You are on page 1of 7

Gerona Junior College, Inc

College Department
Malikhaing Pagsulat

III-BSEd Filipino
Abril 12, 2023
“17 NA SI FELIX”
Sa Panulat ni: Galang Kaluluwa

UMALINGAWNGAW ANG MALAKAS NA PALAHAW NI MARTHA SA BUONG KALYE


CHRYSANTHEMUM. Hindi na niya alintana ang dumi at alikabok mula sa kalsada na humahalik sa
suot niyang daster nang bumagsak ang mga tuhod sa sementadong daan. Walang patid ang
pagdaloy ng luha mula sa kaniyang mga mugtong mata. Makailang beses din siyang napamura, at
napapasuntok na lamang sa hangin dahil sa labis na sakit na nadarama. May ilang nakikiusyoso sa
pangyayari na may dala pang kani-kaniyang mga camera para lamang makuhanan ang trahedyang
naganap saka i-po-post sa social media para may mapag-usapan kahit ang pinakalayunin nila ay
makakuha ng maraming likes at views. Ang ilan naman ay nakikisimpatya na tila kilalang-kilala nila
si Martha at ang binatang kalong-kalong ng ale.

“Dapat makita ng FB friends ko ito.”

“Kaawa-awang bata, guwapo pa naman.”

“Naku, baka naman nahulihan ng droga ‘yan.”

“Droga? Eh, ang pagkakaalam ko, mabait ang batang ‘yan.”

Bilog na bilog ang buwan. Nagdurugo ang pisngi nito habang nagtatago sa mga ulap na para
bang nahihiya sa mga nilalang na naninirahan sa ibabaw ng lupa. Alas otso pa lamang ng gabi
ngunit heto, ang lahat ay nagitla at napabalikwas sa kani-kanilang mga tahanan nang marinig ang
sunod-sunod na putok ng baril. Nagkumpol-kumpulan ang mga tao sa insidente nang
maramdamang humupa na ang tensiyon. Bumungad sa kanila ang kapitbahay na si Martha na
pumapalahaw na sa iyak, karga ang anak nitong si Felix. Malayang humihiwalay ang pulang
likidong inilalabas ng katawan ng binata na sinasalo naman ng kalsadang ilang beses nang naging
saksi sa mga trahedyang naganap at sa kasaysayan ng kanilang lugar. Wala nang buhay ang binata.
Hindi na makakasama ng ale ang kanilang bunso.

Ang bawat isa ay nakaramdam ng takot at pangamba, at pagtataka sa motibo ng pamamaril.


Ang alam lamang nila na sa panahon nila ngayon, ang mga adik ang hinuhuli o hindi kaya’y
pinapatay kung manlalaban sa awtoridad. Nasa ganoon pa ring eksena ang mga tao na tila may
shooting ng mga artista para sa isang teleserye ngunit sa totoo ay isang shoot to kill ang naganap
nang magtungo sa pinangyarihan ng insidente si Kagawad Domeng upang tangkaing usisain ang
pangyayari. Wala ang kasalukuyan nilang Kapitan na si Lorenzo sa kadahilanang ipinagdiriwang
nito ang kaniyang ikalimampung kaarawan sa Maynila kasama ang iba pang opisyales ng barangay
kahit na katatapos lamang maminsala sa kanilang bayan ang Bagyong Rodrigo, at nangangailangan
pa ng suportang pinansyal ang ilan nilang ka-barangay na labis na naapektuhan ng bagyo. Naiwan
1|P a h i n a
naman si Domeng at pansamantalang humalili sa mga kasamahan dahil pinangakuan naman
siyang bibigyan ng pasalubong at dagdag na sahod sa pagbabalik ng kapitan sa susunod na linggo.

Nanginginig si Domeng nang makitang naliligo sa dugo ang binata. Sinusubukan niyang
kontakin ang emergency hotline ng bayan kahit na papalapit na ang wang-wang ng ambulansya sa
kaniyang kinatatayuan.

