  Pumanaog siya at kinuha sa silong ang
palakol na nakasandal sa matong.  Pinagulong niya ang putol ng troso sa maputlang liwanag ng pingot
na buwan.  Sinipat ang panig na madaling sibakin.  Nguni't bago niya ibinagsak ang unang paghataw
ay tiningala niya ang humuhuning kuwago sa punong bulak, na saglit na nagpapangalisag sa kanyang
mga balahibo.

               Nang iilan na ang trosong nalalabi sa tinitipak niya ay naramdaman niya na parang sa
kanyang dibdib bumabaon ang talim ng palakol, parang bumibiyak sa kanyang sarili:  sa balak niyang
mailingid sa kanyang tatang ang pagbibili sa mga bigkis-bigkis na kahoy:  Hindi niya sarili ang putol-
putol na troso.  Iyon ang punong akasyang itinanim ng kanyang tatang.  Pero, hindi ito papayag. 
Idadahilan na naman ang kanyang mga kapatid, ang pangangailangan ng panggatong ng mag-anak sa
buong santaon.

               Dadagundong ang tinig ng matanda:

               "Merto, ako ang magpapasiya kung kailangang magbili tayo ng panggatong!  Ako!  Hindi
mo pa ari ang trosong 'yan ... Magagalit sa 'yo ang Diyos!  Ang Diyos ..."

               Hindi niya namamalayan na napatigil ang paghataw niya sa troso.  Naitukod niya ang palakol
sa lupa, naitaas ang isang paa sa troso at nawala ang kanyang mga mata sa kanyang aninong itinapon
ng liwanag ng pingot na buwan sa nakaumbok na malaking ugat ng punong sampalok.  Muling
umalingawngaw sa katahimikan ng madaling-araw ang huni ng kuwagong nakaupo sa isang tuyong
sanga ng bulak.  Sinabayan iyon ng paglungoy ng isang asong payat na naligaw sa kanilang bakuran. 
Napailing si Merto, napapilig ...

               Lubhang nakapanaig na sa kanyang pagkatao ang pakikipaghamok ng kanyang anino laban
sa anino ng kanyang ama.  Hapung-hapo na sa pagkakapangaw ang kanyang anino.  Nakaluhod,
nakadaop ang malaking kapreng nakayunyong:

               Diyan ka!  Diyan ka!  Huwag kang kikilos!  Huwag!

               Napalugmok sa hirap ang kanyang anino.  Itinago ang mukha sa mga palad at tumangis.

               Yumuko ang anino ng kanyang ama.  Kinalagan muna ang kanyang anino sa pagkapangaw. 
Dinampot ang dalawang putol na lubid na pambigkis.  Mahigpit na pinagbuhol ang magkabilang
dulo.  Binatak-batak.

               Nang matiyak na hindi na maaaring malagot iyon sa bigat na magpapaigting sa bawa't pili ay
lumikha ng silo ang anino ng kanyang ama.  Isang silong dahan-dahang isinuot sa ulo ng kanyang
aninong hindi nakatutol sa pagsangga sa lubid sa magkabilang balikat at unti-unting pagkaigot ...

               Umunat ang likod ng anino ng kanyang ama, itinulak ng isang paa ang kaputol na troso at
doon pinatuntong ang kanyang anino.  Hawak pa rin ang isang dulo ay isinampay ang lubid sa isang
malaking sanga ng punong sampalok at itinali.  Mahigpit na mahigpit.  At saka biglang itinulak ang
kanyang aninong nabulid sa kinatatayuang troso at bumitin-bitin sa alanganin, kasabay ng pagkabuwal
ng palakol sa talaksan ng mga panggatong at ng kalunus-lunos na paglungoy ng asong payat na
nakakanlong sa sagingan, na ikinabulabog ng kuwagong pumagaspas ang mga pakpak at naglaho sa
karimlang lumatag sa papawirin nang lamunin ng namumuong ulap ang pingot na buwan.--#

You might also like