“Susmaryosep, bakit ngayon pa nangyari ito kung kailan wala ang kapitan?” Hindi maikalma
ni Domeng ang sarili at hindi na rin alam ang susunod na gagawin.

“Martha, ano ba ang nangyari sa anak mo? May nakaalitan ba siya? O baka adik din ang
anak mong ‘yan? Ang mga kabataan talaga, wala na ngang magawa, perwisyo pa sa bayan!” Wala
siyang natanggap na anumang tugon mula sa ale kundi tanging pag-iyak at hagulgol nito.

**********

“Hoy, Martha! Huwag mo akong tinatalikuran kapag kinakausap kita!”

“Naghahanda ako ng aalmusalin, saka baon ni Felix.”

“Bakit ganiyan ka makipag-usap sa akin, ha?! Hindi mo na ako nirerespeto? Mataas na ang tingin
mo sa sarili mo? Asawa lang kita! Ako ang padre de pamilya kaya ako ang masusunod sa bahay na
ito!”

Hindi pa rin binibitiwan ni Renato ang asawa kahit na lumalalim at humihigpit ang
pagkakahawak nito sa braso ng ale. Umiinda na ng sakit si Martha ngunit hindi pa rin siya
nagpapatinag. Naging hilig na ng lalaki na pagbuhatan ng kamay ang asawa lalo na kung nakainom
ito. Sa loob ng higit dalawampung taon nilang pagsasama, hindi kailanman nakitaan ni Martha ang
asawa na may pagsisisi.

Umagang-umaga ay nagsasalo sa mainit na hidwaan ang mag-asawa. Ang isang panig ay


nagwawalang tigre samantalang nananatiling kalmadong kuneho ang kabila kahit na nasasaktan at
binubulyawan na. Palagi silang ganito lalo na kung hindi nasusunod ang gusto ni Renato. Si Renato
ang batas sa kanilang bahay kahit na lagi siyang wala buong araw. Madaratnan na lamang siyang
kasama ang kaniyang mga kumpare na nag-iinuman sa tindahan ni Pasing. Minsan pa nga ay
dumarayo pa siya sa ibang bayan para lamang makipag-inuman. Wala na siyang ibang ginawa
kundi uminom, at umuuwi lagi nang lango sa alak, kaya minsan ay hinihiling na lamang ni Roselle,
panganay nila, na mamatay ang ama sa sakit sa atay nang hindi na mahirapan ang kaniyang ina.
Samantalang si Martha, nananatiling nakagapos sa asawa dahil sa paniniwalang isang kasalanan
ang sirain ang sagradong seremonyang isinagawa sa kanila na bahagi ng pagiging isa ng dalawa, at
sa pagbuo ng pamilya.

Hindi niya inaasahang magiging magaspang ang ugali ng asawa, at mataas ang tingin sa
sarili, hindi rin nito iniisip ang kapakanan ng kanilang mga anak na pinag-ugatan ng kanilang
pagtatalo ng umagang yaon. Nais kasi ni Renato na pahintuin sa pag-aaral si Felix upang
magtrabaho na lamang. Ayaw niya na maging katulad ni Felix ang nakatatandang kapatid nito na
dahil sa labis na oras na ginugugol sa pag-aaral at pagbabasa ng mga aklat, pagkatapos
makatungtong ng kolehiyo ay naging kasapi ng organisasyong may kaugnayan sa aktibismo.
2|P a h i n a
Nakikibaka si Roselle. Nakikibaka para sa reporma at pagbabago sa bayan at sistema ng
pamamalakad ng kanilang alkalde. Lagi siyang nakikita sa mga lansangan, may hawak na plakard
at sumisigaw para marinig ng taumbayan, at para marinig ng mga politikong uhaw sa
kapangyarihan.

Gumayak na si Felix. Suot ang unipormeng ipinamana ng kaniyang pinsan na nag-aral din
ng sekondarya sa Kalangitan National High School. Nang tumungo siya sa kusina, bumungad sa
kaniya ang kanina pang nagtatalong mga magulang. Ika-labimpitong kaarawan niya ngayon. Hindi
naman na niya inaasahang maaalala ng mga magulang ang espesyal niyang araw dahil ganoon na
rin naman sila noong mga nakaraang taon.

Alam na niya kung saan patungkol ang pinag-uusapan ng mga magulang, makailang beses
na rin kasi siyang sinabihan ng ama na huminto na sa pag-aaral ngunit hindi niya ito
pinakikinggan.

“Nay, may sasabihin po sana ako.” Nagtangka siyang sabihin ang problema niya sa paaralan
ngunit kusang umurong ang dila nang parang marinig ang mainit na bulong ng demonyo na
malapit sa kaniyang tainga. Nakaramdam siya ng kaba. Nanginginig ang katawan, at nagsimulang
balutin ng takot ang buo niyang sistema.

“Pasok na po ako.” Lumabas siya ng kanilang bahay nang nakayuko at sinasadya niyang
hindi pakinggan ang pasigaw na pagtawag sa kaniya ng ama. Sa isip ni Felix, walang karapatan ang
kaniyang ama na diktahan siya dahil kailanman ay hindi niya naramdaman ang pagiging ama ni
Renato. Ilang beses na rin niyang tinangkang sagutin ito ngunit pinipigilan lamang siya ng ina, para
hindi na rin tuluyang lumaki ang bitak ng mga pader sa kanilang tahanan – sa kanilang pamilya.

Tumungo na si Felix sa mga nakaparadang traysikel, at tumambad sa kaniya ang mga


drayber na nag-uusap-usap sa may ikatlong pila ng traysikel. Pinili niyang maghintay ng ilan pang
minuto nang sa gayon ay makatipid ng pamasahe kapag may kasabay pa siyang ibang pasahero.
Habang naghihintay, naulinigan niya ang ginawang panenermon ni Gener, presidente ng kanilang
toda, sa kaniyang mga kasamahan.
“Napanood naman ninyo siguro ‘yong nasa balita, pangalagaan ninyo ang reputasyon ng
ating toda.” Bungad na pahayag ng pinuno ng kanilang toda. “Sinimulan na muli ng administrasyon
ang Oplan-Tokhang, ayus-ayusin ninyo ang buhay ninyo kung ayaw ninyong maging katulad ni
Pareng Nilo, buti na lamang ay nadaplisan lang siya ng bala pero tiyak sa kulungan pa rin bagsak
niya.”
“Eh, boss, pinapatay naman yata nila mga adik. Diba against pa rin sa human rights ‘yon?”
“Tukmol ka talaga, hindi uso ang human rights dito sa atin. Walang sinasanto ‘yang mga
pulis. Kung ano ang iniutos sa kanila, matik gagawin nila.”
“Ah, may kapangyarihan kasi sila.”
“Mismo! Hindi lang sila tagapanatili ng kapayapaan, tagalinis din sila ng dumi ng mga diyos
nila.”
“Sandali, sinong tatawagin kung pulis ang nagkasala?”

3|P a h i n a
“Baka si Satanas?”
Pinutol na ni Gener ang usapan ng mga kasamahan. May dumating na ring isang pasahero
at nagkataon pang si Kristal iyon, ang kababata at kaklase ni Felix. Bago pa man paganahin si
Gener ang makina ng kaniyang traysikel para mahatid ang dalawang pasahero, pinaalalahanan
niya ang kapuwa mga traysikel drayber para sa kanilang kontribusyon para sa toda. Hindi matiyak
ng kaniyang mga kasamahan kung para saan ang nalilikom na pera dahil wala siyang binibigay na
malinaw na plano ngunit sumusunod at nagbabayad pa rin sila sa pangambang masuspinde sa
pamamasada lalo na’t dito na lamang sila kumikita na pambuhay sa pamilya.
“Felix, masama ba ang pakiramdam mo? Kanina ka pa hindi kumikibo ah. Parang
namumutla ka rin yata.”
Hindi tumugon si Felix sa dalaga. Nananatili pa rin siyang tulala at malalim ang iniisip. Ilang
beses na rin niyang binalak na kausapin ang kaibigan ukol sa madilim na karanasan sa kanilang
eskwela ngunit pinili niya pa ring manahimik dahil ayaw niyang madamay ang dalaga sa kaniyang
suliranin.
Habang tinatahak ng sinasakyan nilang traysikel ang kahabaan ng highway, lumalalim
naman ang pag-aalalang nararamdaman niya sa ubod ng kaniyang puso. Ilang linggo na rin kasi
nilang hindi makontak ang kaniyang ate na si Roselle, gayundin ang mga kaibigan ng dalaga na
kapuwa kasama sa grupo ng mga aktibista. Sinubukan na rin nilang magtanong-tanong ngunit iisa
lang ang kanilang tugon na natanggap.
“Diba aktibista na si Roselle? Sayang, ang talino pa naman kaso mukhang terorista na.”
Napansin ni Kristal ang pagkuyom ng mga kamay ng binata. Ang alam lamang niya ay dahil
iyon sa pagkawala ng kaniyang ate kaya sinubukan niyang pagaanin ang atmospera sa loob ng
traysikel na pabigat nang pabigat.
“Hindi pala ako hinatid ni papa ngayon kasi maaga siyang umalis, sasamahan daw ng grupo
nila si Alkalde Eusebio sa isang event. You know, for safety na rin at security.”
Tumango lamang si Felix sa narinig. Walang ano-ano’y bigla niyang naitanong sa dalaga
nang walang preno at hesitasyon kung tapat ba ang papa niyang pulis sa bayan o sa pamilya ni
Alkalde Eusebio. Nabigla ang dalaga sa pag-uusisa ni Felix.
“Walang criminal record si papa, saka malinis ang record niya sa loob ng istasyon.”
“Wala naman akong sinasabi kung may pangit na record si Tito Marcus.”
“Bakit kasi ganiyan ka magsalita? Parang iba ang pinaparating mo eh. Besides, ginagawa
lang naman ni papa ang trabaho niya bilang isang pulis.”
“Ahh, yeah, ginagawa nga ni tito ‘yong trabaho niya.”
Ang kaninang mabigat na atmospera sa pagitan nila ay lalo pang bumigat. Hindi na
nagkibuan ang dalawa kahit na nasa iisang traysikel lamang sila. Nanatili silang tahimik at
pinakikiramdaman ang isa’t isa hanggang makarating sa kanilang paaralan.
Habang binabagtas ni Felix ang hallway patungo sa kanilang klasrum, nakaramdam siya ng
pagsisisi sa kinilos at naging pananalita niya noong kausap si Kristal. May parte sa kaniya na
4|P a h i n a
inaaming mali siya pero nagkakamali rin naman ang matatanda. Lagi silang sinasabihan na
masyado pa silang bata para unawain ang mga kompleks na bagay. Bata pa ba ang labimpitong
taong gulang? Bata pa rin ba kapag nag-eeskwela pa? Kailan ba masasabing matanda na ang isang
bata? Kapag ba ginagawa na ang ginagawa ng matatanda? Siguro ay hindi niya rin napigilan ang
sarili lalo na’t marami na ang nangyayari sa kanilang bayan, dumagdag pa ang suliranin niya sa
loob ng kanilang tahanan, sa biglang pagkawala ng kaniyang ate, at sa paaralanng pinapasukan.
Sa edad niyang labimpito, nakita na niya ang katiwaliang nangyayari sa pamamahala ng
Pamilya Alcantara sa kanilang bayan. Lagi’t laging hindi nawawala ang kanilang apelyido sa mga
opisyales ng lokal na pamahalaan. Mabango ang pamilya ni Alkalde Eusebio, sa tulong din ng mga
abogado at ng pulisya napoprotektahan nila ang kanilang pangalan.
Ilang dekada na ring naghahari ang mga Alcantara sa kanilang bayan. Nakakamtam naman
ng mga anak at apo ang pribileheyong natatamasa nila. Noong minsan ay nakuwento sa kaniya ng
kaniyang ate ang tungkol sa isang magsasakang naging biktima ng pamilya ng alkalde na lumantad
sa grupo nina Roselle. Isiniwalat nito ang baho ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng isang tape
recorder na hanggang ngayon ay hawak nila.
Alam kong sinunog ng panganay na anak ng mayor na si Miguel ang tanim kong mga mais!
Lumaban ako noon kasi sobra-sobra na ang pambabastos niya sa anak kong dalaga. Ama ako,
poprotektahan ko ang anak ko kahit na anong mangyari pero hindi ko inasahang aabot sa ganito.
Kailangan pang sirain ang hanapbuhay ng pamilya namin. Oo, mahirap kami, pero sana huwag
naman tapakan ang karapatan namin! Sinubukan kong ilaban iyon sa korte pero parang wala akong
kakampi, lalo pa silang naging mabangis na tigre. Hindi ko alam bakit ganito sa ating bayan,
binabalewala ang maliliit na tao. Ngayon, masasabi kong para sa makakapangyarihan lang talaga
ang batas!
Inaamin ni Felix na isa si Rosebelle ang nakaiimpluwensiya sa kaniya para maging bukas
ang kamalayan sa mga nangyayari sa kanilang bayan. Noong una ay hindi niya pa nauunawaan ang
lahat ng binabanggit ng kaniyang ate tungkol sa droga, sa umiiral na dinastiyang politikal, ang
pagiging mabangis ng pulisya, at ang pagdami ng mga taong dumudulog sa kanila na biktima ng
pang-aabuso ng mga diyos. Natatakot siya sa maaaring mangyari sa kaniyang ate at sa mga
kasamahan nito lalo na’t mainit ang tingin sa kanila ng mga tao at ng alkalde. Natatakot din siya
para sa sarili dahil sa umaaligid na alagad ni Satanas. Nasa ganoon siyang estado ng pag-iisip nang
marinig ang mahaba’t matinis na ring ng alarm ng kanilang paaralan. Nagsisilabasan na ang
kaniyang mga kaklase. Hindi pa rin sila nagpapansinan ni Kristal dahil sa nangyari kaninang
umaga.
“Felix, bakit kanina ka pa walang kibo sa klase ko?” Ang bungad na tanong ng kaniyang
gurong si Mr. Guzman. “Baka may pinagsasabihan ka na tungkol sa sikreto nating dalawa, alam mo
naman kung ano ang mangyayari sa iyo kapag nalaman kong…”
“Wala, sir. Wala po akong sinabihan.” Garalgal na sagot ng binata. Naalala niya kaninang
umaga na muntikan na niyang makuwento sa mga magulang, at kay Kristal ang tungkol kay Mr.
Guzman nang tanungin siya ng dalaga kung ayos lang siya. Wala siyang napagsabihan tungkol sa
kaniyang dinadala. Tinanim na rin kasi ni Mr. Guzman sa isipan niya na ang matatanda ang laging
tama, at may kakayahang kumontrol ng kahit na sino lalo na kung nasa maayos na posisyon, at lalo
na kung may natatamasang kapangyarihan. Matagal na niya itong guro. Matagal na ring

5|P a h i n a
pinagsasamantalahan ang kaniyang pagkainosente. Magmula noong tumungtong siya ng
sekondarya ay naging guro na niya si Mr. Guzman. Kaya nananatili siyang tahimik ay dahil
natatakot siya sa maaaring higit na magawa ng guro sa kaniya.
“Nga pala, nabalitaan ko ang pagkawala ng ate mo. Naku, huwag kang tumulad sa kaniya na
kumakalaban sa pamahalaan.”
“Opo.”
“Ang hindi ko maintindihan sa mga kabataan ngayon, padalos-dalos kung kumilos. Walang
mangyayaring maganda sa pinaggagawa ninyo.”
Hindi na napigilan ni Felix ang sarili na sabihin ang mga pahayag na nagpainit lalo sa ulo ng guro,
“Hindi ko rin ho maintindihan na kung sino pa ang matanda ay sila pa ang paatras kung mag-isip.
May nangyayari po bang maganda sa ginagawa ninyo?”
Halos magkombulsyon sa galit si Mr. Guzman. Hindi niya akalaing sasagutin siya ni Felix. Ito
ang unang beses na narinig niyang sumagot ang estudyante ngunit nananatiling kalmado ang mga
mata nito.
“Ayaw kong magkasagutan pa tayo rito, Felix. Aalis na ako, sumunod ka na lamang sa office ko at
doon ituloy ang pag-uusap natin. Hihintayin kita.”
Pinagsusuntok na lamang ni Felix ang desk ng kaniyang upuan. Sumigaw nang malakas,
nagbabakasakaling mailalabas niya ang sakit na nararamdaman. Nagsimula na ring kumawala ang
maliliit na butil ng luha sa kaniyang mga mata. Nalulungkot siya dahil wala siyang magawa para sa
sarili. Hindi rin siya makahingi ng tulong sa mga taong pinagkakatiwalaan niya.
Alas siyete y medya na ng gabi. Buti at may naabutan pa siyang dyipni sa paradahan para
masakyan niya pauwi. Kung ano ang itsura niya noong pumasok kaninang umaga ay ganoon din
ang itsura niya ngayong pauwi. Malalim pa rin ang iniisip. Para sa kaniya, masyadong marami ang
naganap sa araw na iyon, at nakatitiyak din siya na pagkauwi niya ay sasalubong naman ang
nakaiiritang pagbubulyaw ng kaniyang ama.
Bumaba na siya sa may kanto sa tabi ng bakery. Malapit na ito sa kanilang bahay kaya
nilakad na lamang niya ang Kalye Chrysanthemum. Bagsak ang kaniyang mga balikat. Naglalakad
siya na parang ikinakaskas ang itim na sapatos sa kalsada kahit napupudpod na ang swelas nito.
Tahimik na ang ilang kalsada. Bihira na lang din ang makikitang mga taong naglalakad, ang iba ay
papasok pa lamang sa kanilang trabaho, at iba ay papauwi sa kani-kanilang bahay upang
makapagpahinga – upang ipahinga ang nakapapagod na araw.
Bilog na bilog ang buwan. Nagdurugo ang pisngi nito habang nagtatago sa mga ulap.
Tiningala ito ni Felix, at pinagmasdan. Ngayon lamang siya namangha sa gandang dala ng buwan.
Pitong bahay pa ang daraanan niya bago marating ang kanilang bahay. Muli niyang tiningala
ang bilog na bilog na buwan saka nagpakawala ng malalim na buntong-hininga. Sa huling
pagkakataon, pinagmasdan niya ang Kalye Chrysanthemum at tila humahalimuyak sa buong
paligid ang amoy ng pangalan ng kanilang kalye na hango sa isang uri ng bulaklak.
Hanggang sa nakarinig siya ng sunod-sunod at nakabibinging putok ng baril. Dumaan din sa
tainga niya ang kumaripas na tunog ng motorsiklo.
6|P a h i n a
Bumagsak ang katawan ni Felix sa sementadong daan. Noong una’y nanunuot pa ang sakit
ngunit pagkatapos ng sampung segundo ay namanhid na lamang ang buo niyang katawan. Bago
tuluyang ipikit ang mga mata, narinig pa niyang papalapit ang umaalingawngaw at malakas na
palahaw ng inang si Martha.

7|P a h i n a

You might also like